Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 34

Ang Paghahari ni Josia sa Juda(A)

34 Si Josia ay walong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 31 taon. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At hindi siya tumigil sa paggawa ng tama.

Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David. At noong 12 taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar,[a] ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ng mga dios-diosan at mga imahen. Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, ang mga dios-diosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito. Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari na dayuhan sa mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem. Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manase, Efraim, Simeon, at hanggang sa Naftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito. Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ipinadurog ang mga dios-diosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem.

Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan(B)

Sa ika-18 taon ng paghahari ni Josia, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang templo, nagpasya siyang ipaayos ang templo ng Panginoon na kanyang Dios. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia, sa gobernador ng Juda na si Maaseya, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz. Silaʼy pumunta kay Hilkia na punong pari para ibigay ang pera na dinala ng mga tao sa templo ng Dios. Ang pera ay kinolekta ng mga Levita na nagbabantay sa pintuan ng templo mula sa mga mamamayan ng Manase, Efraim, at sa natitirang mga mamamayan ng Israel, at sa mga mamamayan ng Juda at Benjamin, pati na sa Jerusalem. 10 Pagkatapos, ibinigay ang pera sa mga tao na pinagkatiwalaang mamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon, at ginamit nila ito sa pag-upa ng mga manggagawa. 11 Ang ibang pera ay ibinigay nila sa mga manggagawa para ibili ng mga batong tabas na at ng mga kahoy para sa biga ng templo na pinabayaang magiba ng mga hari ng Juda.

12-13 Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng apat na Levita na sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Meshulam, na mula sa angkan ni Kohat. Nasa ilalim ng kanilang pamamahala ang mga manggagawa na may ibaʼt ibang trabaho. Mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento ang mga Levita, at ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng mga pintuan ng templo.

Nakita ang Aklat ng Kautusan

14 Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa templo ng Panginoon, nakita ni Hilkia na pari ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. 15 Ibinalita niya kay Shafan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Shafan, 16 at dinala ito ni Shafan sa hari. Sinabi niya agad sa hari, “Kaming mga opisyal ay ginawa ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin. 17 Kinuha namin ang pera sa templo ng Panginoon at ibinigay sa mga pinagkatiwalaan sa pag-aayos ng templo.” 18 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay sa aking aklat si Hilkia na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.

19 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis. 20 Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya, 21 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”

22 Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo.

23-24 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan. 25 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[b] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’[c]

26 “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 27 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing 28 habang buhay ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.

Nangakong Tutuparin ni Josia ang Utos ng Dios(C)

29 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 30 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga Levita. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ng Dios, na nakita sa templo ng Panginoon. 31 Pagkatapos, tumayo si Josia sa tabi ng haligi na madalas tayuan ng hari. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susundin niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Nangako siyang tutuparin niya ang mga ipinapatupad ng kasunduan ng Dios na nakasulat sa aklat. 32 At sinabi rin niya sa mga mamamayan ng Jerusalem at Benjamin na mangako sila na tutuparin nila ang kasunduan ng Dios. Kaya sinunod nila ang kautusan ng Dios, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

33 Pagkatapos, ipinaalis ni Josia ang lahat ng kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong lupain ng Israel, at pinaglingkod ang mga tao sa Panginoon na kanilang Dios. Habang buhay siya, sinunod nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

Pahayag 20

Ang 1,000 Taon

20 Pagkatapos nito, may nakita akong anghel na bumababa mula sa langit. May hawak siyang susi ng kailaliman, at may malaki siyang kadena. Dinakip niya ang dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas – at saka iginapos ng kadena sa loob ng 1,000 taon. Inihulog siya ng anghel sa kailaliman, saka isinara at sinusian, at tinatakan pa ang pintuan nito upang walang mangahas na magbukas. Ikinulong siya upang hindi makapandaya ng mga tao sa ibaʼt ibang bansa sa loob ng 1,000 taon. Pero pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan siya sa loob ng maikling panahon.

Pagkatapos, may nakita akong mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga taong pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus at dahil sa pagpapahayag nila ng salita ng Dios. Ang mga ito ay hindi sumamba sa halimaw o sa imahen nito, at hindi tumanggap ng tatak nito sa noo o kanang kamay nila. Binuhay sila at binigyan ng karapatang maghari na kasama ni Cristo sa loob ng 1,000 taon. Ito ang unang pagkabuhay ng mga patay. (Ang ibang mga patay ay saka lang bubuhayin pagkatapos ng 1,000 taon.) Mapalad at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan. Magiging mga pari sila ng Dios at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng 1,000 taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma sa mga mananampalataya. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang bilangin. Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Pero pauulanan sila ng Dios ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat. 10 At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.

