Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 15

Ang Taon ng Pagkansela ng Utang

15 “Sa katapusan ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong kanselahin na ang lahat ng utang. Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na kanselahin ang mga utang. Pwede ninyong singilin ang mga dayuhan pero kanselahin dapat ninyo ang utang ng kapwa ninyo Israelita.

“Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo, basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, pero kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa pero hindi kayo mapamamahalaan.

“Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag kayong maging maramot sa kanya. Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan. Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa akin ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo. 10 Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 11 Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.

Ang Pagpapalaya sa mga Alipin(A)

12 “Kung ang kapwa mo Hebreo, lalaki man o babae ay ipinagbili ang sarili niya sa iyo bilang alipin, at naglingkod siya sa iyo sa loob ng anim na taon, kailangang palayain mo siya sa ikapitong taon. 13 At kapag palalayain mo na siya, huwag mo siyang paaalisin na walang dala. 14 Bigyan mo siya nang saganang hayop, trigo at katas ng ubas ayon sa pagpapala ng Dios sa iyo. 15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto at pinalaya rin kayo ng Panginoon na inyong Dios. Iyan ang dahilan kaya ibinibigay ko ang mga utos na ito sa inyo ngayon.

16 “Pero kung sabihin ng alipin mo sa iyo, ‘Hindi po ako aalis sa inyo dahil mahal ko kayo at ang pamilya ninyo, at mabuti ang kalagayan ko dito sa inyo,’ 17 dalhin mo siya sa pintuan ng bahay mo, butasan ang tainga niya at magiging alipin mo siya sa buong buhay niya. Ganito rin ang gawin mo sa iyong aliping babae.

18 “Huwag sasama ang loob mo kung palalayain mo ang alipin mo dahil ang halaga ng pagseserbisyo niya sa iyo sa loob ng anim na taon ay doble pa sa sweldo na tinatanggap ng isang trabahador. Kung gagawin mo ito, pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa mo.

19 “Ibukod ninyo para sa Panginoon na inyong Dios ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Huwag ninyong pag-aararuhin ang mga panganay ng inyong mga baka o pagugupitan ang mga panganay ng inyong mga tupa. 20 Sa halip, kainin ninyo ito at ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios bawat taon, sa lugar na pipiliin niya. 21 Pero kung may kapintasan ang hayop na ito, halimbawaʼy pilay o bulag o anumang malalang kapansanan, hindi ninyo ito dapat ihandog sa Panginoon na inyong Dios. 22 Sa halip, kainin ninyo ito sa inyong mga bayan. Ang lahat ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi, katulad ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela. 23 Pero huwag ninyong kainin ang dugo, kundi ibuhos ninyo ito sa lupa gaya ng tubig.

Salmo 102

Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis

102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
    Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
    at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
Akoʼy parang damong nalalanta na.
    Wala na akong ganang kumain
dahil sa labis na pagdaing.
    Parang butoʼt balat na lang ako.
Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
    at kuwago sa mga lugar na walang tao.
Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
    Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
Hindi ako kumakain;
    umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
    dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
    at nalalantang gaya ng damo.

12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
    at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
    dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
    kahit itoʼy gumuho na at nawasak.

15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
    At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
    ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
    at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.

18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
    upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
    tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
    at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
    at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
    at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
    at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
    “O aking Dios na buhay magpakailanman,
    huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
    Maluluma itong lahat tulad ng damit.
    At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
    at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”

Isaias 42

Ang Lingkod ng Panginoon

42 Sinabi ng Panginoon, “Narito ang lingkod ko na aking pinalalakas ang loob. Pinili ko siya at nagagalak ako sa kanya. Sumasakanya ang aking Espiritu, at papairalin niya ang katarungan sa mga bansa. Hindi siya sisigaw o magsasalita nang malakas sa mga lansangan. Hindi niya pababayaan ang mahihina ang pananampalataya[a] at hindi niya tatalikuran ang mga nawalan ng pag-asa. Matapat niyang papairalin ang katarungan. Hindi siya manghihina o mawawalan ng pag-asa hanggaʼt hindi niya lubusang napapairal ang katarungan sa buong mundo. Pati ang mga tao sa malalayong lugar[b] ay maghihintay sa kanyang mga turo.” Ito ang sinabi ng Dios, ang Panginoon na lumikha ng langit na iniladlad niyang parang tela. Nilikha niya ang mundo at ang lahat ng naroroon. Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo. Sinabi niya sa kanyang lingkod, “Ako ang Panginoon na tumawag sa iyo para ipakita na akoʼy matuwid. Tutulungan at iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Gagawin kitang ilaw na magbibigay-liwanag sa mga bansa, para imulat ang mga mata ng mga bulag, at magpalaya sa mga binihag na ikinulong sa madilim na bilangguan. Ako ang Panginoon! Iyan ang aking pangalan! Hindi ko ibibigay kaninuman o sa mga dios-diosan ang aking karangalan at mga papuri na para sa akin. Ang mga propesiya koʼy natupad at sasabihin ko ngayon ang mga bagong bagay bago pa ito mangyari.”

