M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Hangganan ng Canaan
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung papasok na sila sa Canaan, ito ang mga hangganan ng lupain na kanilang mamanahin:
3 “Ang hangganan sa timog ay ang ilang ng Zin sa may hangganan ng Edom. Magsisimula ito sa katimugang bahagi ng Dagat na Patay.[a] 4 At liliko ito patimog papunta sa Daang Paahon ng Akrabim, hanggang sa ilang ng Zin, at magpapatuloy sa timog ng Kadesh Barnea. Pagkatapos, didiretso ito sa Hazar Adar hanggang sa Azmon, 5 at liliko papunta sa Lambak ng Egipto at magtatapos sa Dagat ng Mediteraneo.
6 “Ang hangganan sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo.
7 “Ang hangganan sa hilaga ay magmumula sa Dagat ng Mediteraneo papunta sa Bundok ng Hor, 8 at mula sa Bundok ng Hor papunta sa Lebo Hamat. Magpapatuloy ito sa Zedad, 9 hanggang sa Zifron at magtatapos sa Hazar Enan.
10 “Ang hangganan sa silangan ay magmumula sa Hazar Enan papunta sa Shefam. 11 Pagkatapos, bababa ito papunta sa Ribla, sa bandang silangan ng Ain, at magpapatuloy ito sa mga burol sa silangan ng Lawa ng Galilea.[b] 12 Pagkatapos, bababa ito sa Jordan at magtatapos sa Dagat na Patay.
“Ito ang inyong lupain, at ang mga hangganan nito sa palibot.”
13 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Hatiin ninyo ang mga lupaing ito bilang inyong mana sa pamamagitan ng palabunutan. Sinabi ng Panginoon na ibigay ito sa siyam at kalahating lahi, 14-15 Dahil ang lahi nina Reuben, Gad, at ng kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng kanilang mana sa bandang silangan ng Jordan malapit sa Jerico.”
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 17 “Sina Eleazar na pari at Josue na anak ni Nun ang maghahati-hati ng lupain para sa mga tao. 18 At pumili ka ng isang pinuno sa bawat lahi para tulungan sila sa paghahati ng lupain.” 19-28 Ito ang pangalan ng mga pinili:
Lahi | Pinuno |
---|---|
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Simeon | Shemuel na anak ni Amihud |
Benjamin | Elidad na anak ni Kislon |
Dan | Buki na anak ni Jogli |
Manase na anak ni Jose | Haniel na anak ni Efod |
Efraim na anak ni Jose | Kemuel na anak ni Siftan |
Zebulun | Elizafan na anak ni Parnac |
Isacar | Paltiel na anak ni Azan |
Asher | Ahihud na anak ni Shelomi |
Naftali | Pedahel na anak ni Amihud |
29 Sila ang mga pinili ng Panginoon para tumulong sa paghahati-hati ng lupain ng Canaan bilang mana ng mga Israelita.
38 Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila,
pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol.
Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39 Naisip niyang mga tao lang sila,
parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.
40 Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya.
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios;
ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel.
42 Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,
43 pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom.
45 Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila,
at mga palaka upang pinsalain sila.
46 Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.
47 Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48 Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.
49 Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila,
nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila.
50 Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot.
Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.
51 Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham.
52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[a]
59 Alam[b] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[c]
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[d]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.
Awit ng Papuri sa Dios
26 Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda:
Matatag na ang ating lungsod!
Ang Pagliligtas ng Dios ay parang pader na nakapalibot sa atin.
2 Buksan ang mga pintuan ng lungsod para makapasok ang bansang matuwid at tapat sa Panginoon.
3 Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo.
4 Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
5 Ang totoo, ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.
Winawasak niya ang kanilang lungsod hanggang sa madurog sa lupa.
6 At itoʼy tinatapak-tapakan ng mga dukha na kanilang inapi.
7 Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.
8 Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos,
at nagtiwala kami sa inyo.
Hangad namin na kayo ay aming maparangalan.
9 Buong puso kitang hinahanap-hanap kapag gabi.
Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo,
matututo silang mamuhay nang matuwid.
10 Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasama,
hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid.
Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid,
patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama,
at hindi nila kinikilala ang inyong kapangyarihan.
11 Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila,
pero hindi nila alam.
Ipaalam nʼyo sa kanila, Panginoon.
Ilagay nʼyo po sila sa kahihiyan. Ipakita nʼyo sa kanila kung gaano nʼyo kamahal ang iyong mga mamamayan.
Lipulin nʼyo po sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.
12 Panginoon, ilagay nʼyo po kami sa mabuting kalagayan,
sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.
13 Panginoon na aming Dios,
pinamahalaan kami ng ibang panginoon,
pero kayo lang ang aming sinasamba.
14 Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa.
Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.
15 Panginoon, pinalawak nʼyo ang aming bansa.
Pinalapad nʼyo ang aming mga hangganan,
at itoʼy nagbigay ng karangalan sa inyo.
16 Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan,
at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.
17 Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap.
Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.
18 Dumaing kami dahil sa hirap, pero wala rin kaming iniluwal.
Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain namin,
at hindi rin namin nalipol ang mga taong kaaway namin dito sa mundo.
19 Pero muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay.
Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak.
Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa,
kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.
20 Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan.
Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.
21 Sapagkat darating na siya mula sa kanyang tirahan para parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.
Ang Espiritu ng Dios at ang Espiritu ng Anti-Cristo
4 Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nilaʼy mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila. Sapagkat marami nang huwad at sinungaling na propetang nagkalat sa mundo. 2 Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung ang espiritung sumasakanila ay mula sa Dios: kung kinikilala nila na si Jesu-Cristoʼy naging tao, ang Dios mismo ang nagsugo sa kanila. 3 Ngunit ang hindi kumikilala na si Jesus ay naging tao ay hindi isinugo ng Dios kundi ng espiritu ng anti-Cristo. Narinig ninyo na darating na ang anti-Cristo, at naririto na nga sa mundo. 4 Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo. 5 Itong mga huwad at sinungaling na propetaʼy makamundo, kaya ang mga bagay ng mundo ang kanilang itinuturo, at nakikinig sa kanila ang mga makamundo. 6 Ngunit tayo naman ay sa Dios. Ang mga kumikilala sa Dios ay nakikinig sa mga itinuturo natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Dios ay hindi nakikinig sa atin. Sa gayong paraan natin makikilala kung sino ang nangangaral ng mula sa Espiritu ng katotohanan o sa espiritu ng kasinungalingan.
Ang Dios ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo dahil ang pag-ibig ay mula sa Dios. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Dios at kumikilala sa Dios. 8 Ang sinumang hindi umiibig sa kanyang kapwa ay hindi kumikilala sa Dios dahil ang Dios ay pag-ibig. 9 Ipinakita ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang[a] anak dito sa mundo, upang sa pamamagitan niya ay magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. 10 Ito ang tunay na pag-ibig: hindi tayo ang umibig sa Dios kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak upang akuin ang ating mga kasalanan para sa kapatawaran natin.
11 Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo. 12 Wala pang tao na nakakita sa Dios. Ngunit kung nagmamahalan tayo, ang Dios ay sumasaatin at lubos na natupad ang kanyang pag-ibig sa atin.
13 Nalalaman nating tayoʼy nasa Dios at ang Dios ay sumasaatin dahil ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita at pinatototohanan namin na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng mundo. 15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nasa kanya at siya naman ay nasa Dios. 16 Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin.
Ang Dios ay pag-ibig. At ang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Dios at nananatili rin sa kanya ang Dios. 17 Sa ganitong paraan ay naging ganap ang pag-ibig sa atin, kaya panatag tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom, dahil ang pamumuhay natin dito sa mundo ay tulad ng kay Cristo. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung natatakot man ang isang tao, itoʼy dahil sa takot na maparusahan, at ipinapakita lang nito na hindi pa lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig.
19 Umiibig tayo sa Dios dahil siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing mahal niya ang Dios ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Dahil kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya mahal, paano pa kaya niya magagawang mahalin ang Dios na hindi naman niya nakikita? 21 Kaya ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Cristo: ang taong nagmamahal sa Dios ay dapat ding magmahal sa kanyang kapatid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®