Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 7-10

Ang Pangako ng Panginoon kay David(A)

Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Dios ay nasa tolda lang.” Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko, ‘Ikaw ba ang magpapatayo ng templong titirhan ko? Hanggang ngayon hindi pa ako tumitira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. Nagpalipat-lipat ako ng lugar na tolda lang ang pinananahanan ko. Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na inuutusan akong mag-alaga sa kanila. Ni hindi ako nagtanong kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templo na gawa sa sedro.’

“Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala ng kalaban na sasalakay sa iyo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. 12 Kapag namatay ka at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 13 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 14 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 15 Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari. 16 Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ” 17 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.

Ang Panalangin ni David(B)

18 Pagkatapos, pumasok si David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon, at nanalangin, “O Panginoong Dios, sino po ako at ang pamilya ko at pinagpala nʼyo nang ganito? 19 At ngayon, Panginoong Dios, bukod pa rito, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng angkan ko. Ganito po ba talaga kayo makitungo sa tao? 20 Ano pa po ba ang masasabi ko sa inyo, Panginoong Dios? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 21 Ayon sa pangako nʼyo at kalooban, ginawa nʼyo po ang mga dakilang bagay na ito at inihayag nʼyo sa akin na inyong lingkod.

22 “Panginoong Dios, dakila kayo. Wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 23 At wala ring katulad ang inyong mga mamamayang Israelita. Ito lamang ang bansa sa mundo na inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mga mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa dakila at kamangha-manghang ginawa ninyo. Itinaboy nʼyo ang mga bansa at ang mga dios nila sa pamamagitan ng mga mamamayan nʼyo nang inilabas nʼyo sila sa Egipto. 24 Itinatag nʼyo ang Israel bilang sarili nʼyong mga mamamayan magpakailanman, at kayo Panginoon, ang kanilang naging Dios.

25-26 “At ngayon, Panginoong Dios, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa angkan ko, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang sambahayan ko ay patuloy na maglilingkod sa inyo magpakailanman. 27 Panginoong Makapangyarihan, Dios ng Israel, malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito dahil ipinahayag nʼyo sa akin na inyong lingkod, na patuloy na manggagaling sa aking angkan ang magiging hari ng Israel. 28 Panginoong Dios, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod ang mabubuting bagay na ito, at tapat kayo sa mga pangako ninyo. 29 Nawa poʼy ikalugod nʼyo na pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy silang manahan sa inyong presensya magpakailanman, dahil ito po ang ipinangako nʼyo, Panginoong Dios. At sa pagpapala nʼyong ito, pinagpala ang aking angkan magpakailanman.”

Ang mga Pagtatagumpay ni Haring David(C)

Kinalaunan, natalo at nasakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya mula sa kanila ang Meteg Amma. Natalo rin ni David ang mga Moabita. Nakahanay na pinahiga niya ang mga ito sa lupa, at sinukat niya ang mga ito sa pamamagitan ng isang lubid. Ang mga napabilang sa sukat na dalawang lubid ay pinagpapatay, at ang mga napabilang naman sa sukat ng pangatlong lubid ay hinayaang mabuhay. Ang mga Moabitang hinayaang mabuhay ay nagpasakop kay David at nagbayad sa kanya ng buwis.

Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob, habang papunta si Hadadezer sa lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates para bawiin ito. Naagaw nila David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe,[a] at 20,000 sundalo. Pinilayan nila David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe, maliban lang sa 100 kabayo na itinira nila para gamitin.

Nang dumating ang mga Arameo[b] mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pupuntahan niya. Kinuha ni David ang mga gintong kalasag na pag-aari ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. Kinuha rin niya ang napakaraming tanso sa Beta[c] at Berotai, mga bayang sakop ni Hadadezer.

Nabalitaan ni Haring Tou[d] ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Hadadezer. 10 Kaya pinapunta niya ang anak niyang si Joram kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Joram ng mga regalong gawa sa pilak, ginto at tanso. 11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na nasamsam niya mula lahat ng bansang tinalo niya – 12 ang Edom,[e] Moab, Ammon, Filistia at Amalek. Inihandog din niya ang mga nasamsam nila mula kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob. 13 Naging tanyag pa si David nang mapatay niya ang 18,000 Edomita[f] sa lambak na tinatawag na Asin. 14 Naglagay siya ng mga kampo sa buong Edom, at sinakop niya ang mga Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pinupuntahan niya.

Ang mga Opisyal ni David

15 Naghari si David sa buong Israel. Ginawa niya ang matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 16 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat naman na anak ni Ahilud ang namamahala sa mga kasulatan ng kaharian. 17 Sina Zadok na anak ni Ahitub at Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga punong pari. Si Seraya ang kalihim. 18 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang namumuno sa mga Kereteo at Peleteo na mga personal niyang tagapagbantay. At ang mga anak niyang lalaki ang mga tagapayo[g] niya.

