Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 16

Ang Pitong Mangkok ng Poot ng Diyos

16 Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa banal na dako. Sinabi nito sa pitong anghel: Humayo kayo. Ibuhos ninyo ang poot ng Diyos na nasa mangkok sa ibabaw ng lupa.

Ang unang anghel ay lumabas at ibinuhos ang laman ng mangkok sa ibabaw ng lupa. At isang napakasama at napaka­tinding sugat ang dumapo sa mga taong may tatak ng mabangis na hayop at sa mga sumamba sa kaniyang larawan.

Ibinuhos ng pangalawang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo, katulad ng dugo ng isang taong patay. Namatay ang lahat ng bagay na may buhay sa dagat.

At ibinuhos ng pangatlong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. Ang mga ito ay naging dugo. At narinig ko ang anghel ng mga tubig. Sinabi niya:

Panginoon, matuwid ka dahil sa paghatol mo sa ganitong paraan. Ikaw ang nakaraan at ang kasalukuyan, at ikaway banal.

Binigyan mo sila ng dugo na maiinom dahil pinadanak nila ang dugo ng iyong mga banal at mga propeta. Karapat-dapat sila para dito.

At ako ay nakarinig ng isa pang tinig na mula sa dambana. Sinabi nito:

Oo, Panginoong Diyos na Makapang­yayari sa lahat, ang iyong mga kahatulan ay totoo at matuwid.

Ibinuhos ng pang-apat na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa araw. Binigyan siya ng kapangyarihan upang sunugin ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Sinunog nito ang mga tao sa pamamagitan ng matinding init. Nilapastangan nila ang pangalan ng Panginoon na siyang may kapamahalaan sa mga salot na ito. Hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.

10 Ibinuhos ng panglimang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa ibabaw ng luklukan ng mabangis na hayop. Ang paghahari nito ay naging kadiliman. Kinagat ng mga tao ang kanilang dila dahil sa matinding sakit. 11 Nilapastangan nila ang Diyos sa langit dahil sa sakit at mga sugat nila. Hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga ginawa.

12 Ibinuhos ng pang-anim na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dakilang ilog ng Eufrates. Ang mga tubig nito ay natuyo upang maihanda ang daan ng mga hari na mula sa silangan. 13 At nakita ko ang tatlong karumal-dumal na espiritu na katulad ng mga palaka. Sila ay lumabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng mabangis na hayop at mula sa bibig ng bulaang propeta. 14 Sila ay ang mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda, na lumabas patungo sa mga hari sa lupa at patungo sa mga tao sa buong daigdig. Sila ay nagtungo roon upang tipunin silang sama-sama sa labanan ng dakilang araw na iyon ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 Narito, ako ay dumarating na katulad ng isang magna­nakaw. Pinagpala ang mananatiling gising sa pagbabantay at nag-iingat ng kaniyang mga damit. Sa ganitong paraan, siya ay hindi maglalakad ng hubad at hindi makikita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.

16 At tinipon silang sama-sama sa dakong tinatawag ng mga tao na Armagedon sa wikang Hebreo.

17 Ibinuhos ng pangpitong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa hangin. Isang malakas na tinig ang lumabas mula sa banal na dako ng langit, mula sa trono. Sinabi nito: Naganap na. 18 Nagkaroon ng mga sigawan, mga kulog at mga kidlat. Nagkaroon ng napakalakas na lindol. Simula ng magkatao ang daigdig ay hindi pa nagkaroon ng lindol na kasinglaki at kasinglakas nito na nangyari sa lupa. 19 Ang dakilang lungsod ay nahati sa tatlong bahagi. Ang mga lungsod ng mga bansa ay bumagsak. At naala-ala ng Diyos ang dakilang Babilonya upang ibigay ang saro ng alak ng galit ng kaniyang poot. 20 Ang bawat pulo ay nawala. Walang sinumang makakakita ng anumang bundok. 21 Bumagsak ang malalaking graniso sa mga tao na mula sa langit. Ang bawat isang piraso ay tumitimbang ng tatlumpu at limang kilo. Dahil sa napakalaking graniso, nilapastangan ng mga tao ang Diyos sapagkat ang salot ay napakatindi.

Juan 15

Ang Puno ng Ubas at ang mga Sanga

15 Ako ang tunay na puno ng ubas. Ang aking Ama ang tagapag-alaga.

Ang bawat sanga na nasa akin na hindi namumunga ay inaalis niya. At ang bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pang magbunga ng marami. Kayo ay malinis na sa pamamagitan ng salita na sinalita ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at ako ay mananatili sa inyo. Ang sanga ay hindi makakapamunga sa kaniyang sarili malibang ito ay manatili sa puno ng ubas. Maging kayo man ay hindi makakapamunga malibang manatili kayo sa akin.

Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako sa kaniya ay magbubunga nang sagana sapagkat kung hiwalay kayo sa akin hindi kayo makakagawa ng anuman. Malibang ang sinuman ay manatili sa akin, siya ay itatapon tulad ng sanga at ito ay natutuyo. Kanila itong tinitipon at itinatapon sa apoy, at ito ay sinusunog. Kung kayo ay mananatili sa akin at ang aking mga salita ay manatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong ibigin at ito ay mangyayari sa inyo. Sa ganito naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay magbunga ng sagana at kayo aymagiging mga alagad ko.

Kung papaanong inibig ako ng Ama ay gayon ko rin kayo inibig. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig. Tulad ko, tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at nanatili sa kaniyang pag-ibig. 11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay manatili sa inyo. Gayundin naman, ang inyong kagalakan ay malubos. 12 Ito ang aking utos: Kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. 13 Wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan. 14 Kayo ay aking mga kaibigan kapag ginawa ninyo ang anumang inuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Sa halip ay tinawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaaalam ko sa inyo. 16 Hindi ninyo ako hinirang ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo. Ang dahilan ay upang kayo ay humayo at mamunga at ang inyong bunga aymanatili. At anumang ang inyong hingin sa aking Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo upang kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa.

Kinapopootan ng Sanlibutan ang mga Alagad

18 Yamang ang sangkatauhan ay napopoot sa inyo, alam ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.

19 Ngunit kung kayo ay sa sanlibutan, iibigin ng sangkatauhan ang sariling kaniya. Subalit hindi kayo sa sanlibutan.Hinirang ko kayo mula sa sanlibutan. Dahil nga dito, kinapopootan kayo ng sankatauhan. 20 Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. Yamang ako ay kanilanginusig, kayo rin naman ay uusigin nila. Kung tinupad nila ang aking salita ay tutuparin din naman nila ang sa inyo. 21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa pangalan ko sapagkat hindi nilakilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako narito at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkasala. Ngunit ngayon ay wala na silang maikakatwiran sa kanilang kasalanan. 23 Ang napo­poot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawaing hindi magagawa ng sinuman, hindi sana sila nagkasala. Ngayon ay kapwa nila nakita at kinapootan ako at ang akin ding Ama. 25 Ito ay upang matupad ang salita na nasusulat sa kanilang kautusan: Kinapootan nila ako ng walang dahilan.

26 Pagdating ng Tagapayo na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, siya ay magpapatotoo patungkol sa akin. Siya ang Espiritu ng katotohanan namagmumula sa Ama. 27 Kayo rin naman ay magpapatotoo sapagkat kayo ay nakasama ko na mula pa sa pasimula.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International