M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Habilin ni David kay Solomon
2 Nang malapit nang mamatay si David, naghabilin siya kay Solomon na kanyang anak ng ganito: 2 “Malapit na akong mamatay, kaya magpakatatag ka at magpakatapang, 3 at sundin ang mga iniuutos ng Panginoon na iyong Dios. Sumunod ka sa kanyang mga pamamaraan, mga tuntunin at mga utos na nakasulat sa Kautusan ni Moises para magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man magpunta. 4 Kung gagawin mo ito, tutuparin ng Panginoon ang pangako niya sa akin, na kung ang aking mga lahi ay mamumuhay nang tama at buong buhay na susunod sa kanya nang may katapatan, laging sa kanila magmumula ang maghahari sa Israel.
5 “Ito pa ang bilin ko sa iyo: Nalaman mo kung ano ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruya. Pinatay niya ang dalawang kumander ng mga sundalo ng Israel na si Abner na anak ni Ner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sila na parang mga kaaway, pero ginawa niya iyon sa panahon na walang labanan. Siya ang may pananagutan sa pagkamatay nila.[a] 6 Kaya gawin mo ang naiisip mong mabuting gawin sa kanya, pero huwag mong hayaan na payapa siyang mamatay sa katandaan.
7 “Ngunit maging mabuti ka sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead at pakainin silang kasama mo, dahil tinulungan nila ako nang tumakas ako sa kapatid mong si Absalom.
8 “Tandaan mo si Shimei na anak ni Gera, na taga-Bahurim at mula sa lahi ni Benjamin. Isinumpa niya ako ng matindi nang pumunta ako sa Mahanaim. Pero nang magkita kami sa Ilog ng Jordan, nakipagkasundo ako sa kanya sa pangalan ng Panginoon na hindi ko siya papatayin. 9 Pero ngayon, ikaw ang hahatol sa kanya. Matalino ka, at alam mo kung ano ang dapat gawin. Kahit matanda na siya, ipapatay mo siya.”
10 Pagkatapos, namatay si David at inilibing sa kanyang lungsod.[b] 11 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon – pitong taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. 12 Si Solomon ang pumalit sa ama niyang si David bilang hari, at tunay na matatag ang kaharian niya.
Namatay si Adonia
13 Ngayon, si Adonia na anak ni Hagit ay pumunta kay Batsheba na ina ni Solomon. Nagtanong si Batsheba sa kanya, “Mabuti ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” Sumagot si Adonia, “Mabuti po. 14 May hihilingin lang ako sa inyo.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba ang hihilingin mo?” 15 Sumagot si Adonia, “Nalalaman ninyo na ako na sana ang naging hari, at hinihintay ito ng buong Israel. Pero iba ang nangyari; ang kapatid ko ang siyang naging hari, dahil iyan ang gusto ng Panginoon. 16 Ngayon, may hihilingin ako sa inyo. At kung maaari, huwag nʼyo akong biguin.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba iyon?” 17 Sumagot si Adonia, “Kung maaari ay hilingin nʼyo kay Haring Solomon na mapangasawa ko si Abishag na taga-Shunem. Alam kong hindi siya tatanggi sa inyo.” 18 Sumagot si Batsheba, “Sige, sasabihin ko sa hari.”
19 Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para sabihin sa kanya ang tungkol sa kahilingan ni Adonia. Pagkakita ni Solomon sa kanya, tumayo si Solomon mula sa kanyang trono para salubungin siya, at agad siyang yumukod sa kanyang ina bilang paggalang. Pagkatapos, muli siyang naupo sa kanyang trono. Nagpakuha siya ng upuan at ipinalagay sa kanan niya at doon pinaupo ang kanyang ina. 20 Sinabi ni Batsheba, “Mayroon akong maliit na kahilingan sa iyo. Huwag mo sana akong tatanggihan.” Sumagot ang hari, “Ano po ang hihilingin ninyo? Hindi ko kayo bibiguin.” 21 Sinabi ni Batsheba, “Hayaan mong mapangasawa ng iyong kapatid na si Adonia si Abishag na taga-Shunem.”
22 Nagtanong si Haring Solomon, “Bakit hinihiling ninyo na mapangasawa ni Adonia si Abishag? Baka hilingin nʼyo rin na ibigay ko sa kanya ang kaharian ko dahil mas matanda siya sa akin at kakampi niya ang paring si Abiatar at si Joab na anak ni Zeruya!” 23 Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa pangalan ng Panginoon, “Parusahan sana ako ng Dios kung hindi ko mapatay si Adonia dahil sa kahilingan niya. 24 Ang Panginoon ang siyang nagluklok sa akin sa trono ng aking amang si David. Tinupad niya ang kanyang pangako na ibibigay niya ang kaharian sa akin at sa aking mga angkan. Kaya sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na mamamatay si Adonia sa araw na ito!” 25 Kaya iniutos ni Haring Solomon kay Benaya, na anak ni Jehoyada, na patayin si Adonia, at pinatay nga niya ito.
