M’Cheyne Bible Reading Plan
Humingi si Solomon ng Karunungan(A)
1 Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sa kaharian niya dahil kasama niya ang Panginoon na kanyang Dios, at siyaʼy ginawa niyang makapangyarihan. 2 Nakipag-usap si Solomon sa lahat ng mga Israelita – sa mga kumander ng mga libu-libo at daan-daang mga sundalo, sa mga hukom, sa lahat ng pinuno ng Israel, at sa mga pinuno ng mga pamilya. 3 Pagkatapos, umalis si Solomon at ang lahat ng tao papuntang sambahan sa matataas na lugar[a] sa Gibeon, dahil naroon ang Toldang Tipanan ng Dios. Ang toldang ito ay ang ipinagawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa disyerto. 4 Nang panahong iyon, nailipat na ni David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios mula sa Kiriat Jearim papunta sa toldang inihanda niya para rito, doon sa Jerusalem. 5 Ngunit ang tansong altar na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur ay naroon pa sa Gibeon sa harap ng Tolda ng Panginoon. Kaya doon nagtipon si Solomon at ang lahat ng tao para magtanong sa Panginoon. 6 Pagkatapos, umakyat si Solomon sa tansong altar sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at naghandog siya ng 1,000 handog na sinusunog.
7 Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Solomon at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo” 8 Sumagot si Solomon, “Pinakitaan nʼyo po ng malaking kabutihan ang ama kong si David. At ngayon, ipinalit nʼyo ako sa kanya bilang hari. 9 Kaya ngayon, Panginoong Dios, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin. 10 Bigyan nʼyo po ako ng karunungan at kaalaman para mapamahalaan ko ang mga taong ito. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa mga mamamayan ninyo na napakarami?”
11 Sinabi ng Dios kay Solomon, “Dahil humingi ka ng karunungan at kaalaman sa pamamahala ng aking mga mamamayan na kung saan ginawa kitang hari at hindi ka humingi ng kayamanan, o karangalan, o kamatayan ng iyong mga kalaban, o mahabang buhay, 12 ibibigay ko sa iyo ang iyong hinihingi. At hindi lang iyan, bibigyan din kita ng mga kayamanan at karangalan na hindi pa nakamtan ng sinumang hari noon at sa darating na panahon.”
13 Pagkatapos, umalis si Solomon sa Toldang Tipanan doon sa sambahan sa matataas na lugar na nasa Gibeon, at bumalik sa Jerusalem. At naghari siya sa Israel.
Ang mga Kayamanan ni Solomon(B)
14 Nakapagtipon si Solomon ng 1,400 karwahe at 12,000 kabayo.[b] Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 15 Nang panahong siya ang hari, ang pilak at ginto sa Jerusalem ay parang ordinaryong mga bato lang, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng ordinaryong mga kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[c] 16 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula pa sa Egipto[d] at sa Cilicia.[e] Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 17 Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.[f]
Ang Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
1 Ipinapahayag namin sa inyo ang tungkol sa kanya na mula pa sa simula ay nariyan na.[a] Narinig namin siya, nakitaʼt napagmasdan ng sarili naming mga mata, at nahawakan pa namin siya. Siya ang Salita ng Dios na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 2 Siya na pinagmumulan ng buhay na walang hanggan ay nahayag at aming nakita. Pinapatotohanan at ipinapahayag namin siya sa inyo, na sa simulaʼt simula pa ay kasama na ng Ama, at nagpakita sa amin. 3 Ipinapahayag namin sa inyo ang nakita at narinig namin upang maging kaisa namin kayo sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ito upang malubos ang aming[b] kagalakan.
Ang Pamumuhay sa Liwanag
5 Ito ang mensaheng narinig namin mula kay Jesu-Cristo at ipinapahayag naman namin sa inyo: Ang Dios ay liwanag at sa kanya ay walang anumang kadiliman. 6 Kung sinasabi nating may pakikiisa tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan. 7 Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Dios na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya. 10 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, ginagawa nating sinungaling ang Dios, at wala sa atin ang kanyang salita.
Ang Kasamaan ng mga Israelita
7 Sinabi ni Micas: Kawawa ako! Para akong isang gutom na naghahanap ng mga natirang bunga[a] ng ubas o igos pero walang makita ni isa man. 2 Ang ibig kong sabihin, wala na akong nakitang tao sa Israel na tapat sa Dios. Wala nang natirang taong matuwid. Ang bawat isa ay naghahanap ng pagkakataon para patayin ang kanyang kababayan, tulad ng taong naghahanda ng bitag sa hayop na kanyang huhulihin. 3 Bihasa silang gumawa ng kasamaan. Ang mga pinuno at mga hukom ay tumatanggap ng suhol. Sumusunod lamang sila sa gusto ng mga taong tanyag at makapangyarihan. Nagkakaisa sila upang baluktutin ang katarungan. 4 Ang pinakamabuti sa kanila ay parang dawag na walang silbi. Dumating na ang panahon ng pagpaparusa ng Dios sa mga taong ito, gaya ng kanyang babala sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta na parang mga guwardya sa tore. Dumating na ang panahon ng kanilang pagkalito.
