Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 13-14

Ang Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan(A)

13 Nakipag-usap si David sa kanyang mga opisyal at sa mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng Israelitang naroon, “Kung gusto ninyo at kung kalooban ng Panginoon na ating Dios, magpapadala tayo ng mensahe sa lahat ng kababayan natin sa buong Israel, pati na sa mga pari at mga Levita na kasama nila sa mga bayan at pastulan. Papuntahin natin sila rito para makiisa sa atin. Ito na ang panahon para kunin natin ang Kahon ng ating Dios, dahil hindi natin ito pinahalagahan nang si Saul pa ang hari.” Pumayag ang buong kapulungan dahil nakita nilang iyon ang tamang gawin.

Kaya tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita, mula sa Ilog ng Shihor sa Egipto hanggang sa Lebo Hamat,[a] para kunin ang Kahon ng Dios[b] sa Kiriat Jearim. Pumunta si David at lahat ng kasama niyang mga Israelita sa Baala na nasa Juda (na siya ring Kiriat Jearim) para kunin ang Kahon ng Panginoong Dios, kung saan siya nananahan.[c] Nananahan ang Panginoon sa gitna ng mga kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. Kinuha nila ang Kahon ng Dios sa bahay ni Abinadab at ikinarga sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio ang umaalalay sa kariton. Buong lakas na nagdiwang si David at lahat ng mga Israelita sa presensya ng Dios. Umawit sila at tumugtog ng mga alpa, lira, tamburin, pompyang at trumpeta.

Nang dumating sila sa giikan ni Kidon,[d] hinawakan ni Uza ang Kahon, dahil nadulas ang mga baka. 10 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil hinawakan niya ang Kahon. Kaya namatay siya roon sa presensya ng Dios. 11 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[e] 12 Nang araw na iyon, natakot si David sa Dios at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Dios?” 13 Kaya nagpasya siyang huwag na lang dalhin ang Kahon sa kanyang lungsod.[f] Sa halip, iniwan niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 14 Nanatili ito sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala ng Panginoon ang pamilya ni Obed Edom at ang lahat ng ari-arian niya.

Ang Pamilya ni David(B)

14 Samantala, nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero. Nagpadala rin siya ng mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. At dito nalaman ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari at nagpalago ng kaharian niya para sa mga mamamayan niyang Israelita.

Doon sa Jerusalem, marami pang naging asawa si David, at nadagdagan pa ang mga anak niya. Ito ang mga anak niya na isinilang doon: Shamua,[g] Shobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elishua, Elpelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elishama, Beeliada,[h] at Elifelet.

Tinalo ni David ang mga Filisteo(C)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari sa buong Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan iyon ni David, at sinalubong niya sila. Nang lusubin ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim, 10 nagtanong si David sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Matatalo po ba namin sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil matatalo ninyo sila.” 11 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Baal Perazim, at tinalo nila roon ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Dios ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha, at ginamit niya ako para lipulin sila.” Kaya tinawag na Baal Perazim[i] ang lugar na iyon.

12 Naiwan ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila roon, at nag-utos si David na sunugin ang mga ito.

13 Muling nilusob ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim. 14 Kaya muling nagtanong si David sa Dios, at sumagot ang Dios sa kanya, “Huwag nʼyo agad silang salakayin, palibutan nʼyo muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 15 Kapag narinig ninyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa itaas ng puno ng balsamo, sumalakay kayo agad dahil iyon ang palatandaan na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 16 Kaya sinunod ni David ang iniutos sa kanya ng Dios, at pinatay nila ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.

17 Kaya naging tanyag si David kahit saan, at ginawa ng Panginoon na katakutan siya ng lahat ng bansa.

Santiago 1

Mula kay Santiago na lingkod[a] ng Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mahal kong mga mananampalataya na nagsipangalat saan man sa mundo.[b]

Ang Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok. Sapagkat alam ninyong nagdudulot ito ng katatagan sa inyong pananampalataya. Kaya tiisin ninyo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay nʼyo. Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay at pinapadpad ng hangin. Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

Mga Mahihirap at Mayayaman

Dapat ikagalak ng mga mahihirap na kapatid kay Cristo ang pagpaparangal ng Dios sa kanila. 10 Ang mga mayayaman naman na kapatid kay Cristo ay dapat ding ikarangal ang pagkakababa sa kanila ng Dios, dahil lilipas sila katulad ng mga bulaklak sa parang.[c] 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Ganoon din naman ang isang mayaman, mamamatay siya sa kasagsagan ng paghahanapbuhay niya.

Mga Pagsubok at Tukso

12 Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok dahil pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito, tatanggapin niya bilang gantimpala ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios sa mga nagmamahal sa kanya. 13 Kung dumaranas ng tukso ang isang tao, hindi niya dapat isiping galing ito sa Dios, dahil hindi maaaring matukso ang Dios sa kasamaan, at hindi rin siya nanunukso sa kahit kanino. 14 Natutukso ang isang tao kapag nahihikayat siya at nadadala ng sariling pagnanasa. 15 At kung susundin niya ang pagnanasa niya, magbubunga ito ng kasalanan; at kung magpapatuloy siya sa kasalanan, hahantong ito sa kamatayan.

16 Kaya huwag kayong magpadaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Dios ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng pagkilala natin sa katotohanan,[d] upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.

Pagdinig at Pagsunod

19 Tandaan nʼyo ito, mga minamahal kong kapatid: Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit. 20 Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao para maging matuwid sa paningin ng Dios. 21 Kaya talikuran nʼyo na ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang salita ng Dios na itinanim sa inyong puso na siyang makapagliligtas sa inyo.

