M’Cheyne Bible Reading Plan
Nasakop ng Israel ang mga Lugar sa Hilaga
11 Nang mabalitaan ni Haring Jabin ng Hazor ang mga tagumpay ng Israel, nagpadala siya ng mensahe kay Haring Jobab ng Madon, sa mga hari ng Shimron at Acshaf, 2 sa mga haring nasa kabundukan sa hilaga, sa mga hari sa Lambak ng Jordan[a] na nasa timog ng Lawa ng Galilea,[b] sa mga hari sa kaburulan sa kanluran,[c] sa mga hari sa baybayin ng Dor sa kanluran, 3 sa mga hari ng mga Cananeo sa silangan at sa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa mga hari ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Jebuseo na nakatira sa kabundukan, at sa mga hari ng mga Hiveo sa ibaba ng Bundok ng Hermon sa lupain ng Mizpa. 4 Dumating ang lahat ng hari, kasama ang mga sundalo nilang kasindami ng buhangin sa dagat. Marami rin silang kabayo at karwahe. 5 Nagtipon sila at nagkampo sa tabi ng Batis ng Merom para labanan ang Israel.
6 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kayong matakot sa kanila, dahil bukas sa ganito ring oras, ibibigay ko silang lahat sa Israel para patayin. Pipilayan nʼyo ang mga kabayo nila at susunugin ang mga karwahe nila.” 7 Kaya biglang lumusob si Josue at ang mga sundalo niya sa Batis ng Merom. 8 At pinagtagumpay sila ng Panginoon sa mga kalaban nila. Hinabol nila ang mga kalaban nila hanggang sa Malaking Sidon at sa Misrefot Maim hanggang sa Lambak ng Mizpa sa silangan. Pinatay nila ang mga kalaban nila hanggang sa maubos. 9 At ginawa sa kanila ni Josue ang iniutos ng Panginoon: Pinilayan niya ang mga kabayo nila at pinasunog ang mga karwahe nila.
10 Pagkatapos, bumalik sina Josue at sinakop nila ang Hazor at pinatay ang hari nito. (Nang mga panahong iyon, ang Hazor ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kaharian.) 11 Pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Hazor. Nilipol nila ito nang lubusan at walang naiwang buhay. At ang lungsod mismo ay sinunog nila.
12 Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. 13 Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor. 14 Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay. 15 Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kabundukan, ang buong lupain ng Negev, ang buong lupain ng Goshen, ang mga kaburulan sa kanluran, ang Lambak ng Jordan, ang mga kabundukan at kaburulan ng Israel. 17 Ang teritoryo na sinakop niya ay mula sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir hanggang sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon sa ibaba ng Bundok ng Hermon. Dinakip at pinatay niya ang mga hari ng mga lugar na ito 18 sa mahabang panahon ng pakikipaglaban nila. 19 Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan. 20 Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.
21 Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan. 22 Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.
23 Kaya sinakop ni Josue ang buong lupain, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, at hinati nila ito ayon sa bawat lahi nila.
At nahinto na ang labanan sa buong lupain.
Pasasalamat ng Hari sa Dios Dahil sa Tagumpay
144 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2 Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan.
Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat, upang magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway na mula sa ibang bansa, na parang malakas na agos ng tubig.
8 Silaʼy mga sinungaling, sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan, ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9 O Dios, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan,
14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan.
15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon.
Ang mga Kasalanan ng Jerusalem
5 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, pumunta kayo sa mga lansangan nʼyo! Tingnan nʼyo ang mga plasa ninyo! Kung may makikita kayong matuwid at tapat, patatawarin ko ang lungsod ninyo. 2 Kahit ginagamit nʼyo ang pangalan ko sa pagsumpa nʼyo, nagsisinungaling pa rin kayo.”
3 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoon, naghahanap po kayo ng taong tapat. Sinaktan nʼyo po ang inyong mga mamamayan pero balewala ito sa kanila. Pinarusahan nʼyo sila pero ayaw nilang magpaturo. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ayaw nilang magsisi.
4 “Akala ko po, mga dukha sila at mga walang pinag-aralan, pero mga hangal pala sila. Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios. 5 Kaya pupuntahan ko po ang mga pinuno nila at kakausapin ko sila. Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios.” Pero tumanggi rin po silang sumunod sa mga ipinapagawa ng Dios. 6 Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila na parang leon na nanggaling sa kagubatan, o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang, o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan para silain ang sinumang lumabas. Mangyayari ito sa kanila dahil naghihimagsik sila sa Dios at maraming beses nang tumalikod sa kanya.
7 Sinabi sa kanila ng Panginoon, “Bakit ko kayo patatawarin? Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na dios. Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila, pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan at nagsisiksikan pa sila sa bahay ng mga babaeng bayaran. 8 Para silang mga lalaking kabayo na alagang-alaga. Ang bawat isa sa kanila ay may matinding pagnanasa sa asawa ng iba. 9 Hindi ba nararapat lang na parusahan ko sila dahil dito? Hindi ba nararapat lang na paghigantihan ko ang mga bansang ganito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Kayong mga kaaway ng mga taga-Israel, sirain nʼyo ang mga ubasan nila, pero huwag ninyong sirain nang lubusan. Tabasin nʼyo ang mga sanga, dahil ang mga taong ito ay hindi na sa Panginoon. 11 Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay hindi na tapat sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 12 Hindi sila nagsasalita ng totoo tungkol sa akin. Sinabi nila, ‘Hindi tayo sasaktan ng Panginoon! Walang panganib na darating sa atin. Walang digmaan o gutom man na darating.’ 13 Walang kabuluhan ang mga propeta at hindi galing sa akin ang mga ipinapahayag nila. Mangyari nawa sa kanila ang kapahamakan na kanilang inihula.”
