Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 11

Ang Dalawang Tagapagpatotoo

11 At binigyan ako ng isang tambo na katulad ng isang panukat at sinabi ng anghel: Tumindig ka at sukatin mo ang banal na dako ng Diyos at ang dambana at ang mga sumasamba roon.

Huwag mo nang isali ang patyo na nasa labas ng templo. Huwag mo na itong sukatin sapagkat ibinigay na ito ng Diyos sa mga Gentil. Yuyurakan nila ang banal na lungsod sa loob nang apatnapu’t dalawang buwan. Bibigyan ko ng kapangyarihan ang dalawang tagapagpatotoo ko. Sila ay maghahayag sa loob ng isang libo at dalawangdaan at animnapung araw. Magsusuot sila ng magaspang na damit. Sila ang dalawang punong olibo at ang dalawang lalagyan ng ilawan. Nakatayo ang mga ito sa harapan ng Diyos ng lupa. Kung sinuman ang ibig manakit sa kanila, ang apoy ay lalabas mula sa kanilang mga bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Ang sinumang ibig manakit sa kanila ay dapat patayin sa ganitong paraan. May kapamahalaan ang mga lalaking ito na isara ang langit upang hindi umulan sa mga araw ng kanilang paghahayag. May kapamahalaan sila sa tubig upang gawin itong dugo. May kapamahalaan silang saktan ang lupa ng lahat ng mga salot kailanman nila ibig.

Pagkatapos ng kanilang patotoo, ang mabangis na hayop na umahong palabas ng walang hanggang kalaliman ay makiki­pagdigma laban sa kanila. Sila ay lulupigin at papatayin nila. Malalagay sa lansangan ng kabilang lungsod ang kanilang mga katawan. Sodoma at Egipto ang espirituwal na pangalan ng dakilang lungsod. Doon ipinako ang ating Panginoon. At ang ilang taong nagmula sa mga lipi at mga wika at mga bansa ay titingin sa kanilang mga katawan sa loob nang tatlo at kalahating araw. Hindi nila papayagang ilibing sa mga libingan ang mga katawan nila. 10 Dahil sa kanila, magagalak ang mga taong nakatira sa lupa. Magdiriwang sila at magpapadala ng mga kaloob sa isa’t isa dahil patay na ang dalawang propeta na ito na nagpapahirap sa mga naninirahan sa lupa.

11 Pagkatapos ng tatlo at kalahating araw, pumasok sa kanila ang espiritu ng buhay na mula sa Diyos. Tumindig sila sa kanilang mga paa. Labis na sindak ang bumalot sa lahat ng mga nakakita sa kanila. 12 Nakarinig sila ng isang napakalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila: Umakyat kayo rito. At umakyat sila sa langit sa alapaap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 Sa oras na iyon, nagkaroon ng isang napakalakas na lindol. Bumagsak ang ika-sampung bahagi ng lungsod. Pitong libong tao ang pinatay ng lindol. Ang mga natira ay natakot at nagbigay papuri sa Diyos ng kalangitan.

14 Natapos na ang ikalawang kaabahan. Narito, darating na agad ang pangatlong kaabahan.

Ang Pangpitong Trumpeta

15 Hinipan ng pangpitong anghel ang kaniyang trumpeta. May malakas na mga tinig sa langit na nagsasabi:

Ang mga paghahari ng sanlibutan ay naging mga paghahari ng ating Panginoon at ng kaniyang Cristo. At maghahari siya sa mga magpakailan pa man.

16 Ang dalawampu’t apat na nga matanda ay nagpatirapa at sinamba ang Diyos. Sila ang mga nakaupo sa kanilang mga luklukan sa harapan ng Diyos. 17 Sinabi nila:

Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat, nagpa­pasalamat kami sa inyo. Ikaw ang kasalukuyan, ang nakaraan at ang darating. Tinanggap mo ang dakilang kapangyarihan at ikaw ay naghari.

18 Nagalit ang mga bansa. Ang poot mo ay dumating na. Dumating na ang panahon na hahatulan mo na ang mga patay. At gagan­timpalaan mo na ang mga alipin mo na mga propeta at ang mga banal at sila na natakot sa iyong pangalan at ang mga hindi dakila at ang mga dakila. At pipinsalain mo na ang mga tao na namiminsala sa lupa.

19 Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit. Nakita ng mga tao ang kaban ng tipan sa kaniyang templo. Nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at lindol at malakas na ulan ng graniso.

Juan 10

Ang Pastol at ang Kaniyang Kawan

10 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na pumapasok na hindi dumadaan sa pinto ng kulungan ng mga tupa ay magnanakaw at tulisan. Siya ay umaakyat sa ibang daan.

