Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 24

Hindi Pinatay ni David si Saul

24 Nang bumalik si Saul mula sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, sinabi sa kanya na naroon si David sa disyerto ng En Gedi. Kaya pumili si Saul ng 3,000 tao galing sa buong Israel at lumakad sila para hanapin si David, malapit sa mabatong lugar na tinitirhan ng maiilap na kambing.

Nakarating si Saul sa kulungan ng mga tupa sa tabi ng daan, kung saan may kweba roon. Pumasok siya sa loob ng kweba at doon dumumi. Doon pala sa kaloob-loobang bahagi ng kweba nagtatago si David at ang mga tauhan niya. Sinabi ng mga tauhan ni David, “Dumating na ang panahong sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa iyo ang iyong kaaway at ikaw na ang bahala kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapirasong tela sa laylayan ng damit nito nang hindi nito namamalayan. Pero nakonsensya si David dahil pinutol niya ang laylayan ng damit ni Saul. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari, ang hinirang ng Panginoon na maging hari.” Sa sinabing ito ni David, sinaway niya ang kanyang mga tauhan, at hindi niya sila pinayagang salakayin si Saul. Umalis si Saul at nagpatuloy sa paglalakbay.

Maya-maya, lumabas ng kweba si David at tinawag si Saul, “Mahal na Hari!” Nang lumingon si Saul, nagpatirapa si David sa kanyang harapan bilang paggalang. At sinabi niya kay Saul, “Bakit kayo naniniwala sa mga taong nagsasabi na nagbabalak akong patayin kayo? 10 Sa araw na ito, nakita nʼyo kung paano kayo ibinigay ng Panginoon sa aking mga kamay doon sa loob ng kweba. Sinabi sa akin ng iba kong mga tauhan na patayin kayo pero hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko sasaktan ang aking hari[a] dahil pinili siya ng Panginoon na maging hari. 11 Ama ko, tingnan ninyo ang kapirasong tela na hawak ko, galing ito sa laylayan ng damit ninyo. Pinutol ko ito pero hindi ko kayo pinatay. Nagpapatunay ito na wala akong masamang plano o pagrerebelde laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo, pero tinutugis nʼyo ako para patayin. 12 Ang Panginoon sana ang humatol sa ating dalawa, at parusahan kayo ng Panginoon sa mga ginagawa nʼyo sa akin. Pero wala akong gagawing masama sa inyo, 13 sabi nga ng kasabihan, ‘Ang masamang tao lang ang gumagawa ng masama.’ Kaya hindi ko kayo gagawan ng masama. 14 Sino po ba ako at hinahabol ako ng hari ng Israel? Katulad lang ako ng isang patay na aso o isang pulgas. 15 Ang Panginoon sana ang humatol at magdesisyon kung sino po ang may kasalanan sa ating dalawa. Sanaʼy mapansin niya at matugunan ang usaping ito at mailigtas ako mula sa iyong mga kamay.”

16 Matapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “Ikaw ba iyan, David, anak ko?” At humagulgol si Saul. 17 Sinabi pa niya, “Mas matuwid ka kaysa sa akin. Masama ang trato ko sa iyo pero mabuti ang iginanti mo sa akin. 18 Sa araw na ito, ipinakita mo ang iyong kabutihan. Ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay mo para patayin pero hindi mo ito ginawa. 19 Ang ibaʼy hindi pinababayaang makatakas ang kanilang kaaway kapag nakita na nila ito. Gantimpalaan ka sana ng Panginoon sa kabutihang ipinakita mo sa akin ngayon. 20 Tinatanggap ko na ngayon, ikaw na ang magiging hari at ang kaharian ng Israel ay magiging matatag sa ilalim ng iyong pamumuno. 21 Ngayon, mangako ka sa akin sa pangalan ng Panginoon na hindi mo papatayin ang aking angkan para hindi mawala ang pangalan ng pamilya ko.” 22 Kaya sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, umuwi si Saul, pero si David at ang mga tauhan niyaʼy bumalik sa pinagtataguan nila.

1 Corinto 5

Parusahan ang Gumagawa ng Imoralidad

May nagbalita sa akin na mayroon diyan sa inyo na gumagawa ng sekswal na imoralidad – kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Itoʼy masahol pa sa ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios, dahil maging sila ay hindi gumagawa nito. At sa kabila ng pangyayaring ito, nagawa pa ninyong magyabang! Dapat sana ay naghinagpis kayo at pinalayas na ninyo sa inyong grupo ang gumagawa nito. 3-4 Kahit na wala ako riyan ng personal, nariyan naman ako sa espiritu. At sa pangalan[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hinatulan ko na ang taong iyon. Kaya sa pagtitipon ninyo, isipin ninyo na parang nariyan na rin ako sa espiritu. At sa kapangyarihang ibinigay sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ipaubaya ninyo kay Satanas ang taong iyon upang mapahamak ang kanyang katawan at maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng paghuhukom ng Panginoon.

