M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahanda para sa Pista ng Paglampas ng Anghel
30 Nagpadala si Hezekia ng mensahe sa lahat ng mamamayan ng Israel at Juda, pati na sa mga mamamayan ng Efraim at Manase. Inimbita niya sila na pumunta sa templo ng Panginoon sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 2 Nagpasya si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ikalawang buwan. 3 Dapat sanaʼy gaganapin ang pistang ito sa unang buwan, pero kakaunti lang ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili sa panahong iyon at hindi nagtipon ang mga tao sa Jerusalem.
4 Nagustuhan ng hari at ng lahat ng mamamayan ang plano na pagdiriwang ng pista, 5 kaya nagpadala sila ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beersheba hanggang sa Dan, na dapat pumunta ang mga tao sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Sa mga nagdaang pagdiriwang, kakaunti lang ang nagsidalo. Pero sinasabi ng kautusan na dapat dumalo ang lahat.
6 Sa utos ng hari, pumunta nga ang mga mensahero sa buong Israel at Juda dala ang mga sulat mula sa hari at sa kanyang mga opisyal. Ito ang nakasulat:
“Mga mamamayan ng Israel, ngayong nakaligtas kayo sa kamay ng mga hari ng Asiria, panahon na para magbalik-loob kayo sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob,[a] para bumalik din siya sa inyo. 7 Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Dios, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon. 8 Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Dios, para mawala ang matindi niyang galit sa inyo. 9 Sapagkat kung manunumbalik kayo sa Panginoon, kahahabagan ng mga bumihag ang inyong mga anak at mga kamag-anak, at pababalikin sila rito sa lupain. Sapagkat matulungin at mahabagin ang Panginoon na inyong Dios. Hindi niya kayo tatalikuran kung manunumbalik kayo sa kanya.”
10 Pumunta ang mga mensahero sa bawat bayan sa buong Efraim at Manase hanggang sa Zebulun, pero pinagtawanan lang sila at hinamak ng mga tao. 11 Ngunit may ibang galing sa Asher, Manase at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Kumilos din ang Panginoon sa mga taga-Juda para magkaisa sila sa pagtupad ng utos ng hari at ng mga opisyal, ayon sa utos ng Panginoon. 13 Kaya nang ikalawang buwan, maraming tao ang nagtipon sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinaghahandugan para sa mga dios-diosan, pati ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso, at itinapon nila ang lahat ng ito sa Lambak ng Kidron.
15 Nang ika-14 na araw ng ikalawang buwan, kinatay ng mga tao ang kanilang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Ang mga pari at mga Levita na marumi ay nahiya, kaya naglinis sila at nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon. 16 Pagkatapos, pumwesto sila sa kanilang mga lugar sa templo, ayon sa mga tuntunin sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugo na dinala sa kanila ng mga Levita.
17 Dahil marami sa mga tao roon ang hindi naglinis ng kanilang sarili, ang mga Levita ang siyang nagkatay ng tupa para sa kanila upang maihandog sa Panginoon. 18 Karamihan sa mga pumunta na nagmula sa Efraim, Manase, Isacar at Zebulun ay hindi naglinis ng kanilang sarili, pero kumain pa rin sila ng inihandog para sa Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit labag ito sa kautusan. Ngunit nanalangin si Hezekia para sa kanila. Sinabi niya, “O Panginoon, sa inyo pong kabutihan, sanaʼy patawarin nʼyo po ang bawat tao 19 na nagnanais na dumulog sa inyo, ang Dios ng kanyang ninuno, kahit na hindi po siya malinis ayon sa mga tuntunin sa templo.” 20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekia at pinatawad[b] niya ang mga tao.
21 Sa loob ng pitong araw, ang mga Israelita na naroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa nang may malaking kagalakan. Araw-araw, umaawit ang mga Levita at ang mga pari ng mga papuri sa Panginoon, na tinutugtugan nang malalakas na instrumento na ginagamit sa pagpupuri sa Panginoon. 22 Pinuri ni Hezekia ang lahat ng Levita sa mabuting gawa na ipinakita nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya nagpatuloy ang pagdiriwang nila sa loob ng pitong araw. Kinain nila ang kanilang bahagi sa mga handog, at naghandog sila ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
23 Pagkatapos, nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang pa sila ng pitong araw. Kaya ginawa nila ito nang may malaking kagalakan. 24 Nagbigay si Haring Hezekia sa mga tao ng 1,000 toro, 7,000 tupa at kambing. Nagbigay din ang mga opisyal ng 1,000 toro at 10,000 tupaʼt kambing. Marami sa mga pari ang naglinis ng kanilang sarili. 25 Masayang nagdiwang ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari, ang mga Levita at ang lahat ng nagtipon mula sa Israel, pati ang mga dayuhang naninirahan sa Israel at Juda. 26 Labis ang kasayahan sa Jerusalem. Wala pang ganitong kasayahan na nangyari sa Jerusalem mula noong panahon na si Solomon na anak ni David ang hari sa Israel. 27 Pagkatapos, nagsitayo ang mga pari at ang mga Levita, at binasbasan nila ang mga tao. At pinakinggan ito ng Dios sa langit, sa kanyang banal na tahanan.
