M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pakikipaglaban ng mga Israelita sa mga Midianita
31 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Gantihan mo ang mga Midianita dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita. Pagkatapos mo itong gawin, mamamahinga ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno.”
3 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Maghanda ang iba sa inyo sa pakikipaglaban sa mga Midianita dahil gusto ng Panginoon na gantihan natin sila. 4 Magpadala ang bawat lahi ng 1,000 tao sa digmaan.”
5 Kaya 12,000 tao na galing sa 12 lahi ng Israel ang naghanda para sa labanan. 6 Ipinadala sila ni Moises sa labanan, 1,000 mula sa bawat lahi na pinamumunuan ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Nagdala si Finehas ng mga kagamitan mula sa templo at ng mga trumpeta para sa pagbibigay-babala.
7 Nakipaglaban sila sa mga Midianita, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises at pinatay nila ang lahat ng lalaki. 8 Kasama sa pinatay nila ang limang hari ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Pinatay din nila si Balaam na anak ni Beor sa pamamagitan ng espada. 9 Binihag nila ang mga babae at mga batang Midianita, at sinamsam nila ang kanilang mga hayop at mga ari-arian. 10 Sinunog nila ang lahat ng bayan pati ang lahat ng kampo ng mga Midianita. 11 Dinala nila ang kanilang mga sinamsam, maging tao o hayop man, 12 kina Moises at Eleazar na pari at sa mga mamamayan ng Israel doon sa kanilang kampo sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
13 Sinalubong sila nina Moises, Eleazar na pari at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel sa labas ng kampo. 14 Nagalit si Moises sa mga opisyal ng mga sundalo na nanggaling sa digmaan. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? 16 Sila ang mga sumunod sa payo ni Balaam sa paghikayat sa mga Israelita na itakwil ang Panginoon doon sa Peor, kaya dumating ang salot sa mamamayan ng Panginoon. 17 Kaya patayin ninyo ang lahat ng batang lalaki, at ang lahat ng babaeng nasipingan na. 18 Pero ang mga babaeng hindi pa nasisipingan ay itira ninyong buhay para sa inyo. 19 Ang lahat sa inyo na nakapatay o nakahipo ng patay ay kailangang manatili sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sa ikatlo at ikapitong araw, kailangang maglinis kayo at ang inyong mga bihag. 20 Linisin ninyo ang lahat ng damit ninyo, pati ang lahat ng kagamitang gawa sa balat o sa balahibo ng kambing o sa kahoy.”
21 Pagkatapos, sinabi ng paring si Eleazar sa mga sundalo na nagpunta sa labanan, “Ito ang tuntunin ng kautusang ibinigay ng Panginoon kay Moises: 22-23 Ang anumang bagay na hindi nasusunog gaya ng ginto, pilak, tanso, bakal, lata o tingga ay kailangang ilagay sa apoy para maging malinis ito. Pagkatapos, hugasan ito ng tubig na ginagamit sa paglilinis. Ang kahit anong hindi nasusunog ay hugasan lang sa tubig na ito. 24 Sa ikapitong araw, kailangang labhan ninyo ang inyong mga damit at ituturing na kayong malinis, at makakapasok na kayo sa kampo.”
Ang Paghahati-hati ng mga Nasamsam
25 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 26 “Bilangin ninyo ni Eleazar na pari at ng mga pinuno ng kapulungan ang lahat ng tao at hayop na nabihag. 27 Hatiin ninyo ito sa mga sundalo na nakipaglaban at sa kapulungan ng Israel. 28 Mula sa bahagi ng mga sundalo, magbukod ka ng para sa Panginoon, isa sa bawat 500 bihag, tao man o baka, asno, tupa, o kambing. 29 Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang bahagi ng Panginoon. 30 Mula sa parte ng mga Israelita, magbukod ka ng isa sa bawat 50 bihag, tao man o baka, asno, tupa, kambing o iba pang mga hayop. Ibigay ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.” 31 Kaya ginawa ni Moises at ng paring si Eleazar ang iniutos ng Panginoon kay Moises.
32-35 Ito ang nasamsam ng mga sundalo sa digmaan: 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno at 32,000 babaeng hindi pa nasipingan. 36-40 Ito ang kalahati ng parte ng mga sundalong nakipaglaban. 337,500 tupa na ang 675 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 36,000 baka na ang 72 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 30,500 asno na ang 61 nito ay ibinigay para sa Panginoon; at 16,000 dalaga[a] na ang 32 nito ay ibinigay para sa Panginoon.
41 Ibinigay ni Moises sa kay Eleazar na pari ang bahagi para sa Panginoon ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 42-46 Ito ang parte ng mga Israelita na kalahati ng ibinigay ni Moises sa mga sundalong nakipaglaban: 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno at 16,000 dalaga.[b] 47 Mula sa parteng ito ng Israelita, nagbukod si Moises ng isa sa bawat 50 tao o hayop ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. At ibinigay niya ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.
48 Pagkatapos, pumunta kay Moises ang mga opisyal ng mga sundalo 49 at sinabi sa kanya, “Binilang namin ang mga sundalo na sakop namin at wala ni isa mang kulang. 50 Kaya inihahandog namin sa Panginoon ang gintong mga bagay na aming nakuha sa labanan – pulseras sa braso at kamay, mga singsing, mga hikaw at mga kwintas, para hindi kami parusahan ng Panginoon.”
