M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tubig na Ginagamit sa Paglilinis
19 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2 “Ito pa ang isang tuntunin na gusto kong tuparin ninyo: Sabihan ninyo ang mga Israelita na dalhan kayo ng isang pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa nagagamit sa pag-aararo.[a] 3 Ibigay ninyo ito kay Eleazar na pari at dalhin ninyo sa labas ng kampo at katayin sa kanyang harapan. 4 Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng dugo nito sa pamamagitan ng kanyang daliri, at iwiwisik ito ng pitong beses sa harapan ng Toldang Tipanan. 5 At habang nakatingin si Eleazar, susunugin ang buong baka – ang balat, ang laman, dugo at mga bituka nito. 6 Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng isang putol ng punong sedro, isang sanga ng tanim na isopo at pulang panali na ihahagis lahat sa sinusunog na baka. 7 Pagkatapos, kailangang labhan ni Eleazar ang kanyang damit at maligo siya. At pagkatapos, makakapasok na siya sa kampo, pero ituturing siyang marumi hanggang hapon. 8 Ang taong nagsunog ng baka ay kailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo, at ituturing din siyang marumi hanggang hapon.
9 “Ang taong itinuturing na malinis ang siyang kukuha ng abo ng baka, at ilalagay niya ito sa isang lugar na itinuturing na malinis sa labas ng kampo. Itatago ito pero gagamitin ng mamamayan ng Israel na panghalo sa tubig na gagamitin sa paglilinis. Ginagamit ang seremonyang ito para mawala ang kasalanan. 10 Kailangang labhan ng taong kumuha ng abo ng baka ang kanyang damit, at ituturing din siyang marumi hanggang sa hapon. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng mga Israelita at dayuhan na naninirahang kasama ninyo magpakailanman.
11 “Ang sinumang hihipo sa bangkay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 12 Kailangang linisin niya ang kanyang sarili ng tubig na ginagamit sa paglilinis sa ikatlo at ikapitong araw. Pagkatapos, ituturing na siyang malinis. Pero kung hindi siya maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw, hindi siya ituturing na malinis. 13 Ang sinumang makakahipo sa bangkay na hindi naglinis ng kanyang sarili[b] ay para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. Kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan ang taong iyon. Dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya.
14 “Ito ang tuntunin kung may taong mamatay sa loob ng tolda: Ang sinumang pumasok sa tolda o kayaʼy naroon na sa loob nang mamatay ang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 15 At ituturing din na marumi ang anumang mga lalagyan sa tolda na walang takip.
16 “Ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw ang sinumang nasa labas ng kampo na nakahipo ng bangkay, pinatay man ito o namatay sa natural na paraan. Ganoon din sa nakahipo sa buto ng tao o nakahawak ng libingan.
17 “Upang mawala ang pagiging marumi, ilagay sa lalagyan ang ibang mga abo ng baka na inihahandog para sa paglilinis at pagkatapos, dadagdagan ito ng tubig. 18 Pagkatapos, kukuha ang taong itinuturing na malinis ng isang sanga ng tanim na isopo, at isasawsaw niya ito sa nasabing tubig, at iwiwisik sa tolda na may namatay at sa lahat ng kagamitan dito, at sa mga tao na nasa tolda. Wiwisikan din ang taong nakahipo ng buto ng tao o ng libingan, o ang sinumang pinatay o namatay sa natural na kamatayan. 19 Sa ikatlo at ikapitong araw, wiwisikan ng malinis na tao ang maruming tao. At sa ikapitong araw, kailangang labhan ng taong nilinisan ang kanyang damit at maligo siya, at sa gabing iyoʼy ituturing na siyang malinis. 20 Pero kung ang taong marumi ay hindi maglilinis, huwag na siyang ituring na kababayan ninyo, dahil para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. At dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya. 21 Ang tuntuning ito ay dapat nilang sundin magpakailanman.
“Ang taong nagwisik ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay kailangang maglaba ng kanyang damit, at ang sinumang humipo ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay ituturing na marumi hanggang hapon. 22 Ang sinuman o anuman na hahawak o hihipo sa maruming tao ay magiging marumi rin hanggang hapon.”
Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]
56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
Palagi nila akong pinahihirapan.
2 Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
O Kataas-taasang Dios.[b]
3 Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
4 O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
5 Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
6 Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
7 Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
8 Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
9 Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.
Dalangin para Tulungan ng Dios
57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
2 Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
3 Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
4 Napapaligiran ako ng mga kaaway,
parang mga leong handang lumapa ng tao.
Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
mga dilaʼy kasintalim ng espada.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
7 O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
8 Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
9 Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.
Ipinanganak ang Anak na Lalaki ni Isaias
8 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng isang malapad na sulatan, at isulat mo ang mga katagang ito: ‘Maher Shalal Hash Baz.’ ”[a] 2 Kumuha ako ng dalawang mapagkakatiwalaang saksi na magpapatunay na isinulat ko nga ito. Sila ay sina Uria na pari, at Zacarias na anak ni Jeberekia.
3 Pagkatapos, sumiping ako sa aking asawa. Hindi nagtagal, naglihi siya at nanganak ng lalaki. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Pangalanan mo siyang Maher Shalal Hash Baz. 4 Bago matutong tumawag ang bata ng ‘tatay’ o ‘nanay,’ ang kayamanan ng Damascus at ang mga sinamsam ng Samaria ay kukunin ng hari ng Asiria.”
5 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 6 “Dahil sa tinanggihan ng mga taong ito[b] ang tubig ng Shiloa na umaagos nang banayad,[c] at natutuwa sila kay Haring Rezin at Haring Peka, 7 ipapasalakay ko sila sa hari ng Asiria at sa mga sundalo nito na parang Ilog ng Eufrates na bumabaha at umaapaw sa kanyang mga pampang. 8 Dadagsa sila sa Juda gaya ng baha na ang tubig ay tumataas hanggang leeg at umaapaw sa buong lupain.”
Pero kasama namin ang Dios![d] 9 Kayong mga bansa, kahit na magsama-sama kayo, magkakawatak-watak pa rin kayo. Makinig kayong mga nasa malayo! Kahit na maghanda pa kayo sa pakikipagdigma, matatalo pa rin kayo. 10 Anuman ang binabalak ninyo laban sa amin ay hindi magtatagumpay, dahil kasama namin ang Dios.[e]
Panawagan ng Pagtitiwala sa Dios
11 Mariin akong binalaan ng Panginoon na huwag kong gagayahin ang pamamaraan ng mga kababayan ko. 12 Sinabi rin niya, “Huwag kayong makikipag-isa sa ibang mga bansa katulad ng ginagawa ng iba. Huwag kayong matatakot sa kinakatakutan nila, at huwag kayong kabahan. 13 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay dapat ninyong kilalaning banal. Ako ang dapat ninyong katakutan. 14 Ako ang magiging kanlungan ninyo. Pero sa mga taga-Israel at taga-Juda, katulad ako ng isang batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila. At para sa mga taga-Jerusalem, para akong isang bitag. 15 Marami sa kanila ang matitisod, madadapa at mapapahamak. Masisilo sila at mahuhuli.”
16 Kayong mga tagasunod ko, ingatan ninyo ang mga aral ko. 17 Magtitiwala ako sa Panginoon kahit na tinalikuran niya ang lahi ni Jacob. Sa kanya ako aasa. 18 Ako at ang mga anak kong ibinigay ng Panginoon ay mga palatandaan para sa Israel[f] mula sa Panginoong Makapangyarihan na nakatira sa Bundok ng Zion. 19 Kapag may mga nagsasabi sa inyong humingi kayo ng mensahe mula sa mga patay sa pamamagitan ng mga mangkukulam at mga espiritistang bumubulong-bulong, huwag ninyong gagawin iyon. Hindi ba dapat sa Dios kayo humingi ng mensahe? Bakit sa mga patay kayo nagtatanong tungkol sa mga buhay? 20 Ang kautusan at katuruan ng Panginoon ang dapat ninyong pakinggan. Kapag may mga nagsasabi ng mga bagay na salungat sa mga itinuturo ng Panginoon, nadidiliman pa ang pag-iisip ng mga taong iyon.
