Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 3-4

Nagpatayo si Solomon ng Templo sa Jerusalem

At sinimulan na ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon sa Jerusalem doon sa Bundok ng Moria, kung saan nagpakita ang Panginoon sa ama niyang si David. Doon niya ito ipinatayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo, ang lugar na inihanda ni David. Sinimulan niya itong ipatayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, nang ikaapat na taon ng paghahari niya.

Ang pundasyon ng templo ng Dios ay may taas na 90 talampakan at lapad na 30 talampakan. Ang balkonahe sa harapan ng templo ay 30 talampakan ang lapad, gaya ng lapad ng templo, at ang taas ay 30 talampakan din. Pinabalutan ni Solomon ang loob nito ng purong ginto.

Pinadingdingan niya ang bulwagan ng templo ng kahoy na sipres at pinabalutan ng purong ginto, at pinalamutian ng mga disenyo na palma at mga kadena. Nilagyan din niya ang templo ng mga palamuti na mamahaling bato at ginto na galing pa sa Parvaim. Pinabalutan niya ng ginto ang mga biga, hamba ng pintuan, mga dingding at mga pintuan. At pinaukitan niya ng kerubin ang mga dingding.

Ang Pinakabanal na Lugar ay may lapad na 30 talampakan at may haba na 30 talampakan din, na gaya ng lapad ng templo. Ang loob nitoʼy binalutan ng mga 21 toneladang ginto. Ang mga pako ay ginto na may timbang na kalahating kilo. Ang mga dingding sa itaas na bahagi ay binalutan din ng ginto.

10 Nagpagawa si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin at pinabalutan ito ng ginto. 11-13 Ang bawat kerubin ay may dalawang pakpak, at ang bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang kabuuang haba ng nakalukob na mga pakpak ng dalawang kerubin ay 30 talampakan. Ang kabilang dulo ng kanilang pakpak ay nagpapang-abot, at ang kabilang pakpak nito ay nakadikit sa dingding. 14 Ang kurtina na nakatakip sa Pinakabanal na Lugar ay gawa mula sa pinong telang linen na asul, kulay ube at pula, na may burdang kerubin.

Ang Dalawang Haligi(A)

15 Gumawa rin si Solomon ng dalawang haligi sa harapan ng templo na ang taas ng bawat isa ay 52 talampakan. Ang bawat haligi ay may hugis-ulo na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan. 16 Ang bawat hugis-ulo ng haligi ay nilagyan ng mga kadena na may nakasabit na mga palamuting ang korte ay parang prutas na pomegranata. Ang mga palamuting ito ay 100 piraso. 17 Ipinatayo niya ang mga haligi sa harapan ng templo. Ang isaʼy sa gawing timog at ang isaʼy sa gawing hilaga. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.

Ang Kagamitan ng Templo(B)

Nagpagawa rin si Solomon ng tansong altar na 30 talampakan ang haba, 30 talampakan ang lapad at 15 talampakan ang taas. Nagpagawa rin siya ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan, at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. Napapalibutan ito ng dalawang hanay ng palamuting hugis toro sa ilalim ng bibig nito. Ang mga palamuti ay kasama na nang gawin ito. Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo ay sa gawing silangan. Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada, at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng 17,500 galong tubig. Nagpagawa rin siya ng sampung planggana para paghugasan ng mga kagamitan sa mga handog na sinusunog. Inilagay ang lima sa gawing timog at ang lima ay sa gawing hilaga. Pero ang tubig sa lalagyan na tinatawag na Dagat ay ginagamit ng mga pari na panghugas. Nagpagawa rin siya ng sampung lalagyan ng ilaw na ginto ayon sa plano, at inilagay sa templo, lima sa gawing hilaga at lima sa gawing timog. Nagpagawa siya ng 10 mesa at inilagay sa templo, lima sa gawing timog at lima sa gawing hilaga. Nagpagawa rin siya ng 100 gintong mangkok na ginagamit sa pangwisik.

Nagpagawa rin siya ng bakuran ng mga pari at maluwang na bakuran sa labas. Pinagawan niya ng mga pintuan ang mga daanan papasok sa bakuran ng templo at pinabalutan niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang sisidlan ng tubig na tinatawag na Dagat sa gawing timog-silangan ng templo. 11 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala, at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.

Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Solomon para sa templo ng Dios. Ito ang kanyang mga ginawa:

12 ang dalawang haligi;

ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;

ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;

13 ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);

14 ang mga kariton at mga planggana;

15 ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;

16 ang mga palayok, mga pala, malalaking tinidor para sa karne, at ang iba pang kagamitan.

Ang lahat ng bagay na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakintab na tanso. 17 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 18 Napakaraming tanso na ginamit ni Solomon kaya hindi na kayang alamin ang eksaktong timbang nito.

19 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Dios:

ang gintong altar,

ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios,

20 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto at ang mga lampara nito na pinapailaw sa harapan ng Pinakabanal na Lugar ayon sa tuntunin tungkol dito,

21 ang palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga pang-ipit, na puro ginto lahat;

22 ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga sisidlan ng insenso na puro ginto rin lahat;

ang mga pintuan ng templo at ang mga pintuan papasok sa Pinakabanal na Lugar, na nababalutan ng ginto.

