Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 22-23

Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(A)

22 Si Ahazia na bunsong anak ni Jehoram ang iniluklok ng mga mamamayan ng Jerusalem na kanilang hari. Sapagkat ang ibang mga anak ni Jehoram ay pinagpapatay ng mga tulisang Arabo na lumusob sa Juda. Kaya naghari sa Juda si Ahazia na anak ni Haring Jehoram. Si Ahazia ay 22[a] taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Omri.

Sumunod din si Ahazia sa pamumuhay ng sambahayan ni Ahab, dahil hinikayat siya ng kanyang ina sa paggawa ng kasamaan. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil pagkatapos mamatay ng kanyang ama, naging tagapayo niya ang mga miyembro ng sambahayan ni Ahab. Sinunod niya ang payo nila na kumampi kay Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel. Sumama siya kay Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Naglaban sila sa Ramot Gilead, at nasugatan si Joram.

Kaya umuwi siya sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.

Ang pagdalaw ni Ahazia kay Joram ay ginamit ng Dios para lipulin si Ahazia. Nang naroon si Ahazia sa Jezreel, tinulungan niya si Joram para makipaglaban kay Jehu na anak ni Nimsi. Si Jehu ang pinili ng Panginoon para lipulin ang sambahayan ni Ahab.

Habang nililipol ni Jehu ang sambahayan ni Ahab, nakita niya ang mga opisyal ng Juda at ang mga anak ng mga kamag-anak ni Ahazia na sumama kay Ahazia. At pinagpapatay niya sila. Pagkatapos, hinanap ng mga tauhan ni Jehu si Ahazia, at nakita nila ito na nagtatago sa lungsod ng Samaria. Dinala siya kay Jehu at pinatay. Siyaʼy inilibing nila dahil sabi nila, “Apo siya ni Jehoshafat, ang taong dumulog sa Panginoon ng buong puso.”

Wala ni isang naiwan sa mga miyembro ng pamilya ni Ahazia ang may kakayahang maghari.

Si Atalia at si Joash(B)

10 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda. 11 Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba[b] ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoyada. Itinago niya si Joash at ang kanyang yaya sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia. 12 Sa loob ng anim na taon, nakatago sa templo ng Panginoon si Joash habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.

23 Nang ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Jehoyada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azaria na anak ni Jehoram, Ishmael na anak ni Jehohanan, Azaria na anak ni Obed, Maaseya na anak ni Adaya at Elishafat na anak ni Zicri. Umikot sila sa buong Juda para tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya.

Pagdating ng mga tao sa Jerusalem, pumunta sila sa templo at gumawa ng kasunduan kay Joash, na anak ng hari. Sinabi ni Jehoyada sa mga tao, “Ito na ang panahon na ang anak ng hari ay dapat maghari. Nangako ang Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David na maghahari.[c] Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng templo. Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng templo ng Panginoon. Walang papasok sa templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Pwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Pero ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon. Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”

Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Jehoyada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras. Pagkatapos, binigyan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa templo ng Panginoon. 10 Pinapwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.

11 Pagkatapos, pinalabas ni Jehoyada at ng kanyang mga anak si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari,[d] at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis para ipakita na siya na ang hari at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”

12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan para papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa templo ng Panginoon. 13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”

14 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng templo ng Panginoon.” 15 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.

Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(C)

16 Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Jehoyada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon. 17 Pumunta agad ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.

18 Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Jehoyada sa mga paring Levita ang pamamahala sa templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David. 19 Nagpalagay din si Jehoyada ng mga guwardya ng pintuan ng templo ng Panginoon para walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.

20 Pagkatapos, isinama niya ang mga kumander, ang mga kilalang tao, at ang lahat ng tao, at inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa Hilagang Pintuan. At naupo ang hari sa kanyang trono. 21 Nagdiwang ang mga tao, at naging mapayapa na ang lungsod matapos patayin si Atalia.

Pahayag 10

Ang Anghel at ang Maliit na Kasulatan

10 Pagkatapos nito, isa na namang makapangyarihang anghel ang nakita ko, bumababa siya mula sa langit. Nababalot siya ng mga ulap at may bahaghari sa kanyang ulo. Ang mukha niya ay nagliliwanag tulad ng araw at ang mga paa niya ay parang nagliliyab na apoy. May hawak siyang maliit na kasulatang nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanang paa niya at sa lupa naman ang kaliwa. Sumigaw siya nang malakas na parang atungal ng leon, at tinugon naman siya ng dagundong ng pitong kulog. Isusulat ko na sana ang sinabi ng pitong kulog, ngunit may nagsalita sa akin mula sa langit, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog. Huwag mong isulat.”

