M’Cheyne Bible Reading Plan
32 O langit, makinig, sapagkat magsasalita ako!
O lupa, pakinggan ang aking mga salita.
2 Ang aking mga katuruan ay papatak gaya ng ulan at hamog.
Ang aking mga salita ay katulad ng patak ng ulan sa mga damo;
katulad rin ng ambon sa mga pananim.
3 Ipahahayag ko ang pangalan ng Panginoon.
Purihin natin ang kadakilaan ng ating Dios!
4 Siya ang Bato na kanlungan;
matuwid ang lahat ng gawa niya
at mapagkakatiwalaan ang lahat ng kanyang mga pamamaraan.
Matapat siyang Dios at hindi nagkakasala;
makatarungan siya at maaasahan.
5 Ngunit nagkasala kayo sa kanya at hindi na kayo itinuring na mga anak niya,
dahil sa inyong kasamaan.
Makasalanan kayo at madayang henerasyon!
6 Ganito pa ba ang igaganti ninyo sa Panginoon, kayong mga mangmang at kulang sa pang-unawa?
Hindi baʼt siya ang inyong ama na lumikha sa inyo at nagtaguyod na kayoʼy maging isang bansa?
7 Alalahanin ninyo ang mga taon na lumipas;
isipin ninyo ang mga lumipas na henerasyon.
Tanungin ninyo ang inyong mga magulang at mga matatanda, at ihahayag nila ito sa inyo.
8 Nang binigyan ng Kataas-taasang Dios ang mga bansa ng lupain nila at nang pinagbukod-bukod niya ang mga mamamayan,
nilagyan niya sila ng hangganan ayon sa dami ng mga anghel ng Dios.[a]
9 Pinili rin ng Panginoon ang lahi ni Jacob bilang mamamayan niya.
10 Nakita niya sila sa disyerto, sa lugar na halos walang tumutubong pananim.
Binabantayan niya sila at iniingatan katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mata.
11 Binantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng agila sa kanyang mga inakay habang tinuturuan niya itong lumipad.
Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila.
12 Ang Panginoon lang ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan,
walang tulong mula sa ibang mga dios.
13 Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan,
at pinakain ng mga ani ng lupa.
Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14 Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing,
at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan.
Binigyan din niya sila ng pinakamagandang trigo at pinainom ng katas ng ubas.
15 Naging maunlad ang mga Israelita[b] pero nagrebelde sila.
Tumaba sila at lumakas,
ngunit tinalikuran nila ang Dios na lumikha sa kanila,
at sinuway nila ang kanilang Bato na kanlungan na kanilang Tagapagligtas.
16 Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga dios na kasuklam-suklam.
17 Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na dios – mga dios na hindi nila kilala at kailan lang lumitaw,
at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18 Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.
19 Nakita ito ng Panginoon,
at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.
20 Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,
sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.
21 Pinagselos nila ako sa mga hindi tunay na dios,
at ginalit nila ako sa kanilang walang kwentang mga dios-diosan.
Kaya pagseselosin ko rin sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa ibang mga lahi.
Gagalitin ko sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa mga mangmang na bansa.
22 Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;
susunugin nito ang lupa at ang lahat ng naroon,
pati ang kailaliman ng lupa,[c] at ang pundasyon ng mga bundok.
23 “Padadalhan ko sila ng mga kalamidad, at tatamaan sila ng aking mga pana.
24 Gugutumin ko sila; at mangamamatay sila sa gutom at karamdaman.
Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop para atakihin sila at mga ahas para silaʼy tuklawin.
25 Sa labas ng kanilang bahay, marami ang mamamatay sa labanan,
at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.
Mamamatay ang lahat, maging ang mga kabataan, matatanda at mga bata.
