Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 8

Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki(A)

Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2-3 “Papuntahin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki roon sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tipunin mo ang lahat ng taga-Israel doon. Sabihin mo sa mga pari na dalhin nila ang kanilang mga damit pampari, ang langis na pamahid, ang toro na handog sa paglilinis, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket na may tinapay na walang pampaalsa.”

Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagtipon ang mga taga-Israel sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sinabi sa kanila ni Moises na ang gagawin niya ay iniutos sa kanya ng Panginoon. Dinala niya sa gitna si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at silaʼy pinaliguan. Ipinasuot niya kay Aaron ang damit bilang punong pari: ang damit-panloob, ang sinturon, ang damit-panlabas, at ang espesyal na damit[a] at binigkisang mabuti ng hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipinalagay din ni Moises ang isang lalagyan sa dibdib at doon inilagay ang “Urim” at “Thummim”.[b] At ipinasuot din niya ang turban sa ulo ni Aaron at sa harap ng turban ay ikinabit ang gintong sagisag ng pagtatalaga kay Aaron para sa Panginoon. Ginawang lahat ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

10 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis at winisikan ang Tolda at ang lahat ng nasa loob bilang pagtatalaga ng lahat ng ito para sa Panginoon. 11 Winisikan din niya ng langis ang altar ng pitong beses at ang lahat ng kagamitan na naroon, pati ang planggana at ang patungan nito. Ginawa ito para ihandog sa Panginoon. 12 Pagkatapos, binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga sa kanya sa Panginoon. 13 At pinalapit niya sa gitna ang mga anak na lalaki ni Aaron at ipinasuot sa kanila ang kasuotan nila na pampari at nilagyan ng sinturon. Ipinasuot din sa kanila ang kanilang mga turban. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 14 Pagkatapos nitoʼy ipinakuha ni Moises ang baka na handog sa paglilinis. At ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng baka. 15 Pagkatapos, pinatay ni Moises ang baka at kumuha siya ng dugo. Inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at pinahiran niya ang parang sungay sa mga sulok ng altar para luminis ito. At ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sa ganitong paraan niya itinalaga ang altar para sa Panginoon upang maging karapat-dapat na lugar na pinaghahandugan ng mga pantubos sa kasalanan. 16 Kinuha rin ni Moises ang lahat ng taba ng lamang-loob ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at sinunog niya ang lahat ng ito roon sa altar. 17 Ang mga natirang bahagi ng baka, katulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon. 18 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. 19 At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar. 20-21 Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon. 22 Ipinakuha rin ni Moises ang pangalawang lalaking tupa. Ito ang handog para sa pagtatalaga. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang mga kamay nila sa ulo ng tupa. 23 At pinatay ni Moises ang tupa, kumuha siya ng dugo nito at ipinahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa niya. 24 Pinapunta rin ni Moises sa gitna ang mga lalaking anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo sa ibabang bahagi ng kanang tainga nila, at ang kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwinisik niya ang natirang dugo sa palibot ng altar. 25 Kinuha rin niya ang mga taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. 26-27 Pagkatapos, kumuha rin si Moises ng tinapay mula sa basket na inihandog sa Panginoon – isang makapal na tinapay na walang pampaalsa, isang tinapay na may halong langis at isang tinapay na manipis. Pinahawakan niya ang lahat ng ito kay Aaron at sa mga anak nito pati na ang lahat ng taba at ang kanang hita ng tupa. At itinaas nila ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 28 Pagkatapos, kinuha iyon ni Moises sa kanila at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog. Iyon ang handog bilang pagtatalaga sa kanila. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 29 Kinuha rin ni Moises ang pitso ng tupa at itinaas sa Panginoon bilang handog na itinataas. Ito ang bahagi niya sa tupang handog ng pagtatalaga. Ang lahat ng itoʼy ginawa ni Moises ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

