M’Cheyne Bible Reading Plan
Muling Kinaawaan ni David si Saul
26 Isang araw, may pumuntang mga taga-Zif kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon.” 2 Kaya umalis si Saul patungo sa ilang ng Zif kasama ang 3,000 na kanyang piniling tauhan mula sa Israel para hanapin si David. 3 Nagkampo sila sa tabi ng daan sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon. Si David ay nagtatago sa disyerto. Nang mabalitaan ni David na nasundan siya doon ni Saul, 4 nagpadala siya ng mga espiya at nalaman niyang dumating nga si Saul.
5 Pagkatapos, naghanda si David at pumunta sa kampo ni Saul. Nakita niya si Saul at si Abner na anak ni Ner na pinuno ng hukbo ng mga sundalo. Napapalibutan si Saul ng mga natutulog na sundalo na natutulog. 6 Tinanong ni David si Ahimelec na Heteo at si Abishai na anak ni Zeruya at kapatid ni Joab, “Sino sa inyo ang sasama sa akin para pumasok sa kampo ni Saul?” Sumagot si Abishai, “Ako po, sasama ako sa inyo.” 7 Kaya pinasok nina David at Abishai ang kampo ni Saul, at natagpuan nila itong natutulog, na ang sibat ay nakatusok sa lupa sa ulunan ni Saul. 8 Sinabi ni Abishai kay David, “Sa araw na ito, ipinagkaloob sa inyo ng Dios ang tagumpay laban sa inyong kaaway. Payagan nʼyo akong saksakin siya ng sibat na iyon at nang mabaon hanggang sa lupa. Isang saksak ko lang sa kanya at hindi na kailangang ulitin.” 9 Pero sinabi ni David kay Abishai, “Huwag mo siyang patayin! Parurusahan ng Panginoon ang sinumang papatay sa kanyang piniling hari. 10 Sinisiguro ko sa iyo, sa presensya ng buhay na Panginoon, na ang Panginoon mismo ang papatay sa kanya, o mamamatay siya sa digmaan o dahil sa katandaan. 11 Pero huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na ako ang pumatay sa kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang sibat at ang lalagyan niya ng tubig na nasa kanyang ulunan at umalis na tayo.” 12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang lalagyan ng tubig na nasa ulunan ni Saul at umalis na sila. Nakaalis sila nang walang nakakaalam o nakakakita sa nangyari; walang nagising sa kanila dahil pinahimbing ng Panginoon ang kanilang pagtulog.
13 Pagkatapos, umakyat sina David sa burol na nasa kabilang gilid ng kampo hanggang sa di-kalayuan. 14 Sumigaw si David kay Abner na anak ni Ner at sa mga kasama niyang sundalo, “Abner, naririnig mo ba ako?” Sumagot si Abner, “Sino ka? Ano ang kailangan mo sa hari?” 15 Sumagot si David, “Hindi baʼt ikaw ang pinakamagiting na lalaki sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang hari na iyong amo? May nakapasok diyan para patayin siya. 16 Hindi tamang pabayaan mo ang hari! Isinusumpa ko sa buhay na Panginoon, dapat kang mamatay pati na ang mga tauhan mo dahil hindi ninyo binantayan ang inyong amo, ang haring pinili ng Panginoon. Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?” 17 Nakilala ni Saul ang boses ni David, kaya sinabi niya, “David, anak, ikaw ba iyan?” Sumagot si David, “Ako nga po, Mahal na Hari. 18 Bakit ninyo hinahabol ang inyong lingkod? Ano ba ang ginawa kong masama? 19 Mahal na Hari, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang Panginoon ang nag-udyok sa inyo para patayin ako, tanggapin sana niya ang aking handog. Pero kung galing lang ito sa tao, sumpain sana sila ng Panginoon. Dahil itinaboy nila ako mula sa aking tahanan at inutusang sumamba sa ibang mga dios. 20 Huwag sanang ipahintulot na mamatay ako sa ibang lupain, na malayo sa Panginoon. Bakit ako pinag-aaksayahang habulin ng hari ng Israel, gayong tulad lang ako ng pulgas? Bakit ninyo ako hinahabol na gaya lang ng ibon sa kabundukan?”
