Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Deuteronomio 3

Natalo si Haring Og ng Bashan(A)

“Pagkatapos, dumiretso tayo sa Bashan pero pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan at ng mga sundalo nito. Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo pati ang kanyang mga sundalo at ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.’ Kaya ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios si Haring Og ng Bashan at ang lahat ng kanyang sundalo. Pinatay natin sila at wala tayong itinirang buhay. Inagaw natin ang lahat ng 60 lungsod niya – ang buong teritoryo ng Argob kung saan naghahari si Haring Og ng Bashan. Ang lahat ng lungsod na ito ay napapalibutan ng matataas na pader na may pintuan at kandado. Inagaw din natin ang napakaraming mga baryo na walang pader.

“Nilipol natin sila nang lubusan[a] katulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Heshbon. Pinatay natin ang lahat ng tao sa bawat lungsod na ating naagaw – mga lalaki, babae at bata. Ngunit dinala natin ang lahat ng hayop at mga ari-arian na nasamsam natin sa kanilang mga lungsod.

“Kaya naagaw natin mula sa dalawang hari ng mga Amoreo, ang lupain sa silangan ng Ilog ng Jordan mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (Ang Bundok ng Hermon ay tinatawag ng mga Sidoneo na Sirion at ng mga Amoreo na Senir.) 10 Inagaw natin ang lahat ng bayan na nasa talampas, ang buong Gilead at ang buong Bashan hanggang sa Saleca at Edrei, na mga bayan na sakop ng kaharian ni Og ng Bashan. 11 (Si Haring Og lang ang nag-iisang natira sa mga lahi ng Refaimeo. Ang higaan niyang bakal[b] ay may habang 13 talampakan at anim na talampakan ang lapad. Makikita pa ito ngayon sa Rabba na lungsod ng mga Ammonita.)

Ang Paghahati-hati ng Lupa(B)

12 “Nang maagaw natin ang lupaing ito, ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang lupain sa hilaga ng Aroer malapit sa Lambak ng Arnon pati na ang kalahati ng kaburulan ng Gilead at ang mga bayan nito. 13 Ibinigay ko ang natirang bahagi ng Gilead at ng buong Bashan, na kaharian ni Og, sa kalahating lahi ni Manase. (Ang buong Argob sa Bashan ay tinatawag noon na Lupa ng mga Refaimeo.) 14 Si Jair na mula sa lahi ni Manase, ang nagmamay-ari ng buong Argob na sakop ng Bashan hanggang sa hangganan ng lupain ng mga Geshureo at ng mga Maacateo. Pinangalanan ni Jair ng mismong pangalan niya ang teritoryong ito, kaya hanggang sa ngayon, ang Bashan ay tinatawag na ‘Mga Bayan ni Jair.’ 15 Ibinigay ko ang Gilead sa pamilya ni Makir. 16 Ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang mga lupain mula sa Gilead hanggang sa Lambak ng Arnon. Ang gitna ng Arnon ang kanilang hangganan sa timog, at ang kanilang hangganan sa hilaga ay ang Lambak ng Jabok, na hangganan din ng lupain ng mga Ammonita. 17 Ang hangganan sa kanluran ay ang Kapatagan ng Jordan[c] pati na ang Ilog ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Dagat na Patay[d] sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga sa silangan.

18 “Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan,[e] ‘Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog ng Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban. 19 Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo. 20 Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo.’

Hindi Pinayagan si Moises na Makapasok sa Canaan

21 “At nang panahong iyon, sinabi ko rin kay Josue, ‘Nakita mo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa dalawang haring iyon. Ganoon din ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kaharian na inyong pupuntahan. 22 Huwag kayong matakot sa kanila; ang Panginoon na inyong Dios mismo ang makikipaglaban para sa inyo.’

23 “Nang panahong iyon, nagmakaawa ako sa Panginoon. Sinabi ko, 24 ‘O Panginoong Dios, sinimulan na ninyong ipakita sa inyong lingkod ang inyong kadakilaan, dahil walang dios sa langit o sa lupa na makakagawa ng mga himala na inyong ginawa. 25 Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.’

26 “Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, ‘Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan. 27 Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tumanaw sa lupain sa kahit saang direksyon, dahil hindi ka makakatawid sa Jordan. 28 Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga taong ito sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila ang lupaing nakikita mo ngayon!’ 29 Kaya nanatili tayo sa lambak malapit sa Bet Peor.”

Salmo 85

Panalangin para sa Kabutihan ng Bansa

85 Panginoon, naging mabuti kayo sa inyong lupain.
Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.[a]
Pinatawad nʼyo ang kasamaan ng inyong mga mamamayan;
    inalis nʼyo ang lahat ng aming kasalanan.
Inalis nʼyo na rin ang inyong matinding galit sa amin.
Minsan pa, O Dios, na aming Tagapagligtas, ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.
    Kalimutan nʼyo na ang inyong galit sa amin.
Habang buhay na ba kayong magagalit sa amin,
    hanggang sa aming mga salinlahi?
Hindi nʼyo na ba kami ibabalik sa magandang kalagayan upang kami ay magalak sa inyo?
Panginoon, ipakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig at kami ay iligtas.
Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
    dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
    iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
    upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
    at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
    at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.