26 Sinabi ko na pangangalatin ko sila hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.
27 Ngunit hindi ko papayagang magyabang ang kanilang mga kaaway. Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila. Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”
28 Ang Israel ay isang bansa na walang alam at pang-unawa.
29 Kung matalino lang sila, mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.
30 Paano ba mahahabol ng isang tao ang 1,000 Israelita?
Paano matatalo ng dalawang tao ang 10,000 sa kanila?
Mangyayari lamang ito kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Bato na kanlungan.
31 Sapagkat ang Bato na kanlungan ng ating mga kaaway ay hindi katulad ng ating batong kanlungan;
at kahit sila ay nakakaalam nito.
32 Kasinsama ng mga naninirahan sa Sodom at Gomora ang ating mga kaaway,
katulad ng ubas na mapait at nakakalason ang bunga,
33 at katulad ng alak na gawa sa kamandag ng ahas.
34 Nalalaman ng Panginoon ang kanilang ginagawa,
iniipon niya muna ito at naghihintay ng tamang panahon para parusahan sila.
35 Sabi niya, “Ako ang maghihiganti at magpaparusa sa kanila,
sapagkat darating ang panahon na madudulas sila.
Malapit nang dumating ang panahon ng kanilang pagbagsak.”
36 Ipagtatanggol ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan;
kaaawaan niya ang kanyang mga lingkod, kapag nakita niya na wala na silang lakas at kakaunti na lang ang natira sa kanila, alipin man o hindi.
37 At pagkatapos ay magtatanong ang Panginoon sa kanyang mamamayan, “Nasaan na ngayon ang inyong mga dios, ang batong kanlungan ninyo?
38 Nasaan na ngayon ang inyong mga dios na kumakain ng taba at umiinom ng alak na inyong handog?
Magpatulong kayo sa kanila, at gawin ninyo silang proteksyon!
39 Tingnan ninyo ngayon; ako lang ang Dios!
Wala nang iba pang dios maliban sa akin.
Ako ang pumapatay at ako ang nagbibigay-buhay;
ako ang sumusugat at nagpapagaling,
at walang makatatakas sa aking mga kamay.
40 Ngayon, itataas ko ang aking mga kamay at manunumpa,
‘Ako na nabubuhay magpakailanman,
41 hahasain ko ang aking espada at gagamitin ko ito sa aking pagpaparusa:
Gagantihan ko ang aking mga kaaway at pagbabayarin ang mga napopoot sa akin.
42 Dadanak ang kanilang dugo sa aking pana, at ang aking espada ang papatay sa kanilang mga katawan.
Mamamatay sila pati na ang sugatan at mga bilanggo.
Mamamatay pati ang kanilang mga pinuno.’ ”
43 Mga bansa, purihin nʼyo ang mga mamamayan ng Panginoon.[d]
Sapagkat gaganti ang Panginoon sa mga pumatay sa kanyang mga lingkod.
Gaganti siya sa kanyang mga kaaway, at lilinisin niya ang kanyang lupain at ang kanyang mamamayan.
44 Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita. 45-46 Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa mga tao, “Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito. 47 Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Ipinaalam ang Kamatayan ni Moises
48 Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin. 50 Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na. 51 Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kadesh, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan. 52 Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, pero hindi ka makakapasok doon.”
121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
137 Matuwid kayo, Panginoon,
at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.
Babala sa mga Makasalanan
59 Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya. 2 Ang inyong mga kasalanan ang siyang naglayo sa inyo sa Dios at iyon ang dahilan kung bakit niya kayo tinalikuran at ayaw nang makinig sa inyong mga dalangin. 3 Pumapatay kayo ng tao, at gumagawa pa ng ibang kasamaan. Nagsisinungaling kayo at nagsasalita ng masama. 4 Wala sa isip ninyo ang katarungan; ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa ay puro mga kasinungalingan. Ang inyong iniisip ay masama, at iyon ay inyong ginagawa. 5-6 Ang masasamang plano nʼyo ay parang itlog ng makamandag na ahas; ang sinumang kumain nito ay mamamatay. Katulad din ito ng bahay ng gagamba na hindi maaaring gawing damit kaya walang kabuluhan ang masasama ninyong plano. Masama ang ginagawa nʼyo at namiminsala kayo. 7 Nagmamadali kayong gumawa ng masama at mabilis ang kamay ninyong pumatay ng walang kasalanan. Palaging masama ang iniisip ninyo, at kahit saan kayo pumunta ay wala kayong ginawa kundi kapahamakan at kasiraan. 8 Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay. 9 Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim. 10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas. 11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari. 12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama. 13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan. 14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan. 15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.
Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan. 16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila. 17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit. 18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar.[a] Madadama nila ang kanyang galit. 19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.[b]
20 Sinabi ng Panginoon, “Darating sa Zion[c] ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob, at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 21 At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Huwag Husgahan ang Kapwa(A)
7 “Huwag ninyong husgahan ang iba, para hindi rin kayo husgahan ng Dios. 2 Sapagkat kung paano ninyo hinusgahan ang inyong kapwa ay ganoon din kayo huhusgahan ng Dios.[a] 3 Bakit mo pinupuna ang munting puwing sa mata ng kapwa mo, pero hindi mo naman pinapansin ang mala-trosong puwing sa mata mo? 4 Paano mo masasabi sa kanya, ‘Kapatid, tutulungan kitang alisin ang puwing sa mata mo,’ gayong may mala-trosong puwing sa iyong mata? 5 Mapagkunwari! Alisin mo muna ang mala-trosong puwing sa iyong mata, nang sa ganoon ay makakita kang mabuti para maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapwa.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga bagay na banal,[b] dahil baka balingan nila kayo at lapain. At huwag din ninyong ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas, dahil tatapak-tapakan lang nila ang mga ito.”
Humingi, Humanap, Kumatok(B)
7 “Humingi kayo sa Dios, at bibigyan kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang hinahanap nʼyo, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo. 8 Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 9 Kayong mga magulang, kung ang anak ninyo ay humihingi ng tinapay, bibigyan ba ninyo ng bato? 10 At kung humihingi siya ng isda, bibigyan ba ninyo ng ahas? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya.
12 “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Ganyan ang tamang pagsunod sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta.”[c]
Ang Makipot na Pintuan(C)
13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, dahil maluwang ang pintuan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. 14 Ngunit makipot ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay na walang hanggan, at kakaunti lang ang dumadaan dito.”
Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(D)
15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang mga maamong tupa, pero ang totoo, tulad sila ng mga gutom na lobo. 16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Ang matitinik na halaman ay hindi namumunga ng ubas o igos. 17 Ang mabuting puno ay namumunga ng mabuting bunga, at ang masamang puno ay namumunga ng masama. 18 Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti. 19 Ang lahat ng punong hindi namumunga ng mabuti ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya nga, makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa kanilang mga gawa.”
Hindi Kikilalanin ng Dios ang mga Gumagawa ng Masama(E)
21 “Marami ang tumatawag sa akin ng ‘Panginoon’, pero hindi ito nangangahulugan na makakapasok sila sa kaharian ng langit. Ang mga tao lang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang mapapabilang sa kanyang kaharian. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa Araw ng Paghuhukom, ‘Panginoon, hindi baʼt sa ngalan nʼyo ay nagpahayag kami ng inyong salita, nagpalayas ng masasamang espiritu at gumawa ng maraming himala?’ 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!’ ”
Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(F)
24 “Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato. 25 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, hindi ito nagiba dahil nakatayo ito sa matibay na pundasyon. 26 Ngunit ang sinumang nakikinig sa aking mga salita pero hindi naman ito sinusunod ay parang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin. 27 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, nagiba ito at lubusang nawasak.”
Ang Awtoridad ni Jesus
28 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, namangha ang mga tao, 29 dahil nangaral siya nang may awtoridad at hindi tulad ng kanilang mga tagapagturo ng Kautusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®