Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Paralipomeno 30-32

30 At si Ezechias ay nagsugo sa buong Israel at Juda, at sumulat ng mga liham naman sa Ephraim at Manases, na sila'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

Sapagka't ang hari ay nakipagsanggunian, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong kapisanan sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa ikalawang buwan.

Sapagka't hindi nila maipangilin sa panahong yaon, sapagka't ang mga saserdote ay hindi nangagpakabanal sa sukat na bilang, ni nagsipisan man ang bayan sa Jerusalem.

At ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng hari at sa buong kapisanan.

Sa gayo'y itinatag nila ang pasiya upang magtanyag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na sila'y magsisiparoon na ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel, sa Jerusalem: sapagka't hindi nila ipinagdiwang sa malaking bilang sa gayong paraan na gaya ng nakasulat.

Sa gayo'y ang mga mangdadala ng sulat ay nagsiyaong dala ang sulat na mula sa hari at sa kaniyang mga prinsipe sa buong Israel at Juda, at ayon sa utos ng hari, na sinasabi, Kayong mga anak ni Israel manumbalik kayo sa Panginoon, sa Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, upang siya'y manumbalik sa nalabi na nakatanan sa inyo na mula sa kamay ng mga hari sa Asiria.

At kayo'y huwag maging gaya ng inyong mga magulang, at gaya ng inyong mga kapatid, na nagsisalangsang laban sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, na anopa't ibinigay niya sila sa pagkapahamak, gaya ng inyong nakikita.

Ngayo'y huwag kayong maging mapagmatigas na ulo, na gaya ng inyong mga magulang; kundi magsitalaga kayo sa Panginoon, at magsipasok sa kaniyang santuario, na kaniyang itinalaga magpakailan man at kayo'y mangaglingkod sa Panginoon ninyong Dios, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa inyo.

Sapagka't kung kayo'y manumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay mangagkakasumpong ng habag sa harap nilang nagsibihag, at magsisibalik sa lupaing ito: sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay mapagbiyaya at maawain, at hindi itatalikod ang kaniyang mukha sa inyo, kung kayo'y manumbalik sa kaniya.

10 Sa gayo'y ang mangdadala ng sulat ay nagdaan sa bayan at bayan sa lupain ng Ephraim at Manases hanggang sa Zabulon: nguni't sila'y tinatawanang mainam, at tinutuya sila.

11 Gayon ma'y ang iba sa Aser, at sa Manases, at sa Zabulon ay nangagpakumbaba, at nagsiparoon sa Jerusalem.

12 Suma Juda naman ang kamay ng Dios upang papagisahing puso sila upang gawin ang utos ng hari at ng mga prinsipe sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

13 At nagpupulong sa Jerusalem ang maraming tao upang ipagdiwang ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa ikalawang buwan, na isang totoong malaking kapisanan.

14 At sila'y nagsitindig at inalis ang mga dambana na nangasa Jerusalem, at ang lahat na dambana na ukol sa kamangyan ay inalis nila, at kanilang inihagis sa batis ng Cedron.

15 Nang magkagayo'y kanilang pinatay ang kordero ng paskua nang ikalabing apat ng ikalawang buwan: at ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangapahiya, at nangagpakabanal, at nangagdala ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon.

16 At sila'y nagsitayo sa kanilang dako ayon sa kanilang ayos, ayon sa kautusan ni Moises na lalake ng Dios: iniwisik ng mga saserdote ang dugo, na kanilang tinanggap sa kamay ng mga Levita.

17 Sapagka't marami sa kapisanan na hindi nangagpakabanal; kaya't ang mga Levita ang may katungkulan ng pagpatay sa kordero ng paskua na ukol sa bawa't isa na hindi malinis, upang mga italaga sa Panginoon.

18 Sapagka't isang karamihan sa bayan, sa makatuwid baga'y marami sa Ephraim at sa Manases, sa Issachar, at sa Zabulon, ay hindi nangagpakalinis, gayon ma'y nagsikain sila ng kordero ng paskua na hindi gaya ng nasusulat. Sapagka't idinalangin sila ni Ezechias, na sinasabi, Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawa't isa.

