M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Selyo
6 At nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa mga selyo. At narinig ko ang isa sa mga apat na buhay na nilalang na nagsasabi sa isang malakas na tinig na katulad ng kulog: Halika at tingnan mo.
2 At nakita ko at narito, ang isang puting kabayo. At ang nakaupo rito ay may isang pana. Binigyan siya ng isang putong. Humayo siya na nanlulupig at upang manlupig.
3 Nang buksan ng Kordero ang ikalawang selyo, narinig ko ang ikalawang buhay na nilalang na nagsasabi: Sinabi niya: Halika at tingnan mo. 4 At isa pang kabayo ang lumabas, ito ay pula. At ibinigay sa kaniya na nakaupo dito na pawiin ang kapayapaan sa lupa upang magpatayan sa isa’t isa ang mga tao at binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang buksan ng Kordero ang ikatlong selyo, narinig ko ang ikatlong buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. At nakita ko, narito, ang isang itim na kabayo. Ang nakaupo rito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. 6 At narinig ko ang isang tinig sa kalagitnaan ng apat na buhay na nilalang na nagsasabi: Gawin mo na ang halaga ng isang takal ng trigo ay isang denaryo at ang tatlong takal na sebada na isang denaryo. Huwag mong pinsalain ang langis at alak.
7 At nang binuksan niya ang ikaapat na selyo, narinig ko ang tinig ng ikaapat na buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. 8 Nakita ko ang isang kabayong maputla. Ang pangalan ng nakaupo roon ay Kamatayan. At sumunod ang hades sa kaniya. Binigyan sila ng kapamahalaan na patayin ang higit sa ikaapat na bahagi ng lupa, ng tabak at ng gutom at ng kamatayan at sa pamamagitan ng mabangis na hayop ng lupa.
9 At nang binuksan niya ang ikalimang selyo, sa ilalim ng dambana, nakita ko ang mga kaluluwa ng mga taong napatay dahil sa Salita ng Diyos at dahil sa patotoong taglay nila. 10 Sila ay sumisigaw nang malakas na nagsasabi: O Panginoon, ikaw ang banal at totoo. Hanggang kailan mo hahatulan ang mga taong naninirahan sa lupa at ipaghihiganti ang aming dugo? 11 Binigyan ng maputing kasuotan ang bawat isa sa kanila. Sinabi sa kanila na magpahinga muna sila ng kaunting panahon hanggang ang bilang ng kapwa nila alipin at mga kapatid na papatayin nang katulad nila ay maganap.
12 At nang binuksan niya ang ika-anim na selyo, narito, isang malakas na lindol. Ang araw ay naging maitim na katulad ng magaspang na damit na mabalahibo. Ang buwan ay naging katulad ng dugo. 13 Ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa katulad ng pagkahulog ng mga bubot na bunga ng punong igos kung inuuga ng isang napakalakas na hangin. 14 Ang kalangitan ay nawalang katulad ng balumbong nilulon. Ang bawat bundok at bawat pulo ay naalis sa kinalalagyan nila.
15 At ang mga hari sa lupa, mga dakilang tao, mga mayaman, mga pinunong-kapitan, mga makapangyarihan, ang bawat alipin at bawat malaya ay nagtago ng kanilang sarili sa mga yungib at sa mga bato sa kabundukan. 16 Sinabi nila sa mga bundok at mga bato: Bagsakan ninyo kami. Itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono ng Diyos at mula sa poot ng Kordero. 17 Sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kaniyang poot. Kaya, sino nga ang makakatagal?
Pinagaling ni Jesus ang Lalaki sa may Dako ng Paliguan
5 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay may kapistahan ang mga Judio. Si Jesus ay umahon sa Jerusalem.
2 May malaking dakong paliguan sa Jerusalem na nasa tabi ng Tarangkahan ng mga Tupa. Ito ay tinatawag na Betesda sa wikang Hebreo. Ito ay mayroong limang portiko. 3 Dito ay may napakaraming nakahiga na maysakit. May mga bulag, pilay at nanunuyot, na naghihintay ng paggalaw ng tubig. 4 Ito ay sapagkat may mga panahon na lumulusong ang isang anghel sa dakong paliguan at hinahalo ang tubig. Ang unang makalusong pagkatapos haluin ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na mayroon siya. 5 Naroroon ang isang lalaki na tatlumpu’t walong taon nang maysakit. 6 Siya ay nakita ni Jesus na nakahiga. At alam niya na matagal nang panahon na siya ay may sakit. Sinabi niya sa kaniya: Nais mo bang gumaling?
7 Sumagot sa kaniya ang maysakit: Ginoo, wala akong kasama na maglagay sa akin sa dakong paliguan pagkahalo sa tubig. Sa pagpunta ko roon ay may nauuna nang lumusong sa akin.
8 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka. 9 Kaagad na gumaling ang lalaki at binuhat niya ang kaniyang higaan at lumakad.
Noon ay araw ng Sabat.
10 Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya na pinagaling: Ngayon ay araw ng Sabat, labag sa kautusan na magbuhat ka ng higaan.