21 Lalakad sila na pagod at gutom. At dahil sa gutom, magagalit sila at susumpain ang hari nila at ang kanilang Dios. Tumingala man sila sa langit 22 o tumingin sa lupa wala silang makikita kundi kahirapan at kadiliman. At doon sila dadalhin sa matinding kadiliman.
Ang Haring Darating
9 Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[g] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio. 2 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.
3 Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan. 4 Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.[h] 5 Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.
6 Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.” 7 Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.
Babala Laban sa mga May Pinapaboran
2 Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Jesu-Cristo, dapat wala kayong pinapaboran. 2 Halimbawa, dumating sa inyong pagtitipon ang isang mayaman na may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit naman ang damit. 3 Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at bibigyan ng upuan, samantalang ang mahirap ay patatayuin na lang ninyo o pauupuin sa sahig, 4 hindi baʼt may pinapaboran kayo ayon sa masama ninyong pag-iisip?[a]
5 Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid: Hindi baʼt pinili ng Dios ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagmamahal sa kanya? 6 Ngunit minamaliit nʼyo naman ang mga mahihirap. Hindi baʼt ang mga mayayaman ang nagpapahirap at nagpaparatang sa inyo? 7 Hindi baʼt sila ang nanlalait sa marangal na pangalan ni Jesu-Cristo, at sa pangalang ito kayo nakilala?
8 Pero kung sinusunod nʼyo ang utos ng Hari sa Kasulatan, na nagsasabi, “Mahalin mo ang iyong kapwa, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili,”[b] mabuti ang ginagawa ninyo. 9 Ngunit kung may pinapaboran kayo, nagkakasala kayo at ayon sa Kautusan dapat kayong parusahan, dahil nilabag nʼyo ang utos na ito. 10 Ang tumutupad sa buong Kautusan pero lumabag sa isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan. 11 Sapagkat ang Dios na nag-utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagsabi ring, “Huwag kang papatay.”[c] Hindi ka nga nangangalunya, pero pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya mag-ingat kayo sa pananalita at gawa nʼyo, dahil ang Kautusan na nagpalaya sa inyo ang siya ring hahatol sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ng Dios ang hindi marunong maawa; pero ang maawain sa kapwa ay hindi kailangang matakot sa oras ng paghatol.
Ang Pananampalataya at Mabuting Gawa
14 Mga kapatid, ano bang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, pero wala naman siyang mabuting gawa? Maliligtas ba siya ng ganyang pananampalataya? 15 Halimbawa, walang maisuot at walang makain ang isang kapatid, 16 at sasabihan mo, “Pagpalain ka ng Dios at hindi ka sana ginawin at magutom,” pero hindi mo naman siya binigyan ng kailangan niya, may nagawa ba itong mabuti? 17 Ganito rin naman ang pananampalataya; kung hindi ito kinakikitaan ng mabuting gawa, wala itong kabuluhan.[d]
18 Kung talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting gawa.” Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung wala ka namang mabuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa pamamagitan ng mabuti kong gawa. 19 Naniniwala ka na may iisang Dios? Mabuti iyan! Pero kahit ang masasamang espiritu man ay naniniwala rin, at nanginginig pa nga sa takot. 20 Ikaw na walang pang-unawa, gusto mo bang patunayan ko na walang kabuluhan ang pananampalataya kung walang mabuting gawa? 21 Hindi baʼt itinuring na matuwid ng Dios ang ninuno nating si Abraham dahil sa mabuti niyang gawa nang ihandog niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Makikita mo na ang pananampalataya niyaʼy may kasamang mabuting gawa. Naipakita na tunay[e] ang pananampalataya niya sa pamamagitan ng mabuting gawa. 23 Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil dito, itinuring siyang matuwid. Tinawag pa nga siyang kaibigan ng Dios.”[f] 24 Dito nʼyo makikita na itinuturing na matuwid ng Dios ang tao dahil sa mabuti nitong gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.
25 Ganoon din si Rahab, ang babaeng bayaran. Itinuring siyang matuwid dahil itinago niya ang mga espiya ng mga Israelita at itinuro ang ibang daan para makatakas sila.
26 Kung paanong patay ang katawang walang espiritu, patay din ang pananampalataya kung walang mabuting gawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®