M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Atalia at si Joash(A)
11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia na hari ng Juda, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda. 2 Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram. Itinago niya si Joash at ang kanyang tagapag-alaga sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia 3 Sa loob ng anim na taon, doon nagtago sa templo ng Panginoon si Joash at ang tagapag-alaga niya habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.
4 Nang ikapitong taon, ipinatawag ng paring si Jehoyada ang mga pinunong personal na tagapagbantay ng hari at mga guwardya ng palasyo para papuntahin sa templo ng Panginoon. Gumawa siya ng kasunduan sa kanila at sinumpaan nila ang mga ito roon sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ipinakita sa kanila ang anak ng hari. 5 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin nʼyo: Ang ikatlong bahagi ng mga nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa palasyo ng hari. 6 Ang isa pang ikatlong bahagi naman ang magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang isa pang grupo ang magbabantay sa pintuan ng palasyo para tumulong sa iba pang mga guwardya na naroon. 7 Ang dalawang grupo sa inyo na hindi nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga ang siyang magbabantay sa templo ng Panginoon para ingatan ang hari. 8 Dapat ninyong bantayang mabuti ang hari, dala ang inyong mga sandata, sundan nʼyo siya kahit saan siya magpunta. Patayin ninyo ang sinumang lalapit sa inyo.” 9 Ginawa ng mga pinuno ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon nila ang mga tauhan nila na nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga, pati na rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon at dinala nila kay Jehoyada. 10 Ibinigay ni Jehoyada sa mga pinuno ang mga sibat at pananggalang na nakatago sa templo ng Panginoon, na pag-aari noon ni Haring David. 11 Pumwesto ang mga armadong guwardya sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
12 Pagkatapos, inilabas ni Jehoyada si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan niya ito ng kopya ng mga kautusan ng Panginoon. Idineklara siyang hari at pinahiran ng langis bilang pagkilala na siya na ang hari. Pagkatapos, nagpalakpakan ang mga tao at sumigaw, “Mabuhay ang Hari!”
13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga guwardya at ng mga tao, pinuntahan niya ang mga ito sa templo ng Panginoon. 14 Nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, ayon sa kaugalian ng pagdedeklara sa isang hari. Nakapalibot sa hari ang mga pinuno at mga tagapagpatunog ng trumpeta. Ang lahat ng tao ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
15 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo si Atalia sa labas. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng templo ng Panginoon. Patayin ang sinumang magliligtas sa kanya.” 16 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(B)
17 Pagkatapos, pinagawa ni Jehoyada ang hari at ang mga tao ng kasunduan sa Panginoon, na magiging mamamayan sila ng Panginoon. Gayon din ang ginawang kasunduan sa pagitan ng hari at ng mga tao na kanyang nasasakupan. 18 Pumunta ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.
Pagkatapos, naglagay si Jehoyada ng mga guwardya sa templo ng Panginoon. 19 Isinama niya ang mga kumander ng mga sundalo, mga personal na tagapagbantay ng hari, mga guwardya ng palasyo at ang lahat ng tao. Inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa pintuan ng mga guwardya. Pagkatapos, naupo ang hari sa kanyang trono. 20 Nagdiwang ang mga tao at naging mapayapa ang lungsod matapos patayin si Atalia sa palasyo.
21 Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari.
Ang Paghahari ni Joash sa Juda(C)
12 Naging hari si Joash ng Juda nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel. Sa Jerusalem siya nakatira, at naghari siya sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. 2 Sa buong buhay niya, matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon dahil tinuruan siya ng paring si Jehoyada. 3 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar,[a] kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso.
4 Sinabi ni Joash sa mga pari, “Kolektahin ninyo ang lahat ng pera na dinala sa templo ng Panginoon bilang handog: ang perang kinolekta sa buwis ng sensus, ang perang ibinayad para sa panata, at ang perang handog na kusang-loob na ibinigay. 5 Gamitin ninyo ang lahat ng ito sa pagpapaayos ng templo.”
6 Pero hanggang sa ika-23 taong paghahari ni Joash, hindi pa rin naipapaayos ng mga pari ang templo. 7 Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada at ang iba pang mga pari at tinanong, “Bakit hindi pa ninyo naipapaayos ang templo? Simula ngayon, huwag na ninyong gagastusin ang mga pera para sa sarili ninyong pangangailangan. Dapat gastusin ito sa pagpapaayos ng templo.” 8 Pumayag ang mga pari na hindi na sila ang mangongolekta ng pera sa mga tao at hindi na rin sila ang magpapaayos ng templo.