Itinaas ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa, ang kanang kamay niya sa langit at nanumpa sa Dios na nabubuhay magpakailanman, na siyang lumikha ng langit, lupa at dagat, at ng lahat ng naroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal ang panahon. Kapag pinatunog na ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, matutupad na ang lihim na plano ng Dios ayon sa sinabi ng mga propeta na kanyang lingkod.”

Muling nagsalita sa akin ang tinig na mula sa langit. Sinabi niya, “Pumunta ka sa anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa, at kunin mo sa kamay niya ang nakabukas na kasulatan.” Kaya lumapit ako sa anghel at hiningi ko ang kasulatang iyon. Sinabi niya sa akin, “Narito, kunin mo at kainin. Matamis ito na parang pulot sa bibig mo, ngunit magiging mapait sa tiyan mo.” 10 Kinuha ko ang kasulatan sa kamay niya at kinain. Kasintamis nga ito ng pulot sa aking bibig, ngunit nang malunok ko na ay naging mapait sa aking tiyan.

11 Pagkatapos, may nagsabi sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mensahe ng Dios tungkol sa ibaʼt ibang tao, bansa, wika at hari.”

Zacarias 6

Pangitain tungkol sa Apat na Karwahe

May nakita pa akong apat na karwahe na lumabas sa pagitan ng dalawang bundok na tanso. Ang unang karwahe ay hinihila ng mga pulang kabayo, ang pangalawa ay hinihila ng mga itim na kabayo, ang pangatlo ay hinihila ng mga puting kabayo, at ang pang-apat ay hinihila ng mga batik-batik na kabayo. Ang mga kabayo ay pawang malalakas. Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga karwaheng iyan?” Sumagot ang anghel, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin sa kalawakan[a] na paparating mula sa presensya ng Panginoon ng buong mundo. Ang karwaheng hinihila ng mga itim na kabayo ay papunta sa isang lugar sa hilaga. Ang karwaheng hinihila ng mga puting kabayo ay papunta sa kanluran.[b] At ang karwaheng hinihila ng mga batik-batik na kabayo ay papunta sa isang lugar sa timog.”

Nang papalabas pa lang ang malalakas na kabayo, nagmamadali na silang lumibot sa buong mundo. Sinabi ng anghel[c] sa kanila, “Sige, libutin na ninyo ang buong mundo.” Kaya nilibot nila ang buong mundo. At malakas na sinabi ng Panginoon[d] sa akin, “Tingnan mo ang mga kabayong patungo sa isang lugar sa hilaga. Sila ang magbibigay ng kapahingahan sa aking Espiritu sa dakong iyon sa hilaga.”

Ang Korona para kay Josue

Sinabi ng Panginoon sa akin, 10 “Kunin mo ang mga regalong pilak at ginto nina Heldai, Tobia, at Jedaya, at pumunta ka agad sa bahay ni Josia na anak ni Zefanias. Silang apat ay nakabalik mula sa Babilonia kung saan sila binihag. 11 Ipagawa mong korona ang mga pilak at ginto, at isuot ito sa ulo ng punong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12-13 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Ang taong tinatawag na Sanga ay lalago sa kalagayan niya ngayon,[e] at itatayo niyang muli ang aking templo. Pararangalan siya bilang hari at mamamahala siya. Ang pari ay tatayo sa tabi ng kanyang trono[f] at magkakaroon sila ng mabuting relasyon.’ 14 Ang korona ay ilalagay sa aking templo bilang pag-alaala kina Heldai,[g] Tobia, Jedaya, at Josia[h] na anak ni Zefanias.”

15 May mga taong darating sa Israel mula sa malalayong lugar at tutulong sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon. Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin sa inyo. At talagang mangyayari ang lahat ng ito kung susundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios.

Juan 9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag

Habang naglalakad si Jesus, may nakita siyang isang lalaki na ipinanganak na bulag. Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Guro, sino po ba ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag? Siya po ba o ang mga magulang niya?” Sumagot si Jesus, “Hindi siya ipinanganak na bulag dahil nagkasala siya o ang mga magulang niya. Nangyari iyon para maipakita ang kapangyarihan ng Dios sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. Hindi baʼt nagtatrabaho ang tao sa araw dahil hindi na siya makakapagtrabaho sa gabi? Kaya dapat gawin na natin ang mga ipinapagawa ng Dios na nagpadala sa akin habang magagawa pa natin. Sapagkat darating ang araw na hindi na natin magagawa ang ipinapagawa niya. Habang ako ay nasa mundong ito, ako ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa mga tao.” Pagkasabi niya nito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik mula sa dura at ipinahid niya sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos ka roon.” (Ang ibig sabihin ng Siloam ay “Sinugo”.) Pumunta nga roon ang bulag at naghilamos. Nang bumalik siya ay nakakakita na siya.