26 Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Panginoong Dios noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.” 27 Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng Panginoon. At natupad ang sinasabi ng Panginoon doon sa Shilo tungkol sa pamilya ni Eli.
Namatay si Joab
28 Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, pero tumulong siya kay Adonia. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonia, tumakas siya papunta sa tolda ng Panginoon at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[c] 29 Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng Panginoon at lumapit sa altar, inutusan niya si Benaya na patayin si Joab. 30 Kaya pumunta si Benaya sa tolda ng Panginoon at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Pero sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaya sa hari at sinabi ang sagot ni Joab. 31-32 Sinabi ni Solomon kay Benaya, “Gawin mo ang sinabi niya. Doon siya patayin sa tolda at ilibing, para ako at ang pamilya ng aking ama ay hindi managot sa pagpatay niya kay Abner na anak ni Ner, na kumander ng mga sundalo ng Israel, at kay Amasa na kumander ng mga sundalo ng Juda. Pinatay niya ang mga taong inosente nang hindi nalalaman ng aking ama. Mas matuwid at mabuti ang mga taong ito kaysa sa kanya. Ngayon, gagantihan siya ng Panginoon sa ginawa niya sa kanila. 33 Siya at ang angkan niya ang mananagot magpakailanman sa pagkamatay ng mga taong ito. Pero si David at ang angkan niyaʼt kaharian ay bibigyan ng mabuting kalagayan magpakailanman.”
34 Kaya pinuntahan ni Benaya si Joab at pinatay. Inilibing siya malapit sa bahay[d] niya sa ilang. 35 Pagkatapos, ipinalit ng hari si Benaya kay Joab bilang kumander ng mga sundalo at ang ipinalit niya kay Abiatar ay ang paring si Zadok.
Ang Pagkamatay ni Shimei
36 Ipinatawag ng hari si Shimei at sinabi sa kanya, “Magpatayo ka ng sarili mong bahay sa Jerusalem at doon ka tumira. Huwag kang umalis sa lungsod at pumunta sa ibang lugar. 37 Sa oras na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron, tiyak na mamamatay ka. At kapag nangyari ito, ikaw na ang may pananagutan nito.” 38 Sumagot si Shimei, “Mabuti po ang sinabi nʼyo, susundin ko ito!” Kaya tumira si Shimei sa Jerusalem nang matagal na panahon. 39 Pero pagkalipas ng tatlong taon, lumayas ang dalawa sa mga alipin ni Shimei, at pumunta sa hari ng Gat na si Akish, na anak ni Maaca. Nang mabalitaan ito ni Shimei, 40 nilagyan niya agad ng upuan ang kanyang asno at sumakay, pumunta siya kay Akish sa Gat para hanapin ang dalawang alipin niya. Nakita niya sila at isinama pauwi.
41 Nang mabalitaan ni Solomon na umalis si Shimei sa Jerusalem at pumunta sa Gat at nakabalik na, 42 ipinatawag niya ito at sinabihan, “Hindi baʼt pinasumpa kita sa pangalan ng Panginoon at binalaan na sa oras na umalis ka sa Jerusalem at pumunta sa ibang lugar ay tiyak na mamamatay ka? At hindi ba sinabi mo na mabuti ang sinabi ko at susundin mo ito? 43 Ngayon, bakit hindi mo sinunod ang ipinangako mo sa Panginoon? Bakit hindi mo tinupad ang mga iniutos ko sa iyo?”
44 Sinabi pa ng hari sa kanya, “Tiyak na naaalala mo ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, gagantihan ka ng Panginoon sa masamang ginawa mo. 45 Pero pagpapalain ako ng Panginoon, at ang kaharian ng aking ama na si David ay magpapatuloy sa kanyang mga angkan magpakailanman.”
46 Pagkatapos, inutusan ng hari si Benaya na patayin si Shimei. Kaya dinala ni Benaya si Shimei sa labas at pinatay.
Mas lalong tumatag ang kaharian sa ilalim ng pamamahala ni Solomon.
Magtulungan Tayo
6 Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. 2 Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. 4 Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, 5 dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. 9 Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Mga Huling Bilin
11 Mapapansin ninyo na malalaki na ang mga letrang nakasulat dito. Ako na ang sumulat nito.
12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyong magpatuli na magbigay-lugod sa kapwa nila Judio. Sapagkat natatakot silang usigin ng mga ito kung ituturo nila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang siyang makapagliligtas sa tao. 13 Sila mismong mga tinuli ay hindi naman sumusunod sa Kautusan. Ipinagpipilitan lang nila na magpatuli kayo para maipagmalaki nila na sumusunod kayo sa seremonyang ito.
14 Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo. 15 Hindi na mahalaga kung tuli tayo o hindi. Ang tanging mahalaga ay kung binago na tayo ng Dios.
