Historical
1 Ang mensahe ng aklat na ito ay tungkol sa Nineve.[a] Itoʼy ipinahayag ng Panginoon kay Nahum na taga-Elkosh.
Ang Galit ng Panginoon sa Nineve
2 Ayaw ng Panginoong Dios na sumamba ang mga tao sa ibang mga dios.[b] Galit siya sa kanyang mga kaaway at pinaghihigantihan niya sila. 3 Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa. 4 Sa utos lamang niyaʼy natutuyo ang mga dagat at mga ilog. Nalalanta ang mga tanim sa Bashan, sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon. 5 Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya, pati na ang mga bundok at mga burol, at ang mga tao sa mundo ay nanginginig. 6 Sino ang makakatagal sa matinding galit ng Panginoon? Kapag siya ay nagalit, para siyang bumubuga ng apoy, at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.
7 Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya. 8 Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.[c] 9 Mga taga-Asiria, kung ano man ang masamang binabalak ninyo laban sa mga mamamayan ng Panginoon, wawakasan iyan ng Panginoon at hindi na mauulit pa. 10 Para kayong mga lasing na nakapulupot sa matinik na halaman. Lilipulin kayo na parang natutupok na dayami. 11 Ang isa sa inyong mga pinuno ay nagbalak ng masama laban sa mga mamamayan ng Panginoon. Masama ang kanyang ipinapayo.
12 Ito ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Juda: “Kahit na malakas at marami ang kalaban ninyong taga-Asiria, lilipulin ko sila hanggang sa mawala. Kahit na pinarusahan ko kayo, hindi ko na iyon uulitin pang muli. 13 Sapagkat palalayain ko na kayo ngayon mula sa kapangyarihan ng mga taga-Asiria.”
14 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon sa mga taga-Asiria: “Mawawala ang lahi ninyo at wawasakin ko ang mga rebulto ninyong kahoy o metal sa templo ng inyong mga dios-diosan. Ihahanda ko na ang inyong mga libingan dahil hindi na kayo dapat mabuhay.”
15 Mga taga-Juda, tingnan ninyo ang kabundukan! Dumarating na ang mensaherong maghahatid ng magandang balita ng kapayapaan sa inyong bayan. Kaya ipagdiwang ninyo ang inyong mga pista, at tuparin ninyo ang inyong mga panata sa Panginoon. Sapagkat ang masamang bansa ng Asiria ay hindi na sasalakay sa inyo, dahil lubusan na silang lilipulin.
Ang Pagkawasak ng Nineve
2 Mga taga-Nineve, sinasalakay na kayo ng inyong mga kalaban na magpapangalat sa inyo. Kaya guwardyahan ninyo ang pader ng inyong lungsod at bantayan ang mga daan. Tipunin ninyo ang inyong mga sundalo at humanda kayo sa digmaan. 2 Kahit na nilipol ninyo ang Israel at Juda[d] na parang mga tanim na ubas[e] na pinatay, ibabalik ng Panginoon ang kanilang kapangyarihan.
3 Pula ang kalasag at damit ng mga sundalo ng inyong kalaban. At sa oras ng kanilang pagsalakay kumikislap ang metal ng kanilang mga karwahe at nagtatatakbo ang kanilang mga kabayo.[f] 4 Humahagibis ang kanilang mga karwahe sa mga lansangan, parooʼt parito na sumusugod sa mga plasa. Nagliliwanag ang mga ito na parang sulo, at kumikislap na parang kidlat. 5 Inuutusan ng hari ang mga opisyal ng mga kawal. Nagkakandarapa sila papunta sa mga pader para maglagay ng mga pananggalang para sa mga sundalong wawasak ng pader. 6 Mabubuksan ang mga pintuan ng inyong lungsod sa bandang ilog at magigiba ang palasyo. 7 Naipahayag na, na bibihagin kayo[g] at dadalhin sa ibang bayan. Uungol ang inyong mga utusang babae na parang kalapati habang dinadagukan nila ang kanilang dibdib dahil sa kalungkutan. 8 Ang mga taong tumatakas mula sa Nineve ay parang tubig na umagos mula sa nawasak na imbakan ng tubig. Ang mga tumatakas ay pinapabalik ng kanilang mga kasama pero wala ni isa mang bumalik.