19 Na naglalagak ng kaniyang puso upang hanapin ang Dios, ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, bagaman hindi siya nalinis ng ayon sa paglilinis sa santuario.

20 At dininig ng Panginoon si Ezechias, at pinagaling ang bayan.

21 At ang mga anak ni Israel na nakaharap sa Jerusalem ay nagdiwang ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw, na may malaking kasayahan: at ang mga Levita at ang mga saserdote ay nagsipuri araw-araw sa Panginoon na nagsisiawit na may matunog na panugtog sa Panginoon.

22 At si Ezechias ay nagsalitang may kagandahang loob sa lahat na Levita sa mga matalino sa paglilingkod sa Panginoon. Sa gayo'y nagsikain sila sa buong kapistahan sa loob ng pitong araw, na nangaghahandog ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at nangagpahayag ng kasalanan sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

23 At ang buong kapisanan ay nagsanggunian upang magdiwang ng ibang pitong araw: at sila'y nangagdiwang ng ibang pitong araw na may kasayahan.

24 Sapagka't si Ezechias na hari sa Juda ay nagbigay sa kapisanan ng pinakahandog na isang libong baka at pitong libong tupa; at ang mga prinsipe ay nangagbigay sa kapisanan ng isang libong baka at sangpung libong tupa; at lubhang maraming bilang ng mga saserdote ay nangagpakabanal.

25 At ang buong kapisanan ng Juda, pati ng mga saserdote at mga Levita, at ang buong kapisanan na lumabas sa Israel, at ang mga taga ibang lupa na nagsilabas sa lupain ng Israel, at nagsitahan sa Juda, ay nangagalak.

26 Sa gayo'y nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem: sapagka't mula sa panahon ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel, ay hindi nagkaroon ng gayon sa Jerusalem.

27 Nang magkagayo'y ang mga saserdote na mga Levita ay nagsitindig at binasbasan ang bayan: at ang kanilang tinig ay narinig, at ang kanilang dalangin ay umilanglang sa kaniyang banal na tahanan, hanggang sa langit.

31 Nang matapos nga ang lahat ng ito, ang buong Israel na nakaharap ay lumabas sa mga bayan ng Juda, at pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at ibinuwal ang mga Asera, at iginiba ang mga mataas na dako at ang mga dambana mula sa buong Juda at Benjamin, sa Ephraim man at sa Manases, hanggang sa kanilang naigibang lahat. Nang magkagayo'y ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsibalik, bawa't isa'y sa kaniyang pag-aari, sa kanilang sariling mga bayan.

At inihalal ni Ezechias ang mga bahagi ng mga saserdote, at ng mga Levita ayon sa kanilang pagkakabahagi, bawa't lalake ay ayon sa kaniyang katungkulan, ang mga saserdote at gayon din ang mga Levita, na ukol sa mga handog na susunugin at sa mga handog tungkol sa kapayapaan, upang magsipangasiwa, at upang mangagpasalamat, at upang mangagpuri sa mga pintuang-daan ng hantungan ng Panginoon.

Itinakda naman niya ang bahagi ng hari sa kaniyang pag-aari na ukol sa mga handog na susunugin, sa makatuwid baga'y sa mga handog na susunugin sa umaga at sa hapon, at ang mga handog na susunugin sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.

Bukod dito'y inutusan niya ang bayan na tumatahan sa Jerusalem, na ibigay ang pagkain ng mga saserdote at ng mga Levita, upang magsitalaga sa kautusan ng Panginoon.

At paglabas ng utos, ang mga anak ni Israel ay nangagbigay na sagana ng mga unang bunga ng trigo, alak, at langis, at pulot, at sa lahat na bunga sa bukid; at ang ikasangpung bahagi ng lahat na bagay ay dinala nila na sagana.

