M’Cheyne Bible Reading Plan
Dinala si Elias Papuntang Langit
2 Nang oras na kukunin na ng Panginoon si Elias para dalhin sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, naglalakad sina Elias at Eliseo galing sa Gilgal. 2 Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Betel.” Pero sinabi ni Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Betel.
3 May grupo ng mga propeta roon sa Betel na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro[a] mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”
4 Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jerico.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico.
5 Muli, may grupo ng mga propeta roon sa Jerico na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.” 6 Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Ilog ng Jordan.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad.
7 May 50 miyembro ng mga propeta na nakatayo sa unahan, at nakaharap sila sa lugar na hinintuan nina Elias at Eliseo sa ilog ng Jordan.
8 Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa. 9 Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin sa iyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot si Eliseo, “Gusto kong ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”[b] 10 Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Pero, matatanggap mo ito kung makikita mo ako habang kinukuha sa harap mo, kung hindi mo ako makikita, hindi mo matatanggap ang hinihiling mo.”
11 Habang naglalakad sila na nagkukwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo. 12-13 Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. Dinampot niya ang balabal ni Elias na nahulog, at bumalik siya sa tabi ng Ilog ng Jordan at tumayo roon. 14 Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon, ang Dios ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya. 15 Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 16 Sinabi nila, “May kasama kaming 50 malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang guro mo. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.” Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang paalisin.” 17 Pero nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siya na tumanggi. Sinabi niya, “Sige, paalisin ninyo sila.” Kaya pinaalis nila ang 50 tao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, pero hindi nila ito nakita. 18 Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na huwag na kayong umalis?”
Ang mga Himala na Ginawa ni Eliseo
19 Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakita naman po ninyo na mabuti ang kinatatayuan ng aming lugar, pero marumi ang tubig at hindi tinutubuan ng pananim ang lupa.”[c] 20 Sinabi ni Eliseo, “Dalhan ninyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito. 21 Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Lilinis ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”[d] 22 Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.
23 Umalis si Eliseo sa Jerico at pumunta sa Betel. Habang naglalakad siya sa daan, may mga kabataan na nanggaling sa isang bayan at ininsulto siya. Sinabi nila, “Umakyat ka, panot! Umakyat ka, panot!” 24 Lumingon si Eliseo, tinitigan niya ang mga ito at isinumpa sa pangalan ng Panginoon. Pagkatapos, may dalawang babaeng oso na lumabas galing sa gubat at pinagluray-luray ang 42 kabataan. 25 Mula roon, pumunta si Eliseo sa Bundok ng Carmel at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.
Ang mga Mangyayari Bago Bumalik ang Panginoon
2 Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon natin sa kanya, hinihiling namin, mga kapatid, 2 na huwag kayong mag-alala o mabahala dahil sa mga taong nagsasabing bumalik na ang Panginoon. Huwag kayong maniwala kahit sabihin pa nilang sinabi ito ng Espiritu sa kanila, nabalitaan, o nabasa man sa isang sulat na galing daw sa amin. 3 Huwag kayong magpadaya sa kanila sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw ng pagbabalik ng Panginoon hanggaʼt hindi pa nagsisimula ang huling paghihimagsik ng mga tao sa Dios, at hindi pa dumarating ang masamang tao na itinalaga sa walang hanggang kaparusahan. 4 Kakalabanin niya ang lahat ng sinasamba at itinuturing na dios ng mga tao, at itataas ang sarili sa lahat ng mga ito. Uupo siya sa loob ng templo ng Dios at itatanghal ang sarili bilang Dios.
5 Hindi baʼt sinabi ko na ang mga bagay na ito nang kasama nʼyo pa ako riyan? 6 Alam nʼyo kung ano ang pumipigil sa pagpapakita niya. Ngunit sa takdang panahon, magpapakita siya. 7 Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at mananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa pagpapakita niya. 8 Ihahayag siya kapag inalis na ang pumipigil. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo, papatayin niya ang masamang taong ito sa pamamagitan lang ng isang ihip niya.
9 Ihahayag ang taong masama na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, kababalaghan, at kamangha-manghang bagay. 10 Gagamitin niya ang lahat ng uri ng pandaraya sa mga taong mapapahamak. Mapapahamak sila dahil ayaw nilang pahalagahan ang katotohanang makakapagligtas sana sa kanila. 11 Kaya pababayaan na lang sila ng Dios sa matinding pagkalinlang para maniwala sila sa kasinungalingan, 12 nang sa ganoon, maparusahan ang lahat ng ayaw maniwala sa katotohanan at nagpakaligaya sa kasamaan.
Pinili Kayo para Hindi Mahatulan
13 Mga kapatid, lagi kaming nagpapasalamat sa Dios dahil sa inyo na mga minamahal ng Panginoon. At nararapat lang kaming magpasalamat, dahil noong una pa man ay pinili na kayong maligtas ng Dios sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo sa katotohanan. 14 Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo para makabahagi kayo sa kadakilaan ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag at panghawakan nʼyo ang mga itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat. 16-17 Aliwin at palakasin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng Dios na ating Ama. Mahal tayo ng Dios at siya ang nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at kalakasan, at matibay na pag-asa dahil sa biyaya niya. At nawaʼy bigyan din niya kayo ng lakas ng loob na maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.
