M’Cheyne Bible Reading Plan
24 Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto 2 at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, 3 at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[a] 4 Narinig ko ang salita ng Dios, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin.[b] Ito ang aking mensahe:
5 ‘Anong ganda ng mga toldang tinitirhan ng mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob.
6 Katulad ito ng mga nakalinyang palma, o ng mga tanim sa tabi ng ilog.
Katulad din ito ng puno ng aloe na itinanim ng Panginoon, o ng mga puno ng sedro sa tabi ng tubig.
7 Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan, at nagtatanim sila ng buto sa mga lupang sagana sa tubig.
Ang kanilang hari ay magiging mas makapangyarihan kaysa kay Agag na hari ng Amalekita, at ang kanilang kaharian ay magiging tanyag.
8 Inilabas sila ng Dios sa Egipto; para sa kanila, katulad siya ng isang malakas na toro.
Lulupigin nila ang kanilang mga kaaway; tutuhugin sa tulis ng pana at dudurugin ang kanilang mga buto.
9 Katulad sila ng mga leon na kapag nakatulog na ay wala nang mangangahas pang gumising sa kanila.
Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila.’ ”
10 Dahil dito, matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, pero binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. 11 Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, pero hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.” 12 Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, 13 na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. 14 Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam
15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[c] 16 Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin.[d] Ito ang aking mensahe:
17 “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari[e] sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. 18 Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel. 19 Mamumuno ang isang pinuno sa Israel[f] at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”
Ang Huling Mensahe ni Balaam
20 Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya, “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, pero sa huli, babagsak ito.”
21 Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Keneo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakapatong ito sa mga bato 22 pero babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.”
23 At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag, sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Dios? 24 Darating ang mga barko mula sa Kitim at sasakupin nila ang mga mamamayan ng Asiria at ng Eber, pero babagsak din ang Kitim.”
25 Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Babalik ang mga Israelita mula sa Pagkabihag
14 Kaaawaan ng Panginoon ang Israel at muli niyang pipiliin bilang mga mamamayan niya. Muli niyang patitirahin ang mga ito sa sarili nilang lupain, at may mga dayuhang maninirahang kasama nila. 2 Tutulungan ng ibang bansa ang Israel para makabalik sila sa lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. At magiging alipin nila roon ang mga dayuhan. Bibihagin nila ang mga bumihag sa kanila noon, at sasakupin nila ang mga umapi sa kanila.
Mamamatay ang Hari ng Babilonia
3 Mga Israelita, sa araw na pagpapahingahin kayo ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, 4 kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:
“Bumagsak na ang mapang-aping hari. Tapos na ang kanyang pagpapahirap. 5 Winakasan na ng Panginoon ang kapangyarihan ng masasamang pinuno, 6 na sa galit nilaʼy walang tigil ang pagpapahirap nila sa mga tao, at matindi kung umusig ng mga bansa. 7 Sa wakas ay magiging payapa na rin ang buong mundo. At mag-aawitan ang mga tao sa tuwa. 8 Magagalak pati ang mga puno ng sipres[a] at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para silang tao na nagsasabi, ‘Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.’
9 “Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na silang salubungin ka. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka. 10 Sasabihin nilang lahat sa iyo, ‘Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo. 11 Ngayong patay ka na, wala ka nang kapangyarihan, at wala na rin ang mga tugtugan ng mga alpa para parangalan ka. Uod na ang higaan at ang kumot mo.’
12 “Nahulog ka mula sa langit, ikaw na tinatawag na tala sa umaga. Ibinagsak ka sa lupa, ikaw na nagpasuko ng mga bansa. 13 Sinabi mo sa iyong sarili, ‘Aakyat ako sa langit, at ilalagay ko ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Dios. Uupo ako sa itaas ng bundok na pinagtitipunan ng mga dios sa bandang hilaga. 14 Aakyat ako sa itaas ng mga ulap, at magiging gaya ng Kataas-taasang Dios.’
