M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagdala ng Pagkain ang Uwak kay Elias
17 May isang propeta na ang pangalan ay Elias. Nakatira siya sa Tisbe na sakop ng Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulan na darating sa loob ng ilang taon hanggaʼt hindi ko sinasabi na umulan o humamog.”
2 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias, 3 “Umalis ka rito, tuntunin mo ang daan pasilangan at magtago ka sa daluyan ng tubig Kerit, sa bandang silangan ng Jordan. 4 Sa ilog ka uminom, at uutusan ko ang mga uwak na magdala sa iyo ng pagkain doon.” 5 Sinunod ni Elias ang utos ng Panginoon sa kanya. Pumunta siya sa daluyan ng tubig sa Kerit, sa bandang silangan ng Jordan at doon nanirahan. 6 Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi, at sa ilog siya umiinom.
Ang Biyuda sa Zarefat
7 Kinalaunan, natuyo ang ilog dahil hindi na umuulan. 8 Iniutos agad ng Panginoon kay Elias, 9 “Pumunta ka sa Zarefat sa Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan kong magpapakain sa iyo.” 10 Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.” 11 Nang paalis na ang biyuda para kumuha ng tubig, sinabi pa sa kanya ni Elias, “Pakiusap dalhan mo rin ako ng tinapay.”
12 Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga. Nangunguha nga po ako ng ilang pirasong kahoy dito para dalhin sa bahay at lutuin ang natitirang harina para sa akin at sa anak ko, at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami sa gutom.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Umuwi ka at gawin ang sinabi mo. Pero ipagluto mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natirang harina, at dalhin mo agad ito sa akin. Pagkatapos, magluto ka rin para sa iyo at sa anak mo. 14 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” 15 Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak.[a] 16 Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
17 Kinalaunan, nagkasakit ang anak ng babae. Lumala ang sakit nito hanggang sa mamatay. 18 Sinabi ng babae kay Elias, “Ano po ang ikinagalit ninyo sa akin, lingkod ng Dios? Pumunta po ba kayo rito para patayin ang aking anak bilang parusa sa aking mga kasalanan?” 19 Sumagot si Elias, “Ibigay mo sa akin ang bata.” Kinuha ni Elias ang bata sa kanyang ina, at dinala ito sa kwarto sa itaas, kung saan siya nakatira. Inihiga niya ang bata sa kanyang higaan, 20 at nanalangin siya sa Panginoon, “O Panginoon, na aking Dios, pinadalhan po ba ninyo ng pagdurusa ang biyudang ito na nagpatuloy sa akin sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang anak?” 21 Dumapa si Elias ng tatlong beses sa bata at tumawag sa Panginoon, “O Panginoon na aking Dios, buhayin po ninyo ang batang ito!” 22 Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata. 23 Pagkatapos, dinala ni Elias ang bata sa ibaba at ibinigay sa kanyang ina. Sinabi ni Elias, “Tingnan mo ang iyong anak, buhay siya!” 24 Agad na sinabi ng babae kay Elias, “Ngayon, napatunayan kong lingkod nga kayo ng Dios at totoong nagsasalita ang Panginoon sa pamamagitan ninyo.”
4 Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa mga alipin ninyo. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.
Ang Ilan pang mga Bilin
2 Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. 3 Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. 4 Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. 6 Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.
Mga Pangangamusta
7 Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tykicus ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman nʼyo ang kalagayan namin, nang lumakas naman ang loob ninyo. 9 Kasama niya sa pagpunta riyan si Onesimus, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari rito.
10 Kinukumusta kayo nina Aristarcus na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya riyan.) 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Dios, at pinapalakas nila ang loob ko.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. 13 Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.
15 Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nymfa at sa mga mananampalataya[a] na nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila. 17 Pakisabi kay Arkipus na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako, si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito.
Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan.
Pagpalain nawa kayo ng Dios.
