M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Lahi ni Reuben
5 Si Reuben ang panganay na anak ni Israel,[a] pero dahil nakipagtalik siya sa isa sa mga asawa ng kanyang ama, ang karapatan niya bilang panganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose na kanyang kapatid. Kaya hindi siya inilista sa talaan ng lahi nila bilang panganay na anak. 2 Kahit mas makapangyarihan si Juda kaysa sa kanyang mga kapatid at ang pinuno ay nagmula sa kanyang lahi, ang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay kay Jose. 3 Ito ang mga anak na lalaki ni Reuben na panganay ni Israel: sina Hanoc, Pallu, Hezron at Carmi.
4 Ito ang mga angkan ni Joel: sina Shemaya, Gog, Shimei, 5 Micas, Reaya, Baal, 6 at Beera. Si Beera ang pinuno ng lahi ni Reuben nang binihag sila ni Haring Tiglat Pileser[b] ng Asiria. 7 Ito ang mga kamag-anak ni Beera na naitala sa talaan ng kanilang mga angkan ayon sa kanilang lahi: si Jeyel na pinuno, si Zacarias, 8 at si Bela na anak ni Azaz na anak ni Shema at apo ni Joel. Ito ang lahi ni Reuben na tumira mula sa Aroer hanggang sa Nebo at Baal Meon. 9 At dahil dumami ang kanilang hayop doon sa Gilead, tumira sila hanggang sa silangan, sa tabi ng ilang na papunta sa Ilog ng Eufrates. 10 Nang si Saul pa ang hari, nakipaglaban sila sa mga Hagreo at tinalo nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga tinitirhan ng mga Hagreo sa buong silangan ng Gilead.
Ang Lahi ni Gad
11 Tumira ang lahi ni Gad sa lupain ng Bashan na kasunod ng lupain nina Reuben, hanggang sa Saleca. 12 Ito ang lahi ni Gad: si Joel, na siyang pinuno sa Bashan, ang sumunod sa kanya ay si Shafam, pagkatapos ay sina Janai at Shafat. 13 Ang kanilang mga kamag-anak ayon sa bawat pamilya ay sina Micael, Meshulam, Sheba, Jorai, Jacan, Zia at Eber – pito silang lahat. 14 Sila ang mga angkan ni Abihail na anak ni Huri. Si Huri ang anak ni Jaroa at apo ni Gilead, at apo sa tuhod ni Micael. Si Micael ay anak ni Jeshishai at apo ni Jado, at apo sa tuhod ni Buz. 15 Si Ahi na anak ni Abdiel at apo ni Guni ang siyang pinuno ng kanilang pamilya. 16 Tumira sila sa Gilead doon sa Bashan at sa mga baryo sa paligid nito, at sa buong pastulan ng Sharon. 17 Nailista silang lahat sa talaan ng mga angkan noong panahon ng paghahari ni Jotam sa Juda at ni Jeroboam sa Israel.
18 May 44,760 sundalo sa mga lahi nina Reuben, Gad, at sa kalahating lahi ni Manase. Sinanay sila para sa labanan at mahusay silang gumamit ng mga pananggalang, espada at pana. 19 Nakipaglaban sila sa mga Hagreo, Jetureo, Nafiseo, at Nodabeo. 20 Humingi sila ng tulong sa Dios nang nakipaglaban sila, at dahil nagtiwala sila sa kanya, tinugon ng Dios ang panalangin nila. Kaya pinagtagumpay sila ng Dios sa mga Hagreo at sa mga kakampi nito. 21 Pinagkukuha nila ang hayop ng mga Hagreo: 50,000 kamelyo, 250,000 tupa at 2,000 asno. Binihag din nila ang 100,000 tao, 22 at marami silang napatay dahil tinulungan sila ng Dios sa pakikipaglaban. Tinirhan nila ang mga lugar na ito hanggang sa mabihag sila ng ibang bansa.
Ang Kalahating Lahi ni Manase
23 Ang kalahating angkan ni Manase ay napakarami. Tumira sila sa mga lupain mula sa Bashan papunta sa Baal Hermon, Senir, at Bundok ng Hermon. At napakarami nila. 24 Ito ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya: sina Efer, Ishi, Eliel Azriel, Jeremias, Hodavia at Jadiel. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno ng mga pamilya nila. 25 Pero hindi sila naging tapat sa Dios ng kanilang mga ninuno, sa halip sumamba sila sa mga dios ng mga taong nilipol ng Dios sa lupaing iyon. 26 Ito ang dahilan kung bakit niloob ng Dios ng Israel na lusubin sila ni Pul na hari ng Asiria (na siya ring si Tiglat Pileser). Binihag ni Pul ang mga lahi ni Reuben at Gad, pati na ang kalahating lahi ni Manase at dinala sa Hala, Habor, Hara, at sa Ilog ng Gozan, kung saan doon sila naninirahan hanggang ngayon.