9 Kayong mga sumasalakay sa Nineve, kunin ninyo ang mga pilak at ginto ng lungsod na ito dahil puno ito ng kayamanan. 10 Malilipol, mawawasak at magiging mapanglaw na ang Nineve! Kaya natatakot ang mga mamamayan nito, nanghihina ang buong katawan nila, nanginginig ang kanilang mga tuhod, at namumutla silang lahat. 11-12 Ang Nineve ay parang yungib na tinitirhan ng mag-asawang leon at ng mga anak nito. Walang pwedeng manakit sa kanila sa yungib. Pinapatay at nilalapa ng lalaking leon ang kanyang biktima at ibinibigay sa kanyang asawa at mga anak. Pinupuno niya ang kanyang yungib ng karne ng kanyang mga biktima.[h] Pero ngayon, ang Nineve ay wawasakin na. 13 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Makinig kayong mga taga-Nineve! Kalaban ko kayo! Kaya susunugin ko ang inyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang inyong mga kawal.[i] Wawakasan ko na ang inyong pambibiktima sa lupain. Hindi na kayo makapagpapadala ng mga mensahero sa ibang bansa.”
Kahabag-habag ang Nineve
3 Kahabag-habag ang lungsod ng Nineve. Ito ay puno ng kasakiman at kasinungalingan, lungsod ng mamamatay-tao at hindi nauubusan ng mabibiktima. 2 Sasalakayin sila ng mga kalaban nila. Maririnig nila ang paghagupit ng latigo, ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe, ang yabag ng paa ng mga kabayo, at ang rumaragasang mga karwahe. 3 Makikita nila ang sumusugod na mga mangangabayo, ang kumikinang na mga espada at mga sibat, at ang nakabunton na mga patay na di-mabilang. Matitisod sa mga bangkay ang mga sundalo. 4 Mangyayari ito sa Nineve dahil para siyang babaeng bayaran na paulit-ulit na ibinenta ang katawan. Nang-aakit siya at nanggagayuma, kaya naeengganyo niya ang mga bansa na magpasakop sa kanya.
5 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Mga taga-Nineve, makinig kayo! Kalaban ko kayo! Kaya hihiyain ko kayo sa harap ng mga bansa at mga kaharian. Maihahalintulad kayo sa isang babaeng itinaas ang damit hanggang ulo at nakita ang kahubaran. 6-7 Kasusuklaman ko kayo tulad ng isang taong hinagisan ng basura, kaya ang lahat ng makakakita sa inyo ay mandidiri at iiwas sa inyo. Sasabihin nila, ‘Giba na ang Nineve. Walang iiyak o aaliw sa kanya.’ ”
8 Higit bang mabuti ang Nineve kaysa sa lungsod ng Tebes na malapit sa Ilog ng Nilo? Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebes na nagsisilbing proteksyon nito. 9 Ang Etiopia[j] at ang buong Egipto ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebes, at ang akala niyaʼy mananatili ito magpakailanman. Ang Put at ang Libya ay mga bansang kakampi rin niya. 10 Ganoon pa man, naging bihag pa rin ang kanyang mga mamamayan at dinala sa ibang lugar. Ang kanilang mga anak ay pinagdudurog sa mga lansangan. Ginapos ng kadena ang kanilang mga tanyag na mamamayan at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin sa pamamagitan ng palabunutan. 11 Kayo rin na mga taga-Nineve, magiging pareho kayo sa lasing na hindi alam kung ano ang nangyayari. Sasalakayin din kayo ng inyong mga kalaban at maghahanap kayo ng inyong matataguan na hindi kayo mahuhuli. 12 Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod ay magiging parang mga puno ng igos na ang unang bunga ay hinog na; at kapag inuga ang puno, malalaglag ang mga bunga at maaari nang kainin. 13 Tingnan ninyo ang inyong mga kawal – para silang mga babae! Ang tarangkahan ng pintuan ng inyong lungsod ay masusunog, kaya madali na itong mapapasok ng inyong mga kalaban.
14 Humanda na kayo sa pagdating ng inyong kalaban. Mag-ipon na kayo ng tubig. Patibayin ninyo ang mga pader sa palibot ng inyong lungsod. Gumawa kayo ng mga tisa at ayusin ninyo ang mga pader na ito. 15 Pero mamamatay kayo sa inyong kinaroroonan sa pamamagitan ng apoy at espada. Para kayong halamanang sinalakay ng mga balang.