Awit ng Papuri sa Panginoon

10 Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon! Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, kayong lahat na nasa mundo. Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag, kayong lahat ng mga nilikha sa dagat at kayong mga nakatira sa malalayong lugar. 11 Purihin ninyo siya, kayong mga bayan na nasa ilang at kayong mga taga-Kedar. Umawit kayo sa tuwa, kayong mga taga-Sela. Humiyaw kayo ng pagpupuri sa tuktok ng mga bundok. 12 Parangalan ninyo at purihin ang Panginoon kayong mga nasa malalayong lugar. 13 Sasalakay ang Panginoon na parang isang sundalo na handang-handa nang makipaglaban. Sisigaw siya bilang hudyat ng pagsalakay; at magtatagumpay siya laban sa kanyang mga kaaway. 14 Sinabi ng Panginoon, “Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako at pinigilan ko ang aking sarili. Pero ngayon, ipadarama ko ang aking galit. Sisigaw ako na parang babaeng nanganganak. 15 Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at malalanta ang mga tanim. Patutuyuin ko ang mga ilog at mga dakong may tubig. 16 Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag sa katotohanan, sa daan na hindi pa nila nadadaanan. Liliwanagan ko ang dinaraanan nilang madilim at papantayin ko ang mga baku-bako sa landas na kanilang dinadaanan. Gagawin ko ito at hindi ko sila pababayaan. 17 Pero ang mga nagtitiwala sa mga dios-diosan, at ang mga itinuturing na dios ang kanilang mga rebulto ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.”

Ang Israel ay Parang Bingi at Bulag

18 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Kayong mga bingi at bulag, makinig kayo at tumingin! 19 Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili. Isinugo ko kayo bilang aking mga tagapagsalita, pero walang makakapantay sa inyong pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan. 20 Marami na kayong nakikita pero hindi ninyo pinapansin. Nakakarinig kayo pero ayaw ninyong makinig!”

21 Nais ng Panginoon na parangalan ang kanyang kautusan para ipakita na matuwid siya.[c] 22 Pero ngayon, ang kanyang mga mamamayan ay ninakawan, sinamsaman ng ari-arian, inihulog sa hukay o ipinasok sa bilangguan, at walang sinumang tumulong sa kanila. 23 Mayroon ba sa inyong gustong makinig o magbigay halaga mula ngayon sa inyong narinig? 24 Sino ang nagbigay ng pahintulot na nakawan at samsaman ng ari-arian ang Israel? Hindi baʼt ang Panginoon, na siyang pinagkasalaan natin? Sapagkat hindi natin sinunod ang mga pamamaraan niya at mga kautusan. 25 Kung kaya, ipinadama ng Panginoon ang matindi niyang galit sa atin sa pamamagitan ng pagpapahirap sa atin sa digmaan. Ang galit niyaʼy parang apoy na nakapalibot at sumusunog sa atin, pero hindi natin ito pinansin o inisip man lamang.

Pahayag 12

Ang Babae at ang Dragon

12 Pagkatapos nito, isang kagila-gilalas na bagay ang nagpakita sa langit. Nakita ko ang isang babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona siya sa ulo na may 12 bituin. Manganganak na siya, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.

May isa pang kagila-gilalas na bagay akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo. Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito. At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang maghahari[a] sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Hindi nakain ng dragon ang sanggol dahil inagaw agad ang sanggol at dinala sa Dios doon sa kanyang trono. Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.

Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Micael at ang mga kasama niyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kanyang mga anghel. Ngunit natalo ang dragon at ang kanyang mga anghel, at pinalayas sila mula sa langit. Kaya itinaboy ang malaking dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa mga tao sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.

10 Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Dios sa mga tao. Ipinapakita na niya ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang awtoridad ni Cristo na kanyang pinili. Sapagkat pinalayas na mula sa langit ang umaakusa sa ating mga kapatid sa harap ng Dios araw at gabi. 11 Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. 12 Kaya magalak kayo, kayong nakatira sa kalangitan. Pero nakakaawa kayong mga nakatira sa lupa at dagat dahil itinapon na riyan sa inyo si Satanas. Galit na galit siya dahil alam niyang kakaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanya.”

13 Nang makita ng dragon na itinapon na siya sa lupa, tinugis niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit binigyan ang babae ng dalawang pakpak na tulad sa malaking agila upang makalipad sa isang lugar sa ilang na inihanda para sa kanya. Doon siya aalagaan sa loob ng tatloʼt kalahating taon, malayo at ligtas sa dragon. 15 Dahil dito, nagbuga ang dragon ng maraming tubig, parang baha, upang tangayin ang babae. 16 Pero tinulungan ng lupa ang babae. Bumitak ito nang malalaki at hinigop ang tubig na galing sa bibig ng dragon. 17 Lalo pang nagalit ang dragon kaya nilusob niya ang iba pang mga anak ng babae. Itoʼy walang iba kundi ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Dios at sa mga katotohanang itinuro ni Jesus. 18 At tumayo ang dragon sa tabi ng dagat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®