Inihulog si Daniel sa Kulungan ng mga Leon
6 Pumili si Haring Darius ng 120 gobernador para mamahala sa kanyang buong kaharian. 2 Ang mga gobernador na itoʼy nasa ilalim ng pamamahala ng tatlong administrador, at isa sa kanila ay si Daniel. Ginawa ito para hindi mahirapan sa pamamahala ang hari. 3 Si Daniel ang natatangi sa kanilang lahat dahil sa kanyang pambihirang kakayahan, kaya binalak ng hari na siya ang gawing tagapamahala ng buong kaharian. 4 Dahil dito, ang dalawa pang kasama niyang administrador at mga gobernador ay naghanap ng kamalian sa pamamahala ni Daniel para paratangan siya. Pero wala silang makita, dahil si Daniel ay tapat sa kanyang tungkulin at maaasahan. 5 Kaya sinabi nila, “Wala tayong maipaparatang sa kanya maliban kung hahanap tayo ng kasalanan na may kaugnayan sa Kautusan ng kanyang Dios.”
6 Kaya pumunta sila sa hari at sinabi, “Mahal na Hari! 7 Kaming mga administrador, mayor, gobernador, tagapayo, at mga komisyoner ng inyong kaharian ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa sinumang dios o tao maliban sa inyo. At dapat itong sundin, dahil ang sinumang susuway sa utos na ito ay itatapon sa kulungan ng mga leon. 8 Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat nʼyo po at lagdaan para hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
9 Pumayag si Haring Darius, kaya nilagdaan niya ang kautusang iyon. 10 Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian. 11 Pero sinusubaybayan pala siya ng mga opisyal na kumakalaban sa kanya, at nakita nila siyang nananalangin at nagpupuri sa kanyang Dios. 12 Kaya pumunta sila sa hari at sinabi ang paglabag ni Daniel sa kautusan. Sinabi nila sa hari, “Mahal na Hari, hindi baʼt lumagda kayo ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa alin mang dios o tao maliban sa inyo? At ang sinumang lumabag sa kautusang iyon ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon?”
Sumagot ang hari, “Totoo iyon, at hindi na iyon mababago o mapapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
13 Sinabi nila sa hari, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Dios ng tatlong beses sa isang araw.” 14 Nang marinig ito ng hari, nabalisa siya ng sobra. Nais niyang tulungan si Daniel, kaya buong maghapon siyang nag-isip at naghanap ng paraan para mailigtas si Daniel.
15 Nagtipong muli ang mga opisyal ng hari at sinabi, “Mahal na Hari, alam nʼyo naman na ayon sa kautusan ng Media at Persia, kapag nagpalabas ang hari ng kautusan ay hindi na ito maaaring baguhin.”
16 Kaya iniutos ng hari na hulihin si Daniel at ihulog sa kulungan ng mga leon. Sinabi ng hari kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran.”
17 Pagkatapos, tinakpan ng isang malaking bato ang kulungan na pinaghulugan kay Daniel, at tinatakan ng singsing ng hari at ng singsing ng mga marangal sa kaharian para walang sinumang magbubukas nito. 18 Pagkatapos ay umuwi si Haring Darius sa palasyo niya. Hindi siya kumain ng gabing iyon at hindi rin humiling na siya ay aliwin. At hindi siya makatulog.
19 Kinaumagahan, nagbubukang-liwayway pa lamang ay nagmamadaling pumunta ang hari sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating niya roon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, lingkod ng buhay na Dios, iniligtas ka ba sa mga leon ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran?” 21 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari! 22 Hindi ako sinaktan ng mga leon, dahil nagpadala ang Dios ng kanyang mga anghel para itikom ang mga bibig ng mga leon. Ginawa ito ng Dios dahil alam niyang matuwid ang aking buhay at wala akong ginawang kasalanan sa inyo.” 23 Nang marinig iyon ng hari, nagalak siya at nag-utos na kunin si Daniel sa kulungan. Nang nakuha na si Daniel, wala silang nakitang kahit galos man lamang sa kanyang katawan, dahil nagtiwala siya sa Dios.
24 Nag-utos ang hari na ang lahat ng nagparatang kay Daniel ay hulihin at ihulog sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang asawaʼt mga anak. Hindi pa sila nakakarating sa ilalim ng kulungan, agad silang sinakmal ng mga leon at nilapa.
25 Pagkatapos ay sumulat si Haring Darius sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika sa mundo. Ito ang nakasulat:
“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
26 “Iniuutos ko sa lahat ng tao na nasasakupan ng aking kaharian na matakot at gumalang sa Dios ni Daniel.
Sapagkat siya ang buhay na Dios at nabubuhay magpakailanman.
Ang paghahari niya ay walang hanggan,
at walang makakapagbagsak nito.
27 Nagliligtas siya at gumagawa ng mga himala at kababalaghan sa langit at dito sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”
28 Naging maunlad ang buhay ni Daniel sa panahon ng paghahari ni Darius at sa panahon ng paghahari ni Cyrus na taga-Persia.
Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
2 Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
3 Yayaman ang kanyang sambahayan,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
4 Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
5 Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
6 Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
7 Hindi siya matatakot sa masamang balita,
dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
8 Hindi siya matatakot o maguguluhan,
dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
9 Nagbibigay siya sa mga dukha,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®