M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Guwardya ng Pintuan ng Templo
26 Ito ang mga grupo ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo:
Mula sa pamilya ni Kora, si Meshelemia na anak ni Kore na miyembro ng pamilya ni Asaf, 2 at ang pito niyang anak na lalaki: si Zacarias ang panganay, at ang kasunod ay sina Jediael, Zebadia, Jatniel, 3 Elam, Jehohanan at Eliehoenai.
4 Kasama rin si Obed Edom at ang walo niyang anak na lalaki: si Shemaya ang panganay, at ang kasunod ay sina Jehozabad, Joa, Sacar, Netanel, 5 Amiel, Isacar at Peuletai. Pinagpala ng Dios si Obed Edom. 6-7 Ang panganay na anak ni Obed Edom na si Shemaya ay may mga anak na lalaki na may kakayahan at mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Silaʼy sina Otni, Refael Obed at Elzabad. Ang kanilang kamag-anak na sina Elihu at Semakia ay may mga kakayahan din.
8 Lahat sila ay mula sa angkan ni Obed Edom. Sila at ang kanilang mga anak at kamag-anak ay 62 lahat. Mahuhusay sila at may kakayahan sa paggawa.
9 Ang 18 anak at mga kamag-anak ni Meshelemia ay may mga kakayahan din.
10 Si Hosa na mula sa pamilya ni Merari ay may mga anak din. Ginawa niyang pinuno ng kanilang pamilya si Shimri kahit hindi siya ang panganay na anak. 11 Ang sumunod kay Shimri ay sina Hilkia, Tabalia at Zacarias. 13 lahat ang anak at mga kamag-anak ni Hosa na mga tagapagbantay sa pintuan ng templo.
12 Iginrupo ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo ayon sa pinuno ng kanilang pamilya, at may mga tungkulin sila sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, katulad ng kasama nilang mga Levita. 13 Nagpalabunutan sila kung aling pinto ang babantayan ng mga pamilya nila, bata man o matanda. 14 Ang pintuan sa gawing silangan ang nabunot ni Shelemia,[a] at ang pintuan sa gawing hilaga ang nabunot ng anak niyang mahusay magpayo na si Zacarias 15 Ang pintuan sa gawing timog ang nabunot ni Obed Edom, at sa mga anak niyang lalaki ipinagkatiwala ang mga bodega. 16 Ang pintuan sa gawing kanluran at ang pintuan paakyat sa templo[b] ang nabunot ni Shupim at Hosa.
Bawat isa sa kanilaʼy may takdang oras ng pagbabantay: 17 Sa gawing silangan, anim na guwardya ang nagbabantay araw-araw, sa gawing hilaga ay apat, sa gawing timog ay apat din, at sa bawat bodega ay tig-dadalawa. 18 Sa gawing kanluran, apat ang nagbabantay, sa daanan paakyat sa templo ay apat din, at sa bakuran ng templo ay dalawa.
19 Iyon ang mga grupo ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo na angkan nina Kora at Merari.
Ang mga Ingat-yaman at ang Iba pang mga Opisyal
20 Ang ibang mga Levita[c] na pinamumunuan ni Ahia ang katiwala sa mga bodega ng templo ng Dios, kabilang na ang mga bodega ng mga inihandog sa Dios.
21 Si Ladan ay mula sa angkan ni Gershon at ama ni Jehieli. Ang ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya ay mga pinuno rin ng kanyang mga angkan. 22 Ang mga anak ni Jehieli na sina Zetam at Joel ang katiwala ng mga bodega ng templo ng Panginoon.
23 Ito ang mga pinuno mula sa angkan ni Amram, Izar, Hebron at Uziel:
Mula sa angkan ni Amram: 24 si Shebuel,[d] na mula rin sa angkan ni Gershom, na anak ni Moises, ang punong opisyal sa mga bodega ng templo. 25 Ang mga kamag-anak niya sa angkan ni Eliezer ay sina Rehabia, Jeshaya, Joram, Zicri at Shelomit.[e] 26 Si Shelomit at ang kanyang mga kamag-anak ang katiwala sa mga bodega ng mga handog na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng mga pamilya, ng mga kumander ng libu-libo at ng daan-daang sundalo, at ng iba pang mga pinuno. 27 Inihandog nila ang ibang nasamsam nila sa labanan para gamitin sa templo ng Panginoon. 28 Si Shelomit din at ang kanyang mga kamag-anak ang nangalaga sa lahat ng mga inihandog ni Samuel na propeta, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruya. Ang iba pang mga inihandog ay ipinamahala din nila.
