Historical
Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Israel
4 Sinabi pa sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng tisa. Ilagay mo iyon sa iyong harapan, at iguhit mo roon ang lunsod ng Jerusalem. 2 Upang ipakita ang isang pagkubkob, paligiran mo ito ng muog at mga tanggulan, at umangan ng malalaking trosong pambayo. 3 Kumuha ka ng platong bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lunsod. Huwag mo itong iiwan ng tingin. Ito ay kukubkubin at ikaw ang kukubkob. Magiging palatandaan ito sa bansang Israel.
4 “Pagkatapos, mahiga ka nang nakatagilid sa kaliwa at ipapataw ko sa iyo ang bigat ng parusa sa Israel. Kung gaano katagal kong ipataw sa iyo ang parusa, ganoon din ang pagpaparusa sa kanila. 5 Sa loob ng 390 araw, mananatili ka sa ganoong ayos; bawat araw ay katumbas ng isang taon. 6 Pagkatapos, bumiling ka sa kanan upang dalhin ang kaparusahan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. 7 Pagkatapos, humarap ka sa Jerusalem. Iunat mong paharap doon ang iyong kamay na nakalilis ang manggas ng iyong baro, at magpahayag ka laban sa lunsod na iyon. 8 Ngunit gagapusin kita hanggang hindi natatapos ang gagawin mong pagkubkob, para hindi ka makabiling.
9 “Ngayon, kumuha ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, batad, at espelta. Paghalu-haluin mo ito sa isang sisidlan at lutuin. Ito ang kakanin mo sa loob ng 390 araw habang ikaw ay nakahigang patagilid sa kaliwa. 10 May takda ang pagkain mo araw-araw: isang beses maghapon at mahigit na isang kilo lamang araw-araw. 11 May takda rin ang iyong pag-inom: isang beses maghapon at halos isang litro lang sa isang araw. 12 Magluto ka ng bibingkang sebada na dumi ng tao ang panggatong. Kanin mo nang nakikita ng mga tao. 13 Ganyan ang magiging pagkain ng Israel saan ko man sila itapon.”
14 Sumagot ako, “Ngunit Panginoong Yahweh, alam mong hindi ako nagpapakarumi sa aking sarili. Mula sa aking pagkabata ay hindi ako tumikim ng anumang namatay nang kusa o nilapa ng hayop. Hindi rin ako tumikim ng anumang karumal-dumal na karne.”
15 Sinabi niya sa akin, “Kung gayon, dumi ng baka ang igatong mo sa halip na dumi ng tao.”
16 Sinabi pa niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, babawasan ko na ang tinapay na kinakain araw-araw sa Jerusalem. Tatakalin na nila ang kanilang kakanin at iinumin. Paghaharian na sila ng pangamba at kabalisahan. 17 Gagawin ko ito sa kanila hanggang sa sila'y pagharian ng sindak. Gayon sila pahihirapan dahil sa kanilang kasamaan.”
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
5 Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. 2 Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. 3 Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. 4 Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.”
5 Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. 6 Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. 7 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, 8 ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. 9 At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. 10 Kakainin(A) ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. 11 Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin.
13 “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. 14 Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. 15 Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 16 Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. 17 Padadalhan(B) ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Humarap ka sa mga bundok ng Israel at magpahayag laban sa kanila. 3 Sabihin mo, ‘Mga bundok ng Israel, dinggin ninyo itong ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: Tutugisin ko kayo ng tagâ. Gigibain ko ang inyong dambana sa mga burol. 4 Gagawin kong pook ng lagim ang inyong mga altar. Gigibain ko ang dambanang sunugan ninyo ng insenso, at papatayin ko kayo sa harap ng inyong mga diyus-diyosan. 5 Ang mga patay na Israelita'y ibubunton ko sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan, at ikakalat ko sa inyong altar ang mga buto ninyo. 6 Saanman kayo magtayo ng bayan, ito'y gigibain ko. Wawasakin ko ang inyong dambana sa mataas na dako. Dudurugin ko ang inyong mga diyus-diyosan, ibabagsak ang inyong mga dambanang sunugan ng insenso, at ipagtatatapon ang inyong mga ginawa. 7 Maraming mamamatay sa inyo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’
