Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 18

Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita

18 “Ang mga pari na mga Levita, at ang iba pang mga sakop ng lahi ni Levi ay walang lupaing mamanahin sa Israel. Makakakain lang sila sa pamamagitan ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, dahil ito ang kanilang mana. Wala silang mamanahing lupain hindi tulad ng kapwa nila Israelita; ang Panginoon ang kanilang mana ayon sa ipinangako niya sa kanila.

“Balikat, pisngi at tiyan ang mga bahaging mula sa baka o tupa na mula sa handog ng mga tao ang nakalaan para sa mga pari. Ibigay din ninyo sa mga pari ang naunang bahagi ng inyong trigo, bagong katas ng ubas, langis at balahibo ng tupa. Sapagkat sa lahat ng lahi ng Israel, sila at ang kanilang mga angkan ang pinili ng Panginoon na inyong Dios para maglingkod sa kanya magpakailanman.

“Ang sinumang Levita na naninirahan sa kahit saang lugar ng Israel ay makakapunta sa lugar na pinili ng Panginoon, at makapaglilingkod siya roon sa Panginoon na kanyang Dios, katulad ng kapwa niya Levita na naglilingkod doon sa presensya ng Panginoon. Makakatanggap din siya ng kanyang bahagi sa mga handog kahit na mayroon pa siyang tinatanggap mula sa iba na kanyang ikinabubuhay.

Ang mga Kasuklam-suklam na Kaugalian

“Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong susundin ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga naninirahan doon. 10 Wala ni isa man sa inyo na magsusunog ng kanyang anak bilang handog. At huwag din kayong manghuhula, mangkukulam, 11 manggagaway, gumagawa ng mga ginagawa ng mga espiritista, at makikipag-usap sa espiritu ng mga patay. 12 Kinasusuklaman ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit palalayasin ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa sa inyong harapan. 13 Wala dapat kayong maging kapintasan sa harap ng Panginoon na inyong Dios.

Ang mga Propeta

14 “Ang mga bansang ito na palalayasin ninyo ay sumasangguni sa mga mangkukulam at mga manghuhula. Pero kayo, pinagbabawalan ng Panginoon na inyong Dios sa paggawa nito. 15 Sa halip, magpapadala sa inyo ang Panginoon na inyong Dios ng isang propeta na mula sa inyo at kadugo ninyo tulad ko. At kailangang makinig kayo sa kanya. 16 Sapagkat ito ang hinihingi ninyo sa Panginoon na inyong Dios nang magtipon kayo roon sa Horeb. Sinabi ninyo sa Panginoon, ‘Huwag nʼyong iparinig sa amin ang boses nʼyo o ipakita ang naglalagablab na apoy dahil baka mamatay kami.’

17 “Kaya sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Mabuti ang kanilang hinihingi. 18 Magpapadala ako sa kanila ng isang propeta na mula sa kanila at kadugo nila tulad mo. Ipasasabi ko sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanila. 19 Parurusahan ko ang sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi ng propeta na ito sa pamamagitan ng aking pangalan. 20 At kailangang patayin ang sinumang propetang magsasalita sa aking pangalan nang hindi ko inuutusan o magsasalita sa pangalan ng ibang dios.’

21 “Maaaring isipin ninyo, ‘Paano ba namin malalaman kung iyon nga ay mensahe ng Panginoon?’ 22 Kapag ang sinabi ng propeta na gumamit ng pangalan ng Panginoon ay hindi mangyari o magkatotoo, ang mensahe niya ay hindi galing sa Panginoon. Gawa-gawa lang iyon ng propeta, kaya huwag kayong matakot sa kanya.

Salmo 105

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
    at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
    Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
    “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
    Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
    Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
    Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.

23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
    at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
    at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
    ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
    kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
    at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
    at may dala pa silang mga pilak at ginto.
    At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
    at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
    at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
    Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
    ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
    upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.

    Purihin ang Panginoon!

Isaias 45

Pinili ng Dios si Cyrus

45 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Cyrus na kanyang hinirang at pinalakas ang kapangyarihan, “Sakupin mo ang mga bansa at pasukuin mo ang mga hari. Buksan mo ang mga pintuan ng kanilang mga lungsod at agawin, at hindi na ito isasara. Ako ang maghahanda ng iyong dadaanan, at papatagin ko ang mga bundok. Gigibain ko ang mga pintuang tanso at ang mga tarangkahang bakal nito. Ibibigay ko sa iyo ang mga nakatagong kayamanan, para malaman mong ako ang Panginoon, ang Dios ng Israel na tumawag sa iyo. Tinawag kita para tulungan mo ang Israel na aking lingkod at pinili. Pinarangalan kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala. Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Dios. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala para malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Dios maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito. Magbibigay ako ng tagumpay na parang ulan. Matatanggap ito ng mga tao sa mundo, at kakalat ang kaligtasan at tagumpay na parang tanim na tumutubo. Ako ang Panginoong gumawa nito. Nakakaawa ang taong nakikipagtalo sa Dios na lumikha sa kanya. Ang katulad niyaʼy palayok lamang. Ang putik bang ginagawang palayok ay maaaring magsabi sa magpapalayok kung ano ang dapat niyang gawin? O makakapagreklamo ba siyang walang kakayahan ang magpapalayok? 10 Nakakaawa ang anak na nagsasabi sa kanyang mga magulang, ‘Bakit ba ninyo ako ginawang ganito?’ ”

11 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, na lumikha sa kanya, “Nagrereklamo ba kayo sa mga ginagawa ko? Inuutusan nʼyo ba ako sa mga dapat kong gawin? 12 Ako ang gumawa ng mundo at ng lahat ng naninirahan dito. Ang mga kamay ko ang nagladlad ng langit, at ako ang nag-utos sa araw, buwan at mga bituin na lumabas. 13 Ako ang tumawag kay Cyrus para isagawa ang aking layunin. Gagawin kong tama ang lahat ng pamamaraan niya. Itatayo niyang muli ang aking lungsod at palalayain niya ang mga mamamayan kong binihag. Gagawin niya ito hindi dahil sa binigyan siya ng suhol o regalo. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

14 Sinabi ng Panginoon sa Israel, “Masasakop mo ang mga taga-Egipto, ang mga taga-Etiopia[a] at ang mga taga-Sabea na ang mga lalaki ay matatangkad. Paparito sila sa iyo na dala ang kanilang mga kayamanan at mga ani. Silaʼy magiging mga bihag mo. Luluhod sila sa iyo at magsasabi, ‘Ang Dios ay totoong kasama mo, at wala nang ibang Dios!’ ”

15 O Dios at Tagapagligtas ng Israel, hindi nʼyo ipinapakita ang inyong sarili. 16 Mapapahiya ang lahat ng gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. 17 Pero ang Israel ay ililigtas nʼyo, Panginoon, at ang kaligtasan nila ay walang hanggan. Hindi na sila mapapahiya kahit kailan.

18 Kayo Panginoon ang Dios. Kayo ang lumikha ng langit at ng mundo. Hindi nʼyo ginawa ang mundo nang walang nabubuhay. Ginawa nʼyo ito para matirhan. Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 19 Hindi ako nagsalita nang lihim, nang walang nakakaalam. Hindi ko sinabi sa mga lahi ni Jacob na dumulog sila sa akin, na wala naman silang matatanggap sa akin. Ako ang Panginoon, nagsasalita ako ng katotohanan. Sinasabi ko kung ano ang dapat.”

20 Sinabi pa ng Panginoon, “Magtipon kayong lahat at lumapit sa akin, kayong mga tumakas mula sa mga bansa. Walang alam ang mga nagdadala ng mga dios-diosan nilang kahoy. Nananalangin sila sa mga dios-diosang ito, na hindi naman makapagliligtas sa kanila. 21 Isangguni ninyo sa isaʼt isa, at ihayag ang inyong usapin. Sino ang humula noon tungkol sa mga bagay na mangyayari? Hindi baʼt ako, ang Panginoon? Wala nang ibang Dios, ako lang, ang Dios na matuwid at Tagapagligtas.

22 “Lumapit kayo sa akin para maligtas kayo, kayong lahat sa buong mundo.[b] Sapagkat ako ang Dios at maliban sa akin ay wala nang iba pa. 23 Sumumpa ako sa aking sarili, at ang mga sinabi koʼy hindi na mababago. Ang lahat ay luluhod sa akin, at silaʼy mangangakong magiging tapat sa akin. 24 Sasabihin nila, ‘Tanging sa tulong lamang ng Panginoon ang taoʼy magkakaroon ng lakas at tagumpay na may katuwiran.’ ” Ang lahat ng napopoot sa Panginoon ay lalapit sa kanya at mapapahiya. 25 Sa tulong ng Panginoon ang lahat ng lahi ng Israel ay makakaranas ng tagumpay na may katuwiran at magpupuri sila sa kanya.

Pahayag 15

Ang Panghuling mga Salot

15 Isa pang kagila-gilalas na pangitain ang nakita ko sa langit. May pitong anghel doon na may dalang pito pang salot. Iyon ang panghuling mga salot na ipapadala ng Dios bilang parusa sa mga tao.

At nakita ko ang parang dagat na kasinglinaw ng kristal na may nagliliyab na apoy. Nakatayo roon ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa imahen nito. Hindi sila nagpatatak ng numero na simbolo ng pangalan ng halimaw na iyon. May hawak silang mga alpa na ibinigay sa kanila ng Dios. Umaawit sila ng awit ni Moises na lingkod ng Dios, na siya ring awit ng Tupa. Ito ang awit nila:

    “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
    kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Hari kayo ng lahat ng bansa,
    ang mga pamamaraan ninyo ay makatarungan at tama!
Sino ang hindi matatakot at hindi magpupuri sa inyo?
    Kayo lang ang banal.
    Lalapit at sasamba sa inyo ang mga tao sa lahat ng bansa,
    sapagkat nakita na ng lahat ang matuwid ninyong gawa.”

Pagkatapos nito, nakita ko na bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang Kautusan. At mula roon sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na puting-puti at may gintong pamigkis sa kanilang dibdib. Ang isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng tig-iisang sisidlang ginto na puno ng mga parusa ng Dios na nabubuhay magpakailanman. Napuno ng usok ang templo dahil sa kadakilaan at kapangyarihan ng Dios. At walang makakapasok doon hanggaʼt hindi pa natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®