21 Sinabi ni Saul, “Nagkasala ako. Bumalik ka na, David anak ko, at hindi ko na tatangkaing saktan ka dahil hindi mo ako pinatay ngayong araw na ito. Naging isa akong hangal dahil sa ginawa ko. Napakalaki ng aking kasalanan.” 22 Sumagot si David, “Narito na ang sibat ninyo, ipakuha ninyo sa inyong tauhan. 23 May gantimpala ang Panginoon sa mga taong matapat at gumagawa ng matuwid. Ibinigay kayo ng Panginoon sa aking mga kamay sa araw na ito, pero tumanggi akong patayin kayo dahil kayo ang piniling hari ng Panginoon. 24 Binigyan ko ng halaga ang buhay ninyo ngayon at sanaʼy bigyan din ng halaga ng Panginoon ang buhay ko at iligtas niya ako sa lahat ng kapahamakan.” 25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak ko. Marami pang dakilang bagay ang gagawin mo at siguradong magtatagumpay ka.” Pagkatapos, umalis si David at umuwi naman si Saul.
Tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Mas makabubuti sa isang lalaki kung hindi na lang mag-aasawa. 2 Ngunit dahil sa marami ang natutuksong gumawa ng sekswal na imoralidad, mas mabuti pa na mag-asawa na lang ang bawat lalaki o babae. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae. 4 Sapagkat ang lalaki ay may karapatan sa katawan ng kanyang asawa. At ganoon din naman, ang babae sa kanyang asawa. 5 Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas.
6 Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang. 7 Kung pwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko na walang asawa. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Dios, at hindi ito pare-pareho.
8 Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa kalagayan ninyong iyan. 9 Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman.
10-11 Ngayon, sa inyong mga may asawa, may utos ako na sinabi mismo ng Panginoon: Hindi dapat hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung hihiwalay ang babae sa kanyang asawa, dapat manatili siyang walang asawa o di kayaʼy bumalik na lang sa kanyang asawa.
12 Sa iba naman, ito ang masasabi ko (itoʼy opinyon ko lang; walang sinabi ang Panginoon tungkol dito): Kung ang isang mananampalatayang lalaki ay may asawa na hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang babae. 13 At kung ang isang babae naman ay may asawang hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang lalaki. 14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay tinatanggap ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa, at ang babaeng hindi mananampalataya ay tinatanggap din ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa. Dahil kung hindi, maging ang mga anak nila ay hindi tatanggapin ng Dios. Ngunit ang totoo, tinatanggap din sila ng Dios. 15 Ngunit kung gustong humiwalay ng asawang hindi mananampalataya, hayaan siyang humiwalay. Sa ganitong pangyayari ay wala nang pananagutan ang mananampalatayang asawa, dahil tinawag tayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. 16 Kung sabagay, hindi naman kayo nakasisiguro kung ang inyong pagsasama ay magiging kasangkapan ng Dios para maligtas ang inyong asawa.
Mamuhay Ayon sa Kalagayang Ibinigay ng Dios
17 Ang bawat isa sa inyo ay dapat mamuhay ayon sa kalagayan na ibinigay ng Panginoon sa kanya. Dapat manatili siya sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios.[a] Ito ang iniuutos ko sa lahat ng iglesya. 18 Halimbawa, kung ang isang lalaki ay tuli nang siyaʼy tawagin ng Dios, hindi na niya dapat baguhin ang kanyang kalagayan. At kung hindi pa siya tuli nang siyaʼy tawagin, hindi na niya kailangang magpatuli pa. 19 Sapagkat hindi mahalaga kung tuli ang isang lalaki o hindi. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Dios. 20 Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios. 21 Ikaw baʼy isang alipin nang tawagin ng Dios? Hindi na bale, ngunit kung may magagawa ka naman para maging malaya, samantalahin mo ito. 22 Sapagkat ang alipin nang tawagin siya ng Panginoon ay malaya na sa harap ng Panginoon. Ang tao namang malaya nang tawagin siya ay alipin na ngayon ni Cristo. 23 Binili kayo ng Dios sa malaking halaga, kaya huwag kayong basta magpaalipin sa tao. 24 Kaya nga mga kapatid, mamuhay ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang kalagayan nang tawagin siya ng Dios.
Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda
25 Ngayon, tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong utos mula sa Panginoon. Ngunit bilang isang mapagkakatiwalaan dahil sa awa ng Dios, ito ang aking masasabi:
26 Dahil sa mga kahirapan ngayon, mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa inyong kalagayan. 27 Kaya kung ikaw ay may asawa na, huwag mong hihiwalayan ang iyong asawa. At kung ikaw naman ay wala pang asawa, mas mabuti na huwag ka na lang mag-asawa. 28 Ngunit kung mag-asawa ka man, hindi ka nagkasala. At kung mag-asawa ang isang dalaga, hindi rin siya nagkasala. Kaya ko lang sinasabi sa mga wala pang asawa na manatili na lang na ganoon dahil gusto kong maiwasan nila ang mga hirap ng buhay may asawa.
29 Ang ibig kong sabihin mga kapatid, maikli na lang ang natitirang panahon. Kaya ang mga may asawa ay dapat nang mamuhay na parang walang asawa, 30 ang mga umiiyak naman na parang hindi umiyak, ang mga nagagalak na parang hindi nagagalak, at ang mga bumibili na parang hindi bumibili para sa sarili. 31 Ang mga gumagamit ng mga bagay dito sa mundo ay hindi dapat mawili sa mga bagay na ito, dahil ang mga bagay sa mundong ito ay lilipas.
32 Gusto ko sanang maging malaya kayo sa mga alalahanin sa mundong ito. Kung ang isang lalaki ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang mga gawain ng Panginoon at kung paano siya magiging kalugod-lugod sa kanya. 33 Ngunit ang lalaking may asawaʼy abala sa mga bagay dito sa mundo, kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa. 34 Dahil dito, hati ang kanyang isipan. Ganoon din naman sa mga babae. Kung ang isang babaeʼy walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang paglilingkod sa Panginoon, at nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa kanya. Ngunit ang babaeng may asawa ay abala sa mga bagay dito sa mundo, kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko lamang ito para sa inyong kabutihan. Hindi ko kayo pinagbabawalang mag-asawa. Gusto ko lamang hanggaʼt maaari ay maging maayos at walang hadlang ang inyong paglilingkod sa Panginoon.
36 Ngayon, tungkol naman sa mga magkasintahan: Kung sa palagay ng lalaki ay hindi tama ang ikinikilos niya sa kanyang nobya dahil sa pagnanasa, at sa palagay niyaʼy dapat na silang magpakasal, mas mabuti ngang magpakasal na sila. Hindi ito kasalanan. 37 Ngunit kung nagpasya ang lalaki na hindi na lang niya pakakasalan ang kanyang nobya, at hindi na lang siya mag-aasawa dahil kaya naman niyang magpigil sa sarili, mabuti rin ang kanyang ginagawa. 38 Kaya mabuti kung mag-aasawa siya, ngunit mas mabuti kung hindi.
39 Ang babaeʼy nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay pa ito. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, maaari na siyang mag-asawa uli, pero dapat sa isang mananampalataya. 40 Para sa akin, mas maligaya siya kung hindi na lang siya mag-asawang muli. Opinyon ko lang naman ito, ngunit sa tingin koʼy ito rin ang itinuturo ng Espiritu ng Dios na nasa akin.
Ang Pagkagiba ng Jerusalem
5 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi. 2 Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada. 3 Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit. 4 Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.
5 “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig. 6 Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko. 7 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod[a] man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo. 8 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa. 9 Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos. 10 Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig. 11 Ako, ang buhay na Panginoong Dios, ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.[b]
13 “Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot. 14 Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo. 15 Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 16 Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain. 17 Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan
43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
2 Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
bakit nʼyo ako itinakwil?
Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
na nagpapagalak sa akin.
At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®