Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 21

Ipinasensus ni David ang Kanyang mga Sundalo(A)

21 Inatake ni Satanas[a] ang Israel, kaya inudyukan niya si David na ipasensus ang mga Israelita. Kaya sinabi ni David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Lumakad kayo at isensus ang mga Israelita mula sa Beersheba hanggang sa Dan.[b] Pagkatapos, bumalik kayo rito para malaman ko kung ilan silang lahat.”

Pero sumagot si Joab, “Paramihin sana ng Panginoon ng 100 ulit ang inyong mga mamamayan. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito? Hindi po ba mga sakop nʼyo naman sila? Bakit idadamay nʼyo sila sa gagawin ninyong kasalanan?”

Pero nagpumilit si David, kaya nilibot ni Joab ang buong Israel at bumalik agad sa Jerusalem. Sinabi niya kay David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: 1,100,000 sa Israel at 470,000 sa Juda. Pero hindi isinama ni Joab sa pagbilang ang mga lahi nina Levi at Benjamin dahil nainis siya sa utos ng hari. Hindi rin natuwa ang Dios sa utos na ito ni David, kaya pinarusahan niya ang Israel. Pagkatapos, sinabi ni David sa Dios, “Napakalaking kasalanan po itong nagawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa aking kasalanan, dahil isa pong kamangmangan ang ginawa ko.”

Sinabi ng Panginoon kay Gad na propeta ni David, 10 “Pumunta ka kay David at papiliin mo siya kung alin sa tatlong parusa ang gusto niyang gawin ko sa kanya.” 11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kanya, “Alin sa tatlong ito ang gusto mo: 12 tatlong taong taggutom, tatlong buwang paglipol sa inyo ng mga kalaban ninyo o tatlong araw na salot mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwasak ng anghel ng Panginoon sa buong lupain ng Israel. Magpasya ka at sabihin mo sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagpadala sa akin.”

13 Sumagot si David kay Gad, “Nahihirapan akong pumili. Mabuti pang ang Panginoon na lang ang magparusa sa akin kaysa sa mga kamay ng tao, dahil napakamaawain ng Panginoon.” 14 Kaya nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at 70,000 Israelita ang namatay. 15 At habang winawasak ng anghel ang Jerusalem, naawa[c] ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na lumilipol sa mga tao, “Tama na! Huwag mo na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna[d] na Jebuseo.

16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa himpapawid, sa kalagitnaan ng langit at lupa. May hawak itong espada na nakaturo sa Jerusalem. Pagkatapos, nagpatirapa si David at ang mga tagapamahala ng Israel, na nakasuot ng sako bilang pagpapakita ng kanilang pagdadalamhati. 17 Sinabi ni David sa Dios, “Ako po ang nag-utos na bilangin ang mga lalaki na may kakayahang makipaglaban. Ako lang po ang nagkasala. Ang mga taong ito ay inosente gaya ng mga tupa. Wala silang nagawang kasalanan. O Panginoon na aking Dios, ako na lang po at ang aking pamilya ang parusahan ninyo. Huwag nʼyo pong pahirapan ang inyong mga mamamayan sa salot na ito.”

18 Pagkatapos, inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad na sabihin kay David na pumunta siya sa giikan ni Arauna na Jebuseo, at gumawa roon ng altar para sa Panginoon. 19 Kaya pumunta si David ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Gad.

20 Nang panahong iyon, gumigiik ng trigo si Arauna at ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel ng Panginoon, tumakbo ang apat na anak ni Arauna at nagtago. 21 Pagkatapos, nakita ni Arauna na paparating si David. Kaya umalis siya sa giikan at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang sa kanya. 22 Sinabi ni David sa kanya, “Ipagbili mo sa akin ang giikan mo para makapagpatayo ako ng altar para sa Panginoon, para huminto na ang salot sa mga tao. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito.”

23 Sinabi ni Arauna kay David, “Sige po Mahal na Hari, kunin ninyo. Gawin nʼyo kung ano ang gusto ninyo. Bibigyan ko pa po kayo ng baka para ialay bilang handog na sinusunog, mga tabla na ginagamit sa paggiik para ipanggatong at trigo para ihandog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ibibigay ko po itong lahat sa inyo.”

24 Pero sumagot si Haring David kay Arauna, “Hindi ko ito tatanggapin ng libre. Babayaran kita kung magkano ang halaga nito. Hindi ko magagawang kunin ito sa iyo at ihandog sa Panginoon. Hindi ako mag-aalay ng handog na sinusunog na walang halaga sa akin.” 25 Kaya binayaran ni David si Arauna ng 600 pirasong[e] ginto para sa lupain na iyon. 26 Pagkatapos, gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog para sa mabuting relasyon.[f] At sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang mga handog sa altar. 27 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa anghel na ibalik na ang espada niya sa lalagyan nito.

28 Nang makita ni David na sinagot ng Panginoon ang kanyang dalangin, nag-alay pa siya ng handog doon sa giikan ni Arauna na Jebuseo. 29 Nang panahong iyon, ang Tolda ng Panginoon at ang altar para sa mga handog na sinusunog na ipinagawa ni Moises sa ilang ay nasa mataas na lugar sa Gibeon. 30 Pero hindi pumunta roon si David para magtanong sa Dios, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ng Panginoon.