14 Kaya ito ang sinabi sa akin ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Dahil ganyan ang sinabi ng mga taong iyon, bibigyan kita ng mensahe na katulad ng apoy na susunog sa kanila at magiging parang kahoy sila na masusunog.”
15 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan ng Israel, magpapadala ako ng mga tao mula sa malayong bansa para salakayin kayo. Itoʼy isang sinaunang bansa na ang wika ay hindi ninyo nauunawaan. 16 Matatapang ang sundalo nila at nakakamatay ang mga gamit nilang pandigma. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani, pagkain, hayop, ubas, at mga igos ninyo. Papatayin nila ang mga hayop at anak ninyo. Wawasakin nila ang mga napapaderang lungsod nʼyo, na siyang inaasahan ninyo. 18 Pero sa mga araw na iyon, hindi ko kayo lubusang lilipulin. 19 At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Dios ang lahat ng ito sa atin?’ Sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga dios sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’
20 “Sabihin nʼyo ito sa mga mamamayan ng Israel[a] at Juda. 21 Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal at matitigas ang ulo. May mga mata kayo, pero hindi makakita, may mga tainga pero hindi makarinig. 22 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Wala ba kayong takot sa akin? Bakit hindi kayo nanginginig sa harapan ko? Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat para maging hangganan ng dagat. Itoʼy hangganan na hindi maaapawan. Hahampasin ito ng mga alon pero hindi nila maaapawan. 23 Pero matitigas ang ulo at rebelde ang mga taong ito. Kinalimutan at nilayuan nila ako. 24 Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na, ‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Dios na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon at nagbibigay sa atin ng ani sa panahon ng anihan.’ 25 Ang kasamaan nʼyo ang naglayo ng mga bagay na iyon sa inyo. Ang mga kasalanan nʼyo ang naging hadlang sa pagtanggap nʼyo ng mga pagpapalang ito.
26 “May masasamang tao na kabilang sa mga mamamayan ko at nag-aabang ng mabibiktima. Para silang mga taong bumibitag ng mga ibon. Naglalagay sila ng mga bitag para sa ibang mga tao. 27 Katulad ng hawlang puno ng mga ibon, ang bahay ng masasamang taong ito ay puno ng mga kayamanang nanggaling sa pandaraya. Kaya yumaman sila at naging makapangyarihan. 28 Tumaba sila at lumakas ang mga katawan nila. Lubusan ang paggawa nila ng kasamaan. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ulila at hindi nila ipinaglalaban ang karapatan ng mga dukha. 29 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan dahil dito? Hindi baʼt nararapat kong paghigantihan ang mga bansang katulad nito? 30 Nakakatakot at nakakapangilabot ang mga bagay na nangyayari sa lupaing ito. 31 Ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan. Ang mga pari ay namamahala ayon sa sarili nilang kapangyarihan. At ito ang gusto ng mga mamamayan ko. Pero ano ang gagawin nila kapag dumating na ang katapusan?”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(A)
19 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabila ng Ilog ng Jordan. 2 Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.
3 May mga Pariseong pumunta sa kanya para hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae?’[a] 5 ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[b] 6 Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.” 7 Nagtanong uli ang mga Pariseo, “Pero bakit sinabi ni Moises na pwedeng hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?”[c] 8 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Dios mula sa simula. 9 Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]”
10 Sinabi ng mga tagasunod ni Jesus, “Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa.” 11 Sumagot si Jesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang turong ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito. 12 May ibaʼt ibang dahilan kung bakit ang ilan ay hindi nag-aasawa. May iba na ipinanganak na sadyang baog. Ang ibaʼy hindi makakapag-asawa dahil sinadyang kapunin. At may iba naman ay ayaw mag-asawa dahil sa pagpapahalaga nila sa kaharian ng Dios. Kung kaya ng sinuman na hindi mag-asawa, huwag na siyang mag-asawa.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(B)
13 May mga taong nagdala ng maliliit na bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Pero sinaway sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.” 15 Ipinatong nga niya ang kanyang kamay sa mga bata at pinagpala niya sila, at pagkatapos nito ay umalis siya.
Ang Lalaking Mayaman(C)
16 May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong ama at ina,[d] at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[e] 20 Sinabi ng binata, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ba ang kulang sa akin?” 21 Sumagot si Jesus, “Kung nais mong maging ganap sa harap ng Dios, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya. 23 Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 24 Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 25 Nabigla ang mga tagasunod nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”
27 Nagsalita si Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?” 28 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Dios ang mundo, at ako na Anak ng Tao ay uupo sa aking trono. At kayong mga tagasunod ko ay uupo rin sa 12 trono upang husgahan[f] ang 12 lahi ng Israel. 29 At ang sinumang nag-iwan ng kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan. 30 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®