M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Pagkakataong Kinakailangan ng Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan
5 “Kung kinakailangang tumestigo ang isang tao sa isang pangyayari na kanyang nakita o nalaman ngunit ayaw niyang magsalita, nagkakasala siya at dapat siyang parusahan. 2-3 Kung ang sinuman ay makahipo ng anumang bagay na marumi gaya ng patay na hayop, mailap man o hindi, o anumang bagay na marumi na nanggaling sa tao, matapos niyang malaman ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.
4 “Kung ang isang tao ay sumumpa nang pabigla-bigla tungkol sa anumang bagay, mabuti man o masama, sa oras na malaman niya ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.
5 “Kung magkasala ang sinuman sa alinmang paraang nabanggit, dapat niyang ipahayag ang kanyang kasalanan. 6 At upang siya'y mapatawad, maghahandog siya kay Yahweh ng isang babaing tupa o kambing. Ihahandog ito ng pari upang siya'y patawarin sa kanyang kasalanan.
7 “Ngunit kung hindi niya kayang maghandog ng tupa o kambing, magdala siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. 8 Dadalhin niya ito sa pari upang ihandog sa akin. Ang ibong handog para sa kasalanan ay gigilitan niya ng leeg ngunit hindi puputulin ang ulo. 9 Ang dugo ay iwiwisik niya sa tabi ng altar at ang natira'y patutuluin sa paanan nito. Iyan ang handog pangkasalanan. 10 Ang isa naman ay iaalay bilang handog na susunugin ayon sa Kautusan upang patawarin siya.
11 “Kung hindi pa rin niya makayang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati, magdadala na lamang siya ng kalahating salop ng piling harina. Hindi niya ito bubuhusan ng langis ni hahaluan man ng insenso sapagkat ito'y handog pangkasalanan. 12 Dadalhin niya sa pari ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa altar bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh. 13 Ganito ang gagawin ng pari bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkaing butil, ang matitira ay para sa pari.”
Mga Handog na Pambayad sa Kasalanan
14 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 15 “Kung ang sinuma'y makalimot magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, mag-aalay siya ng handog na pambayad sa kasalanan. Maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 16 Babayaran niya ang halagang di niya naibigay at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi nito, at ito'y ibibigay sa pari. Ang tupa'y dadalhin sa pari upang ialay bilang handog na pambayad sa kasalanan, at siya'y patatawarin.
17 “Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko kahit hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at dapat parusahan. 18 Magdadala siya sa pari ng isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na pambayad sa kasalanan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa halaga ng salapi sa santuwaryo. Ito'y ihahandog ng pari, at patatawarin ang nagkasala. 19 Ang handog na ito'y handog na pambayad sa kasalanan, sapagkat nagkasala siya kay Yahweh.”
Panalangin sa Umaga
Awit(A) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.
3 O Yahweh, napakarami pong kaaway,
na sa akin ay kumakalaban!
2 Ang lagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]
3 Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
4 Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]
5 Ako'y nakakatulog at nagigising,
buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
6 Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
magsipag-abang man sila sa aking palibot.
7 Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
kapangyarihan nila'y iyong igupo.
8 Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]
Panalangin sa Gabi
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.
4 Sagutin mo po ang aking pagtawag,
O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.
2 Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)[d]
3 Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.
4 Huwag(B) hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)[e]
5 Nararapat na handog, inyong ialay,
pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.
6 Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?”
Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
7 Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
higit pa sa pagkain at alak na inumin.
8 Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
20 Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao,
kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito.
2 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
ang gumalit sa kanya'y nanganganib ang buhay.
3 Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan,
ngunit ang gusto ng mangmang ay laging pag-aaway.
4 Ang taong tamad sa panahon ng taniman
ay walang magagapas pagdating ng anihan.
5 Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao,
ngunit ito'y matatarok ng isang matalino.
6 Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat,
ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka nakakatiyak.
7 Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran,
mapalad ang mga anak na siya ang tinutularan.
8 Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan,
walang matatagong anumang kasamaan.
9 Sino ang makakapagsabi na ang puso niya'y malinis
at di namuhay sa kasamaan kahit isang saglit?
10 Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan,
kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam.
11 Kahit ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa;
makikita sa kanyang kilos kung siya ay tapat nga.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita,
parehong si Yahweh ang siyang maylikha.
13 Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap,
ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap.
14 Ang sabi ng mamimili, “Ang presyo mo'y ubod taas.”
Ngunit pagtalikod ay ipinamamalitang nakabarat.
15 Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi,
daig pa ang may ginto at alahas na marami.
16 Ang sinumang nananagot sa utang ng iba,
dapat kunan ng ari-arian bilang garantiya.
17 Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain,
ngunit kapag tumagal ay para kang kumain ng buhangin.
18 Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay;
kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan.
19 Ang lihim ay nahahayag dahil sa mga tsismis,
kaya huwag kang makisama sa taong makati ang dila.
20 Sinumang magmura sa kanyang magulang,
parang ilaw na walang ningas ang wakas ng kanyang buhay.
21 Ang perang hindi pinaghirapan,
kung gastusin ay walang hinayang.
22 Huwag mong gantihan ng masama ang masama;
tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala.
23 Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama,
siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
24 Si Yahweh lamang ang nagtatakda ng ating landasin;
kaya huwag ipagyabang ang iyong lakbayin.
25 Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti,
upang hindi ka magsisi sa bandang huli.
26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama,
at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa.
27 Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi,
kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
28 Ang haring tapat at makatarungan
ay magtatagal sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,
ang putong ng katandaan, buhok na panay uban.
30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan,
at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban.
3 Yamang binuhay(A) kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.
Ang Dati at Bagong Buhay
5 Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya].[a] 7 Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.
8 Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag(B) kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot(C) ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
12 Kaya(D) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(E) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[b] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang(F) salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Ang Pagsasamahang Nararapat
18 Mga(G) babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang naaangkop sa mga nakipag-isa sa Panginoon.
19 Mga(H) lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila.
20 Mga(I) anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon.
21 Mga(J) magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob.
22 Mga(K) alipin, sa lahat ng bagay ay sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa. May nakakakita man o wala, maglingkod kayo hindi upang kalugdan lamang ng mga tao, kundi dahil sa kayo'y tapat at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 24 Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo. 25 Ang(L) mga gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanilang ginawa, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.