M’Cheyne Bible Reading Plan
2 Natapos likhain ng Dios ang kalangitan, ang mundo at ang lahat ng naroon. 2 Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. 3 Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat. 4 Ito ang salaysay tungkol sa paglikha ng Dios sa kalangitan at sa mundo.
Si Adan at si Eva
Nang likhain ng Panginoong Dios ang mundo at ang kalangitan, 5 wala pang tanim sa mundo at wala pang binhi ng anumang halaman ang nabubuhay, dahil hindi pa siya nagpapaulan at wala pang tao na mag-aalaga ng lupa. 6 Pero kahit wala pang ulan, ang mga bukal sa mundo ang siyang bumabasa sa lupa.
7 Nilikha ng Panginoong Dios ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang.
8 Pagkatapos, nilikha rin ng Panginoong Dios ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya. 9 At pinatubo ng Panginoong Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.
10 Sa Eden ay may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog. 11 Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto. 12 Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling bato na onix. 13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cush. 14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 Pinatira ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito. 16 At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, 17 maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”
18 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” 19 Nilikha ng Panginoong Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20 Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan,[a] wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21 Kaya pinatulog ng Panginoong Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. 22 Ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.
23 Sinabi ng lalaki,
“Narito na ang isang tulad ko!
Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”[b]
24 Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.
25 Nang panahong iyon, kahit huboʼt hubad silang dalawa, hindi sila nahihiya.
Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan
2 Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[a] galing sa silangan. 2 Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”
3 Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. 4 Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. 5 Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[b]
7 Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. 8 Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.
12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.
Ang Pagtakas Patungo sa Egipto
13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”
14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.
Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[c]
Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki
16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.
17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,
18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
at ayaw niyang magpaaliw
dahil patay na ang mga ito.”[d]
Ang Pagbabalik Mula sa Egipto
19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.
22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.
Ang Talaan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(A)
2 Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. 2 Ang mga namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Seraya, Reelaya, Mordecai, Bilshan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.
Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:
3-20 Mga angkan nina
Paros | 2,172 |
Shefatia | 372 |
Ara | 775 |
Pahat Moab (mula sa mga pamilya nina Jeshua at Joab) | 2,812 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 945 |
Zacai | 760 |
Bani | 642 |
Bebai | 623 |
Azgad | 1,222 |
Adonikam | 666 |
Bigvai | 2,056 |
Adin | 454 |
Ater (na tinatawag ding Hezekia)[a] | 98 |
Bezai | 323 |
Jora | 112 |
Hashum | 223 |
Gibar | 95 |
21-35 Ito ang bilang ng mga tao na nakabalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:
Betlehem | 123 |
Netofa | 56 |
Anatot | 128 |
Azmavet | 42 |
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmash | 122 |
Betel at Ai | 223 |
Nebo | 52 |
Magbis | 156 |
ang isa pang Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Lod, Hadid, at Ono | 725 |
Jerico | 345 |
Senaa | 3,630 |
36-39 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina
Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua) | 973 |
Imer | 1,052 |
Pashur | 1,247 |
Harim | 1,017 |
40-42 Ito ang mga angkan ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia) | 74 |
Mga mang-aawit sa templo na mula sa angkan ni Asaf | 128 |
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mula sa angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai | 139 |
43-54 Ito naman ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag:
Mga angkan nina Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Siaha, Padon, Lebana, Hagaba, Akub, Hagab, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Asna, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.
55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon:
Ang mga angkan nina Sotai, Hasoferet, Peruda, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ami.
58 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay 392.
59-60 May 652 din na bumalik sa Juda mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda, pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita.
61 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 62 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng mga ninuno nila, hindi sila tinanggap na mga pari. 63 Pinagbawalan sila ng gobernador ng Juda na kumain ng mga pagkaing inihandog sa Dios habang walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa pagkapari nila sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[b]
64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360, maliban sa 7,337 na mga alipin nila, at 200 lalaki at babaeng mang-aawit. May dala silang 736 na mga kabayo, 245 mola,[c] 435 kamelyo, at 6,720 asno. 68 Pagdating nila sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay ng kusang-loob na tulong sa muling pagpapatayo ng templo sa dati nitong pinagtayuan. 69 Nagbigay sila ayon sa makakaya nila para sa gawaing ito. At ang kabuuang natipon nila ay mga 500 kilong ginto, mga 3,000 kilong pilak, at 100 pirasong kasuotan para sa mga pari. 70 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa kani-kanilang bayan, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga mang-aawit, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang mga utusan sa templo.
Ang Pagdating ng Banal na Espiritu
2 Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes,[a] nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. 2 Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. 3 Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. 4 Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon.
5 Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. 6 Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. 7 Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? 8 Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? 9 Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia. 10 Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma, 11 mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!”
12 Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?” 13 Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”
Nangaral si Pedro
14 Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. 15 Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. 16 Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon:
17 ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao.
Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita;
ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain;
at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita.
19 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
21 Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”[b]
22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. 23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. 25 Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,
‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.
At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27 Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.[c]
Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,
at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’[d]
29 “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. 30 Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian. 31 At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan. 32 Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay. 33 Itinaas siya sa kanan ng Dios.[e] At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon. 34-35 Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya,
‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon[f]:
Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’
36 Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”
37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo,[g] at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. 39 Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”
40 Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.” 41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya. 42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.
Ang Pamumuhay ng mga Mananampalataya
43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. 44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, 47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®