Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 18

Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)

18 Naging hari ng Juda ang anak ni Ahaz na si Hezekia nang ikatlong taon ng paghahari ng anak ni Elah na si Hoshea sa Israel. Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, tulad ng ginawa ng ninuno niyang si David. Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinagiba ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehushtan ang tansong ahas.

Nagtiwala si Hezekia sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran. Nasakop ni Hezekia ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.

Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Hezekia, na siyang ikapitong taon ng paghahari ni Hoshea sa Israel, lumusob si Haring Shalmanaser ng Asiria sa Israel at sinimulang paligiran ang bayan ng Samaria. 10 Pagkalipas ng tatlong taon, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Hezekia at ikasiyam na taong paghahari ni Hoshea, nasakop ng Asiria ang Samaria. 11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria at pinatira sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media. 12 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa Panginoon na kanilang Dios. Nilabag nila ang kanyang kasunduan at hindi sumunod sa lahat ng utos na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Hindi nila pinakinggan o sinunod ang mga utos nito.

Nilusob ng Asiria ang Juda(B)

13 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. 14 Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Hezekia sa hari ng Asiria sa Lakish: “Nagkasala ako sa pagrerebelde ko sa iyo. Ibibigay ko ang kahit anong hihilingin mo, basta umalis ka lang dito sa amin.” Kaya pinagbayad ng hari ng Asiria si Haring Hezekia ng mga sampung toneladang pilak at isang toneladang ginto. 15 Ibinigay ni Hezekia ang lahat ng pilak na nasa templo ng Panginoon at ang nasa kabang-yaman ng palasyo. 16 Ipinatanggal ni Hezekia pati na ang mga ginto na nakabalot sa mga pintuan at hamba[a] ng templo ng Panginoon at ibinigay niyang lahat sa hari ng Asiria.

17 Ipinadala ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya. Kasama nila ang napakaraming sundalo mula sa Lakish para harapin si Haring Hezekia sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao. 18 Ipinatawag nila si Haring Hezekia, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. 19 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 20 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21 Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’

23 “Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24 Hindi ka mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25 Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

26 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil naiintindihan din namin ang wikang ito. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.” 27 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”

28 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 29 Ito ang sinabi niya: Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 30 Huwag kayong maniwala sa kanya na magtiwala sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’

31 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga ubasan at mga puno ng igos at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 32 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng bagong katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay, at mayroon ding mga punong olibo at mga pulot. Piliin ninyo ang mabuhay kaysa ang mamatay. Huwag ninyong pakinggan si Hezekia! Inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ 33 May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 34 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 35 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem mula sa mga kamay ko?” 36 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 37 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.

Filemon

Mula kay Pablo na nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus, kasama si Timoteo na ating kapatid.

Filemon, aming minamahal na kamanggagawa sa Panginoon, kasama si Afia na ating kapatid, si Arkipus na kapwa natin sundalo ni Cristo, at ang mga mananampalatayang nagtitipon[a] sa iyong tahanan sa pagsamba sa Dios:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa Dios sa tuwing ipinapanalangin kita, dahil nabalitaan ko ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pagmamahal mo sa lahat ng mga pinabanal[b] ng Dios. Idinadalangin ko na sana ang pagiging mapagbigay mo, na bunga ng iyong pananampalataya,[c] ay magpatuloy habang lumalago ang iyong pang-unawa sa lahat ng mabubuting bagay na ibinigay sa atin dahil tayoʼy nakay Cristo. Minamahal kong kapatid, labis na nagbigay kagalakan at kaaliwan sa akin ang iyong pagmamahal sa mga mananampalataya na nagpasigla sa kanila.

Ang Hiling ni Pablo para kay Onesimus

Ngayon, bilang apostol ni Cristo, maaari kitang utusan kung ano ang dapat mong gawin, pero dahil mahal kita, minarapat kong makiusap na lamang sa iyo. Kaya bilang isang nakatatanda at bilanggo dahil kay Cristo, 10 nakikiusap ako sa iyo para kay Onesimus, na sana patawarin mo na siya. Siyaʼy naging anak ko sa pananampalataya rito sa bilangguan. 11 Datiʼy wala siyang pakinabang sa iyo, ngunit ngayoʼy kapaki-pakinabang na siya sa ating dalawa.

12 Pinababalik ko na sa iyo ang minamahal kong si Onesimus. 13 Gusto ko sanang dito na muna siya upang sa pamamagitan niya, makakatulong ka sa akin habang nakabilanggo ako dahil sa aking pagpapahayag ng Magandang Balita. 14 Ngunit ayaw ko itong gawin nang wala kang pahintulot, upang maging kusang-loob ang iyong pagtulong at hindi sapilitan.

15 Marahil nahiwalay siya sa iyo nang saglit upang sa kanyang pagbabalik ay hindi na kayo magkahiwalay pang muli. 16 Kahit na alipin mo siya, isa na rin siyang minamahal na kapatid. Napamahal siya sa akin, at lalo na sa iyo, ngayong hindi mo lang siya alipin kundi kapatid pa sa Panginoon.

17 Kaya kung itinuturing mo akong kamanggagawa[d] sa Panginoon, tanggapin mo siya na parang ako ang iyong tinatanggap. 18 Kung siya man ay nagkasala o nagkautang sa iyo, ako na lamang ang singilin mo. 19 Ako mismo, si Pablo, ang sumulat nito: Ako ang magbabayad sa anumang pagkakautang niya sa iyo. Kahit na kung tutuusin ay utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. 20 Kaya kapatid, pagbigyan mo sana ang aking kahilingan alang-alang sa Panginoon. Paligayahin mo ang puso ko bilang kapatid kay Cristo. 21 Sumulat ako dahil malaki ang tiwala kong pagbibigyan mo ang aking kahilingan, at alam kong higit pa roon ang iyong gagawin.

22 Siya nga pala, ipaghanda mo ako ng matutuluyan, dahil umaasa akong makakabalik sa inyo dahil sa inyong panalangin.

Pangwakas na Pagbati

23 Kinukumusta ka ni Epafras na kapwa ko bilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Kinukumusta ka rin ng mga kamanggagawa kong sina Marcos, Aristarcus, Demas at Lucas.

25 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Hosea 11

Ang Pag-ibig ng Dios sa Israel

11 Sinabi ng Panginoon, “Minahal ko ang Israel noong kabataan niya.[a] Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Egipto.[b] Pero ngayon, kahit na patuloy kong[c] tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin.[d] Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila[e] at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga[f] sa kanila. Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito. Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria. Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak. Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.

“Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo. Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Dios at hindi tao. Ako ang Banal na Dios na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.

10 “Susunod kayo sa akin kapag umatungal ako na parang leon. At kapag umatungal na ako, dali-dali[g] kayong uuwi mula sa kanluran. 11 Mabilis[h] kayong darating na parang mga ibon mula sa Egipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Pauuwiin ko kayong muli sa inyong mga tahanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Parurusahan ang Israel at ang Juda

12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”

Salmo 132-134

Papuri sa Templo ng Dios

132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
    Ipinangako niya,
“Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
o matulog
hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”

Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
    at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”

Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
    at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
    huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
    at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
    Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
    ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”

13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
    Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
    dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
    at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
    at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.

17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
    at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”

Pagsasamahang may Pagkakaisa

133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
    At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.

Paanyaya para Purihin ang Dios

134 Purihin ang Panginoon,
    lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
Itaas ninyo ang inyong mga kamay kapag mananalangin kayo sa loob ng templo,
    at purihin ninyo ang Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon na nasa Zion na siyang lumikha ng langit at ng lupa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®