Dumami kayo na parang balang! 16 Pinarami ninyo ang inyong mga mangangalakal na higit pa sa mga bituin sa langit. Pero magiging tulad sila ng mga balang na pagkatapos na maubos ang mga tanim ay lumipad nang palayo. 17 Ang inyong mga tagapagbantay at mga opisyal ay kasindami ng mga balang na nakadapo sa mga pader kapag malamig ang panahon. Pero pagsikat ng araw ay nagliliparan at walang nakakaalam kung saan sila pumunta. 18 Hari ng Asiria, mamamatay ang iyong mga pinuno. Mangangalat sa kabundukan ang iyong mga mamamayan, at wala nang magtitipon sa kanila. 19 Ang katulad moʼy taong nasugatan nang malubha na hindi gumagaling. Ang lahat ng makakabalita sa sinapit mo ay magpapalakpakan sa tuwa, dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan.
1 Ito ang mensahe ni Propeta Habakuk na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
Ang Unang Hinaing ni Habakuk
2 Sinabi ni Habakuk, “Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa inyo bago nʼyo ako dinggin? Kailan nʼyo po ba kami ililigtas sa mga karahasang ito? 3 Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan? Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. 4 Kaya naging walang kabuluhan ang kautusan. At wala ring katarungan dahil ang mga taong may kasalanan ang siyang nananalo sa korte, at hindi ang mga taong walang kasalanan. Kaya nababaluktot ang katarungan.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
5 Sumagot ang Dios, “Tingnan ninyong mabuti ang mga nangyayari sa mga bansa at talagang magtataka kayo sa inyong makikita. Sapagkat may gagawin ako sa inyong kapanahunan na hindi ninyo paniniwalaan kahit may magbalita pa nito sa inyo. 6 Sapagkat pamamahalain ko ang mga taga-Babilonia,[a] na kilala sa kalupitan at karahasan. Mabilis nilang sinasalakay ang mga bansa sa buong mundo upang agawin ang mga lugar na hindi kanila. 7 Kinatatakutan sila ng mga tao. Ginagawa nila ang gusto nila at walang makakapigil sa kanila. 8 Ang mga kabayo nilaʼy mas mabilis kaysa sa mga leopardo at mas mabangis kaysa sa mga lobo na gumagala sa gabi. Tumatakbo ito mula sa malalayong lugar, parang agilang mabilis na lumilipad para dagitin ang kanyang biktima. 9 Paparating ang kanilang mga sundalo na handang gumawa ng kalupitan. Para silang malakas na hangin mula sa silangan. Ang kanilang mga bihag ay kasindami ng buhangin. 10 Hinahamak nila ang mga hari at mga pinuno. Tinatawanan lamang nila ang mga napapaderang lungsod, dahil kaya nila itong akyatin sa pamamagitan ng pagtambak ng lupa sa tabi nito. Sa ganitong paraan, nakakapasok sila at nasasakop nila ang lungsod. 11 Pagkatapos, aalis sila na parang hangin lang na dumaan. Nagkasala sila, dahil wala silang kinikilalang dios kundi ang sariling kakayahan.”
Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk
12 Sinabi ni Habakuk, “O Panginoon, kayo ay Dios mula pa noon. Kayo ang aking Dios, ang banal na Dios na walang kamatayan. O Panginoon, ang Bato na kanlungan, pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia para magparusa sa amin. 13 Dahil banal kayo, hindi nʼyo matitiis na tingnan ang kasamaan at kaguluhan. Pero bakit nʼyo hinahayaan ang mga traydor na taga-Babilonia na gawin ito sa amin? Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan ang mga taong hindi gaanong masama kung ihahambing sa kanila? 14 Ang kanilang mga kalaban ay ginawa nʼyong parang mga isda na walang pinuno na magtatanggol sa kanila. 15 Masayang nagdiriwang ang mga taga-Babilonia dahil sa pagbihag nila sa kanilang mga kalaban na parang mga isdang nahuli sa bingwit o lambat. 16 At dahil marami silang nabihag, ipinagmamalaki nila ang kanilang kakayahan katulad ng mangingisdang sinasamba ang kanyang bingwit o lambat sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso bilang handog sa mga bagay na ito. Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat ay yumaman siya at nagkaroon ng masaganang pagkain. 17 Kaya Panginoon, magpapatuloy na lang po ba ang kanilang walang awang pagbihag at pagwasak sa mga bansa?”