Dahil dito, nagtanungan ang mga kapitbahay niya at ang iba pang mga nakakita sa kanya noong namamalimos pa siya. Sinabi nila, “Hindi baʼt siya ang dating nakaupo at namamalimos?” Sinabi ng iba, “Siya nga.” Pero sinabi naman ng iba, “Hindi, kamukha lang niya iyon.” Kaya ang lalaki na mismo ang nagsabi, “Ako nga iyon.” 10 “Paano kang nakakita?” tanong nila. 11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos.’ Kaya pumunta ako roon at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.” 12 Nagtanong ang mga tao, “Nasaan na siya?” Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam.”

Inimbestigahan ng mga Pariseo ang Pagpapagaling

13 Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. 14 Araw noon ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at pinagaling ang bulag. 15 Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi ng lalaki, “Nilagyan ni Jesus ng putik ang mga mata ko. Naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.” 16 Sinabi ng ilang Pariseo, “Hindi mula sa Dios ang taong gumawa nito, dahil hindi niya sinusunod ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga.” Pero sinabi naman ng iba, “Kung makasalanan siya, paano siya makakagawa ng ganitong himala?” Hindi magkasundo ang mga opinyon nila tungkol kay Jesus.

17 Kaya tinanong ulit ng mga Pariseo ang dating bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling ka niya?” Sumagot ang lalaki, “Isa po siyang propeta.” 18 Pero ayaw pa ring maniwala ng mga pinuno ng mga Judio na siya nga ang dating bulag na ngayon ay nakakakita na. Kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya 19 at tinanong, “Anak nʼyo ba ito? Totoo bang ipinanganak siyang bulag? Bakit nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang mga magulang, “Anak nga po namin siya, at ipinanganak nga siyang bulag. 21 Pero hindi namin alam kung paano siya nakakita at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na lang po ang tanungin ninyo. Nasa tamang edad na siya, at kaya na niyang sumagot para sa sarili niya.” 22 Ito ang sinabi ng mga magulang ng lalaki dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat napagkasunduan na ng mga pinuno ng mga Judio na ang sinumang kikilala kay Jesus bilang Cristo ay hindi na tatanggapin sa sambahan nila. 23 Kaya ganito ang isinagot ng mga magulang: “Nasa tamang edad na siya. Siya na lang po ang tanungin ninyo.”

24 Kaya ipinatawag nila ulit ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sumumpa ka sa harap ng Dios na sasabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon!” 25 Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam kung makasalanan siya o hindi. Ang alam ko lang ay dati akong bulag, pero nakakakita na ngayon.” 26 Tinanong pa nila ang lalaki, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano ka niya pinagaling?” 27 Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, pero ayaw naman ninyong maniwala. Bakit gusto ninyong marinig ulit ang sagot ko? Gusto po ba ninyong maging mga tagasunod niya?” 28 Kaya nagalit sila at ininsulto ang lalaki. Sinabi nila, “Tagasunod ka niya, pero kami ay mga tagasunod ni Moises. 29 Alam naming nagsalita ang Dios kay Moises, pero ang taong iyon ay hindi namin alam kung saan nanggaling!” 30 Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakakapagtaka. Hindi nʼyo alam kung saan siya nanggaling, pero pinagaling niya ang mata ko. 31 Alam nating hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan, pero ang sinumang may takot sa Dios at gumagawa ng kanyang kalooban ay panakikinggan niya. 32 Kailanmaʼy wala pa tayong narinig na may taong nakapagpagaling ng taong ipinanganak na bulag. 33 Kung hindi nanggaling sa Dios ang taong iyon, hindi niya magagawa ang himalang ito.” 34 Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ipinanganak kang makasalanan! At ang lakas pa ng loob mo ngayon na pangaralan kami!” At pinagbawalan nila siyang pumasok sa sambahan nila.

Ang Espiritwal na Pagkabulag

35 Nabalitaan ni Jesus na pinagbawalang pumasok sa sambahan ang dating bulag, kaya hinanap niya ito. At nang matagpuan niya, tinanong niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot ang lalaki, “Sino po siya? Sabihin nʼyo po sa akin upang sumampalataya ako sa kanya.” 37 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, at siya ang kausap mo ngayon.” 38 Sinabi agad ng lalaki, “Panginoon, sumasampalataya po ako sa inyo.” At lumuhod siya at sumamba kay Jesus. 39 Sinabi pa ni Jesus, “Naparito ako sa mundo upang hatulan ang mga tao. Ang mga taong umaaming bulag sila sa katotohanan ay makakakita, ngunit ang mga nagsasabing hindi sila bulag sa katotohanan ay hindi makakakita.” 40 Narinig ito ng ilang Pariseong naroon, at nagtanong sila, “Sinasabi mo bang mga bulag din kami?” 41 Sumagot si Jesus, “Kung inaamin nʼyong mga bulag kayo sa katotohanan, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong hindi kayo bulag, nangangahulugan ito na may kasalanan pa rin kayo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®