Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 2

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Efeso

Isulat mo sa anghel ng iglesiya sa Efeso:

Ako na may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong ginin­tuang lagayan ng ilawan, ang nagsasabi ng mga bagay na ito:

Nalalaman ko ang iyong mga gawa, ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis. Nalalaman kong hindi mo matanggap ang mga masasama. Sinubok mo ang mga nagpapanggap na mga apostol at napagkilala ngunit hindi naman. Natuklasan mong sila ay mga sinungaling. Ikaw ay nagpatuloy at nagtiis. Alang-alang sa aking pangalan ay nagpagal ka at hindi nanlupaypay.

Ngunit mayroon akong isang laban sa iyo. Ito ay: Tinalikdan mo ang iyong unang pag-ibig. Kaya nga, alalahanin mo kung saan ka nahulog. Magsisi ka at gawin mo ang mga gawang ginawa mo noong una. Ngunit kung hindi, papariyan ako agad sa iyo at aalisin ko ang lagayan ng iyong ilawan sa kinakalagyan nito maliban na ikaw ay magsisi. Ngunit nasa iyo ang bagay na ito. Napopoot ka sa mga gawa ng mga Nicolaita. Napopoot din ako sa mga gawa nila.

Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Sa sinumang magtatagumpay, ibibigay ko sa kaniya ang karapatang kumain sa bunga ng punong-kahoy ng buhay na nasa gitna ng halamanan ng Diyos.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Esmirna

Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Esmirna:

Ako yaong simula at wakas ang nagsasabi ng mga bagay na ito. Ako yaong namatay at muling nabuhay.

Nalalaman ko ang iyong mga gawa, ang iyong mga paghihirap at iyong karukhaan. Ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi naman at ang kanilang pamumusong. Sila ay isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag mong kakatakutan ang lahat ng bagay na malapit mo nang danasin. Narito, ang ilan sa inyo ay malapit nang ipabilanggo ng diyablo upang kayo ay subukin. At magkakaroon ka ng paghihirap sa loob ng sampung araw. Maging tapat kayo kahit hanggang kamatayan at bibigyan ko kayo ng gantimpalang putong ng buhay.

11 Siya na may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Ang magtatagumpay ay hindi kailanman makakaranas ng ikalawang kamatayan.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Pergamo

12 Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Pergamo:

Ako na may matalas na tabak, na may dalawang talim, ay nagsasabi ng mga bagay na ito:

13 Nalalaman ko ang iyong mga gawa at kung saan ka nakatira. Nakatira ka sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas. Nanghawakan kang patuloy sa aking pangalan at hindi mo tinalikdan ang aking pananampalataya kahit sa araw na pinatay nila si Antipas na aking tapat na saksi sa inyong kalagitnaan, na tinatahanan ni Satanas.

14 Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagkat mayroon sa inyo na ang pinanghawakan ay ang katuruan ni Balaam. Tinuruan ni Balaam si Barak na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel. Ang katitisuran ay ang kumain sila ng mga inihain sa mga diyos-diyosan at sila ay nakiapid. 15 Sila rin yaong nanghahawakan sa katuruan ng mga Nicolaita, na kinapopootan ko. 16 Magsisi ka! Kung hindi ka magsisisi, kaagad akong pupunta riyan. Makikipaglaban ako sa kanila sa pamamagitan ng tabak sa aking bibig.

17 Ang may pandinig ay makinig kung ano ang sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya. Ibibigay ko sa magtatagumpay ang karapatang kumain ng manang itinago ng Diyos. Bibigyan ko siya ng isang puting bato kung saan isinulat ko ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakaka­alam sa pangalan maliban lang sa makakatanggap nito.

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Tiatira

18 Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Tiatira:

Ako na Anak ng Diyos ang nagsasabi ng mga bagay na ito: Ang aking mga mata ay katulad ng alab na apoy.Ang aking mga paa ay katulad ng makinang na tanso.

19 Nalalaman ko ang iyong mga gawa at ang iyong pag-ibig at ang iyong paglilingkod. Nalalaman ko ang inyong pananampalataya at pagtitiis. Alam ko ang huli mong mga gawa ay higit kaysa sa mga nauna mong mga gawa.

