Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 25

Sumamba ang mga Israelita kay Baal

25 Habang nagkakampo ang mga Israelita sa Shitim, nakipagtalik ang mga lalaki sa mga babaeng Moabita. Hinikayat sila ng mga babaeng ito sa paghahandog sa mga dios-diosan, at kumain sila ng mga handog na ito at sumamba sa mga dios-diosan ng Peor. Kaya nahikayat ang mga Israelita sa pagsamba kay Baal ng Peor. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang lahat ng pinuno ng mga taong ito, at patayin sila sa aking presensya habang nakatingin ang mga tao, para mawala na ang matindi kong galit sa Israel.” Kaya sinabi ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Kailangang patayin ninyo ang mga taong sumamba kay Baal ng Peor.”

Ngayon, may isang Israelitang nagdala ng isang Midianitang babae sa kanyang pamilya. Nakita ito ni Moises at ng buong kapulungan ng Israel habang nagluluksa sila roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. Pagkakita rito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron, umalis siya sa kapulungan at kumuha ng sibat. Sinundan niya ang tao sa loob ng tolda, at sinibat niya ang dalawa. Pagkatapos, huminto ang salot sa Israel, pero 24,000 ang namatay dahil sa salot.

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 11 “Inalis ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron ang aking galit sa mga Israelita. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa, ipinakita niya ang kanyang kagustuhan na protektahan ang aking karangalan sa gitna nila. Kaya hindi ko sila nilipol. 12 Kaya sabihin mo sa kanya na gagawa ako ng kasunduan sa kanya na pagpapalain ko siya. 13 At sa kasunduang ito, siya at ang kanyang mga angkan ang magiging mga pari magpakailanman dahil ipinakita niya ang aking galit at tinubos niya ang mga Israelita sa kanilang mga kasalanan.”

14 Ang Israelitang namatay kasama ng babaeng Midianita ay si Zimri na anak ni Salu, na pinuno ng isang pamilya na lahi ni Simeon. 15 At ang Midianitang babae ay si Cozbi na anak ni Zur. Si Zur ay isang pinuno ng isang pamilyang Midianita.

16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 17 “Ituring ninyong kaaway ang mga Midianita, at patayin ninyo sila, 18 dahil itinuring din nila kayong kaaway sa pamamagitan ng panlilinlang sa inyo roon sa Peor at dahil din kay Cozbi na anak ng isang pinunong Midianita. Pinatay ang babaeng ito noong dumating ang salot sa Peor.”

Salmo 68

Awit ng Pagtatagumpay

68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
    Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
    Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
Awitan ninyo ang Dios,
    awitan ninyo siya ng mga papuri.
    Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
    Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
    Magalak kayo sa kanyang harapan!
Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
    Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
    at binibigyan sila ng masaganang buhay.
    Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
    O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.

11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
    at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
    Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
    ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
    kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
    at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
    pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]

15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
    Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
    At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]
19 Purihin ang Panginoon,
    ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
    Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
    pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
    at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
    at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
    kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
    at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[g]
    katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
    Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
    hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
    Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
    Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

Isaias 15

Ang Mensahe tungkol sa Moab

15 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab:

Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab. Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan. Nakadamit sila ng sako[a] habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa. Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot. Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit. Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim, kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila. Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim. Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon,[b] pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.

1 Pedro 3

Sa mga Mag-asawa

Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita. Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Dios at malinis ang pamumuhay ninyo. Kung gusto ninyong maging maganda, huwag sa panlabas lang tulad ng pag-aayos nʼyo ng buhok na nilalagyan ng mamahaling alahas, at pagsusuot ng mamahaling damit. Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinhin kayo at maging mabait. Ito ang mahalaga sa paningin ng Dios. At ito ang ginagawa ng mga babaeng banal noong unang panahon. Nagpapaganda sila sa pamamagitan ng pagpapasakop nila sa kanilang asawa. Katulad ni Sara, sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang “panginoon.” Mga anak na kayo ni Sara, kaya dapat matuwid ang ginagawa nʼyo, at huwag kayong matakot sa kahit anuman.

Kayo namang mga lalaki, pakisamahan ninyong mabuti ang inyong asawa, dahil ito ang nararapat bilang isang Cristiano. Igalang nʼyo sila bilang mga babaeng mas mahina kaysa sa inyo, dahil binigyan din sila ng Dios ng buhay na walang hanggan katulad ninyo. Kapag ginawa nʼyo ito, sasagutin ng Dios ang mga panalangin ninyo.

Magmahalan Kayong Lahat

Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
    Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,
    ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”[a]

13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo? 14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. 15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo. 17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu. 19-20 At sa kalagayan niyang espiritwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, na hindi sumunod sa Dios noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Dios ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Dios na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya. 22 Si Jesu-Cristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Dios,[b] at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®