29 Mula sa mga angkan ni Izar: si Kenania at ang mga anak niyang lalaki, na siyang nangangasiwa at mga hukom sa buong Israel. Hindi sila naglilingkod sa loob ng templo.
30 Mula sa angkan ni Hebron: si Hashabia at ang 1,700 kamag-anak niya na may mga kakayahan. Pinagkatiwalaan sila na mamahala ng mga lupain sa gawing kanluran ng Ilog ng Jordan. Sila ang nangangasiwa ng mga gawain ng Panginoon at ng hari sa lugar na iyon. 31 Si Jeria ang pinuno ng angkan ni Hebron ayon sa talaan ng kanilang mga pamilya. Nang ika-40 taon ng paghahari ni David, siniyasat ang mga talaan, at natuklasan na may angkan si Hebron sa Jazer na sakop ng Gilead, at may mga kakayahan sila. 32 Si Jeria ay may 2,700 kamag-anak na may mga kakayahan at mga pinuno ng mga pamilya. Sila ang pinamahala ni Haring David sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase. Sila ang nangangasiwa sa lahat ng gawain ng Dios at ng hari sa mga lugar na iyon.
Ang mga Opisyal ng mga Sundalo
27 Ito ang listahan ng mga pinuno, mga kumander, at mga opisyal ng mga Israelita na naglilingkod sa hari bilang tagapangasiwa sa grupo ng mga sundalong naglilingkod ng isang buwan sa bawat taon. Ang bawat grupo ay may 24,000 sundalo.
2 Si Jashobeam na anak ni Zabdiel ang kumander ng mga sundalo sa unang buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya. 3 Mula siya sa angkan ni Perez at pinuno ng lahat ng opisyal ng mga sundalo tuwing unang buwan.
4 Si Dodai na mula sa angkan ni Ahoa ang kumander ng mga sundalo sa ikalawang buwan. May 24,000 siyang sundalo. Si Miklot ang pinakamataas na opisyal sa grupo niya.
5 Si Benaya na anak ng paring si Jehoyada, ang kumander ng mga sundalo sa ikatlong buwan. May 24,000 siyang sundalo sa kanyang grupo. 6 Siya ang Benaya na matapang na pinuno ng 30 matatapang na tauhan ni David. Ang anak niyang si Amizabad ang pinakamataas na opisyal sa grupo niya.
7 Si Asahel na kapatid ni Joab ang kumander ng sundalo sa ikaapat na buwan. Ang anak niyang si Zebadia ang pumalit sa kanya. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
8 Si Shamut[f] na mula sa angkan ni Izra ang kumander sa ikalimang buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
9 Si Ira na anak ni Ikkes na mula sa Tekoa ang kumander ng mga sundalo sa ikaanim na buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
10 Si Helez na taga-Pelon na lahi ni Efraim ang kumander ng mga sundalo sa ikapitong buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
11 Si Sibecai na taga-Husha na mula sa angkan ni Zera ang kumander ng mga sundalo sa ikawalong buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
12 Si Abiezer na taga-Anatot na mula sa lahi ni Benjamin ang kumander sa ikasiyam na buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
13 Si Maharai na taga-Netofa na mula sa angkan ni Zera ang kumander ng mga sundalo sa ikasampung buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
14 Si Benaya na taga-Piraton na mula sa lahi ni Efraim ang kumander ng mga sundalo sa ika-11 buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
15 Si Heldai[g] na taga-Netofa na mula sa angkan ni Otniel ang kumander ng mga sundalo sa ika-12 buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.