Hindi tama ang pagyayabang ninyo. Hindi nʼyo ba alam ang kasabihang, “Ang kaunting pampaalsa ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina”? Kaya alisin ninyo ang lumang pampaalsa na walang iba kundi ang kasalanan, upang maging bago at malinis kayo. Sa katunayan, nilinis na kayo dahil inialay si Cristo para sa atin. Tulad siya ng tupang iniaalay tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya ipagdiwang natin ang pistang ito hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa kundi ng tinapay na walang pampaalsa, na ang ibig sabihin ay talikuran na natin ang dati nating mga kasalanan at kasamaan, at mamuhay na tayo nang malinis at tapat.

Sumulat ako sa inyo noon na huwag kayong makikisama sa mga imoral.[b] 10 Hindi ko tinutukoy dito ang mga taong hindi sumasampalataya sa Dios – ang mga imoral, sakim, magnanakaw, at sumasamba sa dios-diosan. Dahil kung iiwasan ninyo sila, kinakailangan nʼyo talagang umalis sa mundong ito. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong pakikisamahan ay ang mga nagsasabing silaʼy mga kapatid sa Panginoon pero mga imoral, sakim, sumasamba sa dios-diosan, mapanlait, lasenggo, at magnanakaw. Ni huwag kayong makisalo sa kanila sa pagkain. 12-13 Kung sabagay, ano ba ang karapatan nating husgahan ang mga hindi mananampalataya? Ang Dios na ang huhusga sa kanila. Ngunit tungkulin ninyo na husgahan ang mga kapatid kung tama o mali ang kanilang ginagawa, dahil sinasabi ng Kasulatan, “Paalisin ninyo sa inyong grupo ang taong masama.”[c]

Ezekiel 3

Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang aklat na ito, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila.” Kaya ibinuka ko ang bibig ko at isinubo niya sa akin ang nakabilot na aklat. Sinabi niya sa akin, “Sige, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” Kinain ko ang aklat, matamis ang lasa nito gaya ng pulot.

Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo. Hindi kita isinusugo sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, kundi sa mga mamamayan ng Israel. Sapagkat kung susuguin kita sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, tiyak na pakikinggan ka nila. Pero ang mga mamamayan ng Israel ay hindi makikinig sa iyo, dahil ayaw nilang makinig sa akin. Lahat sila ay matitigas ang ulo at mga lapastangan. Pero gagawin kitang mas matigas at mas manhid kaysa sa kanila katulad ng isang batong matigas. Kaya huwag kang matatakot sa kanila, dahil nalalaman mo na rebelde silang mamamayan.”

10 Sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, makinig kang mabuti at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo. 11 Puntahan mo ang mga kababayan mo na kasama mong binihag at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios,’ makinig man sila o hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”

12 Pagkatapos, binuhat ako ng Espiritu at may narinig akong tinig na dumadagundong sa likuran ko na nagsasabi, “Purihin ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa langit.” 13 At narinig ko rin ang pagaspas ng mga pakpak ng apat na buhay na nilalang at ang ingay ng mga gulong na parang ingay ng malakas na lindol. 14 Binuhat ako ng Espiritu at dinala sa malayo. Masamang masama ang loob ko at galit na galit, pero tinulungan akong magtimpi ng Panginoon.

15 Nakarating ako sa Tel Abib, sa tabi ng Ilog ng Kebar, sa tinitirhan ng mga bihag. Nanatili ako roon sa loob ng pitong araw. Nabigla ako sa mga bagay na nakita ko.

16 Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon, 17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila. 18 Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya. 19 Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin. 20 Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”

22 Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.” 23 Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa. 24 Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo! 25 Doon ay gagapusin ka ng lubid para hindi mo makasama ang mga kababayan mo. 26 Gagawin kitang pipi para hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito. 27 Pero sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios.’ May mga makikinig sa iyo pero mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”

Salmo 39

Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan

39 Sinabi ko sa aking sarili,
    “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
    Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
    ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
Akoʼy tunay na nabahala,
    at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
    kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
    na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
    Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
    Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
    Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
o kayaʼy parang anino na nawawala.
    Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
    Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
    hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
    Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
    at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
    dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
    Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
    Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
    Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]

12 Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
    Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
    Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
    Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
    gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
    upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®