Ang Lahi ni Levi na mga Pari
6 Ito ang mga anak na lalaki ni Levi: sina Gershon,[c] Kohat at Merari. 2 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 3 Ang mga anak ni Amram ay sina Aaron, Moises at Miriam. Ang mga anak na lalaki ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 4 Si Eleazar ay ama ni Finehas, si Finehas ay ama ni Abishua, 5 at si Abishua ay ama ni Buki. Si Buki ay ama ni Uzi, 6 si Uzi ay ama ni Zerahia at si Zerahia ay ama ni Merayot. 7 Si Merayot ay ama ni Amaria, si Amaria ay ama ni Ahitub, 8 si Ahitub ay ama ni Zadok. Si Zadok ay ama ni Ahimaaz, 9 si Ahimaaz ay ama ni Azaria, at si Azaria ay ama ni Johanan. 10 Si Johanan ay ama ni Azaria na siyang punong pari nang ipinatayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem. 11 Si Azaria ay ama ni Amaria, si Amaria ay ama ni Ahitub, 12 at si Ahitub ay ama ni Zadok. Si Zadok ay ama ni Shalum, 13 si Shalum ay ama ni Hilkia at si Hilkia ay ama ni Azaria. 14 Si Azaria ay ama ni Seraya at si Seraya ay ama ni Jehozadak. 15 Si Jehozadak ay kasama sa mga bihag nang ipabihag ng Panginoon ang mga mamamayan ng Jerusalem at Juda kay Nebucadnezar.
Ang Iba pang Lahi ni Levi
16 Ang mga anak na lalaki ni Levi ay sina Gershon, Kohat at Merari. 17 Ang mga anak na lalaki ni Gershon ay sina Libni at Shimei. 18 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 19 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi.
Ito ang mga pamilya ng mga Levita na itinala ayon sa kanilang mga ninuno:
20 Sa mga angkan ni Gershon: sina Libni, Jehat, Zima, 21 Joa, Iddo, Zera at Jeaterai.
22 Sa mga angkan ni Kohat: sina Aminadab, Kora, Asir, 23 Elkana, Ebiasaf,[d] Asir, 24 Tahat, Uriel, Uzia at Shaul. 25 Sa mga angkan ni Elkana: sina Amasai, Ahimot, 26 Elkana, Zofai, Nahat, 27 Eliab, Jeroham, Elkana at Samuel.[e] 28 Ang mga anak na lalaki ni Samuel ay si Joel,[f] ang panganay, at ang ikalawa ay si Abijah.
29 Sa mga angkan ni Merari: sina Mahli, Libni, Shimei, Uza, 30 Shimea, Haggia at Asaya.
Ang mga Musikero sa Templo
31 May mga taong itinalaga ni David sa pag-awit at pagtugtog sa bahay ng Panginoon matapos malipat doon ang Kahon ng Kasunduan. 32 Naglingkod sila sa pamamagitan ng pag-awit doon sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan hanggang sa panahon na naipatayo ni Solomon ang templo ng Panginoon sa Jerusalem. Ginawa nila ang kanilang gawain ayon sa mga tuntunin na ipinatupad sa kanila. 33 Ito ang mga naglilingkod na kasama ang kanilang mga anak:
Si Heman na isang musikero na mula sa angkan ni Kohat. (Si Heman ay anak ni Joel. Si Joel ay anak ni Samuel. Si Samuel ay anak ni Elkana. 34 Si Elkana ay anak ni Jeroham. Si Jeroham ay anak ni Eliel. Si Eliel ay anak ni Toa. 35 Si Toa ay anak ni Zuf. Si Zuf ay anak ni Elkana. Si Elkana ay anak ni Mahat. Si Mahat ay anak ni Amasai. 36 Si Amasai ay anak ni Elkana. Si Elkana ay anak ni Joel. Si Joel ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Zefanias. 37 Si Zefanias ay anak ni Tahat. Si Tahat ay anak ni Asir. Si Asir ay anak ni Ebiasaf. Si Ebiasaf ay anak ni Kora. 38 Si Kora ay anak ni Izar. Si Izar ay anak ni Kohat. Si Kohat ay anak ni Levi. Si Levi ay anak ni Israel.)
