M’Cheyne Bible Reading Plan
9 Hinipan ng panglimang anghel ang kaniyang trumpeta. At nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa buhat sa langit. Ibinigay sa kaniya ang susi ng walang hanggang kalaliman. 2 At binuksan niya ang walang hanggang kalaliman. Pumailanlang ang usok na lumabas mula sa kalalim-lalimang hukay katulad ng usok na nagmumula sa isang napakalaking pugon. Ang araw at ang hangin ay dumilim dahil sa usok. 3 Buhat sa usok ay lumabas ang mga balang sa ibabaw ng lupa. Binigyan sila ng kapamahalaang katulad ng kapamahalaang taglay ng mga alakdan sa lupa. 4 At sinabi sa kanila na huwag nilang pipinsalain ang mga damo sa lupa o anumang bagay na luntian at ang mga punong-kahoy. Ang pipinsalain lamangnila ay ang mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang noo. 5 Hindi sila binigyan ng pahintulot na patayin ang mga tao. Pahihirapan lamang nila sila sa loob ng limang buwan. Ang pagpapahirap na ito ay katulad ng sakit na nararanasan ngtaong kinagat ng alakdan. 6 Sa mga araw na iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi nila matatagpuan. Magpapakamatay sila ngunit lalayuan sila ng kamatayan.
7 Ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa labanan. Sa kanilang mga ulo ay mayroong gantimpalang putong katulad ng ginto. Ang kanilang mga mukha ay katulad ng mga mukha ng tao. 8 May mga buhok silang katulad ng buhok ng babae. Ang kanilang mga ngipin ay katulad ng ngipin ng leon. 9 May mga baluti sila sa dibdib na katulad ng mga baluting bakal. Ang ugong ng kanilang mga pakpak ay katulad ng ugong ng mga karuwahe ng mga kabayong dumadaluhong sa labanan. 10 May mga buntot sila at tibo na katulad ng mga alakdan. May kapamahalaan silang saktan ang tao sa loob ng limang buwan. 11 Mayroon silang hari na namumuno sa kanila. Siya ay ang anghel sa walang hanggang kalaliman. Ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon.[a] Sa wikang Griyego ito ay Apolyon.
12 Natapos na ang unang kaabahan. Pagkatapos ng mga bagay na ito, dalawa pang kaabahan ang darating.
13 Hinipan ng pang-anim na anghel ang kaniyang trumpeta. Narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Sinabi niya sa pang-anim na anghel na may trumpeta: Pakawalan mo ang apat na anghel na iginapos sa malaking ilog ng Eufrates. 15 At pinakawalan niya ang apat na anghel na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang pumatay sa ikatlong bahagi ng mga tao. 16 Ang bilang ng hukbong nangangabayo ay dalawang daang milyon. Narinig ko ang bilang nila.
17 Sa ganito ko nakita ang mga kabayo at ang mga sakay nila sa isang pangitain. Sila ay may suot na mga baluti sa dibdib na mapulang katulad ng apoy, matingkad na bughaw at dilaw na katulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay katulad ng mga ulo ng mga leon. Apoy at usok at nagniningas na asupre ang lumalabas sa kanilang mga bibig. 18 Sa pamamagitan ng tatlong ito, ang apoy, ang usok at ang nagniningas na asupre, ay pinatay nila ang ikatlong bahagi ng mga tao. Ang mga bagay na ito ay lumalabas mula sa kanilang mga bibig. 19 Ito ay sapagkat ang kanilang mga kapamahalaan ay nasa mga bibig at mga buntot katulad ng mga ahas na may mga ulong makakapanakit.
20 May mga nalalabing mga tao na hindi napatay ng mga salot na ito. Ngunit hindi nila pinagsisihan ang gawa ng kanilang mga kamay. At hindi sila nagsisi upang hindi sila sasamba sa mga demonyo at mga diyos-diyosang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy. Hindi sila makakakita, ni makakarinig, ni makakalakad man. 21 Hindi sila nagsisisi sa kanilang mga pagpatay, sa kanilang mga panggagaway, sa kanilang mga pakikiapid at sa kanilang pagnanakaw.
