M’Cheyne Bible Reading Plan
Aleluya!
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito, narinig ko ang malakas na tinig ng napakaraming bilang ng tao sa langit. Sinabi nila:
Aleluya! At kaligtasan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan ay sa ating Panginoong Diyos.
2 Sapagkat ang kaniyang mga kahatulan ay totoo at matuwid. Hinatulan niya ang dakilang patutot na sumira sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid. Ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin na ibinuhos ng kamay ng dakilang patutot. 3 Sila ay muling sumigaw: Aleluya! Ang kaniyang usok ay pumailanglang magpakailan pa man.
4 Ang dalawampu’t apat na mga matanda at ang apat na buhay na nilalang ay nagpatirapa at sinamba ang Diyos na nakaupo sa trono. Sinabi nila:
Siya nawa! Aleluya!
5 Isang tinig ang lumabas mula sa trono na sinasabi:
Kayo na kaniyang mga alipin, purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos. Kayong mga dakila at hindi mga dakilang tao na natatakot sa kaniya, purihin ninyo siya.
6 At aking narinig ang isang tunog na katulad ng tinig ng isang napakaraming bilang ng tao, katulad ng tunog ng maraming tubig at katulad ng tunog ng malalakas na kulog. Sinabi nito:
Aleluya! Ito ay sapagkat ang Panginoon na Makapangyarihan ay naghari na.
7 Tayo ay labis na magsaya at magalak at tayo ay magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero. At ang kaniyang kasintahang babae ay nakahanda sa kaniyang sarili. 8 At binigyan siya ng karapatan ng Diyos upang magsuot ng kayong lino na dalisay at makintab.
Ang telang ito ay kumakatawan sa matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito. Pinagpala silang mga tinawag ng Diyos sa hapunang para sa kasal ng Kordero. At sinabi niya sa akin: Ang mga ito ay totoong mga salita ng Diyos.
10 At ako ay nagpatirapa sa harapan ng kaniyang mg paa upang sambahin siya. At sinabi niya: Huwag mong gawin iyan. Ako ay kapwa mo alipin at kapatid mong lalaki na taglay ang patotoo ni Jesus. Sambahin mo ang Diyos sapagkat ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang espiritu ng paghahayag.
Ang Nakasakay sa Kabayong Puti
11 Nang bumukas ang langit, narito, nakita ko ang isang puting kabayo. At ang nakaupo roon, ay tinawag na Tapat at Totoo. Siya ay humahatol at nakikipagdigma ng matuwid.
12 Ang kaniyang mga mata ay katulad ng alab ng apoy. Sa kaniyang ulo ay nakasuot ang maraming koronang panghari at nakasulat ang kaniyang pangalan na walang sinumang nakakaalam maliban sa kaniyang sarili. 13 Siya ay nakasuot ng isang kasuotang itinubog sa dugo. Ang kaniyang pangalan ay Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo sa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga puting kabayo. Sila ay nakasuot ng kayong lino na maputi at malinis. 15 At isang matalim na tabak ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Sinugatan niya ang mga bansa sa pamamagitan nito. Siya ay magpapastol sa kanila sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Niyuyurakan niya ang pisaang ubas ng kabagsikan ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 At sa kaniyang kasuotan at sa kaniyang hita ay naroon ang kaniyang pangalan na isinulat ng Diyos: HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.
17 At aking nakita ang isang anghel na nakatayo sa araw. Siya ay sumigaw ng isang malakas na tinig. Siya ay nagsalita sa lahat ng mga ibon na lumilipad sa gitna ng langit at sinabi niya: Lumapit kayo at magtipun-tipon sa hapunan ng dakilang Diyos. 18 Ito ay upang kainin ang laman ng mga hari at laman ng mga pinunong-kapitan at laman ng mga malalakas na tao, ang laman ng mga kabayo, laman ng mga nakaupo rito, laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin o mga hindi dakila at mga dakila.
19 At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at kanilang mga hukbo. Sama-sama silang nagtipon upang makipagdigma laban sa kaniya na nakaupo sa kabayo na kasama ang kaniyang hukbo. 20 At nahuli niya ang mabangis na hayop na kasama ang bulaang propeta na siyang gumawa ng mga tanda sa harap niya. Sa pamamagitan nito, nailigaw niya yaong mga tumanggap ng tatak ng mabangis na hayop at yaong mga sumasamba sa kaniyang pangalan. Inihagis niyang buhay ang dalawa sa lawa ng apoy na nagniningas sa asupre. 21 At ang natira ay pinatay ng nakaupo sa kabayo sa pamamagitan ng kaniyang tabak na lumabas mula sa kaniyang bibig. Ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.
