M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagrebelde si Kora at ang Kanyang mga Kasama
16 1-2 Ngayon, nagrebelde kay Moises si Kora na anak ni Izar, na angkan ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa pagrerebelde sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na mula sa lahi ni Reuben. May kasama pa silang 250 lalaking Israelita na kilala at pinili ng mga pinuno mula sa kapulungan ng Israel. 3 Pumunta silang lahat kina Moises at Aaron, at sinabi, “Sobra na ang ginagawa nʼyo sa amin, ang buong sambayanan ay banal at nasa gitna nila ang presensya ng Panginoon, kaya bakit ninyo ginagawang mas mataas ang inyong sarili ng higit sa aming lahat?” 4 Pagkarinig nito ni Moises, nagpatirapa siya para manalangin sa Panginoon. 5 Pagkatapos, sinabi niya kay Kora at sa lahat ng kanyang tagasunod, “Bukas ng umaga, ipapahayag ng Panginoon kung sino ang totoong pinili na maglingkod sa kanya bilang mga pari dahil palalapitin niya sa kanyang presensya ang kanyang pinili. Kaya ganito ang inyong gagawin bukas: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso 6-7 at lagyan ninyo ito ng baga at insenso, at dalhin sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, makikita natin kung sino ang pinili ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Kayong mga Levita ang sumusobra na ang mga ginagawa!” 8 Sinabi pa ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ito, kayong mga Levita. 9 Hindi pa ba sapat sa inyo na sa buong mamamayan ng Israel, kayo ang pinili ng Dios ng Israel na makalapit sa kanyang presensya para maglingkod sa kanyang Tolda at para maglingkod para sa sambayanan? 10 Pinili niya kayo at ang iba pang mga Levita para makalapit sa kanyang presensya, at ngayon gusto pa ninyong maging pari? 11 Sino ba si Aaron para reklamuhan ninyo? Sa ginagawa ninyong iyan, ang Panginoon ang inyong kinakalaban.”
12 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Pero sinabi nila, “Hindi kami pupunta! 13 Hindi pa ba sapat na kinuha mo kami sa Egipto na maganda at masaganang lupain[a] para patayin lang kami rito sa ilang? At ngayon, gusto mo pang maghari sa amin. 14 At isa pa, hindi mo kami dinala sa maganda at masaganang lupain o binigyan ng mga bukid o mga ubasan na aming aariin. Ngayon, gusto mo pa ba kaming lokohin? Hindi kami pupunta sa iyo!”
15 Nagalit si Moises at sinabi niya sa Panginoon, “Huwag po ninyong tatanggapin ang kanilang mga handog. Hindi ako nagkasala sa sinuman sa kanila; wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno.”
16 Sinabi ni Moises kay Kora, “Bukas, ikaw at ang iyong mga tagasunod ay pupunta sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at pupunta rin doon si Aaron. 17 Ang 250 na mga tagasunod mo ay pagdalhin mo ng tig-iisang lalagyan ng insenso. Palagyan mo ito ng insenso at ihandog sa Panginoon. Kayo ni Aaron ay magdadala rin ng lalagyan ng insenso.”
18 Kaya kumuha ang bawat isa ng kanya-kanyang lalagyan ng insenso at nilagyan ng baga at insenso, at tumayo sila kasama nina Moises at Aaron sa pintuan ng Toldang Tipanan. 19 Nang magtipon na si Kora at ang mga tagasunod niya sa harapan ni Moises at ni Aaron, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan, nagpakita ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa buong kapulungan. 20 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 21 “Lumayo kayo sa mga taong ito para mapatay ko sila agad.”
22 Pero nagpatirapa sina Moises at Aaron at sinabi, “O Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, magagalit po ba kayo sa buong kapulungan kahit isang tao lang ang nagkasala?” 23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga mamamayan na lumayo sila sa Tolda nina Kora, Datan at ni Abiram.”
25 Pinuntahan ni Moises si Datan at si Abiram, at sumunod sa kanya ang mga tagapamahala ng Israel. 26 Pagkatapos, sinabi niya sa mga mamamayan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito! Huwag kayong hahawak ng kahit anong pag-aari nila, dahil kapag ginawa ninyo ito parurusahan kayong kasama nila dahil sa lahat ng kasalanan nila.” 27 Kaya lumayo ang mga tao sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram. Lumabas sina Datan at Abiram, at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawaʼt anak.
28 Sinabi ni Moises sa mga tao, “Sa pamamagitan nito malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin para sa paggawa ng mga bagay na ito, at hindi ko ito sariling kagustuhan. 29 Kung mamatay ang mga taong ito sa natural na kamatayan, hindi ako isinugo ng Panginoon. 30 Pero kung gagawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay, at mabiyak ang lupa, at lamunin silang buhay, kasama ng lahat nilang mga ari-arian papunta sa mundo ng mga patay, malalaman ninyo na ang mga taong ito ang nagtakwil sa Panginoon.”
31 Pagkatapos magsalita ni Moises, nabiyak ang lupa na kinatatayuan nina Datan at Abiram, 32 at nilamon sila at ang kanilang pamilya ng lupa, kasama ang lahat ng tagasunod ni Kora at ang lahat ng kanilang ari-arian. 33 Buhay silang lahat na nilamon ng lupa pati ang kanilang mga ari-arian. Sumara ang lupa at nawala sila sa kapulungan. 34 Ang lahat ng mga Israelita ay nagsilayo nang marinig nila ang kanilang pagsigaw, dahil iniisip nila na baka lamunin din sila ng lupa.