20 Mayroon akong ilang bagay laban sa iyo dahil pinahintulutan mo ang babaeng si Jezebel, na tinawag niya ang kaniyang sarili na babaeng propeta. Siya ay nagtuturo at inililigaw ang aking mga alipin upang sila ay makiapid at kumain ng mga inihain sa diyos-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi sa kaniyang pakikiapid. Ngunit hindi siya nagsisi. 22 Narito, inihagis ko siya sa isang higaan. Ang mga nangangalunya sa kaniya ay ihahagis ko sa isang dakilang paghihirap, kung hindi sila magsisisi sa kanilang mga gawa. 23 Papatayin ko ang kaniyang mga anak. At malalaman ng lahat ng iglesiya na ako yaong sumusuri sa kaloob-looban at sa mga puso. Ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang mga gawa. 24 Ngunit sinabi ko sa inyo at sa mga natitira sa Tiatira at sa sinumang wala sa ganitong katuruan at sa sinumang hindi nakakaalam sa tinatawag na malalalim na bagay ni Satanas: Wala akong ibang pasaning ibibigay sa inyo. 25 Ang sinasabi ko lang: Maghawakan kayo sa mga bagay na taglay na ninyo hanggang sa aking pagdating.

26 Ang magtatagumpay at ang tutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapama­halaan sa mga bansa.

27 Mamamahala siya sa kanila bilang isang pastol sa pamamagitan ng isang bakal na tungkod, sa pamaraan ng pagdudurog ng isang tao sa palayok.

Ito ay katulad din sa paraan ng pagtanggap ko ng kapamahalaang mula sa aking Ama.

28 At ibibigay ko sa kaniya ang tala sa umaga. 29 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Juan 1

Nagkatawang Tao ang Salita

Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos.

Siya ay sumasa Diyos nang pasimula pa.

Ang lahat ng mga bagay ay nilikha sa pamamagitan niya. Kung wala siya ay walanganumang nilikhang bagay na nalikha. Ang buhay ay nasa kaniya at ang buhay ay ang ilaw ng mga tao. Ang ilaw ay nagliwanag sa kadiliman at hindi ito naunawaan ng kadiliman.

May isang lalaking isinugong mula sa Diyos. Ang kaniyang pangalan ay Juan. Siya ay naparitong isang saksi na magpatotoo patungkol sa ilaw upang ang lahat ay sumam­palataya sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw ngunit siya ay sinugo upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ang tunay na ilaw ay iyong tumatanglaw sa bawat taong pumarito sa sanlibutan.

10 Siya ay nasa sanlibutan. Ang sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan niya at hindi siya nakilala ng sangkatauhan. 11 Siya ay pumunta sa kaniyang sariling mga tao ngunit hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga tao. 12 Datapuwat ang lahat ng tumanggap sa kaniya ay binigyan niya ng kapamahalaan maging mga anak ng Diyos. Sila ay ang mga sumampalataya sa kaniyang pangalan. 13 Ipinanganak sila hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao. Sila ay ipinanganak mula sa Diyos.

14 Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin. Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwal­hatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.

15 Si Juan ay nagpapatotoo patungkol sa kaniya. Siya ay sumigaw at nagsabi: Siya ang aking sinasabi na ang paparitong kasunod ko ay mas higit sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 16 Mula sa kaniyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat ng abut-abot na biyaya. 17 Ito ay sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo. 18 Walang taong nakakita kailanman sa Diyos. Ang bugtong na Anak na nasa piling ng Ama ang naghayag sa kaniya.

Sinabi ni Juan Tagapagbawtismo na Hindi Siya ang Mesiyas

19 Ito ang patotoo ni Juan nang isugo sa kaniya ng mga Judio ang mga saserdote at mga Levita mula sa Jerusalem. Isinugo sa kaniya ang mga saserdote at mga Levita upang tanungin siya: Sino ka?

20 Siya ay nagtapat at hindi nagkaila. Kaniyang ipinagtapat: Hindi ako ang Mesiyas.[a]

21 ? Ikaw ba si Elias?

