M’Cheyne Bible Reading Plan
Bumagsak ang Babilonya
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na may malaking kapamahalaan. Ang kaniyang kaluwalhatian ay nagliwanag sa lupa.
2 Siya ay sumigaw sa isang napakalakas na tinig at sinabi niya:
Bumagsak na! Ang dakilang Babilonya ay bumagsak na! Ito ay naging isang dakong tirahan ng mga demonyo. Ito ay naging isang bilangguan ng bawat karumal-dumal na espiritu at bawat karumal-dumal na ibon na kinapopootan ng mga tao.
3 Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bansa ay uminom ng alak ng poot ng kaniyang pakikiapid. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya. Ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman sa kahalayan ng kaniyang kayamanan.
4 Pagkatapos, nakarinig ako ng isa pang tinig mula sa langit na sinasabi:
Mga tao ko, lumayo kayo sa kaniya upang hindi kayo madamay sa kaniyang mga kasalanan, at upang hindi ninyo tanggapin ang kaniyang mga salot.
5 Ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatong-patong hanggang langit at naalala ng Diyos ang kaniyang masasamang gawa. 6 Ibigay ninyo sa kaniya ang anumang naibigay niya sa inyo. At bayaran ninyo siya ng makalawang ulit ayon sa kaniyang mga gawa. Ang saro na kaniyang hinalo ay haluin mo ng makalawang ulit para sa kaniya. 7 Sa halagang ipinangluwalhati niya sa kaniyang sarili at namuhay sa napakalaking kayamanan, sa gayunding halaga ay bigyan ninyo siya ng paghihirap at pananangis. Sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso: Ako ay umuupo bilang isang reyna at hindi bilang isang balo. At kailanman ay hindi ako makakakita ng pananangis. 8 Kaya nga, sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating sa kaniya. Ang mga ito ay kamatayan, kalumbayan at kagutuman. Siya ay susunugin nila sa apoy sapagkat ang Panginoong Diyos ang hahatol sa kaniya.
9 At kapag makita nila ang usok na pumapailanglang mula sa pinagsusunugan sa kaniya, ang mga hari sa lupa ay tatangis at mananaghoy na para sa kaniya, sila yaong mga nakiapid sa kaniya at namuhay sa napakalaking kayamanan. 10 Dahil natakot sila sa pahirap sa kaniya, sila ay tatayo sa malayo. Sasabihin nila:
Aba! Aba! Ang dakilang lungsod! Ang Babilonya, ang malakas na lungsod! Sapagkat sa loob ng isang oras ang iyong kahatulan ay dumating.
11 At ang mga mangangalakal sa lupa ay tatangis at magluluksa para sa kaniya. Sila ay tatangis sapagkat wala nang bibili ng kanilang mga kalakal. 12 Ang kanilang mga kalakal ay ginto, pilak, mamahaling mga bato at mga perlas. Kabilang dito ay mga kayong linong tela, kulay ubeng tela, sutlang tela, pulang tela at mabangong kahoy. Kabilang din ay mga bagay na ginawa mula sa garing at lahat ng uri ng bagay na ginawa mula sa napakamamahaling kahoy. Kabilang pa rin ay mga bagay na ginawa mula sa tanso, bakal at marmol. 13 Ang kanilang mga kalakal ay kanela, insenso, pamahid, kamangyan, alak, langis at pinong harina, trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo, mga karuwahe, mga katawan at mga kaluluwa ng mga tao.
14 At sasabihin nila: Ang hinog na mga bunga na masidhing ninanasa ng iyong kaluluwa ay nawala sa iyo. Lahat ng matatabang bagay at ang mga maniningning na bagay ay nawala sa iyo. At kailanman ay hindi mo na makikita ang mga ito. 15 Sapagkat natatakot sila sa pahirap sa kaniya, ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito ay tatayo sa malayo. Sila yaong mga yumaman dahil sa kaniya. Sila ay tatangis at magluluksa. 16 At sasabihin nila:
Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na naramtan ng kayong telang lino, ubeng tela at pulang tela. Ginayakan niya ang kaniyang sarili ng ginto, mamahaling mga bato at mga perlas.
17 Ito ay sapagkat sa loob ng isang oras ang gayon kalaking kayamanan ay mauuwi sa wala.
Ang lahat ng kapitan at lahat ng may mga tungkulin sa mga barko, at ang mga magdaragat at lahat ng mga mangangalakal sa dagat ay nakatayo sa malayo.
18 Nang makita nila ang usok mula sa pagkakasunog sa kaniya, sinabi nila: Anong lungsod ang kasingdakila ng lungsod na ito? 19 At sila ay nagbuhos ng alikabok sa kanilang mga ulo. Sila ay tumatangis at nananaghoy at sumisigaw na sinasabi:
Aba! Aba! Ito ang dakilang lungsod na nagpayaman sa atin. Tayo na may mga barko sa dagat ay yumaman dahil sa kaniyang kayamanan. Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak.
