M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Araw ng Panginoon
3 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay ginigising ko ang inyong malinis na pag-iisip sa pagpapaala-ala sa inyo.
2 Ito ay upang lagi ninyong alalahanin ang mga salitang sinabi ng mga banal na propeta noong una pa at ang mga utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan namin na mga apostol.
3 Dapat ninyong malaman muna na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na lumalakad ayon sa sarili nilang masamang pagnanasa. 4 Kanilang sasabihin: Nasaan ang katuparan ng pangako ng kaniyang pagparito? Ito ay sapagkat natulog na ang ating mga ninuno ngunit ang lahat ay nananatili pa ring gayon simula pa ng paglalalang. 5 Ito ay sapagkat sadya nilang nilimot na sa pamamagitan ng Diyos ay nagkaroon ng kalangitan noon pang una at ang lupa ay lumitaw mula sa tubig at sa ilalim ng tubig. 6 Sa pamamagitan din nito, ang sanlibutan na nagunaw ng tubig nang panahong iyon ay nalipol. 7 Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ang kalangitan ngayon at ang lupa ay iningatang nakatalaga para sa apoy at para sa araw ng paghuhukom at pagkalipol ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos.
8 Ngunit mga minamahal, huwag ninyong kalimutan ito: Sa Panginoon ang isang araw ay tulad sa isang libong taon at ang isang libong taon ay tulad ng isang araw. 9 Ang katuparan ng pangako ay hindi inaantala ng Panginoon tulad ng inaakala ng iba. Siya ay mapagtiis sa atin. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.
10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng magnanakaw sa gabi. Sa araw na iyon ang kalangitan ay mapaparam na may malakas na ugong. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay masusunog at mawawasak. Ang lupa at ang mga bagay na ginawa na naroroon ay mapupugnaw.
11 Yamang ang lahat ng bagay na ito ay mawawasak, ano ngang pagkatao ang nararapat sa inyo? Dapat kayong mamuhay sa kabanalan at pagkamaka-Diyos. 12 Hintayin ninyo at madaliin ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon ang langit ay masusunog at mawawasak. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit ayon sa pangako ng Diyos tayo ay naghihintay ng bagong langit at bagong lupa. Ang katuwiran ay nananahan doon.
14 Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay natin ang mga bagay na ito, sikapin ninyong masumpungan niya tayong walang dungis at walang kapintasan at mapayapa sa kaniyang pagdating. 15 Inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal na kapatid nating si Pablo ayon sa karunungang kaloob sa kaniya. 16 Gayundin naman sa lahat ng kaniyang sulat, sinasalita niya ang mga bagay na ito. Ilan sa mga ito ay mahirap unawain at binigyan ng maling kahulugan ng mga hindi naturuan at hindi matatag. Ganito rin ang kanilang ginagawa sa ibang kasulatan sa ikapapahamak ng kanilang sarili.
17 Kaya nga, kayo mga minamahal, dahil alam na ninyo ang mga bagay na ito noon pa, mag-ingat kayo baka kayo mahulog sa inyong matatag na kalalagayan at mailigaw ng kamalian ng mga walang pagkilala sa kautusan ng Diyos. 18 Lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa kaniya ang kapurihan ngayon at magpakailanman. Siya nawa!
Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa
15 Ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kaniya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga guro ng kautusan ay nagbulung-bulungan. Sinasabi nila: Tinatanggap nito ang mga makasalanan at kumakaing kasama nila.
3 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila. 4 Sino sainyo ang may isandaang tupa at nawala ang isa, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hanapin ang nawawalang tupa hanggang makita ito? 5 Kapag nakita niya, papasanin niya ito sa kaniyang balikat na nagagalak. 6 Pagdating niya sa bahay, tatawagin niyang sama-sama ang kaniyang mga kaibigan at mga kapit-bahay. Sasabihin niya sa kanila: Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko na ang nawala kong tupa. 7 Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisi. Ang kagalakang ito ay higit pa kaysa siyamnapu’t-siyam na mga matuwid na hindi kailangang magsisi.
Ang Talinghaga ng Nawalang Pilak
8 O sino ngang babae ang may sampung pirasong pilak at mawala niya ang isa, hindi ba siya magsisindi ng ilawan at magwawalis sa bahay at maingat siyang maghahanap, hanggang makita niya ito?
9 Kapag nakita niya ito, tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at kapit-bahay. Sasabihin niya: Makigalak kayo sa akin dahil nakita ko na ang aking pilak na nawala. 10 Sinasabi ko sa inyo: Sa gayunding paraan magkakaroon ng kagalakan sa harap ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.
Ang Talinghaga ng Alibughang Anak
11 Sinabi niya: May isang lalaking may dalawang anak na lalaki.
12 Ang nakakabatang anak ay nagsabi sa kaniyang ama: Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng mga ari-arian na nauukol sa akin. Binahagi ng ama sa kanila ang kaniyang kabuhayan.
13 Lumipas ang ilang araw, pagkatipon ng lahat ng sa kaniya, ang nakakabatang anak na lalaki ay umalis. Nagtungo siya sa isang malayong lupain at doon nilustay ang kaniyang ari-arian. Siya ay namuhay ng magulong pamumuhay. 14 Ngunit nang magugol na niya ang lahat, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa lupaing iyon at nagsimula siyang mangailangan. 15 Humayo siya at sumama sa isang mamamayan ng lupaing iyon. At siya ay sinugo niya sa mga bukirin upang magpakain ng mga baboy. 16 Mahigpit niyang hinangad na kumain ng mga bunga ng punong-kahoy[a] na ipinakakain sa mga baboy sapagkat walang sinumang nagbigay sa kaniya.
17 Nang manauli ang kaniyang kaisipan, sinabi niya: Ang aking ama ay maraming upahang utusan. Sagana sila sa tinapay samantalang ako ay namamatay dahil sa gutom. 18 Tatayo ako at pupunta ako sa aking ama. Sasabihin ko sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo akong isa sa iyong mga upahang utusan. 20 Sa pagtayo niya, pumunta siya sa kaniyang ama, ngunit malayo pa siya ay nakita na siya ng kaniyang ama at ito ay nahabag sa kaniya. Ang ama ay tumakbo at niyakap at hinagkan siya.
21 Sinabi ng anak sa kaniya: Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.
22 Gayunman, sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin: Dalhin ninyo ang pinakamainam na kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay at panyapak para sa kaniyang mga paa. 23 Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay kakain at magsaya. 24 Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan. Sila ay nagsimulang magsaya.
25 At ang nakakatanda niyang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumarating at malapit na sa bahay, nakarinig siya ng tugtugin at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa kaniyang mga lingkod. Tinanong niya kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito. 27 Sinabi ng lingkod sa kaniya: Dumating ang kapatid mo. Nagpakatay ng pinatabang guya ang iyong ama sapagkat ang kapatid mo ay natanggap niyang ligtas at malusog.
28 Nagalit siya at ayaw niyang pumasok. Dahil dito lumabas ang kaniyang ama at namanhik sa kaniya. 29 Sumagot siya sa kaniyang ama. Sinabi niya: Narito, naglingkod ako sa iyo ng maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa iyong utos. Kahit minsan ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong kasama ng aking mga kaibigan. 30 Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng pinatabang guya. Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga patutot.
31 Sinabi ng ama sa kaniya: Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo. 32 Ang magsaya at magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan.
Copyright © 1998 by Bibles International