8 “May ilan akong ititira sa inyo ngunit mangangalat sila sa iba't ibang panig ng daigdig, 9 at mabibihag ng ibang bansa. Kapag sila'y naroon na sa dakong pagdadalahan sa kanila, maaalala nila kung gaano kalaki ang pagdaramdam ko dahil sa pagtalikod nila sa akin upang maglingkod sa mga diyus-diyosan. At sila mismo'y masusuklam sa kanilang sarili dahil sa ginawa nilang kasamaan. 10 Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh at malalaman nilang hindi panakot lamang ang parusang ipapataw ko sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Pumalakpak ka't pumadyak, at sabihing mabuti nga sa sambahayan ng Israel. Uubusin kayo sa pamamagitan ng tabak, ng salot at ng taggutom. 12 Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, at sa tabak naman ang nasa malapit. Ang matirang buháy ay papatayin naman sa gutom. Ganyan ang gagawin ko upang ipadama sa kanila ang aking matinding galit. 13 Makikilala nga nilang ako si Yahweh kapag nakita nilang naghalang ang patay sa harap ng kanilang mga diyus-diyosan, sa mga burol, mga bundok, sa ilalim ng mga punongkahoy at malalagong puno ng ensina, o sa alinmang dakong handugan nila ng mababangong samyo para sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Paparusahan ko nga sila at alinmang lugar na tirahan nila'y paghaharian ko ng lagim mula sa kaparangan ng Diblat. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Dumating na ang Wakas
7 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Sabihin mo sa bayang Israel: Dumating na ang wakas! Dumating na ang wakas sa apat na sulok ng daigdig. 3 Dumating na ngayon ang inyong katapusan. Ibubuhos ko na sa inyo ang aking matinding poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. 4 Wala akong patatawarin isa man. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
5 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi na magtatagal at sunud-sunod na kasawian ang aabot sa inyo. 6 Dumating na ang wakas! Ito na ang inyong katapusan. 7 Dumating na ang inyong katapusan, mga mamamayan ng lupain. Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng kaguluhan. Tapos na ang masasayang araw sa tuktok ng bundok. 8 Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. 9 Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa.
10 “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan. 11 Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan. 12 Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos. 13 Ang mga ipinagbili ay di na maisasauli sa nagbenta kahit sila mabuhay; wala nang saulian dahil sa kaguluhan. Sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos at dahil sa kanilang kasamaan, walang matitirang buháy.
Ang Parusa sa Israel
14 “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot. 15 Nasa labas ng bayan ang digmaan, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa digmaan. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom. 16 Kung may makatakas man sa bundok, sila'y matatagpuan sa mga bundok, na parang mga kalapating lumisan sa mga libis; sila'y nangangatog[a] sa takot dahil sa kanilang kasamaan. 17 Lahat ng kamay ay nanghihina at bawat tuhod ay nangangatog. 18 Bawat isa'y nakabalot ng sako, pinaghaharian ng matinding takot. Ang kanilang mga ulo'y naahitan, nakatungo dahil sa laki ng kahihiyan. 19 Ipinagtatapon na sa lupa ang kanilang pilak. Ang mga ginto'y wala nang halaga. Ang pilak at ginto nila'y walang maitulong sa kanila sa araw ng poot ni Yahweh. Hindi mapawi ng mga ito ang kanilang gutom, hindi nila ito makain. Ibinagsak sila ng sariling kasamaan. 20 Ang naggagandahan nilang hiyas na ginamit sa kapalaluan at ginawang diyus-diyosan at iba pang kasuklam-suklam na mga bagay ay ginawa kong walang kabuluhan. 21 Ang pilak at ginto nila'y pababayaan kong nakawin ng ibang tao at ipasasamsam sa mga taong walang Diyos, pati itinuturing nilang sagrado upang ipasalaula sa mga ito. 22 Sila'y tatalikuran ko. Pababayaan kong salaulain pati ang aking Templo. Papasukin ito ng mga magnanakaw, sasalaulain, at gagawing isang dakong mapanglaw.
23 “Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito'y pinaghaharian ng karahasan. 24 Ang mga tirahan nila'y ipasasamsam ko sa pinakamasasamang bayan. Wawakasan ko na ang kanilang pagpapalalo at hahayaan kong masalaula ang kanilang banal na dako. 25 Darating sa kanila ang kaguluhan. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit hindi nila ito makikita. 26 Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakakapangilabot na balita. Kaya't sasangguni sila sa propeta ngunit wala itong maipapahayag sa kanila. Hihingi sila ng payo sa mga pari ngunit wala itong maisasagot sa kanila. Pati ang matatanda'y walang masasabi sa kanila. 27 Mananaghoy ang hari, sasakmalin ng takot ang mga pinuno at manginginig sa takot ang mga karaniwang tao. Gagawin ko sa kanila ang nararapat sa kanilang gawa at hahatulan sila ayon sa kanilang pamumuhay. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.