Isaias 31

Kawawa ang mga Nagtitiwala sa Egipto

31 Nakakaawa kayong humihingi ng tulong sa Egipto. Umaasa kayo sa mabibilis nilang kabayo, sa marami nilang karwahe, at malalakas na sundalong nangangabayo. Pero hindi kayo nagtitiwala sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at hindi kayo humihingi ng tulong sa kanya. Sa karunungan ng Dios, magpapadala siya ng salot, at talagang gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang pamilya ng masasama at ang mga tumutulong sa kanila. Ang mga taga-Egipto ay mga tao lang din at hindi Dios. Ang mga kabayo nilaʼy hindi naman mga espiritu, kundi tulad lang din ng ibang mga kabayo. Kapag nagparusa na ang Panginoon, mawawasak ang Egipto pati ang mga bansa na tinulungan nito. Pare-pareho silang mawawasak. Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Walang makakapigil sa leon sa paglapa niya sa kanyang biktima kahit na magsisigaw pa ang mga nagbabantay ng mga hayop. Katulad ko rin, walang makakapigil sa akin para ingatan ang Bundok ng Zion. Ako ang Panginoong Makapangyarihan, babantayan ko ang Jerusalem na parang ibon na nagbabantay sa kanyang pugad. Iingatan ko ito, ililigtas, at hindi pababayaan.”

Mga Israelita, magbalik-loob kayo sa Panginoong labis na ninyong sinuway. Sapagkat darating ang araw na itatakwil ninyo ang inyong mga dios-diosang pilak at ginto na kayo mismo ang gumawa dahil sa inyong pagiging makasalanan.

Mamamatay ang mga taga-Asiria, pero hindi sa pamamagitan ng espada ng tao. Tatakas sila mula sa digmaan, at magiging alipin ang kanilang mga kabataan. Tatakas ang kanilang mga kawal[a] dahil sa takot, pati ang kanilang mga pinuno ay hindi na malaman ang gagawin kapag nakita nila ang bandila ng kanilang mga kaaway. Iyan ang sinabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nagniningas sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.[b]

Pahayag 1

Ang sulat na ito ay tungkol sa mga bagay na inihayag ni Jesu-Cristo na mangyayari sa lalong madaling panahon. Ibinigay ito ng Dios kay Cristo upang maihayag naman sa mga naglilingkod sa Dios. Kaya inihayag ito ni Cristo sa lingkod niyang si Juan sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo. Ako si Juan, at pinapatotohanan ko ang lahat ng nakita ko tungkol sa inihayag ng Dios at sa katotohanang itinuro ni Jesu-Cristo. Mapalad ang bumabasa at ang mga nakikinig sa sulat na ito kung tinutupad nila ang nakasulat dito. Sapagkat ang mga sinasabi rito ay malapit nang mangyari.

Pagbati sa Pitong Iglesya

4-5 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa probinsya ng Asia.

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang galing sa Dios, sa Espiritu, at kay Jesu-Cristo. Kung tungkol sa Dios, siyaʼy hindi nagbabago ngayon, noon, at sa hinaharap. Kung tungkol sa pitong Espiritu,[a] siyaʼy nasa harapan ng trono ng Dios. At kung tungkol kay Jesu-Cristo, siya ang mapagkakatiwalaang saksi. Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay.[b] At siya rin ang namumuno sa lahat ng hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo[c] iniligtas niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong mga hari[d] at mga pari upang maglingkod sa Dios na kanyang Ama. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Magsipaghanda kayo! Darating si Jesus na nasa mga ulap. Makikita siya ng lahat ng tao, pati na ng mga pumatay sa kanya. At iiyak ang mga tao sa lahat ng bansa sa mundo dahil sa takot nilang sila ay parurusahan na niya. Totoo ito at talagang mangyayari.

Ang Panginoong Dios ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”[e]

Nagpakita si Cristo kay Juan

Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis dahil tayo ay nakay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Dios at ng katotohanang itinuro ni Jesus. 10 Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Banal na Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran. 11 At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Smirna, Pergamum, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”

12 Nang marinig ko ito, lumingon agad ako upang tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong ilawang ginto. 13 Sa gitna ng mga ilawan ay may nakatayong parang Anak ng Tao. Mahaba ang damit niya na umaabot sa kanyang paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang buhok niya ay napakaputi tulad ng telang puting-puti, at ang mga mata niya ay nagbabagang parang apoy. 15 Ang mga paa niya ay kumikinang na parang tansong dinalisay sa apoy at pinakintab. Ang tinig niya ay napakalakas na parang rumaragasang tubig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay niya, at lumalabas sa bibig niya ang isang matalas na espada na dalawa ang talim. Ang mukha niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat.

17 Nang makita ko siya, napahandusay ako na parang patay sa kanyang paanan. Ipinatong niya agad ang kanang kamay niya sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang katapusan. 18 Akoʼy buhay magpakailanman. Namatay ako, pero masdan mo, buhay ako, at hindi na muling mamamatay. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang lugar ng mga patay.[f] 19 Kaya isulat mo ang mga bagay na ipinapakita ko sa iyo – ang mga bagay na nangyayari ngayon at ang mangyayari pa lang. 20 Ito ang ibig sabihin ng pitong bituin na nakita mo sa kanang kamay ko at ang pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang pitong anghel na nagbabantay sa pitong iglesya, at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®