16 Sa lahat ng pinili ng Dios[a] at namumuhay ayon sa mga turo kong ito, sumainyo nawa ang kapayapaan at awa ng Dios.
17 Mula ngayon, huwag nʼyo na akong guluhin. Ang tanda ng mga sugat sa katawan ko ay nagpapatunay na sinusunod ko si Jesus.
18 Mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Ginawa ng Dios na Bantay ng Israel si Ezekiel(A)
33 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, sabihin mo ito sa mga kababayan mo: Kapag ipapasalakay ko ang isang bayan, ang mga mamamayan sa lugar na iyon ay pipili ng isa sa mga kababayan nila na magiging bantay ng kanilang lungsod. 3 Kapag nakita ng bantay na iyon na paparating na ang mga kaaway, patutunugin niya ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao. 4 Ang sinumang makarinig sa babala pero nagsawalang-bahala at napatay nang nilusob sila, siya ang may pananagutan sa kanyang kamatayan. 5 Sapagkat nang marinig niya ang babala ay hindi niya pinansin. Kaya siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lang sana siya, nailigtas sana niya ang kanyang sarili. 6 Pero kung nakita naman ng bantay na lulusubin na sila ng mga kaaway at hindi niya pinatunog ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao, at may mga napatay na kababayan niya, pananagutin ko ang bantay sa pagkamatay nila kahit na namatay din ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan.
7 “Ikaw, anak ng tao ay pinili kong maging bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya pakinggan mo ang sasabihin ko, at pagkatapos ay bigyang babala mo ang mga tao. 8 Kapag sinabi ko sa taong masama na tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasalanan niya at hindi mo siya binigyan ng babala na dapat na niyang itigil ang masama niyang pamumuhay, papanagutin kita sa kamatayan niya. 9 Pero kung binigyan mo ng babala ang taong masama na talikuran na niya ang masama niyang pamumuhay, ngunit hindi niya pinansin ang babala mo, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero wala kang pananagutan sa kamatayan niya.
10 “Anak ng tao, dumadaing ang mga mamamayan ng Israel na hindi na nila kaya ang parusa sa mga kasalanan nila. Nanghihina na at parang mamamatay na raw sila dahil sa parusang ito. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?
12 “Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan. 13 Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan. 14 At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid – 15 tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. 16 Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.
17 “Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama. 18 Kung tumigil na sa paggawa ng kabutihan ang taong matuwid at gumawa ng masama, mamamatay siya. 19 At kung ang taong masama ay tumalikod sa masama niyang gawa, at gumawa ng tama at matuwid, mabubuhay siya. 20 Ngunit sinasabi pa rin ng mga mamamayan ng Israel hindi tama ang pamamaraan ko. Hahatulan ko ang bawat isa sa kanila ayon sa mga gawa nila.”
Ang Paliwanag tungkol sa Pagwasak ng Jerusalem
21 Noong ikalimang araw ng ikasampung buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, may isang takas mula sa Jerusalem na lumapit sa akin at nagsabi, “Nawasak na po ang lungsod ng Jerusalem!” 22 Noong isang gabi, bago dumating ang taong iyon, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at muli akong nakapagsalita. Kaya nang dumating ang taong iyon kinaumagahan, nakapagsalita na ako.
23 Sinabi sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, ang mga nakatira roon sa mga gibang lungsod ng Israel ay nagsasabi, ‘Iisa lang si Abraham, at sa kanya ibinigay ang buong lupain. Marami tayo, kaya tiyak na tayo ang magmamay-ari ng lupaing ito.’ 25 Sabihin mo na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Inaakala ba ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupaing iyon, kahit na kumakain kayo ng karneng may dugo, sumasamba sa mga dios-diosan ninyo at pumapatay ng tao? 26 Nagtitiwala kayo sa inyong espada,[a] gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at nakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain?
27 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang kong mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buhay sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kweba ay mamamatay sa sakit. 28 Gagawin kong mapanglaw ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging mapanglaw kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon. 29 Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
30 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng bahay nila. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’ 31 Kaya magkakasamang pumunta sa iyo ang mga mamamayan ko na nagpapanggap lang na gustong makinig sa iyo, pero hindi nila sinusunod ang mga sinasabi mo. Magaling silang magsalita na mahal nila ako, ngunit ang nasa puso nila ay kasakiman sa pera. 32 Para sa kanila, isa kang magaling na mang-aawit ng mga awit na tungkol sa pag-ibig at isang magaling na manunugtog. Pinakikinggan nila ang mga sinasabi mo, pero hindi nila sinusunod. 33 Ngunit kapag nangyari na sa kanila ang parusang ito, at tiyak na mangyayari ito sa kanila, malalaman nila na totoong may kasama silang propeta.”
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
2 Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
3 Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
4 Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
5 Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
6 “Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
7 Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
Mula sa mga alapaap,
sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
8 Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
Makinig sana kayo sa akin!
9 Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno
82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
Sa gitna ng mga hukom[c] siya ang humahatol sa kanila.
2 Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
4 Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
5 Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
6 Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
7 Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
8 Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®