At ang mga anak ni Israel at ni Juda, na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, sila nama'y nangagdala ng ikasangpung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasangpung bahagi ng mga itinalagang bagay na mga itinalaga sa Panginoon nilang Dios, at inilagay ang mga yaon na bunton bunton.

Nang ikatlong buwan ay nangagpasimula silang naglagay ng pasimula ng mga bunton, at nangatapos sa ikapitong buwan.

At nang pumaroon si Ezechias at ang mga prinsipe at makita ang mga bunton, kanilang pinuri ang Panginoon, at ang kaniyang bayang Israel.

Nang magkagayo'y nagtanong si Ezechias sa mga saserdote at sa mga Levita tungkol sa mga bunton.

10 At si Azarias na punong saserdote sa bahay ni Sadoc, ay sumagot sa kaniya, at nagsabi, Mula ng magpasimulang magdala ang bayan ng mga alay sa bahay ng Panginoon, kami ay nagsikain at nangabusog kami, at lumabis ng sagana sapagka't pinagpala ng Panginoon ang kaniyang bayan; at ang naiwan ay ang malaking kasaganaang ito.

11 Nang magkagayo'y nagutos si Ezechias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila.

12 At kanilang pinagdalhan ng mga alay at ng mga ikasangpung bahagi, at ng mga itinalagang bagay, na may pagtatapat. At sa mga yaon ay katiwala si Chonanias na Levita, at si Simi na kaniyang kapatid ay siyang ikalawa.

13 At si Jehiel, at si Azazias, at si Nahat, at si Asael, at si Jerimoth, at si Josabad, at si Eliel, at si Ismachias, at si Mahaath, at si Benaias, ay mga tagapangasiwa sa kapangyarihan ng kamay ni Chonanias, at ni Simi na kaniyang kapatid, ayon sa pagkahalal ni Ezechias, na hari, at ni Azarias na tagapamahala sa bahay ng Dios.

14 At si Core na anak ni Imna na Levita, na tagatanod-pinto sa silanganang pintuang-daan, ay katiwala sa mga kusang handog sa Dios, upang magbahagi ng mga alay sa Panginoon, at ng mga kabanalbanalang bagay.

15 At nasa kapangyarihan niya si Eden, at si Benjamin, at si Jeshua, at si Semaias, si Amarias, at si Sechanias, sa mga bayan ng mga saserdote, sa kanilang takdang katungkulan, upang magbigay sa kanilang mga kapatid ng ayon sa mga bahagi, gayon sa malaki na gaya sa maliit:

16 Bukod doon sa nangabilang sa mga talaan ng lahi ng mga lalake, na mula sa tatlong taong gulang na patanda, sa makatuwid baga'y sa bawa't pumapasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan sa bawa't araw, na ukol sa kanilang paglilingkod sa kanilang mga katungkulan ayon sa kanilang mga bahagi.

17 At silang mangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi ng mga saserdote ayon sa sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ang mga Levita mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, sa kanilang mga katungkulan ayon sa kanilang mga bahagi;

18 At silang nangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi ng lahat nilang mga bata, ng kanilang mga asawa, at ng kanilang mga anak na lalake at babae, sa buong kapisanan: sapagka't sa kanilang takdang katungkulan ay nangagpakabanal:

19 Gayon din sa mga anak ni Aaron na mga saserdote, na nangasa bukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, sa bawa't iba't ibang bayan, may mga lalake na nasaysay sa pangalan, upang magbigay ng mga pagkain sa lahat na lalake na saserdote, at sa lahat na nangabilang ayon sa talaan ng lahi ng mga Levita.

20 At ganito ang ginawa ni Ezechias sa buong Juda; at siya'y gumawa ng mabuti, at matuwid, at tapat sa harap ng Panginoon niyang Dios.

21 At sa bawa't gawain na kaniyang pinasimulan sa paglilingkod sa bahay ng Dios, at sa kautusan at sa mga utos, upang hanapin ang kaniyang Dios, kaniyang ginawa ng buong puso niya, at guminhawa.