1 Juan 3

Mga Anak ng Dios

Pag-isipan ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Tinawag niya tayong mga anak niya, at tunay nga na tayoʼy mga anak niya! Kaya hindi tayo nakikilala ng mga tao sa mundo dahil hindi nila kilala ang Dios. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Dios. Ngunit hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Alam natin na sa pagbabalik ni Cristo, tayo ay magiging katulad niya dahil makikita natin kung sino talaga siya. Kaya ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay dapat maging matuwid sa kanyang buhay, tulad ng buhay ni Cristo na matuwid. Ang lahat ng nagkakasala ay lumalabag sa Kautusan ng Dios dahil ang kasalanan ay paglabag sa Kautusan. Alam ninyong si Cristo na walang kasalanan ay naparito sa mundo upang alisin ang ating mga kasalanan. Ang sinumang nananatili kay Cristo ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Ang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi pa nakakita o nakakilala sa kanya.

Mga anak, huwag kayong padadaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng tama ay matuwid, tulad ni Cristo na matuwid. Ngunit ang nagpapatuloy sa kasalanan ay kampon ng diyablo, dahil ang diyablo ay gumagawa na ng kasalanan mula pa sa simula. Ito ang dahilan kung bakit naparito ang Anak ng Dios, upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan dahil ang katangian ng Dios ay nasa kanya na. At dahil nga ang Dios ay kanyang Ama, hindi na siya nagpapatuloy sa kasalanan. 10 At dito makikilala kung sino ang mga anak ng Dios at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang lahat ng hindi gumagawa ng matuwid o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Dios.

Magmahalan Tayo

11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17 Kung mayroon man sa atin ang nasa mabuting pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios? 18 Mga anak, huwag tayong magmahalan sa salita lang, kundi ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahalan. 19 Sa ganitong paraan, mapapatunayan natin na tayo nga ay nasa katotohanan at magiging panatag ang ating kalooban sa kanyang harapan 20 kahit inuusig man tayo ng ating konsensya. Sapagkat ang Dios ay mas higit kaysa sa ating konsensya at nalalaman niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating konsensya, panatag tayong makakalapit sa Dios. 22 At matatanggap natin ang anumang hinihiling natin sa kanya, dahil sumusunod tayo sa kanyang mga utos at ginagawa ang naaayon sa kanyang kalooban. 23 At ito ang kanyang utos: Dapat tayong sumampalataya sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan gaya ng iniutos niya sa atin. 24 Ang mga sumusunod sa utos niya ay nananatili sa kanya, at siyaʼy nananatili rin sa kanila. At malalaman natin na nananatili ang Dios sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Nahum 2

Ang Pagkawasak ng Nineve

Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo ng inyong mga kalaban na magpapangalat sa inyo. Kaya guwardyahan ninyo ang pader ng inyong lungsod at bantayan ang mga daan. Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo at humanda kayo sa digmaan. Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda[a] na parang mga tanim na ubas[b] na pinatay, ibabalik ng Panginoon ang kanilang kapangyarihan.

Pula ang kalasag at damit ng mga sundalo ng inyong kalaban. At sa oras ng kanilang pagsalakay kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.[c] Humahagibis ang kanilang mga karwahe sa mga lansangan, parooʼt parito na sumusugod sa mga plasa. Nagliliwanag ang mga ito na parang sulo, at kumikislap na parang kidlat. Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader para maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. Mabubuksan ang mga pintuan ng inyong lungsod sa bandang ilog at magigiba ang palasyo. Naipahayag na, na bibihagin kayo[d] at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama pero wala ni isa mang bumalik.

Kayong mga sumasalakay sa Nineve, kunin ninyo ang mga pilak at ginto ng lungsod na ito dahil puno ito ng kayamanan. 10 Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. 11-12 Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang pwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima.[e] Pero ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. 13 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal.[f] Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”

Lucas 18

Aral Tungkol sa Pananalangin

18 Nagkwento si Jesus sa mga tagasunod niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang bayan ay may isang hukom na walang takot sa Dios at walang iginagalang na tao.[a] Sa bayan ding iyon ay may isang biyuda na palaging pumupunta sa hukom at nagsasabi, ‘Bigyan nʼyo po ako ng katarungan at ipagtanggol nʼyo ako laban sa mga kaaway ko!’ Noong una ay hindi pinapansin ng hukom ang biyuda, pero bandang huli ay sinabi niya, ‘Kahit hindi ako natatakot sa Dios at walang iginagalang na tao, bibigyan ko ng katarungan ang babaeng ito para hindi na niya ako gambalain ulit. Dahil kung hindi, iinisin niya ako sa kapaparito niya.’ ” Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom? Ang Dios pa kaya ang hindi magbigay ng katarungan sa mga pinili niya na tumatawag sa kanya araw at gabi? Tinitiyak ko sa inyo na bibigyan niya agad sila ng katarungan. Ngunit kung ako na Anak ng Tao ay bumalik na rito sa mundo, may makikita kaya akong mga taong sumasampalataya sa akin?”

Ang Kwento tungkol sa Pariseo at sa Maniningil ng Buwis

May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: 10 “May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isaʼy maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Dios, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu[b] ng lahat ng kinikita ko!’ 13 Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Dios ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring nang matuwid ng Dios, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

15 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Nang makita iyon ng mga tagasunod ni Jesus, sinaway nila ang mga tao. 16 Pero tinawag ni Jesus ang mga bata, at sinabihan niya ang mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.”

Ang Lalaking Mayaman(B)

18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[c] 21 Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22 Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.

24 Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28 Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)

31 Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33 Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” 34 Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(D)

35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[d] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[e] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®