Ang Huling Paghatol

11 Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita. 12 At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon. 13 Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila. 14-15 At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang Hades.[a] Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.

Malakias 2

Ang Parusa sa mga Paring Suwail

1-2 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Ito ang aking babala sa inyo: Kung hindi ninyo pakikinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pahahalagahan ang pagpaparangal sa akin, susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari.[a] Sa katunayan, ginawa ko na iyan dahil hindi ninyo pinahahalagahan ang pagpaparangal sa akin.

“Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi. Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi. Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay[b] at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa. Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.

“Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo. Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi. Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”

Hindi Naging Tapat ang mga Israelita

10 Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama?[c] At iisang Dios ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, binabalewala natin ang kasunduan ng Dios sa ating mga ninuno.

11 Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo[d] na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga dios. 12 Huwag na sanang ituring na kabilang sa mga mamamayan ng Israel ang mga taong gumagawa nito, pati na ang mga anak nila at mga apo,[e] kahit na maghandog pa sila sa Panginoong Makapangyarihan.

13 Ito pa ang inyong ginagawa: Iyak kayo nang iyak sa altar ng Panginoon dahil hindi na niya pinapansin ang inyong mga handog at hindi na siya nalulugod sa mga iyon. 14 Itinatanong ninyo kung bakit? Sapagkat saksi ang Panginoon na nagtaksil kayo sa asawa na inyong pinakasalan noong inyong kabataan. Sinira ninyo ang inyong kasunduan na magiging tapat kayo sa isaʼt isa. 15 Hindi baʼt pinag-isa kayo ng Dios sa katawan at sa espiritu para maging kanya?[f] At bakit niya kayo pinag-isa? Sapagkat gusto niyang magkaroon kayo ng mga anak na makadios. Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa babaeng pinakasalan ninyo noong inyong kabataan. 16 Sapagkat sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Ayaw kong maghiwalay ang mag-asawa. Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, itoʼy pagmamalupit sa asawang babae.”

Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa inyong asawa.

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

17 Sawang-sawa na ang Panginoon sa inyong mga sinasabi. Pero itinatanong pa ninyo, “Ano ang ikinasasawa niya sa amin?” Sinasabi ninyo na mabuti sa paningin ng Dios ang lahat ng gumagawa ng masama at natutuwa siya sa kanila. Pakutya ninyong sinasabi, “Nasaan na ang Dios ng katarungan?”

Juan 19

19 Kaya ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at ipinutong kay Jesus, at sinuotan nila siya ng kulay ubeng kapa. At isa-isa silang lumapit sa kanya at nagsabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” at pinagsasampal siya. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga tao, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!” Nang lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!” Nang makita si Jesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardya, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Pero sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.” Pero nagpumilit ang mga Judio, “May Kautusan kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Dios.”

Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot. Kaya muli niyang dinala si Jesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Pero hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” 11 Sumagot si Jesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Dios ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.” 12 Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Jesus. Pero nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay kaaway ng Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Jesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay “Batong Plataporma”, (na sa wikang Hebreo ay “Gabbata”).

14 Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang hari nʼyo!” 15 Pero nagsigawan ang mga Judio, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang hari nʼyo?” Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!” 16 Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Jesus upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(A)

Dinala si Jesus ng mga sundalo 17 palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Jesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na “Lugar ng Bungo” (na sa wikang Hebreo ay Golgota). 18 Doon nila ipinako sa krus si Jesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Jesus. 19 Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Jesus. 21 Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘Hari ng mga Judio’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Judio.’ ” 22 Pero sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”

23 Nang maipako na ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kanyang damit at hinati-hati sa apat, tig-isang bahagi ang bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit-panloob niya; hinabi ito nang buo at walang tahi o dugtong. 24 Sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan,

    “Pinaghati-hatian nila ang aking damit,
    at nagpalabunutan sila para sa aking damit-panloob.”[a]

At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.

25 Nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala.[b] 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” 27 At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito.

Ang Pagkamatay ni Jesus(B)

28 Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.” 29 May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Sinibat ang Tagiliran ni Jesus

31 Bisperas na noon ng pista, at kinabukasan ay espesyal na Araw ng Pamamahinga. Dahil ayaw ng mga Judio na maiwan sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga, hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako upang madali silang mamatay, at nang maalis agad ang mga bangkay. 32 Kaya ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng dalawang kasama ni Jesus na ipinako. 33 Pero pagdating nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya, kaya hindi na nila binali ang mga binti niya. 34 Sa halip, sinaksak ng sibat ng isa sa kanila ang tagiliran ni Jesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig. 35 Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo.[c] 36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan: “Walang mababali ni isa man sa kanyang mga buto.”[d] 37 Sinasabi rin sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang taong sinaksak nila.”[e]

Ang Paglilibing kay Jesus(C)

38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. 39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. 42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®