35 Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng apoy, at nilamon nito ang 250 tagasunod ni Kora na naghahandog ng insenso.
36 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 37 “Sabihin mo sa paring si Eleazar na anak ni Aaron, na kunin niya ang mga lalagyan ng insenso sa mga bangkay na nangasunog, dahil banal ang mga lalagyan. Sabihan mo rin sila na ikalat nila sa malayo ang mga baga 38 ng mga lalagyang ito na galing sa mga taong nangamatay dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipamartilyo ang mga ito hanggang sa mapitpit, at itakip sa altar dahil inihandog ito sa Panginoon at naging banal ito. Ang takip na ito sa altar ay magiging isang babala para sa mga Israelita.”
39-40 Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, ipinakuha ng paring si Eleazar ang mga tansong lalagyan ng insenso na dinala ng mga taong nangasunog at minartilyo niya ito upang itakip sa altar. Isa itong babala para sa mga Israelita na walang sinumang makakalapit sa altar para magsunog ng insenso sa Panginoon maliban lang sa mga angkan ni Aaron upang hindi mangyari sa kanya ang nangyari kay Kora at sa mga tagasunod niya. 41 Pero nang sumunod na araw, nagreklamo na naman ang buong mamamayang Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Pinatay ninyo ang mga mamamayan ng Panginoon.”
42 Habang nagkakaisa silang nagrereklamo kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nila na biglang bumalot ang ulap sa Tolda at ipinakita ng Panginoon ang kanyang makapangyarihang presensya. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Tolda 44 at sinabi ng Panginoon kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong iyan dahil ibabagsak ko sila ngayon din.”
Nagpatirapa ang dalawa.
46 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang lalagyan mo ng insenso at lagyan ito ng insenso at baga galing sa altar, at magmadali kang pumunta sa mga mamamayan at maghandog ka sa Panginoon para mapatawad ang kanilang mga kasalanan, dahil galit na ang Panginoon at nagsimula na ang salot.” 47 Kaya sinunod ni Aaron ang iniutos ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng mga mamamayan. Nagsimula na ang salot sa mga tao, pero naghandog pa rin si Aaron ng insenso para mapatawad ang kasalanan ng mga tao. 48 Tumayo siya sa gitna ng mga taong patay na at ng mga buhay pa at tumigil ang salot. 49 Pero 14,700 ang namatay, hindi pa kasama ang mga namatay dahil kay Kora. 50 Pagkatapos, bumalik si Aaron kay Moises sa pintuan ng Toldang Tipanan dahil tumigil na ang salot.
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 14)
53 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Dios.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
Mailalagay sila sa kahihiyan,
dahil itinakwil sila ng Panginoon.
6 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. 2 May mga makalangit na nilalang[a] sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. 3 Sinasabi nila sa isaʼt isa:
“Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.”
4 Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. 5 Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoong Makapangyarihan.”
6 Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. 7 Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” 8 Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”
9 Sinabi niya, “Umalis ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi rin kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi rin kayo makakakita!’ ”
10 Sinabi pa niya, “Patigasin mo ang puso ng mga taong ito. Hayaan mo silang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan, dahil baka makarinig sila, makakita, at makaunawa. Dahil kung makaunawa sila, magbabalik-loob sila sa akin, at gagaling.”
11 Nagtanong ako, “Panginoon, gaano katagal?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod ng Israel at wala nang manirahan dito. Hanggang sa wala nang tumira sa mga bahay at ang lupain ay maging tiwangwang at wasak. 12 Hanggang sa palayasin ko ang mga Israelita at ang lupain nila ay mapabayaan na. 13 Kahit maiwan pa ang ikasampung bahagi ng mga Israelita sa lupain ng Israel, lilipulin pa rin sila. Pero may mga pinili akong matitira sa kanila. Ang katulad nilaʼy tuod ng pinutol na punong ensina.”
Ang Paglilingkod na Nakalulugod sa Dios
13 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila. 3 Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.
4 Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.
5 Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”[a] 6 Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”[b]
7 Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo. 8 Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong padadala sa kung anu-anong mga aral na iba sa natutunan ninyo. Mas mabuting patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Dios kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin tungkol sa pagkain, na wala namang naidudulot sa mga sumusunod nito.
10 Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Judio na naghahandog sa sambahan nila. 11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog sa paglilinis ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, pero ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. 12 Ganyan din ang nangyari kay Jesus, pinatay siya sa labas ng bayan para malinis niya ang mga tao sa mga kasalanan nila sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang. 15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. 16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.
17 Sundin nʼyo ang mga namumuno sa inyo at magpasakop kayo sa kanila, dahil sila ang nangangalaga sa espiritwal ninyong kalagayan. At alam nilang may pananagutan sila sa Dios sa pangangalaga nila sa inyo. Kung susundin nʼyo sila, magiging masaya sila sa pagtupad ng tungkulin nila. Ngunit kung hindi, malulungkot sila, at hindi ito makakatulong sa inyo.
18 Ipanalangin nʼyo kami, dahil sigurado kaming malinis ang mga konsensya namin. Sapagkat hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay. 19 At lalo ninyong ipanalangin na makabalik ako sa inyo sa lalong madaling panahon. 20 Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Jesus na ating Dakilang Pastol. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan. 21 Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya. At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen.
Huling Bilin
22 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyong mabuti ang mga payo ko, dahil maikli lang ang sulat na ito. 23 Gusto ko ring malaman nʼyo na pinalaya na sa bilangguan ang kapatid nating si Timoteo. At kung makarating agad siya rito, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta nʼyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga pinabanal[c] ng Dios. Kinukumusta kayo ng mga kapatid nating taga-Italia.
25 Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®