32 Pagkatapos ng mga bagay na ito, at ng pagtatapat na ito, ay naparoon si Sennacherib na hari sa Asiria at pumasok sa Juda, at humantong laban sa mga bayan na nakukutaan, at kaniyang inisip sakupin upang kaniyahin.

At nang makita ni Ezechias na si Sennacherib ay dumating, at siya'y tumalaga na lumaban sa Jerusalem,

Ay nakipagsanggunian siya sa kaniyang mga prinsipe at sa kaniyang mga makapangyarihang lalake upang patigilin ang tubig sa mga bukal na nangasa labas ng bayan at kanilang tinulungan siya.

Sa gayo'y nagpipisan ang maraming tao sa bayan at kanilang pinatigil ang lahat na bukal, at ang batis na umaagos sa gitna ng lupain, na sinasabi, Bakit paririto ang mga hari sa Asiria, at makakasumpong ng maraming tubig?

At siya'y nagdalang tapang, at itinayo niya ang lahat na kuta na nabagsak, at pinataas pa ang mga moog, at ang ibang kuta sa labas, at pinagtibay ang Millo sa bayan ni David, at gumawa ng mga sandata at mga kalasag na sagana.

At siya'y naglagay ng mga pinunong kawal sa bayan na mangdidigma, at pinisan niya sila sa luwal na dako sa pintuang-bayan, at nagsalita na may kagandahang loob sa kanila, na sinasabi,

Kayo'y mangagpakalakas at mangagpakatapang na mabuti, huwag ninyong katakutan o panglupaypayan man ang hari sa Asiria, o ang buong karamihan man na kasama niya; sapagka't may lalong dakila sa atin kay sa kaniya:

Sumasakaniya ay isang kamay na laman; nguni't sumasaatin ay ang Panginoon nating Dios upang tulungan tayo, at ipakipaglaban ang ating mga pagbabaka, At ang bayan ay sumandal sa mga salita ni Ezechias na hari sa Juda.

Pagkatapos nito'y sinugo ni Sennacherib na hari sa Asiria ang kaniyang mga lingkod sa Jerusalem, (siya nga'y nasa harap ni Lachis, at ang kaniyang buong kapangyarihan ay sumasa kaniya,) kay Ezechias na hari sa Juda, at sa buong Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,

10 Ganito ang sabi ni Sennacherib na hari sa Asiria, Sa ano kayo nagsisiasa na kayo'y nagsisitahan sa pagkakubkob sa Jerusalem?

11 Hindi ba kayo hinihikayat ni Ezechias, upang kayo'y ibigay sa pagkamatay sa pamamagitan ng kagutom at ng kauhaw, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon nating Dios sa kamay ng hari sa Asiria?

12 Hindi ba ang Ezechias ding ito ang nagalis ng kaniyang mga mataas na dako at ng kaniyang mga dambana, at nagutos sa Juda at sa Jerusalem, na sinasabi, Kayo'y magsisisamba sa harap ng isang dambana, at sa ibabaw niyao'y mangagsusunog kayo ng kamangyan.

13 Hindi ba ninyo nalalaman, kung ano ang ginawa ko at ng aking mga magulang sa lahat ng bayan ng mga lupain? Ang mga dios ba ng mga bansa ng mga lupain ay nakapagligtas sa anomang paraan ng kanilang lupain sa aking kamay?

14 Sino sa lahat ng mga dios ng mga bansang yaon na lubos na giniba ng aking mga magulang na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, upang kayo'y mailigtas ng inyong Dios sa aking kamay?

15 Kaya't huwag nga kayong padaya kay Ezechias, ni hikayatin kayo ng ganitong paraan, ni paniwalaan man ninyo siya: sapagka't walang dios sa alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, at sa kamay ng aking mga magulang: gasino pa nga kaya ang inyong Dios na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay?

16 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsalita pa laban sa Panginoong Dios, at laban sa kaniyang lingkod na si Ezechias.