30 Pagkatapos, kumuha si Moises ng banal na langis[c] at ng dugo roon sa altar at winisikan niya si Aaron at ang mga anak niya pati na ang kanilang mga damit. Sa ganitong paraan niya sila inihandog pati ang kanilang mga damit sa Panginoon. 31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, “Lutuin ninyo ang karne malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan, at ayon sa iniutos ko sa inyo kainin ninyo ito kasama ang mga tinapay na nasa basket na handog para sa pagtatalaga. 32 Ang matitirang karne at tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong aalis dito sa loob ng pitong araw hanggaʼt hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ang Panginoon ang nag-utos sa atin na gawin natin ang ating ginagawa ngayon, para matubos kayo sa inyong mga kasalanan. 35 Kinakailangang manatili kayo rito araw at gabi sa loob ng pitong araw, at gawin ninyo ang ipinapagawa sa inyo ng Panginoon para hindi kayo mamatay, dahil ito ang iniutos sa akin ng Panginoon na dapat ninyong gawin.” 36 Kaya sinunod ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Salmo 9

Ang Makatarungang Paghatol ng Dios

Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
    Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
    tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
    Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
    kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
    sila ay lubusang nawasak.
    Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
    at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
    At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
    at wala kayong kinikilingan.
Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
    at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
    dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
    Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
    pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
    Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
    at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.

15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
    At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
    At ang masasama ay napahamak,
    dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
    dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
    at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.

19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
    tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
    at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.

Kawikaan 23

… 6 …

23 Kapag kumakain ka kasalo ng taong may mataas na katungkulan, mag-ingat ka sa ikikilos mo. Kung palakain ka, pigilan mo ang iyong sarili. Huwag kang magnanasa sa mga pagkaing kanyang inihanda, dahil baka iyon ay pain lang sa iyo.

… 7 …

Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Sa halip pigilan mo ang iyong sarili at isipin kung ano ang mabuti. Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.

… 8 …

Huwag kang kumain o matakam sa pagkain na inihanda ng taong kuripot, kahit ito ay masarap. Sapagkat ang taong ganyan bawat subo moʼy binabantayan. Sasabihin niya, “Sige, kumain ka pa.” Ngunit hindi pala ganoon ang nasa isip niya. Kaya lahat ng kinain moʼy isusuka mo at ang mga papuri mo sa kanya ay mababalewala.

… 9 …

Huwag kang magsasalita sa hangal, sapagkat ang sasabihin mong karunungan sa kanya ay wala ring kabuluhan.

… 10 …

10 Huwag mong agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga muhon na matagal nang nakalagay. 11 Sapagkat ang kanilang makapangyarihang tagapagtanggol ay ang Panginoon. Siya ang magtatanggol sa kanila laban sa iyo.

… 11 …

12 Makinig ka kapag itinutuwid ang iyong pag-uugali upang ikaw ay matuto.

… 12 …

13-14 Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.

… 13 …

15-16 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka at karunungan ang mamumutawi sa iyong mga labi.

… 14 …

17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip igalang mo ang Panginoon habang nabubuhay ka. 18 At kung magkagayon ay gaganda ang kinabukasan mo at mapapasaiyo ang mga hinahangad mo.

… 15 …

19 Anak, pakinggan mo ang itinuturo ko sa iyo. Maging matalino ka at sundin mo ang tamang daan. 20-21 Huwag kang gumaya sa mga lasenggo at matakaw sa pagkain, dahil ang gaya nila ay hahantong sa kahirapan. Tulog lang sila ng tulog, kaya sa bandang huli ay magdadamit na lang sila ng basahan.

… 16 …

22 Makinig ka sa iyong mga magulang sapagkat kung hindi dahil sa kanila, hindi ka naisilang sa mundong ito. Huwag mo silang hahamakin kapag sila ay matanda na. 23 Pagsikapan mong mapasaiyo ang katotohanan, karunungan, magandang pag-uugali at pang-unawa. At huwag mo itong ipagpapalit sa kahit anumang bagay. 24-25 Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino. Ikaliligaya nila na sila ang naging iyong ama at ina.

… 17 …

26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Sapagkat ang babaeng bayaran ay makapagpapahamak sa iyo katulad ng malalim at makitid na hukay. 28 Para siyang tulisan na nag-aabang ng mabibiktima, at siya ang dahilan ng pagtataksil ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.

… 18 …

29 Sino ang may matinding problema? Sino ang mahilig sa away? Sinong mareklamo? Sinong nasugatan na dapat sana ay naiwasan? At sino ang may mga matang namumula? 30 Sino pa kundi ang mga lasenggong sugapa sa ibaʼt ibang klase ng alak! 31 Huwag kang matakam sa alak na napakagandang tingnan sa isang baso at tila masarap. 32 Kapag nalasing ka, sasama ang iyong pakiramdam na parang tinuklaw ka ng makamandag na ahas. 33 Kung anu-ano ang makikita mo at hindi ka makakapag-isip ng mabuti. 34 Pakiramdam moʼy nasa gitna ka ng dagat at nakahiga sa ibabaw ng palo[a] ng barko. 35 Sasabihin mo, “May humampas at sumuntok sa akin, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan kaya mawawala ang pagkalasing ko para muli akong makainom?”