22 Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin nʼyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang sarili ninyo. 23 Dahil kung nakikinig lang ang isang tao sa salita ng Dios pero hindi naman niya tinutupad ang sinasabi nito, katulad siya ng isang taong tumitingin sa salamin 24 na pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at agad kinakalimutan ang ayos niya. 25 Ngunit ang taong nagsasaliksik at tumutupad sa Kautusang ganap na nagpapalaya, at hindi tagapakinig lang na nakakalimot agad, ay ang taong pagpapalain ng Dios sa mga ginagawa niya.

26 Kung may nag-aakalang siya ay relihiyoso pero hindi naman magawang pigilan ang dila niya, walang silbi ang pagiging relihiyoso niya at niloloko lang niya ang kanyang sarili. 27 Ang pagkarelihiyosong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Dios Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kahirapan nila, at ang pagtalikod sa lahat ng kasamaan sa mundong ito.

Amos 8

Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Basket ng mga Prutas

Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan[a] ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan. Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo[b] ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay.[c] Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita

Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[d] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo. Dahil dito, palilindulin ko ang inyong lupain at mag-iiyakan kayo. Yayanigin ko nang husto ang inyong lupain na tulad ng Ilog na tumataas kapag may baha at bumababa tulad ng Ilog ng Nilo sa Egipto. Sa araw na iyon, palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 10 Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo para ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Pero magiging mas masakit pa ang huling parusa.”

11 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12 Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta. 13 Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit na ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw. 14 Kayong mga nanunumpa sa ngalan ng mga dios-diosan ng Samaria, Dan at Beersheba, lilipulin kayo at hindi na makakabangon.”

Lucas 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

1-2 Noong ika-15 taon ng paghahari ni Emperador Tiberius, nagsalita ang Dios kay Juan na anak ni Zacarias doon sa ilang. Si Poncio Pilato ang gobernador noon ng Judea, si Herodes naman ang pinuno ng Galilea, at ang kapatid niyang si Felipe ang pinuno ng Iturea at Traconitis, at si Lisanias naman ang pinuno ng Abilenia. Ang mga punong pari noon ay sina Anas at Caifas. At dahil sa sinabi ng Dios kay Juan, nilibot niya ang mga lugar sa magkabilang panig ng Ilog ng Jordan. Nangaral siya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo, para patawarin sila ng Dios. Sa ginawa niyang ito, natupad ang isinulat ni Propeta Isaias,

    Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
    ‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
    tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan!
Tambakan ninyo ang mga mababang lugar,
    at patagin ang mga bundok at burol.
    Tuwirin ninyo ang liku-likong daan,
    at ayusin ang mga baku-bakong daan.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Dios.’ ”[a]

Maraming tao ang pumunta kay Juan para magpabautismo. Sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakatakas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Sapagkat tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. Ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol sa pagputol sa mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

10 Tinanong ng mga tao si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” 11 Sumagot siya, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain.” 12 May mga dumating din na maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sinabi nila, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” 13 Sumagot sa Juan, “Huwag kayong sumingil ng higit sa dapat singilin!” 14 May mga sundalo ring nagtanong sa kanya, “Kami naman po, ano ang dapat naming gawin?” At sinagot niya sila, “Huwag kayong mangingikil sa mga tao, at huwag kayong magpaparatang ng hindi totoo. Makontento kayo sa mga sahod ninyo!”

15 Nang marinig ng mga tao ang pangangaral ni Juan, inisip nila na baka si Juan na ang Cristo na hinihintay nila. 16 Pero sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[b] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 17 Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa naman ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

18 Marami pang mga bagay ang ipinangaral ni Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita. 19 Kahit ang pinunong si Herodes ay pinagsabihan niya, dahil kinakasama nito ang hipag nitong si Herodias, at dahil sa iba pang mga kasamaang ginawa nito. 20 Sa bandang huli, nadagdagan pa ang kasalanan ni Herodes dahil ipinabilanggo niya si Juan.

Ang Pagbabautismo kay Jesus(B)

21 Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang mga Ninuno ni Jesus(C)

23 Mga 30 taong gulang na si Jesus nang magsimula siya sa kanyang gawain. Ayon sa pagkakaalam ng mga tao, anak siya ni Jose na anak ni Eli. 24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi. Si Levi ay anak ni Melki, na anak ni Janai. Si Janai ay anak ni Jose, 25 na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nagai. 26 Si Nagai ay anak ni Maat, na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semein, na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda, 27 na anak ni Joanan. Si Joanan ay anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam, na anak ni Elmadam. Si Elmadam ay anak ni Er, 29 na anak ni Josue. Si Josue ay anak ni Eliezer, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose, na anak ni Jonam. Si Jonam ay anak ni Eliakim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed. Si Obed ay anak ni Boaz, na anak ni Salmon. Si Salmon ay anak ni Nashon, 33 na anak ni Aminadab. Si Aminadab ay anak ni Admin, na anak ni Arni. Si Arni ay anak ni Ezron, na anak ni Perez. Si Perez ay anak ni Juda, 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug, na anak ni Reu. Si Reu ay anak ni Peleg, na anak ni Eber. Si Eber ay anak ni Shela, 36 na anak ni Cainan. Si Cainan ay anak ni Arfaxad, na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared, na anak ni Mahalalel. Si Mahalalel ay anak ni Cainan, na anak ni Enosh. 38 Si Enosh ay anak ni Set, na anak ni Adan. At si Adan ay anak ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®