Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 27

Ang Pagtubos ng mga Bagay na Inihandog sa Panginoon

27 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita:

Kung ang isang tao ay inihandog sa Panginoon bilang pagtupad sa isang panata, ang taong iyon ay maaari pang matubos sa panatang iyon, 3-7 kung babayaran niya ng pilak, ang kanyang halaga ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari:

Sa edad na isang buwan hanggang apat na taon

lalaki: limang pirasong pilak

babae: tatlong pirasong pilak

Sa edad na lima hanggang 19 na taon

lalaki: 20 pirasong pilak

babae: sampung pirasong pilak

Sa edad na 20 hanggang 59 na taon

lalaki: 50 pirasong pilak

babae: 30 pirasong pilak

Sa edad na 60 taon pataas

lalaki: 15 pirasong pilak

babae: sampung pirasong pilak.

Kung dukha ang nagpanata at hindi kayang magbayad ng nasabing halaga, dadalhin niya sa pari ang taong ipinanata niyang ihahandog sa Panginoon, at ang pari ang siyang magbibigay ng halaga ayon sa makakayanan ng tao.

Kung ang panatang handog ay hayop na maaaring ihandog sa Panginoon, ang hayop na iyon ay sa Panginoon na. 10 Iyon ay hindi na niya maaaring palitan kahit mas maganda pa ang kanyang ipapalit. Kapag pinalitan niya ito, ang hayop na kanyang ipinanata pati ang ipinalit ay parehong sa Panginoon na. 11 Kung ang kanyang panatang hayop ay itinuturing na marumi at hindi maaaring ihandog sa Panginoon, dadalhin niya iyon sa pari. 12 Titingnan iyon ng pari kung mabuti ba ito o hindi, at bibigyan niya ito ng halaga[a] at hindi na maaaring baguhin pa. 13 Kung babawiin ng may-ari ang hayop. Kinakailangang bayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito.

14 Kung bahay naman ang panatang handog sa Panginoon, titingnan muna ng pari ang nasabing bahay kung mabuti ba ito o hindi, at saka niya bibigyan ng halaga at hindi na maaaring baguhin pa. 15 Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bahay, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bahay at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito at saka ibabalik sa kanya ang bahay.

16 Kung ang inihandog naman sa Panginoon ay bahagi ng lupaing minana sa kanyang mga magulang, itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng binhing maaaring ihasik sa lupaing iyon: Sa bawat kalahating sako ng binhing maihahasik, ang halaga ng lupa ay 20 pirasong pilak. 17 Kung ihahandog niya ang kanyang bukid pagkatapos ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ganoon pa rin ang halaga nito. 18 Pero kung sa bandang huli na niya ihahandog, bibigyan ito ng halaga ng pari ng mas mababa, batay sa dami ng taon na natitira hanggang sa susunod na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 19 Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bukid, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bukid at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. At saka ibabalik sa kanya ang bukid. 20 Pero kung ipagbili niya ang bukid nang hindi pa niya natutubos, hindi na niya ito mababawi. 21 At pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, iyon ay sa Panginoon na, at hindi na niya mababawi pa. Iyon ay magiging pag-aari na ng mga pari.

22 Kung ang inihandog naman ay lupang binili, 23 itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng natitirang taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Dapat itong tubusin ng taong iyon. At ang halagang itinubos ay sa Panginoon na. 24 Sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang nasabing lupain ay isasauli sa may-ari na nagbenta ng lupaing iyon.

25 Ang lahat ng halaga ng mga ito na inihandog sa Panginoon ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.

26 Ang panganay na anak ng hayop ay sa Panginoon na, kaya itoʼy hindi na maaaring ihandog sa kanya. Ito ay sa Panginoon, maging baka man ito o tupa. 27 Pero kung ang hayop ay itinuturing na marumi, iyon ay maaaring tubusin ng may-ari. Babayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. Pero kung iyon ay hindi tutubusin ng may-ari, ipagbibili iyon ng pari ayon sa itinakdang halaga.

28 Ang anumang bagay na lubusang itinalaga[b] sa Panginoon ay hindi na maaaring ipagbili o tubusin maging itoʼy tao o hayop o lupaing minana dahil iyon ay sa Panginoon na. 29 Ang taong lubusang inihandog sa Panginoon ay hindi na maaaring tubusin. Dapat siyang patayin.

30 Ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ay sa Panginoon. 31 Kung tutubusin ng sinuman ang ikasampung bahagi ng kanyang ani, kinakailangan niyang bayaran ang halaga at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. 32 Kung bibilangin ninyo ang inyong mga baka, tupa, o kambing, lahat ng ikasampung bahagi ay ibibigay ninyo sa Panginoon. 33 Hindi ninyo ito dapat piliin o palitan. Kung papalitan ninyo ito, ang inyong ipinalit na hayop at ang pinalitan nito ay parehong ilalaan sa Panginoon na at hindi na maaaring tubusin.

34 Ito ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa bundok ng Sinai para sa mga Israelita.

Salmo 34

Ang Kabutihan ng Dios

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
    Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
    maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
    at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
    Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
    at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
    Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
    at ipinagtatanggol niya sila.