1 Tesalonica 2

Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nasayang ang pagpunta namin diyan sa inyo. Alam nʼyo ang mga paghihirap at pag-aalipusta na dinanas namin sa Filipos bago pa man kami dumating diyan sa inyo. Pero sa kabila nito, binigyan kami ng Dios ng lakas ng loob na ipangaral ang Magandang Balita sa inyo, kahit na maraming hadlang. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, masamang hangarin o sa balak na manlinlang. Sa halip, nangangaral kami bilang mga karapat-dapat na katiwala ng Dios ng kanyang Magandang Balita. Ginagawa namin ito hindi para kalugdan kami ng mga tao kundi ng Dios na siyang sumisiyasat sa mga puso namin. Alam nʼyo rin na hindi namin kayo dinaan sa matatamis na pananalita sa pangangaral namin at hindi rin kami nangaral para samantalahin kayo. Ang Dios mismo ang saksi namin. Hindi namin hinangad ang papuri ninyo o ng sinuman, kahit may karapatan kaming tumanggap nito bilang mga apostol ni Cristo. Sa halip, naging maaruga kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa mga anak niya. At dahil mahal namin kayo, hindi lang ang Magandang Balita ang malugod naming ibinigay sa inyo kundi pati na rin ang buhay namin, dahil napamahal na kayo sa amin. Tiyak na natatandaan nʼyo pa, mga kapatid, ang pagsisikap namin noong nasa inyo pa kami. Habang ipinangangaral namin ang Magandang Balita ng Dios, araw-gabi kaming nagtatrabaho para hindi kami maging pabigat sa inyo. 10 Saksi namin kayo at ang Dios na ang pakikitungo namin sa inyong mga mananampalataya ay tapat, matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyong katulad ng isang ama sa kanyang mga anak ang turing namin sa bawat isa sa inyo. 12 Pinalakas namin ang loob nʼyo, pinayuhan at hinikayat na mamuhay nang karapat-dapat sa Dios na humirang sa inyo para sa kanyang kaharian at kadakilaan.

13 Lagi rin kaming nagpapasalamat sa Dios dahil nang tanggapin nʼyo ang pangangaral namin, tinanggap nʼyo ito hindi bilang salita ng tao, kundi bilang salita ng Dios na kumikilos sa buhay ninyong mga sumasampalataya. 14 Mga kapatid, ang mga nangyayari sa inyo ay tulad din ng nangyayari sa mga iglesya ng Dios sa Judea na nakay Cristo Jesus. Kung anong paghihirap ang dinaranas nʼyo sa kamay ng mga kababayan nʼyo, ito rin ang paghihirap na dinaranas nila sa kamay ng kapwa nila Judio. 15 Silang mga Judio ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta noon. Sila rin ang mga taong umuusig sa amin. Hindi nalulugod ang Dios sa ginagawa nila, at maging ang lahat ng taoʼy kinakalaban nila. 16 Hinahadlangan nila ang pangangaral namin ng salita ng Dios sa mga hindi Judio na siyang ikaliligtas ng mga ito. Dahil dito, umabot na sa sukdulan ang mga kasalanan nila at hahatulan na sila ng Dios.

Ang Hangarin ni Pablo na Makadalaw Muli sa Tesalonica

17 Mga kapatid, nananabik na kaming makita kayong muli, kahit sandali pa lang kaming nawalay sa inyo. Nawalay nga kami sa katawan, pero hindi sa isipan. 18 Gusto naming bumalik diyan sa inyo, lalung-lalo na ako, si Pablo. Maraming beses naming binalak na dalawin kayo pero hinadlangan kami ni Satanas. 19 Gusto naming bumalik, dahil walang ibang nagbibigay sa amin ng pag-asa at kagalakan kundi kayo. Hindi baʼt kayo rin ang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesu-Cristo sa pagbabalik niya? 20 Tunay nga na kayo ang karangalan at kagalakan namin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®