51 Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na ginto. 52 Ang bigat ng mga gintong ito na dinala ng mga opisyal ng mga sundalo na inihandog ni Moises at ni Eleazar sa Panginoon ay 200 kilo. 53 Itoʼy mula sa mga nasamsam ng bawat sundalo sa labanan. 54 Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga opisyal ng libu-libo at daan-daang sundalo ay dinala nila ito sa Toldang Tipanan para alalahanin ng Panginoon ang mga Israelita.
Ang Dios ang Hukom
75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
2 Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
3 Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
4 Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
5 Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
6 Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
7 kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
8 Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
9 Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.
Sa Dios ang Tagumpay
76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
at sa Israel ay dakila siya.
2 Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[d]
3 Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
4 O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[e]
5 Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
6 O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[f] ang mga kawal[g] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
7 Kaya dapat kayong katakutan.
Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
8 Mula sa langit ay humatol kayo.
Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
9 nang humatol kayo, O Dios,
upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[h] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.
Ang Mensahe tungkol sa Tyre at Sidon
23 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Tyre:
Umiyak kayong mga pasahero ng mga barko ng Tarshish. Sapagkat nawasak na ang inyong daungan sa Tyre. Sinabi na iyon sa inyo ng mga nanggaling sa Cyprus.[a] 2 Tumahimik kayong mga naninirahan sa tabing-dagat pati na kayong mga mangangalakal ng Sidon. Ang inyong mga biyahero na nagpayaman sa inyo ay bumibiyahe 3 sa mga karagatan para bumili at magbenta ng mga ani mula sa Shihor na bahagi ng Ilog ng Nilo. At nakikipagkalakalan sa inyo ang mga bansa. 4 Mahiya ka, lungsod ng Sidon, ikaw na kanlungan ng mga taong nakatira sa tabing-dagat. Itinatakwil ka na ng karagatan. Sinabi niya, “Wala na akong anak; wala akong inalagaang anak, babae man o lalaki.”
5 Labis na magdaramdam ang mga taga-Egipto kapag nabalitaan nila ang nangyari sa Tyre. 6 Umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa tabing-dagat. Tumawid kayo sa Tarshish. 7 Noon, masaya ang lungsod ng Tyre na itinayo noong unang panahon. Nakaabot ang mga mamamayan nito sa malalayong lupain at sinakop nila ang mga lupaing iyon. Pero ano ang nangyari sa kanya ngayon? 8 Sino ang nagplano ng ganito sa Tyre? Ang lungsod na ito ay sumakop ng mga lugar. Ang mararangal na mangangalakal nito ay tanyag sa buong mundo. 9 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagplano nito para ibagsak ang nagmamalaki ng kanyang kapangyarihan at ang mga kinikilalang tanyag sa mundo. 10 Kayong mga taga-Tarshish ay malayang dumaan sa Tyre, katulad ng Ilog ng Nilo na malayang dumadaloy, dahil wala nang pipigil sa inyo. 11 Iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa dagat, at niyanig niya ang mga kaharian. Iniutos niyang wasakin ang mga kampo ng Fenicia[b] 12 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan[c] ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw ninyo. Wasak na kayo! Kahit na tumakas kayo papuntang Cyprus, hindi pa rin kayo magkakaroon ng kapahingahan doon.”
13 Tingnan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia.[d] Nasaan na ang mga mamamayan nito? Sinalakay ito ng Asiria at winasak ang matitibay na bahagi nito. Pinabayaan itong giba at naging tirahan ng maiilap na hayop. 14 Umiyak kayo, kayong mga nagbibiyahe sa Tarshish, dahil nawasak na ang lungsod na pinupuntahan ninyo. 15 Ang Tyre ay makakalimutan sa loob ng 70 taon, kasintagal ng buhay ng isang hari. Pero pagkatapos ng panahong iyon, matutulad siya sa isang babaeng bayaran sa awiting ito: “Babaeng bayaran, ikaw ay nalimutan na. 16 Kaya kunin mo ang iyong alpa at tugtugin mong mabuti habang nililibot mo ang lungsod. Umawit ka nang umawit para maalala ka.”
17 Pagkatapos ng 70 taon, aalalahanin ng Panginoon ang Tyre. Pero muling gagawin ng Tyre ang ginawa niya noon, na katulad ng ginawa ng babaeng bayaran. Gagawa siya ng masama sa lahat ng kaharian ng mundo para magkapera. 18 Pero sa bandang huli, ang kikitain niyaʼy hindi niya itatabi. Ihahandog niya ito sa Panginoon para pambili ng maraming pagkain at magagandang klase ng damit para sa mga naglilingkod sa Panginoon.
Ang Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
1 Ipinapahayag namin sa inyo ang tungkol sa kanya na mula pa sa simula ay nariyan na.[a] Narinig namin siya, nakitaʼt napagmasdan ng sarili naming mga mata, at nahawakan pa namin siya. Siya ang Salita ng Dios na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 2 Siya na pinagmumulan ng buhay na walang hanggan ay nahayag at aming nakita. Pinapatotohanan at ipinapahayag namin siya sa inyo, na sa simulaʼt simula pa ay kasama na ng Ama, at nagpakita sa amin. 3 Ipinapahayag namin sa inyo ang nakita at narinig namin upang maging kaisa namin kayo sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. 4 Isinusulat namin ito upang malubos ang aming[b] kagalakan.
Ang Pamumuhay sa Liwanag
5 Ito ang mensaheng narinig namin mula kay Jesu-Cristo at ipinapahayag naman namin sa inyo: Ang Dios ay liwanag at sa kanya ay walang anumang kadiliman. 6 Kung sinasabi nating may pakikiisa tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan. 7 Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Dios na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. 9 Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Dios ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya. 10 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, ginagawa nating sinungaling ang Dios, at wala sa atin ang kanyang salita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®