1 Pedro 2

Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri. Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,

“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[a]

Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[b]

“Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[c]

Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.

11 Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. 12 Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating niya.

Magpasakop Kayo sa mga Tagapamahala ng Bayan

13 Alang-alang sa Panginoon, magpasakop kayo sa lahat ng tagapamahala ng bayan, maging sa emperador na may pinakamataas na kapangyarihan 14 o sa mga gobernador na sinugo ng Dios para magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan. 16 Malaya nga kayo, pero hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Dios. 17 Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Dios, at igalang ninyo ang Emperador.

Tularan Ninyo si Cristo

18 Mga alipin, sundin ninyo nang may takot sa Dios ang mga amo ninyo, hindi lang ang mababait kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya. 20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios. 21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. 22 Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. 23 Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Dios na humahatol nang makatarungan. 24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.

Jonas 4

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon

Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”

Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.

Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[a] at marami ring mga hayop?”

Lucas 9

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(A)

Isang araw tinipon ni Jesus ang 12 apostol at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga sakit. Pagkatapos, sinugo niya sila upang mangaral tungkol sa paghahari ng Dios at magpagaling ng mga may sakit. Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, pagkain, pera o bihisan. Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila.” Pagkatapos noon, umalis ang mga apostol at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit kahit saan.

Naguluhan si Haring Herodes(B)

Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang mga ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil may mga nagsasabing muling nabuhay si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi namang siya si Elias na nagpakita ngayon. At may nagsasabi pang isa siya sa mga propeta noong unang panahon na muling nabuhay. Sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Pero sino kaya itong nababalitaan ko? Marami akong kahanga-hangang bagay na narinig tungkol sa kanya.” Kaya pinagsikapan ni Herodes na makita si Jesus.

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(C)

10 Pagbalik ng mga apostol, ikinuwento nila kay Jesus ang lahat ng ginawa nila. Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa bayan ng Betsaida; wala na siyang isinamang iba. 11 Pero nalaman pa rin ng mga tao kung saan sila pumunta at sinundan sila. Pagdating nila doon, tinanggap naman sila ni Jesus at nangaral siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling din niya ang mga may sakit.

12 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang 12 apostol at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa kanayunan at kabukiran na malapit para humanap ng matutuluyan at makakain, dahil nasa ilang na lugar po tayo.” 13 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “May limang tinapay lang po tayo at dalawang isda. Hindi ito kakasya, maliban na lang kung bibili kami ng pagkain para sa kanila.” 14 (May 5,000 lalaki ang naroon.) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Paupuin ninyo sila nang grupo-grupo na tig-50 bawat grupo.” 15 At pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya upang ipamigay sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(D)

18 Isang araw, nanalanging mag-isa si Jesus nang di-kalayuan sa mga tagasunod niya. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 19 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay.” 20 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)

21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”

23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(F)

28 Mga walong araw matapos sabihin ni Jesus iyon, isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago sa isang bundok upang manalangin. 29 Habang nananalangin si Jesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. At ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. 30 Biglang lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias – at nakipag-usap sa kanya. 31 Nakakasilaw din ang kanilang anyo, at ang pinag-uusapan nila ni Jesus ay ang tungkol sa kanyang kamatayan na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro. Pero nagising sila at nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang paalis na ang dalawang lalaki, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti poʼt narito kami.[b] Gagawa po kami ng tatlong kubol:[c] isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” (Ang totoo, hindi niya alam ang sinasabi niya.) 34 At habang nagsasalita pa si Pedro, tinakpan sila ng ulap at natakot sila. 35 May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na lang si Jesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila nang mga panahong iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(G)

37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)

Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin.” 45 Pero hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.

Sino ang Pinakadakila?(I)

46 Minsan, nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(J)

49 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 50 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang malapit na ang araw para bumalik si Jesus sa langit, nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 52 Kaya pinauna niya ang ilang tao sa isang nayon ng mga Samaritano para humanap ng matutuluyan. 53 Pero ayaw siyang tanggapin ng mga taga-roon dahil alam nilang papunta siya sa Jerusalem. 54 Nang malaman iyon ng mga tagasunod ni Jesus na sina Santiago at Juan, sinabi nila kay Jesus, “Panginoon, gusto nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?” 55 Pero lumingon si Jesus at pinagsabihan sila.[d] 56 At tumuloy na lang sila sa ibang nayon.

Ang mga Nagnais Sumunod kay Jesus(K)

57 Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” 58 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 59 Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Pero sumagot siya, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[e] 60 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay. Pero ikaw, lumakad ka at ipangaral ang tungkol sa paghahari ng Dios.” 61 May isa ring nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, pero hayaan nʼyo muna po akong magpaalam sa pamilya ko.” 62 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang sinumang nag-aararo na palaging lumilingon ay hindi kapaki-pakinabang ang paglilingkod sa ilalim ng paghahari ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®