15 “Pero ano ang nangyari sa iyo? Dinala ka sa lugar ng mga patay, sa pinakamalalim na hukay. 16 Tititigan kang mabuti ng mga patay at sasabihin nila, ‘Hindi baʼt ito ang taong kinatatakutan ng mga tao sa mundo, at ang yumanig ng mga kaharian? 17 Hindi baʼt siya ang nagwasak ng mga lungsod, ginawang parang ilang ang buong mundo, at hindi nagpalaya sa kanyang mga bihag?’
18 “Ang lahat ng hari sa mundo ay marangal na nakahimlay sa sarili nilang libingan. 19 Pero ikaw naman ay itatapon na parang sanga na walang silbi. Tatambakan ka ng mga bangkay ng mga sundalong namatay sa digmaan. Ihuhulog ka sa hukay kasama nila at tatambakan ng mga bato. Matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan ng mga tao. 20 Hindi ka ililibing na katulad ng ibang hari, dahil winasak mo ang sarili mong bansa at pinatay ang mga mamamayan mo. Walang matitira sa masamang lahi mo.
21 “Ihanda na ang lugar kung saan papatayin ang mga anak niya dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Hindi na sila papayagang sumakop pa ng mga lupain o magtayo ng mga lungsod sa buong mundo.”
22 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia. Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito. Walang matitira sa kanilang mga lahi. 23 Gagawin ko itong ilang, na may maraming latian, at gigibain ko na parang winalisan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Asiria
24 Nanumpa ang Panginoong Makapangyarihan at sinabi, “Mangyayari ang plano ko; matutupad ang desisyon ko. 25 Lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa lupain ng Israel. Dudurugin ko sila sa aking mga bundok. Hindi na nila maaaring alipinin ang mga mamamayan ko. 26 Ito ang binabalak kong gawin sa buong mundo. Ganito ang parusang ipapakita ko sa lahat ng bansa.” 27 Sino ang makakapagbago ng plano ng Panginoong Makapangyarihan? Sino ang makakapigil sa kanyang pagpaparusa?
Ang Mensahe tungkol sa mga Filisteo
28 Ang mensaheng itoʼy sinabi ng Dios noong namatay si Haring Ahaz:
29 Mga Filisteo, huwag muna kayong magalak sa pagkamatay ng haring sumalakay sa inyo. Sapagkat ang anak niyang papalit ay mas mabagsik kaysa sa kanya, parang isang ahas na namatay pero nagkaanak ng mas makamandag na ahas na tila lumilipad. 30 Ang mga mahihirap kong mamamayan ay pakakainin ko at bibigyan ng kapahingahan nang walang anumang kinatatakutan. Pero pababayaan kong mamatay sa gutom ang mga lahi mo, at ang matitira sa kanila ay papatayin ko pa rin. 31 Umiyak kayo nang malakas, kayong mga mamamayan ng mga bayan ng Filistia. Sapagkat sasalakay sa inyo ang inyong mga kaaway na parang usok mula sa hilaga at silaʼy pawang matatapang.
32 Ano ang isasagot natin sa mga sugo ng bansang iyon? Sabihin natin sa kanila na ang Panginoon ang nagtayo ng Zion, at dito manganganlong ang nahihirapan niyang mga mamamayan.
2 Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan 3 ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, 5 kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,
“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[a]
7 Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[b]
8 “Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[c]
Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. 9 Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.
11 Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. 12 Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating niya.
Magpasakop Kayo sa mga Tagapamahala ng Bayan
13 Alang-alang sa Panginoon, magpasakop kayo sa lahat ng tagapamahala ng bayan, maging sa emperador na may pinakamataas na kapangyarihan 14 o sa mga gobernador na sinugo ng Dios para magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan. 16 Malaya nga kayo, pero hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Dios. 17 Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Dios, at igalang ninyo ang Emperador.
Tularan Ninyo si Cristo
18 Mga alipin, sundin ninyo nang may takot sa Dios ang mga amo ninyo, hindi lang ang mababait kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya. 20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios. 21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. 22 Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. 23 Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Dios na humahatol nang makatarungan. 24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®