17 Siya'y sumulat din ng mga sulat upang tungayawin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at upang magsalita laban sa kaniya, na sinasabi, Kung paanong hindi iniligtas ng mga dios ng mga bansa ng mga lupain ang kanilang bayan sa aking kamay, gayon hindi iniligtas ng Dios ni Ezechias ang kaniyang bayan sa aking kamay.

18 At siya'y sumigaw ng malakas sa wikang Judio sa bayan ng Jerusalem na nasa kuta, upang takutin sila, at upang bagabagin sila; upang kanilang masakop ang bayan.

19 At sila'y nangagsalita tungkol sa Dios ng Jerusalem, na gaya sa mga dios ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

20 At si Ezechias na hari, at si Isaias na propeta na anak ni Amos, ay nagsidalangin dahil dito, at nagsidaing sa langit.

21 At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel, na naghiwalay ng lahat na makapangyarihang lalaking may tapang, at ng mga pangulo at mga pinunong kawal, sa kampamento ng hari sa Asiria. Sa gayo'y bumalik siya na nahihiya sa kaniyang sariling lupain. At nang siya'y dumating sa bahay ng kaniyang dios, ay pinatay siya roon ng tabak ng nagsilabas sa kaniyang sariling tiyan.

22 Ganito iniligtas ng Panginoon si Ezechias at ang mga taga Jerusalem sa kamay ni Sennacherib na hari, sa Asiria, at sa kamay ng lahat na iba, at pinatnubayan sila sa bawa't dako.

23 At marami ay nangagdala ng mga kaloob ng Panginoon sa Jerusalem, at ng mga mahalagang bagay kay Ezechias na hari sa Juda: na anopa't siya'y nataas sa paningin ng lahat na bansa mula noon.

24 Nang mga araw na yao'y nagkasakit ng ikamamatay si Ezechias: at siya'y dumalangin sa Panginoon; at siya'y nagsalita sa kaniya, at binigyan niya siya ng tanda.

25 Nguni't si Ezechias ay hindi nagbayad uli ng ayon sa kabutihang ginawa sa kaniya; sapagka't ang kaniyang puso ay nagmataas: kaya't nagkaroon ng kapootan sa kaniya, at sa Juda, at sa Jerusalem.

26 Gayon ma'y nagpakababa si Ezechias dahil sa kapalaluan ng kaniyang puso, siya, at gayon din ang mga taga Jerusalem, na anopa't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga kaarawan ni Ezechias.

27 At si Ezechias ay nagkaroon ng malabis na mga kayamanan at karangalan: at siya'y nagtaan para sa kaniya, ng mga ingatang-yaman na ukol sa pilak, at sa ginto; at sa mga mahalagang bato, at sa mga espisia, at sa mga kalasag, at sa lahat na sarisaring mabubuting mga sisidlan:

28 Mga kamalig din naman na ukol sa saganang trigo, at alak at langis; at mga silungan na ukol sa lahat na sarisaring hayop, at mga silungan na ukol sa mga kawan.

29 Bukod dito'y nagtaan siya sa kaniya ng mga bayan, at mga pag-aari na mga kawan at mga bakahan na sagana: sapagka't binigyan siya ng Dios ng maraming tinatangkilik.

30 Ang Ezechias ding ito ang nagpatigil ng pinakamataas na bukal ng tubig sa Gihon, at ibinabang tuloy sa dakong kalunuran ng bayan ni David. At si Ezechias ay guminhawa sa lahat ng kaniyang mga gawa.

31 Gayon ma'y sa bagay ng mga sugo ng mga prinsipe sa Babilonia, na nangagsugo sa kaniya upang magusisa ng kagilagilalas na gawa sa lupain ay pinabayaan siya ng Dios upang tikman siya, upang kaniyang maalaman ang lahat na nasa kaniyang puso.

32 Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, narito, nangakasulat sa pangitain ni Isaias na propeta na anak ni Amos, na aklat ng mga hari, sa Juda at Israel.

33 At si Ezechias ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa ahunan ng mga libingan ng mga anak ni David: at binigyan siyang karangalan ng buong Juda at ng mga taga Jerusalem sa kaniyang kamatayan. At si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain