Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 16

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel(A)

16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa buwan ng Abib[a] bilang pagpaparangal sa Panginoon na inyong Dios, dahil sa buwan na itoʼy inilabas niya kayo nang gabi sa Egipto. Maghandog kayo ng tupa o baka bilang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ihandog ninyo ito para sa Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya, kung saan pararangalan siya. Kainin ninyo ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa gaya ng ginawa ninyo noong nagmamadali kayong umalis sa Egipto. Kainin ninyo ang tinapay na ito, ang simbolo ng inyong pagtitiis, para maalala ninyo sa buong buhay ninyo ang panahon na lumabas kayo sa Egipto. Wala dapat makitang pampaalsa sa mga bahay ninyo sa buong bansa sa loob ng pitong araw. At ang karneng inihandog nang gabi ng unang araw ay walang matitira sa kinaumagahan.

“Bilang pagdiriwang sa Pista ng Paglampas ng Anghel, ang hayop na ihahandog ninyo ay huwag ninyong ihahandog sa kahit saang bayan na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, kundi sa lugar lang na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Kailangang ihandog ninyo ito sa paglubog ng araw, ang oras na umalis kayo sa Egipto. Lutuin ninyo ito at kainin sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. Pagkaumaga, bumalik kayo sa inyong mga tolda. Sa susunod na anim na araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw, huwag kayong magtrabaho, kundi magtipon kayo para sumamba sa Panginoon na inyong Dios.

Ang Pista ng Pag-aani(B)

“Bumilang kayo ng pitong linggo mula sa pag-uumpisa ng tag-ani. 10 Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani para parangalan ang Panginoon na inyong Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog na kusang-loob ayon sa mga pagpapala na natanggap ninyo mula sa Panginoon na inyong Dios. 11 At magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Magdiwang kayo kasama ang inyong mga anak, alipin at Levita na naninirahan sa inyong mga bayan, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa inyong mga bayan. 12 Alalahanin ninyo na naging mga alipin muna kayo sa Egipto, kaya sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ito.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(C)

13 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol sa loob ng pitong araw sa katapusan ng tag-ani, pagkatapos na magiik ninyo ang mga trigo at mapiga ang mga ubas. 14 Magsaya kayo sa pagdiriwang ninyo ng pistang ito kasama ng inyong mga anak, mga alipin, mga Levita, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa bayan ninyo. 15 Sa loob ng pitong araw, ipagdiwang ninyo ang Pistang ito para parangalan ang Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya. Sapagkat pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ani ninyo at ang lahat ng ginagawa ninyo, at magiging lubos ang inyong kaligayahan.

16 “Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, 17 at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios.

Ang mga Hukom

18 “Maglagay kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan. 19 Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila. 20 Dapat mangibabaw ang tamang hustisya para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.

Ang Pagsamba sa Ibang mga Dios-diosan

21 “Huwag kayong magpapatayo ng poste na simbolo ng diosang si Ashera sa tabi ng altar na ginawa ninyo para sa Panginoon na inyong Dios, 22 at huwag kayong magpapatayo ng mga alaalang bato para sambahin, dahil kinasusuklaman ito ng Panginoon na inyong Dios.

Salmo 103

Ang Pag-ibig ng Dios

103 Pupurihin ko ang Panginoon!
    Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
Pupurihin ko ang Panginoon,
    at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
    at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
    at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
    kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.

Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
    binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
    at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
Hindi siya palaging nanunumbat,
    at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
    Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
    ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
    ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
    alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.

15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
    Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
    itoʼy nawawala at hindi na nakikita.

17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
    At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
    at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.

    Purihin ang Panginoon!

Isaias 43

Nangako ang Dios na Iligtas ang Israel

43 Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita.[a] Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo. Sapagkat ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko sa ibang bansa ang Egipto, ang Etiopia,[b] at ang Seba bilang kapalit mo. Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita. Huwag kang matatakot dahil kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga at sa timog na hayaang bumalik sa kanilang lupain ang iyong mga lahi, at hayaang umuwi saan mang sulok ng mundo. Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, pero hindi makakita; may mga tainga, pero hindi makarinig. Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga dios-diosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, ‘Totoo nga.’ 10 Mga mamamayan ng Israel, kayo ang aking mga saksi. Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, para makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at para maunawaan ninyo na ako lamang ang Dios. Walang ibang Dios na nauna sa akin, at wala ring Dios na susunod pa sa akin. 11 Ako lang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas. 12 Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo, at tinupad ko nga ito. Walang ibang Dios na gumawa nito sa inyo, kayo ang mga saksi ko.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang Dios. 13 Mula pa noon ako na ang Dios. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.”