39 Si Asaf na mula sa angkan ni Gershon. Siya ang unang tagapamahala ni Heman. (Si Asaf ay anak ni Berekia. Si Berekia ay anak ni Shimea. 40 Si Shimea ay anak ni Micael. Si Micael ay anak ni Baaseya. Si Baaseya ay anak ni Malkia. 41 Si Malkia ay anak ni Etni. Si Etni ay anak ni Zera. Si Zera ay anak ni Adaya. 42 Si Adaya ay anak ni Etan. Si Etan ay anak ni Zima. Si Zima ay anak ni Shimei. 43 Si Shimei ay anak ni Jahat. Si Jahat ay anak ni Gershon. Si Gershon ay anak ni Levi.)
44 Si Etan na mula sa angkan ni Merari. Siya ang pangalawang tagapamahala ni Heman. (Si Etan ay anak ni Kishi. Si Kishi ay anak ni Abdi. Si Abdi ay anak ni Maluc. 45 Si Maluc ay anak ni Hashabia. Si Hashabia ay anak ni Amazia. Si Amazia ay anak ni Hilkia. 46 Si Hilkia ay anak ni Amzi. Si Amzi ay anak ni Bani. Si Bani ay anak ni Shemer. 47 Si Shemer ay anak ni Mahli. Si Mahli ay anak ni Mushi. Si Mushi ay anak ni Merari. At si Merari ay anak ni Levi.)
48 Ang mga kapwa nila Levita ay binigyan ng ibang gawain sa Toldang Sambahan, ang bahay ng Dios. 49 Pero si Aaron at ang kanyang angkan ang naghahandog sa altar na pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog at sa altar na pinagsusunugan ng insenso. At sila rin ang gumagawa ng iba pang mga gawain na may kinalaman sa ginagawa sa Pinakabanal na Lugar. Naghahandog sila para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel. Ginagawa nila ito ayon sa lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Dios. 50 Ito ang mga angkan ni Aaron: sina Eleazar, Finehas, Abishua, 51 Buki, Uzi, Zerahia, 52 Merayot, Amaria, Ahitub, 53 Zadok, at Ahimaaz.
Ang mga Lupain ng Lahi ni Levi
54 Ito ang mga lupain na ibinigay sa angkan ni Aaron na mula sa angkan ni Kohat. Sila ang unang binigyan ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. 55 Kabilang sa mga lupaing ito ay ang Hebron na nasa Juda at ang mga pastulan sa paligid nito. 56 Pero ang mga bukirin at ang mga baryo sa paligid ng Hebron ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. 57 Kaya ibinigay sa angkan ni Aaron ang mga sumusunod na lupain kabilang ang mga pastulan nito: Hebron (ang lungsod na tanggulan), Libna, Jatir, Estemoa, 58 Hilen,[g] Debir, 59 Ashan,[h] Juta,[i] at Bet Shemesh. 60 At mula sa lupain ng lahi ni Benjamin ay ibinigay sa kanila ang Gibeon,[j] Geba, Alemet at Anatot, pati na ang mga pastulan nito. Ang bayan na ibinigay sa angkang ito ni Kohat ay 13 lahat. 61 Ang natirang mga angkan ni Kohat ay binigyan ng sampung bayan sa pamamagitan ng palabunutan mula sa lupain ng kalahating lahi ni Manase.
62 Ang mga angkan ni Gershon ayon sa bawat pamilya ay binigyan ng 13 bayan mula sa mga lahi nina Isacar, Asher, Naftali, at mula sa kalahating lahi ni Manase sa Bashan.
63 Ang angkan ni Merari, ayon sa bawat pamilya ay binigyan ng 12 bayan mula sa lahi nina Reuben, Gad at Zebulun.
64 Kaya ibinigay ng mga Israelita sa mga Levita ang mga bayang ito at ang mga pastulan nito. 65 Ibinigay din sa lahi ni Levi ang mga nabanggit na bayan na mula sa lahi nina Juda, Simeon at Benjamin. 66 Ang ibang mga pamilya ni Kohat ay binigyan ng mga bayan mula sa lahi ni Efraim. 67 Ibinigay sa kanila ang Shekem (na siyang lungsod na tanggulan sa kaburulan ng Efraim), ang Gezer, 68 Jokmeam, Bet Horon, 69 Ayalon at Gat Rimon, pati na ang mga pastulan nito. 70 Ang iba pang angkan ni Kohat ay binigyan ng mga kapwa nila Israelita ng mga bayan mula sa kalahating lahi ni Manase. Ang ibinigay sa kanila ay ang Aner at Bileam pati ang mga pastulan nito.
71 Ang angkan ni Gershon ay binigyan ng mga sumusunod na bayan:
Mula sa kalahating lahi ni Manase: Golan sa Bashan at ang Ashtarot, pati ang mga pastulan nito.