Ang mga Sisidlan ng Galit ng Dios
16 Mula roon sa templo ay narinig ko ang malakas na sigaw na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo ang parusa ng Dios sa mga tao mula sa pitong sisidlan na iyan.”
2 Kaya humayo ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng kanyang sisidlan. At nagkaroon ng masasakit at nakapandidiring mga sugat ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa dagat, at ang dagat ay naging parang dugo ng patay na tao. At namatay ang lahat ng nilalang sa dagat.
4 Pagkatapos, ibinuhos ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo ang lahat ng mga ito. 5 Narinig kong sinabi ng anghel na katiwala sa tubig, “Makatarungan po kayo, Panginoon. Kayo ang Dios noon at kayo rin ang Dios magpahanggang ngayon. Banal kayo, at matuwid ang pagpaparusa ninyong ito sa mga tao. 6 Pinadanak nila ang dugo ng mga pinabanal at ng inyong mga propeta, kaya dugo rin ang ipaiinom nʼyo sa kanila. Ito ang nararapat na ganti sa kanila.” 7 At narinig ko na may sumagot sa altar, “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat, tama at matuwid ang pagpaparusa nʼyo sa mga tao!”
8 Ibinuhos ng ikaapat na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa araw, at naging mainit na mainit ang sikat ng araw kaya napaso ang mga tao. 9 Pero kahit na napaso ang mga tao, hindi pa rin sila nagsisi sa mga kasalanan nila. Hindi rin nila pinapurihan ang Dios, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios na nagpadala ng salot na iyon sa kanila.
10 Ibinuhos ng ikalimang anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa trono ng halimaw, at nagdilim ang buong kaharian nito. Napakagat-labi ang mga tao dahil sa hirap na dinaranas nila. 11 Hindi pa rin nila pinagsisihan ang mga kasamaan nila, sa halip ay nilapastangan nila ang Dios ng kalangitan dahil sa mga sakit at sugat na tinitiis nila.
12 Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa malawak na ilog ng Eufrates. Natuyo ang ilog upang makadaan doon ang hari mula sa silangan. 13 At nakita kong lumabas mula sa bunganga ng dragon, ng halimaw, at ng huwad at sinungaling na propeta, ang tatlong masasamang espiritu na parang mga palaka. 14 Iyon ang mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pumunta sila sa mga hari sa buong mundo upang tipunin sila para sa pakikipaglaban sa Dios pagdating ng dakilang araw na itinakda ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 15-16 Ang lugar na pinagtipunan sa kanila at sa kanilang mga sundalo ay tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.
Pero sinabi ng Panginoon, “Makinig kayong mabuti! Darating ako na tulad ng magnanakaw dahil walang nakakaalam. Mapalad ang taong nagbabantay at hindi naghuhubad ng kanyang damit, upang sa pagdating ko ay hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa mga tao.”
17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng kanyang sisidlan sa hangin. At may narinig akong sumisigaw mula sa trono sa templo, “Naganap na ang lahat!” 18 Pagkatapos, kumidlat, kumulog, umugong at lumindol nang napakalakas. Walang ganoong kalakas na lindol sa buong kasaysayan ng tao. Iyon ang pinakamalakas sa lahat. 19 Ang dakilang lungsod ng Babilonia ay nahati sa tatlo at ang mga lungsod sa lahat ng bansa ay nawasak. Tinupad ng Dios ang sinabi niya tungkol sa mga taong nakatira sa lungsod ng Babilonia, kaya dumating na sa kanila ang parusa ng Dios, dahil sa matinding galit niya. 20 Naglaho ang lahat ng isla at naglaho rin ang mga bundok. 21 Inulan ang mga tao ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng 50 kilo bawat tipak. At nilait ng mga tao ang Dios dahil sa matinding salot na iyon.