2 Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
2 Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. 3 Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”
4 Ito ang isulat mo:
“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[b] 5 Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[c] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. 6 Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,
“ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? 7 Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo,[d] at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. 8 Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
9 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay[e] sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. 10 Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.[f] 11 Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay.
12 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng kalupitan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 13 Pero ang mga ipinatayo ninyo sa mga tao na binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng Panginoon.
15 “ ‘Nakakaawa kayo! Sa inyong poot ay ipinahiya ninyo ang inyong mga karatig bansa. Parang nilalasing ninyo sila upang makita ninyo silang huboʼt hubad. 16 Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng Panginoon. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran[g] at malalagay kayo sa kahihiyan. 17 Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
18 “ ‘Ano ang kabuluhan ng mga dios-diosan? Gawa lang naman ang mga ito ng tao mula sa kahoy o metal, at hindi makapagsasabi ng katotohanan. At bakit nagtitiwala sa mga dios-diosang ito ang mga taong gumawa sa kanila? Ni hindi nga makapagsalita ang mga ito? 19 Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, “Gumising ka at tulungan kami.” Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala namang buhay. 20 Pero ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo. Kaya ang buong mundo ay manahimik sa kanyang presensya.’ ”
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:[h] 2 “Panginoon, narinig ko po ang tungkol sa inyong mga ginawa, at ako ay lubos na humanga sa inyo. Gawin nʼyong muli sa aming panahon ang ginawa nʼyo noon. At sa araw na ipadama nʼyo ang inyong galit, maawa kayo sa amin.
3 “Ikaw ang Banal na Dios na darating[i] mula sa Teman at sa Bundok ng Paran.[j] At ang inyong kadakilaan ay makikita sa kalangitan, at dahil dito pupurihin kayo ng mga tao sa mundo. 4 Darating kayong kasingliwanag ng araw; may sinag na lumalabas sa inyong mga kamay kung saan nakatago ang inyong kapangyarihan. 5 Darating kayong may dalang mga salot. 6 Kapag tumayo kayo ay nayayanig ang mundo, at kapag tumingin kayo ay nanginginig sa takot ang mga bansa at gumuguho ang sinaunang kabundukan at kaburulan. Ang inyong mga pamamaraan ay mananatili magpakailanman. 7 Nakita kong nagiba ang mga tolda sa Cushan at sa Midian.
8-9 “Panginoon, tulad kayo ng sundalong nakasakay sa karwahe na nagbibigay tagumpay sa labanan. Nakahanda na kayong pumana. Pero sino ang inyong kinapopootan? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Pinabitak nʼyo ang lupa at lumabas ang tubig. 10 Ang mga bundok ay parang mga tao na nanginig nang makita nila kayo. Umulan nang malakas; umugong ang tubig sa dagat at lumaki ang mga alon. 11 Tumigil ang araw at ang buwan sa kanilang kinaroroonan sa kislap ng nagliliparan nʼyong pana at kumikinang nʼyong sibat.[k]
12 “Sa inyong matinding galit ay tinapakan nʼyo ang mundo at niyurakan ang mga bansa, 13 upang iligtas ang mga taong pinili ninyo. Pinatay nʼyo ang pinuno ng masamang kaharian, at lubusang nilipol ang lahat ng kanyang tagasunod. 14 Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal. Ginawa nʼyo ito nang kami ay kanilang salakayin na parang buhawi upang kami ay pangalatin. Sapagkat kagalakan nila na lipulin kaming mga kawawang nagtatago dahil sa takot. 15 Para kayong sundalo na nakasakay sa kabayong nagtatatakbo sa karagatan hanggang sa lumaki ang mga alon.”
16 Sinabi ni Habakuk, “Nang marinig ko ang lahat ng ito, nanginig ang aking buong katawan at nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ako at nangatog ang aking mga tuhod. At dahil sa ipinahayag na ito ng Panginoon, matiyaga kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa niya sa mga sumalakay sa amin. 17 Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo, at kahit walang anihin sa mga bukirin, at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan, 18 magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin. 19 Siya ang nagbibigay sa akin ng kalakasan. Pinalalakas niya ang aking mga paa na tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa matataas na lugar.”[l]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®