Ang mga Pinuno ng mga Angkan ng Israel
16 Ito ang mga opisyal ng lahi ng Israel:
Sa lahi ni Reuben: si Eliezer na anak ni Zicri.
Sa lahi ni Simeon: si Shefatia na anak ni Maaca.
17 Sa lahi ni Levi: si Hashabia na anak ni Kemuel.
Sa angkan ni Aaron: si Zadok.
18 Sa lahi ni Juda: si Elihu na kapatid ni David.
Sa lahi ni Isacar: si Omri na anak ni Micael.
19 Sa lahi ni Zebulun: si Ishmaya na anak ni Obadias.
Sa lahi ni Naftali: si Jeremot na anak ni Azriel.
20 Sa lahi ni Efraim: si Hoshea na anak ni Azazia.
Sa kalahating lahi ni Manase: si Joel na anak ni Pedaya.
21 Sa kalahati pang lahi ni Manase sa Gilead: si Iddo na anak ni Zacarias.
Sa lahi ni Benjamin: si Jaasiel na anak ni Abner.
22 Sa lahi ni Dan: si Azarel na anak ni Jeroham.
Sila ang mga opisyal ng mga lahi ng Israel.
23 Nang sinensus ni David ang mga tao, hindi niya isinama ang mga tao na wala pa sa edad na 20, dahil nangako ang Panginoon na pararamihin niya ang mga Israelita gaya ng mga bituin sa langit. 24 Inumpisahan ni Joab na anak ni Zeruya ang pagsesensus sa mga tao pero hindi niya ito natapos dahil nagalit ang Dios sa pagsesensus na ito. Kaya ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay hindi naitala sa listahan ni Haring David.
Ang mga Opisyal sa Kaharian
25 Si Azmavet na anak ni Adiel ang namamahala sa mga bodega sa palasyo ng hari.
Si Jonatan na anak ni Uzia ang namamahala sa mga bodega sa mga distrito, bayan, baryo at sa mga tore.
26 Si Ezri na anak ni Kelub ang namamahala sa mga nagtatrabaho sa bukid ng hari.
27 Si Shimei na taga-Rama ang namamahala sa mga ubasan ng hari.
Si Zabdi na taga-Sefam ang namamahala ng mga produkto nito, ang bunga ng ubas at alak ng hari.
28 Si Baal Hanan na taga-Geder ang namamahala ng mga puno ng olibo at sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[h]
Si Joash ang namamahala sa mga bodega ng langis ng olibo.
29 Si Sitrai na taga-Sharon ang namamahala ng mga kawan ng hayop na pinapastol sa Sharon.
Si Shafat na anak ni Adlai ang namamahala ng mga kawan ng hayop sa mga lambak.
30 Si Obil na Ishmaelita ang namamahala ng mga kamelyo.
Si Jedaya na taga-Meronot ang namamahala ng mga asno.
31 Si Jaziz na Hagreo ang namamahala ng mga tupa.
Silang lahat ang mga opisyal na namamahala sa mga ari-arian ni Haring David.
32 Si Jonatan na tiyuhin ni Haring David ang tagapayo niya. Isa siyang matalinong tao at manunulat. Si Jehiel na anak ni Hacmoni ang guro ng mga anak ng hari. 33 Si Ahitofel ang isa pang tagapayo ng hari. Ang Arkeo na si Hushai ay malapit na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel, pinalitan siya ni Jehoyada na anak ni Benaya at ni Abiatar. Si Joab ang kumander ng mga sundalo ng hari.
Pagbati Mula kay Pedro
1 Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.
2 Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.
Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya
3 Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. 4 At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. 5 Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; 6 sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; 7 sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. 8 Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.
10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.
Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo
16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Babalik ang mga Israelita sa Kanilang Bayan
6-7 Sinabi ng Panginoon, “Sa darating na mga araw, titipunin ko ang aking mga mamamayan na aking pinarusahan, na parang mga tupang pilay at nagsipangalat. Ang mga natira sa kanila ay gagawin kong makapangyarihang bansa. At mula sa araw na iyon ay maghahari ako sa kanila sa Bundok ng Zion magpakailanman. 8 Ang Zion, na katulad ng mataas na bantayang tore ng mga hayop,[a] ay magiging makapangyarihang muli. Ang bayan na ito, na tinatawag ding Jerusalem ay mangungunang muli sa lahat ng bayan ng Israel katulad noon.