72 Mula sa lahi ni Isacar: Kedesh, Daberat, 73 Ramot at Anem, pati ang mga pastulan nito.
74 Mula sa lahi ni Asher: Mashal, Abdon, 75 Hukok at Rehob, pati ang mga pastulan nito.
76 Mula sa lahi ni Naftali: Kedesh sa Galilea, Hammon at Kiriataim, pati ang mga pastulan nito.
77 Ang mga natirang angkan ni Merari ay binigyan ng mga sumusunod na lupain:
Mula sa lahi ni Zebulun: Jokneam, Karta,[k] Rimono at Tabor, pati ang mga pastulan nito.
78 Mula sa lahi ni Reuben na nasa kabilang Ilog ng Jordan sa silangan ng Jerico: Bezer sa may disyerto, Jaza,[l] 79 Kedemot at Mefaat, pati ang mga pastulan nito.
80 At mula sa lahi ni Gad: Ramot sa Gilead, Mahanaim, 81 Heshbon at Jazer, pati ang mga pastulan nito.
10 Ang Kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Dios sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taun-taon. 2 Dahil kung napatawad na sila sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila uusigin ng kanilang budhi, at hindi na nila kailangang maghandog pa. 3 Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taun-taon ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, 4 dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila. 5 Kaya nga, nang dumating si Jesus dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,
“Hindi mo nagustuhan ang mga handog at kaloob ng mga tao,
kaya binigyan mo ako ng katawan na ihahandog ko.
6 Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis.
7 Kaya sinabi ko sa iyo, ‘Narito ako para tuparin ang kalooban mo, O Dios, ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.’ ”[a]
8 Una, sinabi ni Cristo na hindi nagustuhan ng Dios ang mga handog at kaloob, at hindi siya nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis kahit na ipinapatupad ito ng Kautusan. 9 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, “Nandito ako para sundin ang kalooban mo.” Kaya inalis ng Dios ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Cristo. 10 At dahil sinunod ni Jesu-Cristo ang kalooban ng Dios, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng sarili niya.
11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[b] niya.
15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,
16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[c]
17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[d] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.
Lumapit Tayo sa Dios
19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[e] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.
26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[f] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[g] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.
32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[h]
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.
4 Kayong mga kilalang babae sa Samaria, para kayong mga baka ng Bashan na inaalagaan nang mabuti. Ginigipit ninyo at pinagmamalupitan ang mga mahihirap, at inuutusan pa ninyo ang inyong asawa ng ganito, “Kumuha ka ng alak at mag-inom tayo!” Kaya pakinggan ninyo itong 2 sinasabi ng Panginoong Dios: “Sa aking kabanalan, isinusumpa ko na darating ang araw na bibihagin kayo ng inyong mga kaaway na gaya ng pagbingwit sa isda. 3 Palalabasin nila kayo sa inyong lungsod sa pamamagitan ng mga siwang ng inyong gumuhong pader, at dadalhin nila kayo sa lupain ng Harmon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 “Kayong mga Israelita, pumunta kayo sa inyong sinasambahan sa Betel at sa Gilgal at dagdagan pa ninyo ang inyong kasalanan. Magdala kayo ng inyong mga handog bawat umaga at magdala kayo ng inyong mga ikapu tuwing ikatlong araw. 5 Sige, magsunog kayo ng tinapay na may pampaalsa bilang handog ng pasasalamat. Ipagmalaki ninyo iyan pati ang inyong mga handog na kusang-loob, dahil iyan ang gusto ninyong gawin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
6 “Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan; pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
7 “Ako rin ang pumigil sa ulan sa loob ng tatlong buwan bago dumating ang anihan. Pinauulan ko sa isang bayan pero sa iba ay hindi. Pinauulan ko sa isang bukirin pero ang ibang bukirin ay tigang. 8 Dahil sa panghihina, pasuray-suray kayong naghahanap ng maiinom. Palipat-lipat kayo sa mga bayan sa paghahanap ng tubig, pero walang makuhang sapat. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 “Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga peste. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Pinadalhan ko rin kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Egipto noon. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinahirapan ko rin kayo sa baho ng mga patay sa inyong mga kampo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11 “Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodom at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12 “Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyo na mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Dios!”
13 Ang Dios ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,[a] at siya rin ang nagpapalipas ng araw para maging gabi. Ipinapaalam niya sa tao ang kanyang mga plano at siya ang namamahala sa buong mundo. Ang kanyang pangalan ay Panginoon, ang Dios na Makapangyarihan.
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin ang Panginoon!
Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
2 Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
3 Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
4 Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.
5 Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
6 Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
7 para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
8 para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
9 at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.
Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®