Si David at si Mefiboset

Isang araw, nagtanong si David, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonatan?” Ipinatawag ni David ang isang tao na nagngangalang Ziba, isang utusan mula sa sambahayan ni Saul. Pagdating niya, tinanong siya ni David, “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya, “Ako nga po.” Muling nagtanong ang hari, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan ng Dios?” Sumagot siya, “Mayroon po, ang lumpong anak na lalaki ni Jonatan.” “Nasaan siya?” tanong ng hari. Sumagot si Ziba, “Naroon po sa Lo Debar, sa bahay ni Makir na anak ni Amiel.” Kaya ipinasundo siya ni David mula sa bahay ni Makir.

Ang pangalan ng anak ni Jonatan ay Mefiboset at apo siya ni Saul. Pagdating niya kay David, yumukod siya bilang paggalang dito. Sinabi ni David sa kanya, “Ikaw pala si Mefiboset.” Sumagot siya, “Ako nga po.” Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot. Ipinatawag kita dahil gusto kitang pakitaan ng kabutihan dahil sa iyong amang si Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at hindi lang iyan, dito ka na palagiang kakain kasama ko.” Yumukod si Mefiboset at sinabi, “Sino po ako para tratuhin nʼyo ako ng ganito? Gaya lang po ako ng isang patay na aso.” Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Ziba, ang dating utusan ni Saul at sinabi, “Ibinigay ko na sa apo ng amo mong si Saul ang lahat ng ari-arian ng kanyang lolo. 10 Ikaw, ang mga anak mo, at ang mga utusan mo ang magsasaka ng lupain para sa kanya, at dapat mong dalhin sa kanya ang mga ani para may pagkain ang sambahayan ng amo mo.[h] Pero si Mefiboset naman ay kakaing kasama ko.” (May 15 anak na lalaki at 20 utusan si Ziba.)

11 Sumagot si Ziba sa hari, “Gagawin ko po, Mahal na Hari, ang lahat ng iniutos nʼyo sa akin na inyong lingkod.” Mula noon, palaging kumakain si Mefiboset kasama ni David na parang isa sa mga anak niya. 12 May bata pang anak na lalaki si Mefiboset na nagngangalang Mica. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ziba ay naging utusan ni Mefiboset. 13 At si Mefiboset na lumpo ang dalawang paa ay nanirahan sa Jerusalem, at palagi siyang kumakain kasama ni Haring David.

Tinalo ni David ang mga Ammonita(D)

10 Mga ilang panahon pa ang lumipas, namatay si Nahash, ang hari ng mga Ammonita. Pinalitan siya ng anak niyang si Hanun bilang hari. Sinabi ni David, “Magpapakita ako ng kabutihan kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita kay Hanun na kanilang hari, “Sa tingin nʼyo ba pinahahalagahan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan nʼyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para manmanan lang ang lungsod natin at wasakin.” Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga opisyal ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang mga damit nila mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.

Talagang hiyang-hiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang bumalik.

Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David, kaya umupa sila ng 20,000 sundalong Arameo[i] mula sa Bet Rehob at Zoba, 1,000 sundalo mula sa hari ng Maaca, at 12,000 sundalo mula sa Tob. Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang lahat ng sundalo niya sa pakikipaglaban. Pumwesto ang mga Ammonita sa bungad ng kanilang lungsod, habang ang mga Arameo naman na galing sa Rehob at Zoba at ang mga sundalong galing sa Tob at Maaca ay naroon sa kapatagan.

Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 10 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kapag nakita mo na parang natatalo kami ng mga Arameo, tulungan nʼyo kami, pero kapag kayo ang parang natatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 12 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.” 13 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 14 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai at pumasok sa lungsod nila. Pagkatapos, umuwi sina Joab sa Jerusalem mula sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.

15 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, muli silang nagtipon. 16 Tinulungan sila ng ibang mga Arameo na ipinatawag ni Hadadezer mula sa kabila ng Ilog ng Eufrates. Pumunta sila sa Helam sa pamumuno ni Shobac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.

17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumunta sa Helam. Naghanda ang mga Arameo para harapin si David, at nakipaglaban sila sa kanya. 18 Pero muling tumakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Napatay nina David ang 700 mangangarwahe at 40,000 mangangabayo.[j] Napatay din nila si Shobac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga haring kaanib ng mga Arameo, na sakop ni Hadadezer, na natalo sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila sa mga Israelita at nagpasakop sa kanila. Kaya mula noon natakot nang tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®