9-10 “Mga mamamayan ng Zion, bakit kayo dumaraing na parang babaeng manganganak na? Nandiyan pa naman ang inyong mga hari, at buhay pa ang kanyang mga tagapayo. Sige, mamilipit kayo sa sakit na parang babaeng manganganak na, dahil hindi magtatagal ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod at maninirahan kayo sa kaparangan, at pagkatapos ay dadalhin kayo sa Babilonia. Pero ililigtas ko kayo doon mula sa inyong mga kalaban. 11 Maraming bansa ang nagkaisa upang makipaglaban sa inyo. Sinasabi nila, ‘Hiyain[b] natin ang Zion! At pagkatapos, panoorin natin ang nakakahiyang kalagayan nito.’ 12 Pero hindi alam ng mga bansang ito ang aking iniisip. Hindi nila nauunawaan ang aking plano na tinipon ko sila upang parusahan, na parang mga butil na tinipon para dalhin sa giikan.
13 “Mga mamamayan ng Zion, humanda kayo at lipulin ninyo nang lubusan ang inyong mga kaaway na parang gumigiik kayo ng trigo. Sapagkat gagawin ko kayong parang mga torong baka na may bakal na mga sungay at tansong mga kuko. Dudurugin ninyo ang maraming bansa na nagkaisa para labanan kayo. At ang mga kayamanang sinamsam nila sa pamamagitan ng pagmamalupit ay ihandog ninyo sa akin, ang Panginoon ng buong mundo.”
Kailangan ng Pagsisisi
13 May ilang tao roon na nagbalita kay Jesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa templo. 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang akala ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila? 3 Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo. 4 Katulad din ng 18 taong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay. Ang akala ba ninyo ay higit silang makasalanan kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.”
Ang Punong Hindi Namumunga
6 Pagkatapos, ikinuwento ni Jesus ang talinghaga na ito: “May isang taong may tanim na puno ng igos[a] sa ubasan niya. Pinuntahan niya ito upang tingnan kung may bunga, pero wala siyang nakita. 7 Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng kanyang ubasan, ‘Tatlong taon na akong pabalik-balik dito para tingnan kung may bunga na ang igos na ito, pero wala pa akong nakikita kahit isa. Putulin mo na lang ang punong iyan. Nasasayang lang ang lupang kinatatayuan niyan!’ 8 Pero sumagot ang tagapag-alaga, ‘Hayaan nʼyo na lang po muna ang puno sa taon na ito. Huhukayan ko po ang palibot nito at lalagyan ng pataba. 9 Baka sakaling magbunga sa darating na taon. Ngunit kung hindi pa rin, putulin na natin.’ ”
Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Baluktot ang Katawan
10 Isang Araw ng Pamamahinga, nagtuturo si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 11 May isang babae roon na 18 taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi ito maituwid. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, magaling ka na sa sakit mo.” 13 Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay niya sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Dios. 14 Pero nagalit ang namumuno sa sambahan ng mga Judio dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” 15 Sinagot siya ni Jesus, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? 16 Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? 18 taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.” 17 Napahiya ang mga kumakalaban kay Jesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus.
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(A)
18 Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo niya, “Ano kaya ang katulad ng paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 19 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[b] na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at lumaki na parang punongkahoy ang taas, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”
Ang Paghahalintulad sa Pampaalsa(B)
20 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Dios? 21 Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”
Ang Makipot na Pintuan(C)
22 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon. 23 May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’ 27 Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin[c] kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.[d] 29 Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako[e] ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios. 30 May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa mga Taga-Jerusalem(D)
31 Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” 32 Sumagot si Jesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat[f] na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamang espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at hanggang bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko. 33 Basta kailangang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang propeta sa labas ng Jerusalem.
34 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na isinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 35 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[g]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®