Nangako ang Dios na Tutulungan niya ang Kanyang mga Mamamayan

14 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia[c] sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki. 15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari. 16 Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. 17 Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. 18 Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, 19 dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. 20 Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat[d] at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan. 21 Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin.

22 “Pero hindi ka humingi ng tulong sa akin, Israel, at ayaw mo na sa akin. 23 Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso. 24 Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan.

25 “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa. 26 Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan. 27 Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno. 28 Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga pari, at ikaw, Israel ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.

Pahayag 13

Ang Dalawang Halimaw

13 Pagkatapos, may nakita akong halimaw na umaahon sa dagat. Pito ang ulo nito at sampu ang sungay. Bawat sungay nito ay may korona, at sa bawat ulo naman ay may nakasulat na pangalang lumalapastangan sa Dios.[a] Ang halimaw ay parang leopardo, at may mga paang katulad ng sa oso. Ang bibig niya ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan at trono upang maging malawak ang kapangyarihan nito. Nakita kong isa sa mga ulo ng halimaw ay parang pinatay, ngunit gumaling na ang matinding sugat nito. Kaya humanga sa halimaw ang mga tao sa buong mundo at naging tagasunod sila nito. Sinamba nila ang dragon dahil siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw, at sinabi, “Wala nang makakatulad sa halimaw! Walang makakalaban sa kanya!”

Hinayaan ng Dios na magsalita ang halimaw ng kalapastanganan laban sa kanya at maghari sa loob ng 42 buwan. Nagsalita siya ng kalapastanganan laban sa Dios, laban sa pangalan ng Dios, sa kanyang tahanan, at sa lahat ng nakatira sa langit. Hinayaan din ang halimaw na makipaglaban at talunin ang mga pinabanal[b] ng Dios. At binigyan din siya ng kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa mundo, anumang angkan, lahi, wika at bansa. Sasambahin siya ng lahat ng tao sa mundo na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang mga pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito na hawak ng Tupang pinatay.

Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang mga bagay na ito. 10 Ang sinumang itinakdang dakpin ay dadakpin. At ang sinumang itinakdang mamatay sa espada ay mamamatay sa espada. Kaya ang mga pinabanal ng Dios ay kailangang maging matiisin at matatag sa kanilang pananampalataya.

11 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa tupa, ngunit parang dragon kung magsalita. 12 Naglingkod siya sa unang halimaw at ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan nito. Pinilit niya ang lahat ng tao sa mundo na sumamba sa unang halimaw na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumawa ng kagila-gilalas na mga himala ang pangalawang halimaw tulad ng pagpapaulan ng apoy mula sa langit. Ginawa niya ito upang ipakita sa mga tao ang kanyang kapangyarihan. 14 At dahil sa mga himalang ito na ipinagawa sa kanya ng unang halimaw, nalinlang niya ang mga tao. Inutusan niya ang mga tao na gumawa ng imahen ng unang halimaw na malubhang nasugatan ng espada ngunit nabuhay pa. 15 Hinayaan ng Dios ang pangalawang halimaw na magbigay ng buhay sa imahen ng unang halimaw. Kaya nakapagsalita ang imahen at nakapag-utos na patayin ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Pinilit ng pangalawang halimaw ang lahat ng tao – dakila o hindi, mayaman o mahirap, alipin o malaya – na magpatatak sa kanang kamay o sa noo. 17 At ang sinumang ayaw magpatatak ng pangalan o numero ng unang halimaw ay hindi maaaring bumili o magbenta.

18 Kailangan dito ang talino upang maunawaan ang kahulugan ng numero ng unang halimaw, dahil simbolo ito ng pangalan ng tao. At ang numero ay 666.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®