Subukan ninyo at inyong makikita,
    kung gaano kabuti ang Panginoon.
    Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
Kayong mga hinirang ng Panginoon,
    matakot kayo sa kanya,
    dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
    ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
    Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
    Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
    at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
    Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
    at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
    at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.

19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
    ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
    at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
    At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
    at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.

Mangangaral 10

10 Kung paanong napapabaho ng isang patay na langaw ang isang boteng pabango, ganoon din ang kaunting kamangmangan, nakakasira ng karunungan at karangalan. Ang taong marunong ay gustong gumawa ng kabutihan, pero ang hangal ay gustong gumawa ng kasamaan. At kahit sa paglalakad ng hangal, nakikita ang kawalan niya ng karunungan at ipinapakita sa lahat ang kanyang kahangalan.

Kung nagalit sa iyo ang iyong pinuno, huwag ka agad magbitiw sa tungkulin, dahil kapag nawala na ang galit niyaʼy baka patawarin ka niya gaano man kalaki ang iyong kasalanang nagawa. May isa pa akong nakitang hindi maganda rito sa mundo at itoʼy ginagawa ng mga pinuno: Ang mga mangmang ay binibigyan ng mataas na tungkulin, pero ang mga mayayaman[a] ay binibigyan ng mababang tungkulin. Nakakita rin ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo habang ang mga dakilang taoʼy naglalakad na parang alipin.

Kapag ikaw ang naghukay, baka ikaw din ang mahulog doon. Kapag lumusot ka sa butas ng pader, baka tuklawin ka ng ahas doon. Kapag nagtibag ka ng bato, baka mabagsakan ka nito. Kapag nagsibak ka ng kahoy, baka masugatan ka nito. 10 Kapag palakol moʼy mapurol at hindi mo hinahasa, buong lakas ang kailangan mo sa paggamit nito. Mas nakakahigit ka kung marunong ka, dahil sa pamamagitan nitoʼy magtatagumpay ka.

11 Walang saysay ang kakayahan mong magpaamo ng ahas, kung tutuklawin ka lang naman nito. 12 Ang sinasabi ng marunong ay magbibigay sa kanya ng kabutihan, pero ang sinasabi ng hangal ay magpapahamak sa kanya. 13 Sa umpisa pa lang kamangmangan na ang sinasabi niya, at kinalaunan ay naging masamang-masama na, na parang nawawala na siya sa sarili. 14 At wala siyang tigil sa kasasalita.

Walang nakakaalam tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, kaya walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari kapag tayoʼy patay na. 15 Napapagod ang mangmang sa kanyang trabaho, kaya naiisip niyang huwag nang pumunta sa bayan para magtrabaho.[b]

16 Nakakaawa ang isang bansa na ang hari ay isip-bata at ang mga pinunoʼy puro handaan ang inaatupag. 17 Pero mapalad ang bansa na ang hari ay ipinanganak sa marangal na pamilya at ang mga pinuno ay naghahanda lang sa tamang panahon para sa ikalalakas at hindi sa paglalasing.

18 Pinapabayaan ng taong tamad na tumutulo ang bubong ng kanyang bahay hanggang sa mawasak na ang buong bahay niya. 19 Makapagpapasaya sa tao ang handaan at inuman; at ang pera ay makapagbibigay ng lahat niyang pangangailangan. 20 Huwag mong susumpain ang hari kahit sa isip mo lang o ang mayayaman kahit na palihim lang, dahil baka may magsabi sa kanila.[c]

Tito 2

Ang Wastong Pagtuturo

Ngunit ikaw, Tito, ituro mo ang naaayon sa wastong aral. Ang mga nakatatandang lalaki ay turuan mong maging mahinahon, marangal, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[a] at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at sa pagtitiis. Ganoon din sa mga nakatatandang babae: turuan mo silang mamuhay nang maayos bilang mga mananampalataya. Huwag silang mapanira sa kapwa, at huwag maging mahilig sa alak. Dapat ay ituro nila ang mabuti, upang maturuan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, marunong magpasya kung ano ang nararapat, malinis ang isipan, masipag sa tahanan, mabait, at nagpapasakop sa asawa, upang hindi mapintasan ang salita ng Dios na ating itinuturo.

Ganoon din, hikayatin mo ang mga nakababatang lalaki na magpasya kung ano ang nararapat. Magpakita ka ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay. Maging tapat ka at taos-puso sa iyong pagtuturo. Tiyakin mong tama ang iyong pananalita at walang maipipintas dito, upang ang mga sumasalungat sa atin ay mapahiya dahil wala silang masabing masama laban sa atin.

Turuan mo rin ang mga alipin na maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. At huwag silang maging palasagot. 10 Huwag din silang mangungupit sa kanilang amo, kundi ipakita nilang silaʼy tapat at mapagkakatiwalaan. Nang sa ganoon, maipapakita nila sa lahat ng kanilang ginagawa ang kagandahan ng ating mga itinuturo tungkol sa Dios na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios 13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.

15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®