Ang Bukal na Dumadaloy mula sa Templo
47 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa pintuan ng templo, at nakita ko roon ang umaagos na tubig na papuntang silangan mula sa ilalim ng pintuan ng templo. (Ang templo ay nakaharap sa gawing silangan.) At umagos ang tubig pakanan, sa bandang timog ng altar. 2 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa gawing hilaga. At inilibot niya ako sa labas patungo sa daanan sa silangan. Nakita ko roon ang tubig na umaagos mula sa gawing hilaga ng daan. 3 Naglakad kami papunta sa gawing silangan sa tabi ng tubig, at patuloy siya sa pagsukat. Nang mga 1,700 talampakan na ang nalakad namin, pinalusong niya ako sa tubig na hanggang bukong-bukong. 4 At nagsukat uli siya ng 1,700 talampakan at muli akong pinalusong sa tubig na hanggang tuhod na. Nagsukat pa ulit siya ng 1,700 talampakan at pinalusong akong muli sa tubig na hanggang baywang na. 5 Nagsukat ulit siya ng 1,700 talampakan pero hindi na ako makalusong dahil malalim na ang tubig sa ilog at kailangan nang languyin.
6 Sinabi ng tao sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti ang nakita mo.” At dinala niya ako sa pampang ng ilog na iyon. 7 Nang naroon na ako, marami akong nakitang kahoy sa magkabilang pampang. 8 At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na itoʼy dumadaloy sa lupain sa silangan papunta sa Araba[a] papunta sa Dagat na Patay. Ang dagat na ito ay magiging sariwang tubig na at hindi maalat. 9 At kahit saan ito dumaloy, marami nang isda at iba pang nabubuhay sa tubig ang mabubuhay dahil pinapasariwa nito ang maalat na tubig. 10 Marami nang mangingisda sa Dagat na Patay mula sa En Gedi patungo sa En Eglaim. Dadami ang ibaʼt ibang uri ng isda sa Dagat na Patay katulad ng Dagat ng Mediteraneo. Ang tabing-dagat ay mapupuno na ng mga pinatutuyong lambat. 11 Ngunit ang mga latian sa palibot ng Dagat na Patay ay mananatiling maalat para may makuhanan ng asin ang mga tao. 12 Tutubo sa magkabilang panig ng ilog ang ibaʼt ibang uri ng punongkahoy na namumunga. Ang mga dahon nitoʼy hindi malalanta at hindi mauubos ang mga bunga. Mamumunga ito sa bawat buwan dahil dinadaluyan ito ng tubig mula sa templo. Ang mga bunga nitoʼy pagkain, at ang dahon ay gamot.”
Ang mga Hangganan ng Lupa
13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ito ang mga hangganan ng mga lupaing paghahati-hatiin ng 12 lahi ng Israel bilang mana nila. Bigyan ninyo ng dalawang bahagi na mamanahin ang lahi ni Jose. 14 Pantay-pantay ang gawin ninyong paghahati-hati ng lupain, dahil ipinangako ko sa mga magulang ninyo na ibibigay ko ito sa kanila para manahin ninyo. 15 Ito ang mga hangganan:
“Ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat ng Mediteraneo papuntang Hetlon, sa Lebo Hamat sa Zedad, 16 sa Berota, sa Sibraim, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat hanggang sa Haser Haticon na nasa hangganan ng Hauron. 17 Kaya ang hangganan sa hilaga ay magsisimula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Hazar Enan, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga.
18 “Ang hangganan sa silangan ay mula sa hangganan ng Hauran at Damascus papuntang Ilog ng Jordan (sa pagitan ng Gilead at ng Israel) patungo sa Dagat na Patay[b] hanggang sa Tamar.[c] Ito ang hangganan sa silangan.
19 “Ang hangganan naman sa Timog ay simula sa Tamar patungo sa bukal ng Meriba Kadesh[d] hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan sa Timog.
20 “Ang hangganan sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo hanggang sa tapat ng Lebo Hamat.
21 “Ito ang lupaing paghahati-hatiin ninyo sa bawat lahi. 22 Ito ang pinakamana ninyo at ng mga dayuhang nakatira kasama ninyo na ang mga anak ay ipinanganak sa Israel. Ituring ninyo silang parang tunay na katutubong Israelita, at bigyan din ninyo sila ng lupang mamanahin ng mga lahi ng Israel. 23 Kung saang angkan sila naninirahan, doon din sa angkan na iyon magmumula ang bahagi nilang lupain. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.
15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
itoʼy nawawala at hindi na nakikita.
17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.
Purihin ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®