M’Cheyne Bible Reading Plan
Pitong Anghel na may Pitong Salot
15 At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. Pitong anghel ang may pitong huling salot. Ang poot ng Diyos ay malulubos sa kanila.
2 At nakita ko ang isang bagay na katulad ng isang dagat na kristal at ito ay may kahalong apoy. Ang mga nagtagumpay sa mabangis na hayop ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal. Taglay nila ang mga kudyapi ng Diyos sa kanilang mga kamay. Sila ang mga nagtagumpay sa larawan ng mabangis na hayop at sa tatak nito at sa bilang ng pangalan nito. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero. Sinabi nila:
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw na Hari ng mga banal, ang iyong mga daan ay matuwid at totoo.
4 Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo? Sino ang hindi magbibigay luwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang siyang banal, dahil ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo sapagkat ipinakita mo ang iyong tuntunin.
5 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko. Narito, ang banal na dako ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. 6 Lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na may pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino. Isang gintong pamigkis ang nakapaikot sa kanilang mga dibdib. 7 Binigyan ng isa sa mga apat na buhay na nilalang ang pitong anghel ng pitong gintong mangkok. Ang mga ito ay puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. 8 At ang banal na dako ay napuno ng usok na mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kaniyang kapangyarihan. Walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang hindi nalulubos ang pitong mga salot ng pitong mga anghel.
Binigyang Kaaliwan ni Jesus ang Kaniyang mga Alagad
14 Huwag mabalisa ang inyong mga puso. Nanampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.
2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. Kung hindi gayon ay sinabi ko sana sa inyo. Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. 3 Kapag ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling babalik. Kayo ay aking tatanggapin sa aking sariliupang kung saan ako naroon ay dumuon din kayo. 4 Kung saan ako pupunta ay alam ninyo. Alam na ninyo ang daan.
Si Jesus ang Daan Patungo sa Ama
5 Sinabi sa kaniya ni Tomas: Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta. Paano namin malalaman ang daan?
6 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang sinumang makakapunta sa Ama maliban sa pamamagitan ko. 7 Kung ako ay kilala na ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at nakita na ninyo siya.
8 Sinabi ni Felipe sa kaniya: Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at iyon ay sapat na sa amin.
9 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Felipe, matagal nang panahon na ako ay kasama ninyo at hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabi: Ipakita mo sa amin ang Ama? 10 Hindi ka ba sumasampalataya na ako ay nananahan sa Ama at ang Ama ay nananahan sa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Ama na nananahan sa akin, siya ang gumagawa ng mga gawain. 11 Sampalatayanan mo ako na ako ay sumasa Ama at ang Ama ay sumasa akin. Ngunit kung hindi, sumampalataya ka sa akin dahil sa mga gawa. 12 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na sumasampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga gawang ginagawa ko. Higit na dakilang mga gawa kaysa sa mga ito ang gagawin niya sapagkat ako ay pupunta sa Ama. 13 Anuman ang inyong hingin sa pangalan ko, iyon ay gagawin ko upang maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihingi kayo ng anumang bagay sa aking pangalan, gagawin ko iyon.
Ipinangako ni Jesus na Isusugo ang Banal na Espiritu
15 Kung iniibig ninyo ako, tuparin ninyo ang aking mga utos.
16 Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang Tagapayo upang siya ay manatili sa inyo magpakailanman. 17 Ang Tagapayong ito ay ang Espiritung Katotohanan. Hindi siya matanggap ng sangkatauhan sapagkat hindi siya nito nakikita o nakikilala man. Kilala ninyo siya sapagkat siya ay nananahang kasama ninyo at sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwanang tulad ng mga mga ulila, ako ay babalik sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sangkatauhan ngunit nakikita ninyo ako. Dahil ako ay nabubuhay, kayo rin naman ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama. Kayo naman ay sumasa akin at ako ay sumasa inyo. 21 Ang nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad nito ay siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama. Siya ay iibigin ko at ipahahayag ko sa kaniya ang aking sarili.
22 Sinabi sa kaniya ni Judas na hindi taga-Keriot: Panginoon, papaanong ipahahayag mo ang iyong sarili sa amin at hindi sa sangkatauhan?
23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung ang sinuman ay umiibig sa akin, tutuparin niya ang aking mga salita. Siya ay iibigin ng aking Ama. Kami ay pupunta sa kaniya at mananahan na kasama niya. 24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Ang salita na inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
25 Ang mga ito ay sinabi ko sa inyo samantalang kasama ninyo ako. 26 Ang Tagapayo, ang Banal na Espiritu ang siyang susuguin ng Ama sa pangalan ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay. Ipapa-alaala niya ang lahat ng mga bagay na sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Ang ibinibigay ko ay hindi katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag mabalisa ang inyong puso ni mangamba.
28 Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo: Ako ay aalis at muling magbabalik sa inyo. Kung iniibig ninyo ako ay magagalak kayo sa sinabi kong ako ay pupunta sa Ama sapagkat ang aking Ama ay higit na dakila kaysa sa akin. 29 Sinabi ko na ito sa inyo bago pa ito mangyari. Ito ay upang kung mangyari na ito, kayo ay sumampalataya. 30 Simula ngayon ay hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay dumarating. Tunay na wala siyang bahagi sa akin. 31 Sinabi ko ito sa inyo upang malaman ng sangkatauhan na iniibig ko ang Ama. Malalaman nila na kung papaano ako inutusan ng Ama, ganoon ang ginagawa ko. Tumindig kayo at tayo ay aalis na.
Copyright © 1998 by Bibles International