Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 23

Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba

23 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.

Ang Araw ng Pamamahinga

May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa(A)

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon. Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.

Ang Pista ng Pag-aani(B)

9-11 Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ihandog ninyo sa kanya ang unang bigkis ng bawat ani. Dalhin ninyo ito sa pari sa susunod na araw pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga. Itataas ito ng pari sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito. 12 Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 13 Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. 14 Kung hindi pa kayo nakapaghahandog nito, huwag kayong kakain ng kahit anong klase ng pagkain mula sa inyong bagong ani, ito may sariwa o binusa o nilutong tinapay. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

15-17 Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga ibinigkis na ani, muli kayong magtipon at mag-alay ng handog ng pagpaparangal mula sa mga ibinigkis ng unang ani ninyo. Itoʼy sa ika-50 araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga. Ang inyong ihahandog ay dalawang tinapay na bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas, mula sa inyong unang ani. 18 Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog kasama ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Mga handog ito para sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon. 20 Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari. 21 Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

22 Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.

Ang Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(C)

23-24 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya. 25 Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Ang Araw ng Pagtubos(D)

26-28 Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos.[a] Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios. 29 Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon. 31-32 Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(E)

33-34 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw. 35 Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 36 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw,[b] hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.

37 Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito. 38 Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon. 39 Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw. 40 Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa loob ng pitong araw. 41-43 Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Dios ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Egipto. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

44 Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.

Salmo 30

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Mangangaral 6

May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. May mga taong binibigyan ng Dios ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan. Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. Kahit walang saysay ang pagkakapanganak sa sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.

Nagtatrabaho ang tao para may makain, pero hindi pa rin siya nasisiyahan. Kaya ano ang lamang ng marunong sa mangmang? Ano ang mapapala ng mahirap kahit alam niya ang pasikot-sikot sa buhay? Wala itong kabuluhan! Para siyang humahabol sa hangin. Kaya mas mabuting masiyahan ka sa mga bagay na mayroon ka, kaysa sa maghangad ka nang maghangad ng mga bagay na wala sa iyo. 10 Lahat ng pangyayari sa mundo at mangyayari sa isang taoʼy nakatakda na noon pa. Kaya walang saysay na makipagtalo pa tayo sa Dios na higit na makapangyarihan kaysa sa atin. 11 At habang nakikipagtalo tayo, dadami lang ang sasabihin nating walang kabuluhan. Kaya ano ang pakinabang nito? 12 Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?

2 Timoteo 2

Ang Mabuting Sundalo ni Cristo Jesus

Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.

Makibahagi ka sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. Dapat katulad ka ng isang sundalong nasa serbisyo; hindi siya nakikisangkot sa iba pang gawain para mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang opisyal. Ganoon din naman, dapat katulad ka ng manlalaro; hindi siya makakakuha ng premyo kung hindi siya sumusunod sa tuntunin ng laro. At dapat katulad ka rin ng masipag na magsasaka; hindi baʼt siya ang unang karapat-dapat na tumanggap ng bahagi sa ani? Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo, at ipapaunawa sa iyo ng Dios ang lahat ng ito.

Alalahanin mo ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang ipinapangaral ko na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal. Pero hindi nakakadenahan ang salita ng Dios. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat ng paghihirap alang-alang sa mga pinili ng Dios, para makamtan din nila ang kaligtasang nakay Cristo Jesus at ang buhay na walang hanggan. 11 Totoo ang kasabihang,

    “Kung namatay tayong kasama niya,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung magtitiis tayo,
    maghahari rin tayong kasama niya.
    Kung itatakwil natin siya,
    itatakwil din niya tayo.
13 Kung hindi man tayo tapat,
    mananatili siyang tapat,
    dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”

Ang Karapat-dapat na Alagad ng Dios

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito. 17 Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito. 18 Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,”[a] at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”

20 Sa isang malaking bahay, may mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at mayroon ding yari sa kahoy at putik.[b] Ginagamit sa mahahalagang okasyon ang mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at ang mga kasangkapang yari naman sa kahoy at putik ay sa pang-araw-araw na gamit. 21 Ang mga taong lumalayo sa kasamaan ay nabibilang sa mga kasangkapang ginagamit sa mahahalagang okasyon. Nakatalaga sila sa Panginoon, kapaki-pakinabang sa kanya, at laging handa sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso. 23 Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo at kalokohan lamang, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. 24 Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi. 25 Kailangang mahinahon siya sa pagtutuwid sa mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraan ay bigyan sila ng Dios ng pagkakataong magsisi at malaman ang katotohanan. 26 Sa ganoon, maliliwanagan ang isip nila at makakawala sila sa bitag ng diablo na bumihag sa kanila para gawin ang nais nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®