Ang pumapasok na dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto. Dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa kani-kanilang pangalan. Sila ay inaakay niya sa paglabas. Kapag nailabas na niya ang sarili niyang mga tupa ay nauuna siya sa kanila. Ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. Hindi nila susundin kailanman ang isang dayuhan kundi lalayuan nila siya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan. Ang talinghagang ito ay sinabi ni Jesus sa kanila. Hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila.

Muli ngang sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pinto ng mga tupa. Ang lahat ng naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan. Subalit hindi sila dininig ng mga tupa. Ako ang pinto. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makakasumpong ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito malibang siya ay magnakaw, pumatay at maminsala. Ako ay narito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon nito na may lubos na kasaganaan.

11 Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12 Kapag nakikita ng upahang-lingkod na dumarating ang lobo, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong palayo. Ginagawa niya ito sapagkat hindi siya ang pastol at sila ay hindi sa kaniya. Pagkatapos, ang mga tupa ay sinisila ng lobo at kinakalat. 13 Ang upahang-lingkod ay tumatakbong palayo sapagkat siya ay upahang-lingkod at wala siyang pagmamalasakit sa mga tupa.

14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa. 15 Kung papaanong nakikilala ako ng Ama ay ganoon din naman, nakikilala ko ang Ama. Iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kawang ito. Sila rin ay dapat kong dalhin at diringgin nila ang aking tinig. At magkakaroon ng isang kawan at ng isang pastol. 17 Dahil dito, iniibig ako ng Ama sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito ay makuha kong muli. 18 Walang sinumang makakaagaw nito sa akin. Subalit kusa ko itong iniaalay. Mayroon akong kapama­halaang ialay ito at mayroon akong kapamahalaang kunin itong muli. Ang utos na ito ay tinanggap ko mula sa aking Ama.

19 Nagkaroon ngang muli ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga pananalitang ito. 20 Marami sa kanila ang nagsabi: Siya ay may demonyo at nahihibang. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?

21 Sinabi ng iba: Hindi ito mga pananalita ng isang inaalihan ng demonyo. May kapangyarihan bang maka­pagpamulat ng mata ang demonyo?

Hindi Sumampalataya ang mga Judio

22 Naganap sa Jerusalem ang kapistahan ng pagtatalaga. Noon ay taglamig.

23 Si Jesus ay naglalakad sa templo sa portiko ni Solomon. 24 Pinalibutan nga siya ng mga Judio. Sinabi nila sa kaniya: Hanggang kailan mo paghihintayin ang aming kaluluwa? Kung ikaw ang Mesiyas, sabihin mo sa amin nang tuwiran.

25 Sumagot si Jesus sa kanila: Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo sumampalataya. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang siyang nagpapatotoo sa akin. 26 Hindi kayo sumasampalataya sapagkathindi kayo kabilang sa aking mga tupa gaya ng sinabi ko sa inyo. 27 Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig. Kilala ko sila at sumusunodsila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Hindi sila malilipol magpakailanman. Walang sinu­mang makakaagaw sa kanila sa aking kamay. 29 Ibinigay sila sa akin ng aking Ama. Siya ay higit na dakila sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.

31 Muli ngang dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya ay batuhin. 32 Sinabi sa kanila ni Jesus: Maraming mabubuting gawa ang ipinakita ko sa inyo mula sa aking Ama. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan para batuhin ninyo ako?

33 Sumagot ang mga Judio sa kaniya na sinasabi: Hindi ka namin binabato dahil sa anumang mabuting gawa kundi dahil sa iyong pamumusong. Ginagawa mong Diyos ang sarili mo, ikaw na isang tao.

34 Tinugon sila ni Jesus: Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan: Aking sinabi na kayo ay mga diyos? 35 Tinawag niyang mga diyos ang mga tao, na sa pamamagitan nila ay dumating ang salita ng Diyos. At ang kasulatan ay hindi masisira. 36 Sinasabi ninyo sa kaniya na pinabanal at isinugo ng Ama sa sanlibutan: Ikaw ay nanlalait. Ito ba ay dahil sa sinabi ko: Ako ay Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag kayong sumampalataya sa akin. 38 Kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumam­palataya sa akin, sampalatayanan ninyo ang mga gawa. Ito ay upang malaman ninyo at sumampalataya na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa kaniya. 39 Muli nga silang naghanap ng pagkakataon upang hulihin siya, ngunit siya ay nakatakas mula sa kanilang mga kamay.

40 Siya ay muling pumunta sa ibayo ng Jordan, sa dakong pinagbawtismuhan ni Juan noong una. Siya ay nanatili roon. 41 Marami ang pumunta sa kaniya at sinabi: Totoong si Juan ay hindi gumawa ng tanda. Ang lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan patungkol sa taong ito ay totoo. 42 Marami roon ang sumampalataya kay Jesus.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International