Sinabi niya: Hindi ako.

Ikaw ba ang propeta?

Siya ay sumagot: Hindi.

22 Sinabi nga nila sa kaniya: Sino ka ba? Sabihin mo sa amin, nang sa gayon ay maibigay namin ang sagot sa nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo patungkol sa iyong sarili?

23 Sinabi niya: Ako ang tinig na sumisigaw sa ilang. Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon tulad ng sinabi ni Isaias na propeta.

24 Ngayon, silang mga sinugo ay nagmula sa mga Fariseo. 25 Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya: Bakit ka nagba­bawtismo yamang hindi ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang propeta?

26 Sumagot si Juan sa kanila na nagsasabi: Ako ay nagbabawtismo ng tubig, ngunit sa inyong kalagitnaan ay may isang nakatayo na hindi ninyo kilala. 27 Siya ang paparitong kasunod ko na higit kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak.

28 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa Betabara, sa ibayo ng Jordan na pinagbabawtismuhan ni Juan.

Si Jesus ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan nang makita ni Juan si Jesus na papalapit sa kaniya, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.

30 Siya ang aking tinutukoy nang sabihin kong may paparitong kasunod ko, na isang lalaking higit kaysa sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 31 Hindi ko siya kilala ngunit upang maihayag siya sa Israel, ako nga ay naparitong nagbabawtismo sa tubig.

32 Nagpatotoo si Juan na nagsasabi: Nakita ko ang Espiritu na bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan sa kaniya. 33 Hindi ko siya kilala ngunit ang nagsugo sa akin upang magbawtismo sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa akin: Kung kanino mo makikitang bababa at mananahan ang Espiritu, siya ang magbabawtismo ng Banal na Espiritu. 34 Aking nakita at pinatotohanan na siya ang Anak ng Diyos.

Ang mga Unang Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, si Juan ay muling nakatayo roon kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad.

36 Pagtingin niya kay Jesus na naglalakad, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos.

37 Narinig ng dalawang alagad nang siya ay magsalita. Sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod. Sinabi niya sa kanila: Ano ang inyong hinahanap?

Sinabi nila sa kaniya:Rabbi, na kung liliwanagin ay Guro, saan ka nakatira?

39 Sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong tingnan.

Sila ay pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.

40 Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres. Siya ay kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: Natagpuan namin ang Mesiyas. Ang kahu­lugan ng Mesiyas ay Cristo.[b] 42 Isinama ni Andres si Simon kay Jesus.

Tiningnan siya ni Jesus at sinabi: Ikaw ay si Simon na anak ni Jonas, tatawagin kang Cefas. Kung isasalin ang Cefas ay bato.[c]

Tinawag ni Jesus sina Felipe at Natanael

43 Kinabukasan ay ninais ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nasumpungan niya si Felipe at sinabi sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

44 Si Felipe ay taga-Betsaida na lungsod nina Andres at Pedro. 45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael at sinabi sa kaniya: Nasumpungan namin siya, na patungkol sa kaniya ang isinulat ni Moises sa kautusan at isinulat din ng mga propeta. Siya ay si Jesus, ang anak ni Jose na taga-Nazaret.

46 At sinabi ni Natanael sa kaniya: May mabuti bang bagay na magmumula sa Nazaret?

Sinabi sa kaniya ni Felipe: Halika at tingnan mo.

47 Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, sinabi niya ang patungkol kay Natanael: Narito, ang isang totoong taga-Israel, sa kaniya ay walang pandaraya.

48 Sinabi sa kaniya ni Natanael: Papaano mo ako nakilala?

Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Bago ka pa tawagin ni Felipe ay nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.

49 Sumagot si Natanael at sinabi sa kaniya: Guro, ikaw ang Anak ng Diyos. Ikaw ang Hari ng Israel.

50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Sumasampalataya ka ba dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makikita mo ang mga bagay na mas dakila kaysa sa mga ito. 51 At sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit. Makikita ninyo ang mga anghel ng Diyos ay pumapa­itaas at bumababa sa Anak ng Tao.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International