9 Kumuha si Jehoyada ng kahon at binutasan ang takip nito. Pagkatapos, inilagay niya ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan papasok sa templo ng Panginoon. Kung mayroong magbibigay ng pera sa templo, ang mga paring nagbabantay sa pintuan ang maglalagay nito sa kahon. 10 Kapag puno na ang kahon, binibilang ng kalihim ng hari at ng punong pari ang pera at inilalagay nila ito sa mga lalagyan. 11-12 Pagkatapos, ibibigay nila ang pera sa mga tao na namamahala sa pagpapaayos ng templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga nagtatrabaho sa templo ng Panginoon – ang mga karpintero, mga mason, at iba pang mga manggagawa. Ito rin ang ginagamit nilang pambili ng kahoy at mga hinating bato para sa pagpapaayos ng templo ng Panginoon. Binabayaran din nila ang iba pang mga gastusin sa pagpapaayos nito.
13 Hindi ginamit ang perang dinala sa templo sa paggawa ng mga pilak na planggana, mga panggupit ng mitsa ng mga ilaw, mga mangkok, mga trumpeta o kahit anong gamit na ginto o pilak para sa templo ng Panginoon. 14 Ibinayad ang pera sa mga manggagawa ng templo at sa mga materyales. 15 Hindi na sila hinihingan ng listahan kung paano ginastos ang pera, dahil tapat at mapagkakatiwalaan sila. 16 Ang perang ibinigay kasama ng mga handog na pambayad ng kasalanan at ng mga handog sa paglilinis ay hindi dinadala sa templo ng Panginoon, dahil para ito sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, si Haring Hazael ng Aram ay lumusob sa Gat at nasakop ito. Pagkatapos, binalak din niyang lusubin ang Jerusalem. 18 Tinipon ni Haring Joash ang mga inihandog niya pati ang lahat ng bagay na inihandog para sa Panginoon ng mga ninuno niya na sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazia na mga hari ng Juda. Ipinadala ni Joash ang lahat ng ito kay Hazael pati na ang lahat ng ginto na naroon sa bodega ng templo ng Panginoon at ang mga nasa palasyo. Kaya hindi na lumusob si Hazael sa Jerusalem.
19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Joash at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Nang bandang huli, nagplano ang mga opisyal niya laban sa kanya at pinatay siya sa Bet Millo sa daang papunta sa Silla. 21 Ang kanyang mga opisyal na pumatay sa kanya ay sina Josacar[b] na anak ni Shimeat at Jehozabad na anak ni Shomer. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Mabuting Sundalo ni Cristo Jesus
2 Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. 2 Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.
3 Makibahagi ka sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. 4 Dapat katulad ka ng isang sundalong nasa serbisyo; hindi siya nakikisangkot sa iba pang gawain para mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang opisyal. 5 Ganoon din naman, dapat katulad ka ng manlalaro; hindi siya makakakuha ng premyo kung hindi siya sumusunod sa tuntunin ng laro. 6 At dapat katulad ka rin ng masipag na magsasaka; hindi baʼt siya ang unang karapat-dapat na tumanggap ng bahagi sa ani? 7 Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo, at ipapaunawa sa iyo ng Dios ang lahat ng ito.
8 Alalahanin mo ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang ipinapangaral ko 9 na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal. Pero hindi nakakadenahan ang salita ng Dios. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat ng paghihirap alang-alang sa mga pinili ng Dios, para makamtan din nila ang kaligtasang nakay Cristo Jesus at ang buhay na walang hanggan. 11 Totoo ang kasabihang,
“Kung namatay tayong kasama niya,
mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung magtitiis tayo,
maghahari rin tayong kasama niya.
Kung itatakwil natin siya,
itatakwil din niya tayo.
13 Kung hindi man tayo tapat,
mananatili siyang tapat,
dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”
Ang Karapat-dapat na Alagad ng Dios
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito. 17 Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito. 18 Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,”[a] at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”
20 Sa isang malaking bahay, may mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at mayroon ding yari sa kahoy at putik.[b] Ginagamit sa mahahalagang okasyon ang mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at ang mga kasangkapang yari naman sa kahoy at putik ay sa pang-araw-araw na gamit. 21 Ang mga taong lumalayo sa kasamaan ay nabibilang sa mga kasangkapang ginagamit sa mahahalagang okasyon. Nakatalaga sila sa Panginoon, kapaki-pakinabang sa kanya, at laging handa sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso. 23 Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo at kalokohan lamang, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. 24 Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi. 25 Kailangang mahinahon siya sa pagtutuwid sa mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraan ay bigyan sila ng Dios ng pagkakataong magsisi at malaman ang katotohanan. 26 Sa ganoon, maliliwanagan ang isip nila at makakawala sila sa bitag ng diablo na bumihag sa kanila para gawin ang nais nito.