Ang Babaeng Nagkakasala ng Pangangalunya
8 Si Jesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo.
2 Sa pagbubukang-liwayway, siya ay muling pumunta sa templo. Ang lahat ng mga tao ay lumapit sa kaniya. Siya ay umupo at tinuruan sila. 3 Dinala sa kaniya ng mga guro ng kautusan at ng mga Fariseo ang isang babae na nahuling nangangalunya. Inilagay nila siya sa kalagitnaan. 4 Sinabi nila sa kaniya: Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa paggawa ng pangangalunya. 5 Iniutos sa amin ni Moises sa kautusan na batuhin ang katulad nito. Ano ang masasabi mo? 6 Ito ay kanilang sinabi upang subukin siya nang mayroon silang maiparatang laban sa kaniya.
Yumukod si Jesus, sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang daliri.
7 Sa patuloy nilang pagtatanong sa kaniya ay tumindig siya. Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kaniya. 8 Siya ay muling yumukod at sumulat sa lupa.
9 Sila na nakarinig nito ay sinumbatan ng kanilang mga budhi. Dahil dito, sila ay isa-isang lumabas, simula sa matatanda hanggang sa kahuli-hulihan. Naiwan si Jesus gayundin ang babae na nakatayo sa kalagitnaan. 10 Nang tumindig si Jesus ay wala siyang nakita maliban sa babae. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, nasaan ang mga nagsasakdal sa iyo? Wala bang humatol sa iyo?
11 Sinabi niya: Wala, Ginoo.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kahit ako man ay hindi hahatol sa iyo. Humayo ka at huwag nang magkasalang muli.
Tunay ang Patotoo ni Jesus
12 Nang magkagayon, nagsalitang muli si Jesus sa kanila. Sinabi niya: Ako ang ilaw ng sanlibutan. Siya na sumusunodsa akin ay hindi lalakad kailanman sa kadiliman. Siya ay magkakaroon ng ilaw ng buhay.
13 Sinabi nga ng mga Fariseo sa kaniya: Nagpapatotoo ka sa iyong sarili. Ang iyong patotoo ay hindi totoo.
14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Bagamat ako ang nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko naman ay totoo sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamantayan ng tao. Wala akong hinahatulang sinuman. 16 Ngayong humahatol ako, ang aking hatol ay totoo dahil ako ay hindi nag-iisa. Kasama ko ang aking Ama na nagsugo sa akin. 17 Nasusulat din sa inyong kautusan, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Ako ang nagpapatotoo sa aking sarili at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo patungkol sa akin.
19 Sinabi nga nila sa kaniya: Nasaan ang iyong Ama?
Sumagot si Jesus: Hindi ninyo ako nakikilala, ni ang aking Ama. Kung nakilala ninyo ako ay nakikilala rin ninyo ang aking Ama.
20 Ang mga salitang ito ay sinabi ni Jesus nang siya ay nagtuturo sa templo. Sila ay nasa silid na pinaglalagyan ng mga kaloob. Walang taong dumakip sa kaniya sapagkat hindi pa dumarating ang kaniyang oras.
21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ay aalis at hahanapin ninyo ako. Kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan.
22 Sinabi nga ng mga Judio: Magpapakamatay ba siyakaya niya sinabi: Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta?
23 Sinabi niya sa kanila: Kayo ay mga taga-ibaba, ako ay taga-itaas. Kayo ay mga taga-sanlibutan, ako ay hindi taga-sanlibutan. 24 Sinasabi ko nga sa inyo na kayo ay mamamatay sa inyong mga kasalanan. Ito ay sapagkat kung hindi kayo sumampalataya na ako nga iyon, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.
25 Sinabi nga nila sa kaniya: Sino ka ba?
Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako yaong sinabi ko sa inyo nang pasimula pa.
26 Marami akong mga bagay na sasabihin at ihahatol sa inyo. Siya na nagsugo sa akin ay totoo. Kung ano ang narinig ko mula sa kaniya ay sinasabi ko sa sanlibutan.
