M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel
13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehu na si Jehoahaz nang ika-23 taon ng paghahari ng anak ni Ahazia na si Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 17 taon. 2 Masasama ang ginawa ni Jehoahaz sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito. 3 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa Israel. Hinayaan niyang masakop ito ni Haring Hazael ng Aram at ng anak nitong si Ben Hadad nang matagal na panahon.
4 Nanalangin si Jehoahaz sa Panginoon at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita ng Panginoon ang sobrang kalupitan ng hari ng Aram sa Israel. 5 Binigyan sila ng Panginoon ng tao na magliligtas sa kanila mula sa mga taga-Aram. Kaya muling namuhay ng may kapayapaan ang mga Israelita tulad ng dati. 6 Pero hindi sila tumigil sa paggawa ng mga kasalanang ginawa ng pamilya ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala nila. Nanatiling nakatayo ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Samaria.
7 Walang natira sa mga sundalo ni Jehoahaz maliban sa 50 mangangabayo, 10 karwahe at 10,000 sundalo, dahil ang iba ay pinatay ng hari ng Aram, na parang alikabok na tinatapak-tapakan.
8 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoahaz, at ang lahat ng kanyang ginawa at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 9 Nang mamatay si Jehoahaz, inilibing siya sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga angkan. At ang anak niyang si Jehoash ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoash sa Israel
10 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehoahaz na si Jehoash nang ika-37 taon ng paghahari ni Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. 11 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
12 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 13 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. Ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
Namatay si Eliseo
14 Nang magkasakit si Eliseo at malapit nang mamatay, pumunta sa kanya si Haring Jehoash noong buhay pa ito at umiyak. Sinabi ni Jehoash, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!”[a] 15 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Ginawa nga ito ni Jehoash. 16 Sinabi ni Eliseo, “Hawakan mo ang pana.” Habang hawak ito ni Jehoash, ipinatong ni Eliseo ang kamay niya kay Jehoash 17 at sinabi, “Buksan mo ang bintana sa bandang silangan.” Binuksan nga niya ito. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, “Pumana ka.” Pumana nga siya. Sinabi ni Eliseo, “Ang palasong iyon ay palatandaan na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban sa Aram. Tatalunin mo ang mga Arameo sa Apek hanggang sa malipol sila.”
18 Muling sinabi ni Eliseo kay Jehoash na kumuha siya ng mga palaso. Nang makakuha siya, sinabi ni Eliseo, “Panain mo ang lupa.” Pinana nga niya ang lupa ng tatlong beses at huminto siya. 19 Nagalit ang lingkod ng Dios sa kanya at sinabi, “Pinana mo dapat ng lima o anim na beses para tuluyan mong mawasak ang lahat ng Arameo. Pero ngayon, tatlong beses mo lang sila matatalo.”
20 Kinalaunan, namatay si Eliseo at inilibing.
Tuwing tagsibol, may grupo ng mga tulisang Moabita na lumulusob sa Israel. 21 Minsan, may mga Israelita na naglilibing ng patay pero nang makita nila ang grupo ng mga Moabita na lumulusob, naihagis nila ang bangkay sa pinaglibingan kay Eliseo at sila ay tumakas. Nang sumagi ang bangkay sa mga buto ni Eliseo, nabuhay ang patay at tumayo.
22 Pinahirapan ni Haring Hazael ng Aram ang Israel sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Pero kinahabagan at inalala sila ng Panginoon dahil sa pangako niya kina Abraham, Isaac, at Jacob. Hanggang ngayon, hindi niya ito winawasak o itinatakwil.
24 Namatay si Haring Hazael ng Aram, at ang anak niyang si Ben Hadad ang pumalit sa kanya bilang hari. 25 Natalo ni Jehoash si Ben Hadad ng tatlong beses. Nabawi niya ang mga bayang kinuha ng ama ni Ben Hadad na si Hazael mula sa ama niyang si Jehoahaz nang maglaban ang mga ito.
Ang mga Huling Araw
3 Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw, 2 dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapang-insulto, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi makadios. 3 Ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti. 4 Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan sa halip na maibigin sa Dios. 5 Ipinapakita nilang makadios sila pero hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito. 6 May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa. 7 Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. 8 Ang pagkontra sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagkontra nina Jannes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan. 9 Pero hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.
Mga Bilin
10 Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo mo, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis. 11 Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioc, Iconium at Lystra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon. 12 Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sasama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan. 15 Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, 17 para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Dios.
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, pati na kayong mga pari at sambahayan ng hari, dahil ang hatol na ito ay laban sa inyo: Para kayong bitag, dahil ipinahamak ninyo ang mga mamamayan ng Mizpa at Tabor. 2 Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat. 3 Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyo na mga taga-Israel.[a] Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[b] kaya naging marumi kayo.
4 “Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Dios. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritung nag-uudyok sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon. 5 Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel kasama ang mga taga-Juda. 6 Maghahandog kayo ng mga tupa, kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa akin. Pero hindi ninyo mararanasan ang presensya ko dahil itinakwil ko na kayo. 7 Nagtaksil kayo sa akin, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.[c]
Ang Labanan ng Juda at Israel
8 “Hipan ninyo ang mga trumpeta para bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet Aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.[d] 9 Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel! 10 Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon[e] dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na parang baha. 11 Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga dios-diosan. 12 Ang katulad koʼy insektong ngumangatngat sa Israel at sa Juda.
13 “Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan,[f] humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Pero hindi ito makakatulong sa kanila.[g] 14 Sapagkat sasalakayin kong parang leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila. 15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”
Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel
6 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. 2 Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[h] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. 3 Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”
4 Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[i] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. 5 Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. 6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[j] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog. 7 Pero tulad ni Adan, sinira ninyo ang kasunduan natin. Nagtaksil kayo sa akin diyan sa inyong lugar.[k] 8 Ang bayan ng Gilead ay tirahan ng masasamang tao at mga mamamatay-tao. 9 Ang inyong mga pari ay parang mga tulisan na nag-aabang ng kanilang mabibiktima. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem,[l] at gumagawa ng marami pang nakakahiyang gawain. 10 Mga taga-Israel, kakila-kilabot ang nakita ko sa inyo. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan, kaya naging marumi[m] kayo. 11 Kayo ring mga taga-Juda ay nakatakda nang parusahan.
“Gusto ko sanang ibalik ang mabuting kalagayan ng aking mga mamamayan.”
145 Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;
sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
146 Tumatawag ako sa inyo;
iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
147 Gising na ako bago pa sumikat ang araw
at humihingi ng tulong sa inyo,
dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.
148 Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.
149 Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
150 Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.
151 Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.
152 Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.
153 Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154 Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155 Hindi maliligtas ang masasama,
dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156 Napakamaawain nʼyo Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[b]
157 Marami ang umuusig sa akin,
ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158 Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159 Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160 Totoo ang lahat ng inyong salita,
at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.
161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[c] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.
169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®