5 Dahil sa laganap na ang kasamaan, huwag na kayong magtiwala sa inyong kapwa o sa inyong mga kaibigan. At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi kahit na sa inyong mahal na asawa. 6 Sapagkat sa mga panahong ito, ang anak na lalaki ay hindi na gumagalang sa kanyang ama, ang anak na babae ay nagrerebelde sa kanyang ina, at ang manugang na babae ay nagrerebelde rin sa kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao ay ang kanya mismong kapamilya.
7 Pero para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
Ililigtas ng Panginoon ang mga Israelita
8 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw. 9 Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan. 10 Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Dios?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.”
11 Sinabi ni Micas sa mga taga-Jerusalem: Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo. 12 Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates, at mula sa malalayong lugar.[b] 13 Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
Nanalangin ang mga Israelita na Kaawaan Sila ng Dios
14 Nanalangin ang mga Israelita, “Panginoon, bantayan nʼyo po kami na iyong mga mamamayan katulad ng pagbabantay ng pastol sa kanyang mga tupa. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, pero kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon. 15 Magpakita po kayo sa amin ng mga himala katulad ng inyong ginawa nang ilabas nʼyo kami sa Egipto. 16 Makikita ito ng mga bansa at mapapahiya sila sa kabila ng kanilang kapangyarihan. At hindi na sila makikinig o magsasabi ng mga panlalait sa amin. 17 Gagapang sila sa lupa na parang ahas dahil sa sobrang hiya. Lalabas sila sa kanilang lungga na nanginginig sa takot sa inyo, Panginoon naming Dios. 18 Wala na pong ibang Dios na tulad ninyo. Pinatawad nʼyo ang kasalanan ng mga natitirang mamamayan na pag-aari ninyo. Hindi kayo nananatiling galit magpakailanman dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami. 19 Muli nʼyo kaming kaawaan at alisin nʼyo po ang lahat naming mga kasalanan. Yurakan nʼyo ito at itapon sa kailaliman ng dagat. 20 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa amin na mga lahi ni Abraham at ni Jacob, gaya ng iyong ipinangako sa kanila noong unang panahon.”
Ang Tusong Katiwala
16 Nagkwento pa si Jesus sa mga tagasunod niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilustay ng katiwalang ito ang mga ari-arian niya. 2 Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil aalisin na kita bilang katiwala.’ 3 Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos. 4 Alam ko na! Gagawa ako ng paraan para tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’ 5 Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’ 6 Sumagot ito, ‘100 banga[a] ng langis ng olibo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong 50 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. 7 At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘100 sako ng trigo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong 80 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. 8 Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios.
9 “Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?
13 “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
Ang Iba pang mga Itinuro ni Jesus(A)
14 Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus dahil mahal nila ang salapi. 15 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Nagbabanal-banalan kayo sa harap ng mga tao pero alam ng Dios kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso. Sapagkat ang mga bagay na itinuturing ng tao na mahalaga ay kinasusuklaman ng Dios.
16 “Bago dumating si Juan na tagapagbautismo, ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta ang siyang sinusunod ng mga tao. At mula nang dumating si Juan, ipinangangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at marami ang nagpupumilit na maging sakop nito. 17 Pero hindi ibig sabihin na wala nang kabuluhan ang Kautusan, dahil mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa sa mawalan ng kabuluhan kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan.
18 “Ang lalaking hiniwalayan ang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala siya ng pangangalunya. At ang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.
Ang Mayaman at si Lazarus
19 “May isang mayamang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit at kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing puno ng galis na ang pangalan ay Lazarus. Dinadala siya sa labas ng pintuan ng bakuran ng mayaman. 21 Gusto niyang makakain kahit ng mga tira-tira lang na nahuhulog galing sa mesa ng mayaman. Nilalapitan siya roon ng mga aso at dinidilaan ang mga galis niya. 22 Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. 23 At habang nagdurusa siya sa lugar ng mga patay,[b] nakita niya sa malayo si Lazarus na kasama ni Abraham. 24 Kaya tumawag siya, ‘Amang Abraham, maawa kayo sa akin! Utusan nʼyo po si Lazarus na isawsaw ang daliri niya sa tubig at ipatak sa dila ko para lumamig-lamig ang pakiramdam ko, dahil hirap na hirap ako dito sa apoy.’ 25 Pero sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong noong nabubuhay ka pa sa lupa ay mabuti ang kalagayan mo pero si Lazarus ay hirap na hirap. Ngayon naman ay inaaliw siya rito at ikaw naman ang nahihirapan. 26 Isa pa, hindi maaari ang sinabi mo dahil may malawak na bangin sa pagitan natin. Ang mga nandito sa amin na gustong pumunta riyan ay hindi makakatawid, at ang mga nariyan sa inyo ay hindi rin makakatawid dito.’ 27 Sinabi pa ng mayaman, ‘Kung ganoon, Amang Abraham, nakikiusap ako sa inyo, papuntahin ninyo si Lazarus sa bahay ng aking ama 28 para bigyan ng babala ang lima kong kapatid na lalaki tungkol sa lugar na ito ng paghihirap, nang hindi sila mapunta rito.’ 29 Sumagot si Abraham, ‘Nasa kanila ang mga isinulat ni Moises at ng mga propeta. Dapat nilang pakinggan ang mga iyon.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sila makikinig doon, amang Abraham. Pero kung may patay na mabubuhay at pupunta sa kanila, magsisisi ang mga iyon.’ 31 Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang makinig sa mga isinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin sila maniniwala kahit may patay pa na muling mabuhay at mangaral sa kanila.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®