Dinakip Nila si Jesus
18 Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa kabila ng batis ng Kedron na kung saan ay may isang halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.
2 Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon. 3 At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyales mula sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.
4 Kaya nga, si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya, ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang hinahanap ninyo?
5 Sumagot sila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako nga iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila.
6 Kaya nga, nang sabihin niya sa kanila: Ako nga iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.
7 Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?
Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.
8 Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo: Ako nga iyon. Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga ito. 9 Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan ni isa man.
10 Si Simon Pedro nga ay may tabak at binunot niya ito. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.
11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak. Hindi ba iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama?
Dinala Nila si Jesus kay Anas
12 Hinuli nga si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng opisyales ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos.
13 Dinala muna nila siya kay Anas sapagkat siya ang biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong-saserdote ng taon ding iyon. 14 Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na makakabuting may isang mamatay para sa mga tao.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus sa Unang Pagkakataon
15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote.
16 Si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pinakapunong-saserdote ay lumabas. Kinausap niya ang babaeng nagbabantay sa may pintuan at pinapasok si Pedro.
17 Ang utusang babae na nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay Pedro: Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?
Sinabi niya: Hindi.
18 Ang mga alipin at mga tanod ng templo ay nakatayo roon. Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama nila at nagpapainit ng kaniyang sarili.
Tinanong si Jesus ng Pinakapunong-saserdote
19 Ang pinakapunong-saserdote ay nagtanong kay Jesus patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.
20 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabing anuman sa lihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Tingnan mo, alam nila ang sinabi ko.
22 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa opisyales ng templo na nakatayo sa tabi, ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sumasagot ka ba nang ganyan sa pinakapunong-saserdote?
23 Sumagot sa kaniya si Jesus: Kung ako ay nagsalita ng masama, magbigay saksi ka patungkol sa masama. Kung mabuti ang aking sinasabi, bakit mo ako hinampas? 24 Si Jesus ay nakagapos na ipinadala ni Anas kay Caifas na pinakapunong-saserdote.
Si Jesus ay Ipinagkaila ni Pedro sa Ikalawa at Ikatlong Pagkakataon
25 Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit ng kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya: Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad?
Siya ay nagkaila at sinabi: Hindi.
26 Ang isa sa mga alipin ng pinakapunong-saserdote ay kamag-anak ng tinanggalan ni Pedro ng tainga. Siya ay nagsabi: Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan? 27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad ay tumilaok ang isang tandang.
Si Jesus sa Harap ni Pilato
28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa hukuman. Maaga pa noon. At sila ay hindi pumasok sa hukuman upang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Paglagpas.
29 Kaya nga, lumabas si Pilato at sinabi sa kanila: Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?
30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya gumagawa ng masama, hindi namin siya ibibigay sa iyo.
31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong kautusan.
Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang pumatay ng sinumang tao.
32 Ito ay nangyari upang matupad ang sinabi ni Jesus. Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpapahayag ng uri nang kamatayan na kaniyang ikamamatay.
33 Pumasok ngang muli si Pilato sa hukuman at tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
34 Sumagot sa kaniya si Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?
35 Sumagot si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Ibinigay ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga pinunong-saserdote. Ano ba ang nagawa mo?
36 Sumagot si Jesus: Ang aking paghahari ay hindi sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay sa sanlibutang ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit sa ngayon ang aking paghahari ay hindi mula rito.
37 Kaya nga, sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?
Sumagot si Jesus: Tama ang iyong sinabi sapagkat ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak. At sa kadahilanang ito ako ay naparito sa sanlibutan: Upang magpatotoo ako sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.
38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi niya nito ay muli siyang pumunta sa mga Judio. Sinabi niya sa kanila: Wala akong makitang kasalanan sa kaniya. 39 Ngunit kayo ay may isang kaugalian na palayain ko sa inyo ang isa sa araw ng Paglagpas. Ibig nga ba ninyo na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?
40 Lahat nga sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong ito kundi si Barabas. Subalit si Barabas ay isang tulisan.
Copyright © 1998 by Bibles International