Lilipulin ang mga Kalaban ng Jerusalem
12 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Ako ang Panginoon na gumawa ng langit at ng lupa. At ako ang nagbibigay ng buhay sa tao. 2 Ang Jerusalem ay gagawin kong parang alak na magpapalasing sa mga bansang nakapalibot dito. At kapag sinalakay nila ang Jerusalem, sasalakayin din nila ang ibang lungsod ng Juda. 3 Sa araw na iyon, gagawin kong parang mabigat na bato ang Jerusalem, at ang alinmang bansa na gagalaw dito ay masasaktan. Ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magtitipon para salakayin ang Jerusalem. 4 Ngunit tatakutin ko ang lahat ng kanilang mga kabayo at lilituhin ang mga sakay nito. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing babantayan ko ang mga mamamayan ng Juda, ngunit bubulagin ko ang mga kabayo ng mga bansa. 5 At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Matatag ang mga mamamayan ng Jerusalem dahil ang Panginoong Makapangyarihan ang kanilang Dios.’
6 “Sa araw na iyon, ang mga pinuno ng Juda ay gagawin kong tulad ng naglalagablab na baga sa nakabuntong mga kahoy o tulad ng naglalagablab na sulo sa nakabigkis na mga uhay. Lilipulin nila ang mga bansa sa palibot nila. Pero ang mga taga-Jerusalem ay hindi mapapahamak. 7 Una kong pagtatagumpayin ang ibang mga lungsod ng Juda upang ang karangalan ng mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi hihigit sa ibang mga lungsod ng Juda. 8 Sa araw na iyon, iingatan ng Panginoon ang mga nakatira sa Jerusalem upang kahit na ang pinakamahina sa kanila ay magiging kasinlakas ni David. Ang mga angkan ni David ay magiging parang Dios,[a] parang anghel ng Panginoon na nangunguna sa kanila. 9 Sa araw na iyon, lilipulin ko ang lahat ng bansang sasalakay sa Jerusalem.
10 “Bibigyan ko ang mga angkan ni David at ang mga taga-Jerusalem ng espiritung maawain at mapanalanginin. Pagmamasdan nila ako[b] na kanilang sinibat, at iiyak sila katulad ng magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay magiging kasintindi ng iyakan para kay Hadad Rimon sa kapatagan ng Megido. 12-14 Iiyak ang bawat pamilya sa lupain ng Israel: ang mga pamilya ng angkan nina David, Natan, Levi, Shimei, at ang iba pang mga pamilya. Magkahiwalay na mag-iiyakan ang mga lalaki at mga babae.”
Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan
13 1-2 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila.
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 Sinabi pa ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2 Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga. 3 Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
5 “Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin. 6 Ang hindi nananatili sa akin ay tulad ng mga sangang itinatapon at natutuyo, at pagkatapos ay tinitipon at inihahagis sa apoy para sunugin. 7 Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo. 8 Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo. 9 Mahal ko kayo gaya ng pagmamahal sa akin ng Ama. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili ang pag-ibig ko sa inyo. Katulad ko, sinusunod ko ang utos ng aking Ama, kaya nananatili ang kanyang pag-ibig sa akin.
11 “Sinabi ko sa inyo ang bagay na ito para magalak kayo katulad ko at malubos din ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos sa inyo: magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Mga kaibigan ko kayo kung sinusunod nʼyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na alipin, dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip, itinuturing ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Ang Galit ng mga Taong Makamundo sa mga Sumasampalataya kay Jesus
18 Sinabi pa ni Jesus, “Kung napopoot sa inyo ang mga taong makamundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan. 19 Kung kabilang kayo sa kanila, mamahalin nila kayo. Pero hindi kayo kabilang sa kanila, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Kaya napopoot sila sa inyo. 20 Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping mas higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita. 21 Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Pero ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ako gumawa sa harap nila ng mga himalang kailanmaʼy hindi nagawa ninuman, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit kahit nakita na nila ang mga himalang ginawa ko, napopoot pa rin sila sa akin at sa aking Ama. 25 Sa ginawa nilang ito, natupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napopoot sila sa akin nang walang dahilan.’ ”[a]
26 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ipapadala ko sa inyo ang Banal na Espiritu mula sa Ama. Siya ang Tagatulong nʼyo at tagapagturo ng katotohanan. Pagdating niya, magpapatotoo siya kung sino talaga ako. 27 Kayo rin ay dapat na magpatotoo tungkol sa akin, dahil kasama ko na kayo mula pa noong una.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®