Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 21

Ang Paghahari ni Manase sa Juda(A)

21 Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. Ang ina niya ay si Hefziba. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar[a] na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Ipinatayo rin niya ang mga altar para kay Baal at nagpagawa ng posteng simbolo ng diosang si Ashera, tulad ng ipinagawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba siya sa lahat ng bagay na nasa langit. Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, ang lugar na sinabi ng Panginoon na pararangalan siya. Inilagay niya ang mga altar sa magkabilang panig ng bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. Inihandog pa niya ang sarili niyang anak sa apoy. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga mangkukulam at mga manghuhula, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng patay. Labis ang pagkakasala ni Manase na nakapagpagalit sa Panginoon. Ang ipinagawa niya na posteng simbolo ng diosang si Ashera ay inilagay niya sa templo, ang lugar kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak nitong si Solomon, “Pararangalan ako habang buhay sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na pinili ko sa lahat ng lahi ng Israel. Kung tutuparin lang ng mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng lingkod kong si Moises, hindi ko papayagang palayasin sila sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga ninuno nila.” Pero ayaw makinig ng mga tao. Inudyukan sila ni Manase sa paggawa ng masasama at ang ginawa nila ay mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.

10 Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta: 11 “Gumawa si Haring Manase ng Juda ng mga kasuklam-suklam na gawain, na mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga Ammonitang nakatira sa lupaing ito bago dumating ang mga Israelita. Inudyukan niya ang mga taga-Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan niya. 12 Kaya ako, ang Panginoon na Dios ng Israel, ay magpapadala ng kapahamakan sa Jerusalem at sa Juda, at ang bawat isa na makakarinig nito ay matatakot. 13 Hahatulan ko ang Jerusalem katulad nang paghatol ko sa Samaria at sa sambahayan ni Haring Ahab. Lilinisin ko ang Jerusalem tulad ng pinggan na pinunasan at itinaob. 14 Itatakwil ko kahit pa ang natira sa aking mga mamamayan at ibibigay ko sila sa mga kaaway nila bilang bihag. 15 Mangyayari ito sa kanila dahil masama ang ginawa nila sa paningin ko at ginalit nila ako, mula pa nang lumabas ang mga ninuno nila sa Egipto hanggang ngayon.”

16 Maraming inosenteng tao ang pinatay ni Manase hanggang sa dumanak ang dugo sa mga daanan ng Jerusalem. Hindi pa kabilang dito ang kasalanan na ginawa niya na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda sa paningin ng Panginoon.

17 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, at lahat ng ginawa niya, pati ang mga kasalanan na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

18 Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(B)

19 Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na taga-Jotba at anak ni Haruz. 20 Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Manase na kanyang ama. 21 Sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ama. Sinamba niya ang mga dios-diosan na sinasamba nito 22 at itinakwil niya ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno niya. Hindi niya sinunod ang pamamaraan ng Panginoon. 23 Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya. 24 Pero pinatay ng mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.

25 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ammon, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa libingan niya sa hardin na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Josia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Hebreo 3

Mas Dakila si Jesus kaysa kay Moises

Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko na tinawag ng Dios na makakasama sa langit, alalahanin nʼyo si Jesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya. Tapat siya sa Dios na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Dios. Ngunit itinuring ng Dios si Jesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo. Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit[a] ang Dios ang gumawa ng lahat ng bagay. Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Dios bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Ngunit si Cristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Dios. At tayo ang pamilya ng Dios, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin. Kaya gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu:

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios,
huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo,
    tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo.
    Naghimagsik sila laban sa Dios at siyaʼy sinubok nila roon sa ilang.
Sinabi ng Dios, ‘Sinubok nila ako sa kasamaan nila,
    kahit na nakita nila ang ginawa ko sa loob ng 40 taon.
10 Kaya galit na galit ako sa henerasyong ito at sinabi ko,
    “Laging lumalayo ang puso nila sa akin,
    at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.”
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.’ ”[b]

12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay. 13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo. 14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas. 15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”[c] 16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya? 19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.

Hosea 14

Ang Pakiusap ni Hoseas sa mga Taga-Israel

14 Sinabi ni Hoseas: Mga taga-Israel, magbalik-loob na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Napahamak kayo dahil sa inyong kasalanan. Magbalik-loob na kayo sa Panginoon at sabihin ninyo sa kanya, “Patawarin nʼyo po kami sa aming mga kasalanan. Tanggapin nʼyo po kami ayon sa inyong kabutihan upang makapaghandog kami sa inyo ng pagpupuri. Hindi na kami hihingi ng tulong sa Asiria at hindi na rin kami aasa sa mga kabayong pandigma. Hindi na rin namin tatawagin na aming Dios ang mga dios-diosang ginawa namin. Sapagkat kinaawaan nʼyo po kami na parang mga ulila.”

Sinabi ng Panginoon, “Pagagalingin ko ang aking mga mamamayan sa kanilang pagkamasuwayin at taos-puso ko silang mamahalin. Sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. Pagpapalain ko ang mga taga-Israel; akoʼy magiging parang hamog sa kanila na nagbibigay ng tubig sa mga halaman. Sila ay uunlad gaya ng halamang liryong namumulaklak. Sila ay magiging matatag tulad ng puno ng sedro sa Lebanon na malalim ang ugat. Sila ay dadami na parang mga sangang nagkakadahon nang marami. Sila ay magiging tanyag na parang puno ng olibo na maganda at ng puno ng sedro ng Lebanon na mabango. Muli silang maninirahan na kinakalinga ko. Sila ay uunlad na parang trigong yumayabong o ubas na namumulaklak. At magiging tanyag sila na gaya ng alak ng Lebanon.

“Mga taga-Israel,[a] lumayo na kayo sa mga dios-diosan. Ako ang tutugon ng inyong mga dalangin at ako ang kakalinga sa inyo. Poprotektahan ko kayo; akoʼy magiging parang puno ng sipres[b] na mayabong na magbibigay ng lilim. Ako ang nagpapaunlad sa inyo.”[c]

Huling Payo

Nawaʼy malaman at maintindihan ng may pang-unawa ang mga nakasulat dito. Tama ang mga pamamaraan ng Panginoon at sinusunod ito ng mga matuwid, pero nagiging katitisuran ito sa mga suwail.

Salmo 139

Ang Karunungan at Kalinga ng Dios

139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
    Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
    Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
Lagi ko kayong kasama,
    at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
    hindi ko kayang unawain.
Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[a] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
    kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.

11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
    at ang gabi ay parang araw.
    Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.

13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
    Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
    Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
    Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
    itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
    Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.

19 O Dios, patayin nʼyo sana ang masasama!
    Lumayo sana sa akin ang mga mamamatay-tao!
20 Nagsasalita sila ng masama laban sa inyo.
    Binabanggit nila ang inyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Panginoon, kinamumuhian ko ang mga namumuhi sa inyo.
    Kinasusuklaman ko ang mga kumakalaban sa inyo.
22 Labis ko silang kinamumuhian;
    ibinibilang ko silang mga kaaway.

23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko.
    Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip.
24 Tingnan nʼyo kung ako ay may masamang pag-uugali,
    at patnubayan nʼyo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®