Si Hoseas at ang Kanyang Asawa
3 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga dios at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”
2 Kaya binili ko siya[a] sa halagang 15 pirasong pilak at apat na sakong sebada.[b] 3 At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.” 4 Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit[c] sa panghuhula, at mga dios-diosan. 5 Pero sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Dios at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.
Ang Paratang ng Panginoon Laban sa Israel at sa Kanyang mga Pari
4 Kayong mga Israelitang naninirahan sa lupain ng Israel, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa inyo: “Wala ni isa man sa inyong lupain ang tapat, nagmamahal, at kumikilala sa akin. 2 Sa halip, laganap ang paggawa ng masama sa kapwa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Laganap ito kahit saan, at sunud-sunod ang patayan. 3 Dahil dito, natutuyo ang inyong lupain at ang mga naninirahan doon ay namamatay, pati mga hayop – ang lumalakad, lumilipad, at ang lumalangoy.
4 “Pero walang dapat sisihin at usigin kundi kayong mga pari. 5 Kayo at ang mga propeta ay mapapahamak sa araw man o sa gabi pati ang inyong mga ina.[d]
6 “Napapahamak ang aking mga mamamayan dahil kulang ang kaalaman nila tungkol sa akin. Sapagkat kayo mismong mga pari ay tinanggihan ang kaalamang ito, kaya tinatanggihan ko rin kayo bilang mga pari ko. Kinalimutan ninyo ang Kautusan ko kaya kalilimutan ko rin ang mga anak ninyo. 7 Habang dumarami kayong mga pari, dumarami rin ang mga kasalanan ninyo sa akin. Kaya ang inyong ipinagmamalaki ay gagawin kong kahihiyan.[e] 8 Gusto ninyong magkasala ang aking mga mamamayan para makakain kayo mula sa kanilang mga handog sa paglilinis.[f] 9 Kaya kung paano ko parurusahan ang mga mamamayan, parurusahan ko rin kayong mga pari.[g] Parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga gawa. 10 Kumakain nga kayo pero hindi kayo nabubusog. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan[h] para magkaanak kayo. Pero hindi kayo magkakaanak dahil itinakwil ninyo ako 11 upang sumamba sa mga dios-diosan.
Isinusumpa ng Dios ang Pagsamba sa mga Dios-diosan
“Mga mamamayan ko, ang bago at lumang alak ay nakakasira ng inyong pang-unawa. 12 Sumasangguni kayo sa dios-diosang kahoy, at ayon na rin sa inyo, sumasagot ito. Iniligaw kayo ng mga espiritung tumutulak sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, kaya tinalikuran ninyo ako tulad ng babaeng nangalunya. 13 Naghahandog kayo sa tuktok ng mga bundok at mga burol, sa ilalim ng matataas at mayayabong na mga kahoy, dahil masarap lumilim doon. Kaya ang inyong mga anak na babae ay nakikipagsiping sa mga lalaki at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. 14 Pero hindi ko sila parurusahan sa kanilang ginagawang masama, dahil kayong mga lalaki ay nakikipagsiping din sa mga babaeng bayaran sa templo at kasama pa nilang naghahandog sa mga dios-diosan. Kaya dahil kayoʼy mga mangmang sa katotohanan, mapapahamak kayo.
15 “Mga taga-Israel, kahit na akoʼy tinalikuran ninyo tulad ng babaeng nangalunya, huwag na ninyong idamay ang mga taga-Juda.
“At kayong mga taga-Juda, huwag kayong pumunta sa Gilgal at sa Bet Aven[i] para sumamba sa akin o gumawa ng mga pangako sa aking pangalan. 16 Sapagkat matigas ang ulo ng mga taga-Israel katulad ng dumalagang baka na ayaw sumunod. Kaya paano ko sila mababantayan tulad ng mga tupang nasa pastulan? 17 Sumamba sila[j] sa mga dios-diosan kaya pabayaan na lang sila. 18 Pagkatapos nilang uminom ng inuming nakakalasing, nakikipagsiping sila sa mga babae. Gustong-gusto ng kanilang mga pinuno ang gumawa ng mga nakahihiyang bagay. 19 Kaya lilipulin sila na parang tinatangay ng malakas na hangin, at mapapahiya sila dahil sa kanilang paghahandog sa mga dios-diosan.”
121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
137 Matuwid kayo, Panginoon,
at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®