M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Babaing Nakupo sa Mabangis na Hayop
17 Ang isa sa mga pitong anghel na may taglay ng pitong mga mangkok ay lumabas at nagsalita sa akin na sinasabi: Halika rito. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na umuupo sa ibabaw ng maraming tubig.
2 Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing ng alak ng kaniyang pakikiapid.
3 At dinala niya ako sa ilang sa Espiritu. Nakita ko ang isang babaeng umuupo sa ibabaw ng isang pulang mabangis na hayop. Ito ay puno ng mga pangalan ng pamumusong, at may pitong ulo at sampung sungay. 4 Ang babae ay nakasuot ng ube at pulang mga damit. Siya ay nagayakan ng ginto at mamahaling mga bato at perlas. Siya ay may isang sarong ginto sa kaniyang kamay. Ito ay puno ng mga bagay na karumal-dumal at karumihan ng kaniyang pakikiapid. 5 Sa kaniyang noo ay may nakasulat na isang pangalan: HIWAGA ANG DAKILANG BABILONYA. ANG INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KARUMAL-DUMAL SA LUPA. 6 At nakita ko ang babae na nalasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.
Nang makita ko siya, ako ay namangha ng labis na pamamangha.
7 At sinabi ng anghel sa akin: Bakit ka namangha? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga tungkol sa babae at tungkol sa mabangis na hayop na nagdadala sa kaniya. Ang mabangis na hayop ay may pitong mga ulo at sampung mga sungay. 8 Ang mabangis na hayop na iyong nakita ay ang sa nakaraan ngunit hindi ang sa ngayon. Siya ay aahon mula sa walang hanggang kalaliman at patungo sa kapahamakan. Ang mga taong nananahan sa lupa, sila na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay simula pa nang itatag ang sanlibutan, ay mamamangha patungkol sa mabangis na hayop, kapag nakita nila ang mabangis na hayop na ito, na siyang sa nakaraan ngunit hindi ang sa ngayon at siyang darating pa.
9 Dito ay kailangan ang isang kaisipan na may karunungan: Ang pitong ulo ay kumakatawan sa pitong mga bundok na kinauupuan ng babae. 10 May pitong mga hari roon. Lima sa kanila ang bumagsak. Ang isa ay sa ngayon. Ang isa ay hindi pa dumating. At kapag siya ay dumating, siya ay kailangang mananatili sa sandaling panahon. 11 Ang mabangis na hayop na siya ang sa nakaraan at hindi ang sa ngayon, siya rin ang pangwalong hari at mula sa pitong mga hari. Siya ay paroroon sa kapahamakan.
12 Ang sampung sungay na iyong nakita ay ang sampung mga hari. Hindi pa nila natanggap ang kaharian. Subalit sila ay tatanggap ng kapamahalaan mula sa mabangis na hayop upang maghari ng isang oras. 13 Ang mga haring ito ay may iisang kaisipan. Ibibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa mabangis na hayop. 14 Ang mga haring ito ay makikipagdigma laban sa Kordero. At lulupigin sila ng Kordero sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Ang mga tinawag niya at hinirang at ang mga tapat ay yaong makakasama niya.
15 Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga tubig na iyong nakita na kinauupuan ng patutot ay mga tao at napakaraming tao at mga bansa at mga wika. 16 Ang sampung sungay na iyong nakita sa mabangis na hayop ay mapopoot sa patutot at siya ay kanilang wawasakin, huhubaran, kakainin ang kaniyang laman at susunugin sa apoy. 17 Ito ay sapagkat ilalagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin nila ang nais niya. Gagawin nila ito na may iisang kaisipan at ibibigay nila ang kanilang mga paghahari sa mabangis na hayop hanggang sa lubos na maganap ang mga sinalita ng Diyos. 18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lungsod na naghahari sa mga hari sa lupa.
16 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang hindi kayo matisod. 2 Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang siya ay naghahandog ng paglilingkod sa Diyos. 3 Gagawin nila sa inyo ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako. 4 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pagdating ng oras, maala-ala ninyo na sinabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito sa simula sapagkat ako ay kasama ninyo.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
5 Ngayon ay pupunta ako sa kaniya na nagsugo sa akin. At walang sinuman sa inyo ang nagtatanong sa akin: Saan ka pupunta?
6 Dahil sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng lumbay ang inyong mga puso. 7 Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay umalis, susuguin ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya ay kaniyang susumbatan ang sangkatauhan patungkol sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan. 9 Susumbatan niya sila patungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Susumbatan niya sila patungkol sa katuwiran sapagkat ako ay pupunta sa aking Ama at hindi na ninyo ako makikita. 11 Susumbatan niya sila patungkol sa kahatulan sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay nahatulan na.
12 Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi ninyo ito matatanggap sa ngayon. 13 Gayunman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan. Ito ay sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig,iyon ang kaniyang sasabihin. Ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako sapagkat tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Ang lahat ng mga bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga, sinabi ko: Tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo.
16 Kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikitaninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.
Ang Kalungkutan ng mga Alagad ay Magiging Kagalakan
17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad ay nagtanong sa isa’t isa: Ano itong sinasabi niya sa atin? Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.
18 Sinabi nga nila: Ano itong sinasabiniyang kaunting panahon na lamang? Hindi natin maunawaan ang sinasabi niya.
19 Alam nga ni Jesus na nais nilang magtanong sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Nagtatanong ba kayo sa isa’t isa patungkol sa sinabi ko: Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo akong muli. 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kayo ay tatangis at mananaghoy ngunit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo ay malulumbay ngunit ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. 21 Ang babae kapag nanganganak ay nalulumbay sapagkat ang kaniyang oras ay dumating na. Pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalaala anghirap dahil sa katuwaang may isang taong isinilang sa sanlibutan. 22 Gayundin naman kayo. Kayo ngayon ay nalulumbay ngunit makikita ko kayong muli at ang inyong puso ay magagalak. Walang taong aagaw ng inyong kagalakan mula sa inyo. 23 Sa araw na iyon ay hindi kayo hihingi sa akin ng anuman. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang inyong hingin sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hiningi sa pangalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang malubos ang inyong kagalakan.
25 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Darating ang oras na hindi na ako magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Subalit maliwanag kong ipapahayag sa inyo ang patungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa pangalan ko. Hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo. 27 Ito ay sapagkat ang Ama mismo ang siyang umiibig sa inyo sapagkat inibig ninyo ako. At sumampalataya rin kayo na ako ay nagmula sa Diyos. 28 Ako ay nagmula sa Ama at pumarito sa sanlibutan. Muli, iiwanan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.
29 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Tingnan ninyo. Ngayon ay nagsasalita ka ng maliwanag at hindi sa talinghaga. 30 Ngayon ay natitiyak namin na alam mo ang lahat ng mga bagay. Hindi na kailangan na tanungin ka pa ng sinuman. Sa pamamagitan nito ay sumasampalataya kaming ikaw ay nagmula sa Diyos.
31 Sumagot sa kanila si Jesus: Sumasampalataya na ba kayo ngayon? 32 Narito, dumarating na ang oras at dumating na ngayon, na kayo ay maghihiwa-hiwalay at iiwanan ninyo akong mag-isa. Gayunman ako ay hindi nag-iisa sapagkat ang Ama ay kasama ko.
33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong paghihirap. Lakasan ninyo ang inyong loob, napagtagumpayan ko na ang sanlibutan.
Copyright © 1998 by Bibles International