11 Sumagot siya sa kanila: Ang nagpagaling sa akin ay siya ring nagsabi sa akin: Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.
12 Tinanong nga nila siya: Sino ang lalaking nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?
13 Hindi nakilala ng pinagaling kung sino siya sapagkat si Jesus ay nakaalis na at maraming mga tao sa pook na iyon.
14 Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa templo. Sinabi sa kaniya: Narito, ikaw ay magaling na. Huwag ka nang magkasala upang hindi mangyari sa iyo ang malubhang bagay. 15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya.
Ang Buhay sa Pamamagitan ng Anak
16 Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus. Humanap sila ng pagkakataon upang patayin siya sapagkat ginawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabat.
17 Sinabi sa kanila ni Jesus: Ang aking Ama ay gumagawa hanggang ngayon at ako ay gumagawa. 18 Dahil dito ay lalo ngang naghanap ng pagkakataon ang mga Judio na patayin siya. Ito ay sapagkat hindi lamang niya nilabag ang araw ng Sabat kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Diyos, na ipinapantay ang kaniyang sarili sa Diyos.
19 Tumugon nga si Jesus at sinabi sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kaniyang sarili malibang makita niya ang ginagawa ng Ama sapagkat anumang mga bagay na ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. 20 Ito ay sapagkat mahal ng Ama ang Anak at ipinapakita niya sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa. At higit na dakilang mga gawa kaysa sa mga ito ang ipapakita niya sa kaniya upang kayo ay mamangha. 21 Ito ay sapagkat kung papaanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila, gayundin binubuhay ng Anak ang nais niyang buhayin. 22 Ito ay sapagkat ang Ama ay hindi humahatol sa sinuman ngunit ibinigay niya ang lahat ng paghatol sa Anak. 23 Ito ay upang parangalan ng lahat ang Anak kung papaano nila pinarangalan ang Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.
24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang dumirinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Siya ay hindi na hahatulan kundi lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang oras ay darating at ito ay ngayon na. Sa oras na iyon ay maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos. Sila na nakarinig ay mabubuhay. 26 Ito ay sapagkat kung papaanong ang Ama ay mayroong buhay sa kaniyang sarili ay gayundin pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili. 27 Ang kapamahalaan ay ibinigay rin sa kaniya upang magsagawa ng paghatol sapagkat siya ay Anak ng Tao.
28 Huwag kayong mamangha sa bagay na ito sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa mga libingan ay makakarinig ng kaniyang tinig. 29 Sila na gumawa ng mabuti ay lalabas mula sa libingan patungo sa buhay. Ang mga gumawa ng masama ay lalabas mula sa mga libingan patungo sa kahatulan. 30 Hindi ako makakagawa ng anuman na mula sa aking sarili. Ako ay humahatol ayon sa naririnig ko. Ang aking hatol ay matuwid sapagkat hindi ko hinahanap ang aking kalooban kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin.
Mga Patotoo Patungkol kay Jesus
31 Kung ako ay magpapatotoo patungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi totoo.
32 Iba ang nagpapatotoo patungkol sa akin at alam ko na ang patotoong pinatotohanan niya patungkol sa akin ay totoo.
33 May sinugo kayong mga Judio kay Juan at siya ay nagpatotoo sa katotohanan. 34 Hindi ako tumatanggap ng patotoo mula sa tao datapuwat sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. 35 Siya ang nagniningas at nagliliwanag na ilawan. Kayo ay pumayag na magalak ng maikling panahon sa kaniyang liwanag.
36 Ako ay may patotoong mas higit kaysa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawain na ipinagkaloob sa akin ng Ama upang tapusin ay nagpapatotoo patungkol sa akin. Ang mga gawaing ginagawa ko ay nagpapatotoong ang Ama ang nagsugo sa akin. 37 Ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo patungkol sa akin. Kailanman ay hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig o nakita man ang kaniyang anyo. 38 Walang nanatiling salita niya sa inyo dahil hindi kayo sumampalataya sa sinugo niya. 39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat sa palagay ninyo na sa mga ito ay may buhay na walang hanggan. Ang mga kasulatang ito ang nagpapatotoo patungkol sa akin. 40 Ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo ay magkaroon ng buhay.
41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa mga tao. 42 Subalit kilala ko kayo, na sa inyong sarili ay wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Pumarito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kapag may ibang pumarito sa kaniyang sariling pangalan ay siya ninyong tatanggapin. 44 Papaano kayo makakasampalataya, kayo na tumatanggap ng kaluwalhatian sa isa’t isa? At hindi ninyo hinahanap ang parangal na nagmumula sa iisang Diyos.
45 Huwag ninyong isiping pararatangan ko kayo sa Ama. Si Moises na inyong inasahan ang siyang magpaparatang sa inyo. 46 Yamang sumampalataya kayo kay Moises ay sasampalataya rin kayo sa akin. Ito ay sapagkat siya ay sumulat patungkol sa akin. 47 Yamang hindi ninyo sinasampalatayanan ang kaniyang mga sinulat papaano ninyo sasampalatayanan ang aking mga salita?
Copyright © 1998 by Bibles International