20 O magalak ka langit dahil sa kaniya! At kayong mga banal at mga apostol at mga propeta ay magalak. Siya ay hinatulan ng Diyos para sa inyong kapakanan.
21 Pagkatapos, isang malakas na anghel ang kumuha ng isang bato na katulad ng isang malaking gilingang bato. At inihagis niya ito sa dagat. Sinabi niya:
Sa ganitong kabagsik na paraan, ihahagis ng Diyos ang dakilang lungsod ng Babilonya. At kailanman ay hindi na ito muling makikita.
22 Wala nang sinumang makakarinig mula sa iyo ng tugtog ng mga manunugtog ng kudyapi, o mga musikero, o mga taga-ihip ng plawta o taga-ihip ng trumpeta. Wala nang manggagawa ang gagawa ng anumang pangangalakal sa iyo. Wala nang maririnig sa iyo na ingay ng gilingang bato. 23 At ang liwanag ng isang ilawan ay hindi na magliliwanag sa iyo. Wala nang sinumang makakarinig sa iyo ng tinig ng lalaking ikakasal o tinig ng babaeng ikakasal. Ang iyong mga mangangalakal ay naging mga dakilang tao sa lupa. Iniligaw mo ang mga tao sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng iyong panggagaway. 24 Sa kaniya ay natagpuan ng mga tao ang dugo ng mga propeta at mga banal. Natagpuan nila sa kaniya ang dugo ng lahat ng mga taong pinatay sa lupa.
Nanalangin si Jesus Kara sa Kaniyang Sarili
17 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito at tumingin siya sa langit at nagsabi:
Ama ang oras ay dumating na. Luwalhatiin mo ang iyong Anak at nang luwalhatiin ka rin naman ng Anak.
2 Kung paanong binigyan mo siya ng kapamahalaan sa lahat ng tao, sa gayunding paraan siya ay magbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa kaniya. 3 Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala ka nila, ang tanging Diyos na totoo at si Jesucristo na iyong sinugo. 4 Niluwalhati kita sa lupa.Ginanap ko ang gawaing ibinigay mo sa akin upang aking gawin. 5 Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng kaluwalhatiang taglay ko nang kasama ka bago pa likhain ang sanlibutan.
Ipinanalangin ni Jesus ang mga Alagad
6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sangkatauhan. Sila ay iyo at ibinigay mo sila sa akin. Tinupad nila ang iyong salita.
7 Ngayon ay alam nila na lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo. 8 Ito ay sapagkat ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin. Tinanggap nila ang mga ito. Totoong alam nila na ako ay nagmula sa iyo. Sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 9 Ipinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang sangkatauhan kundi sila na ibinigay mo sa akin sapagkat sila ay iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay iyo at ang mga sa iyo ay akin. Ako ay naluluwalhati sa kanila. 11 Ngayon ay wala na ako sa sanlibutan ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Ako ay patungo sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Ingatan mo sila upang sila ay maging isa, kung papaanong tayo ay isa. 12 Nang ako ay kasama nila sa sanlibutan ay iningatan ko sila sa iyongpangalan. Ang mga ibinigay mo sa akin ay iningatan ko. Walang sinuman sa kanila ang napahamak maliban sa kaniya na anak ng kapahamakan upang ang kasulatan ay matupad.
13 Pupunta ako sa iyo ngayon. Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay malubos sa kanila. 14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita. Sila ay kinapootan ng sangkatauhan dahil silaay hindi taga-sanlibutan, tulad ko rin na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo sila sa sanlibutan kundi ingatan mo sila mula sa kaniya na masama. 16 Sila ay hindi taga-sanlibutan tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng iyong katotohanan. Ang iyong salita ay katotohanan. 18 Kung papaanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman sinugo ko sila sa sanlibutan. 19 Para sa kanilang kapakanan pinabanal ko ang aking sarili upang sila ay maging banal din naman sa pamamagitan ng katotohanan.
Ipinanalangin ni Jesus ang Lahat ng Mananampalataya
20 Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin. Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng salita nila.
21 Idinadalangin ko na sila ay maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at ako ay sumasa iyo. Idinadalangin ko na silang lahat ay maging isa sa atin, upang ang sangkatauhan ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila ay maging isa tulad natin na isa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging ganap na isa at upang malaman ng sangkatauhan na isinugo mo ako. At malaman din nila na iniibig mo sila tulad ng pag-ibig mo sa akin.
24 Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan nila ang aking kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin. Sapagkat iniibig mo na ako bago pa itinatag ang sanlibutan.
25 Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sangkatauhan. Ngunit nakikilala kita at alam ng mga ito na ako ay sinugo mo. 26 Inihayag ko sa kanila ang iyong pangalan at ihahayag pa, upang ang pag-ibig mo, na kung saan ay inibig mo ako, ay mapasakanila at ako ay sumakanila.
Copyright © 1998 by Bibles International