27 Hindi nila naunawaan na ang sinabi niya sa kanila ay patungkol sa Ama. 28 Kaya nga, sinabi ni Jesus sa kanila: Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng tao ay saka ninyo makikilala na ako nga siya. Malalaman ninyo na wala akong ginagawa nang sa sarili ko. Subalit kung papaano ako tinuturuan ng Ama ay gayunding sinasabi ko ang mga bagay na ito. 29 Siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi ako iniwang mag-isa ng Ama sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kaniya. 30 Habang sinabi niya ang mga bagay na ito, marami ang sumampalataya sa kaniya.
Ang mga Anak ni Abraham
31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judio na sumampalataya sa kaniya: Kapag mananatili kayo sa aking salita, totoong kayo ay aking mga alagad.
32 Malalaman ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.
33 Sila ay sumagot sa kaniya: Kami ay lahi ni Abraham at kailanman ay hindi naging alipin ninuman. Papaano mo nasabi na kami ay magiging malaya?
34 Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay magpakailanman. Ang anak ay nananatili magpakailanman. 36 Kung palalayain nga kayo ng anak, tunay na kayo ay magiging malaya. 37 Nalalaman ko na kayo ay lahi ni Abraham ngunit naghahanap kayo ng pagkakataon na ako ay patayin. Ito ay sapagkat ang aking salita ay walang puwang sa inyo. 38 Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama. Ginagawa naman ninyo ang mga bagay na nakita ninyo sa inyong ama.
39 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Si Abraham ang aming ama.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Yamang kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
40 Ngunit ngayon ay naghahanap kayo ng pagkakataon upang ako ay patayin. Ako ang taong nagsabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.
Sinabi nga nila sa kaniya: Kami ay hindi ipinanganak sa pakikiapid. Kami ay mayroong isang ama, ang Diyos.
Ang mga Anak ng Diyablo
42 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Kung ang Diyos ang inyong Ama, ibigin sana ninyo ako sapagkat ako ay nagmula at dumating mula sa Diyos. Hindi ako narito sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking pananalita? Ang dahilan ay hindi ninyo magawang dinggin ang aking salita. 44 Kayo ay sa inyong ama, ang diyablo. Ang mga masasamang hangarin ng inyong ama ang nais ninyong gawin. Siya ay mamamatay-tao buhat pa nang pasimula. Siya ay hindi nananatili sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa ganang kaniya. Siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Dahil nagsasabi ako sa inyo ng katotohanan, hindi kayo sumasampalataya sa akin. 46 Sino sa inyo ang susumbat sa akin patungkol sa kasalanan? Kung ako ay nagsasabi ng katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? 47 Siya na nasa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Kaya nga, hindi kayo nakikinig ay sapagkat hindi kayo sa Diyos.
Si Jesus ay Nagpahayag Patungkol sa Kaniyang Sarili
48 Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay taga-Samaria at mayroong demonyo?
49 Sumagot si Jesus: Wala akong demonyo. Niluluwalhati ko ang aking Ama at sinisira naman ninyo ang aking kaluwalhatian. 50 Hindi ko hinahanap ang aking kaluwalhatian. May isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang tutupad sa aking salita ay hindi makakaranas ng kamatayan magpakailanman.
52 Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Ngayon ay alam na namin na mayroon kang demonyo. Si Abraham at ang mga propeta ay namatay. Sinasabi mo na kung ang sinuman ay tutupad ng iyong salita ay hindi makakaranas ng kamatayan magpakailanman. 53 Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya ay namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?
54 Sumagot si Jesus: Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang aking kaluwalhatian ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin. Siya ang sinasabi ninyong inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya kilala ngunit kilala ko siya. Kapag sinabi kong hindi ko siya kilala ay magiging sinungaling akong tulad ninyo. Kilala ko siya at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56 Ang inyong amang si Abraham ay nagalak na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya ay natuwa.
57 Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala ka pang limampung taong gulang at nakita mo na si Abraham?
58 Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Bago pa si Abraham ay ako na. 59 Dumampot nga sila ng mga bato upang siya ay batuhin ngunit si Jesus ay nagtago. Sa paglabas niya sa templo ay dumaan siya sa kalagitnaan nila sa ganoong paraan.
Copyright © 1998 by Bibles International