Historical
108 Ang aking puso'y matatag, Oh Dios; ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri, ng aking kaluwalhatian.
2 Kayo'y gumising, salterio at alpa: ako ma'y gigising na maaga.
3 Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan: at ako'y aawit ng mga pagpuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
4 Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila sa itaas sa mga langit, at ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga alapaap.
5 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas sa mga langit: at ang iyong kaluwalhatian sa ibabaw ng buong lupa.
6 Upang ang iyong minamahal ay maligtas, magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.
7 Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako'y magsasaya: aking hahatiin ang Sichem, at susukatin ko ang libis ng Sucoth.
8 Galaad ay akin; Manases ay akin; ang Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo: Juda'y aking cetro.
9 Moab ay aking hugasan; sa Edom ay ihahagis ko ang aking panyapak: sa Filistia ay hihiyaw ako.
10 Sinong magpapasok sa akin sa bayang nakukutaan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
11 Hindi ba ikaw Oh Dios na nagtakuwil sa amin, at hindi lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo?
12 Gawaran mo kami ng tulong laban sa kaaway; sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 Sa tulong ng Dios ay gagawa kaming may katapangan: sapagka't siya ang yayapak sa aming mga kaaway.
109 Huwag kang mapayapa, Oh Dios na aking kapurihan;
2 Sapagka't ang bibig ng masama at ang bibig ng magdaraya ay ibinuka nila laban sa akin: sila'y nangagsalita sa akin na may sinungaling na dila.
3 Kanilang kinulong ako sa palibot ng mga salitang pagtatanim, at nagsilaban sa akin ng walang kadahilanan.
4 Sa kabayaran ng aking pagibig ay mga kaaway ko sila: nguni't ako'y tumatalaga sa dalangin.
5 At iginanti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, at pagtatanim sa pagibig ko.
6 Lagyan mo ng masamang tao siya: at tumayo nawa ang isang kaaway sa kaniyang kanan.
7 Pagka siya'y nahatulan, lumabas nawa siyang salarin; at maging kasalanan nawa ang kaniyang dalangin.
8 Maging kaunti nawa ang kaniyang mga kaarawan; at kunin nawa ng iba ang kaniyang katungkulan.
9 Maulila nawa ang kaniyang mga anak, at mabao ang kaniyang asawa.
10 Magsilaboy nawa ang kaniyang mga anak, at mangagpalimos; at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga dakong guho.
11 Kunin nawa ng manglulupig ang lahat niyang tinatangkilik; at samsamin ng mga taga ibang lupa ang kaniyang mga gawa.
12 Mawalan nawa ng maawa sa kaniya; at mawalan din ng maawa sa kaniyang mga anak na ulila.
13 Mahiwalay nawa ang kaniyang kaapuapuhan; sa lahing darating ay mapawi ang kaniyang pangalan.
14 Maalaala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kaniyang mga magulang; at huwag mapawi ang kasalanan ng kaniyang ina,
15 Mangalagay nawa silang lagi sa harap ng Panginoon, upang ihiwalay niya ang alaala sa kanila sa lupa.
16 Sapagka't hindi niya naalaalang magpakita ng kaawaan, kundi hinabol ang dukha at mapagkailangan, at ang may bagbag na puso, upang patayin.
17 Oo, kaniyang inibig ang sumpa, at dumating sa kaniya; at hindi siya nalulugod sa pagpapala, at malayo sa kaniya.
18 Nagsusuot naman siya ng sumpa na parang kaniyang damit, at nasok sa kaniyang mga loob na bahagi na parang tubig, at parang langis sa kaniyang mga buto.
19 Sa kaniya'y maging gaya nawa ng balabal na ibinabalabal, at gaya ng bigkis na ibinibigkis na lagi.
20 Ito ang kagantihan sa aking mga kaaway na mula sa Panginoon, at sa kanilang nangagsasalita ng kasamaan laban sa aking kaluluwa.
21 Nguni't gumawa kang kasama ko, Oh Dios na Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan: sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti, iligtas mo ako,
22 Sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan, at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y yumayaong gaya ng lilim pagka kumikiling: ako'y itinataas at ibinababa ng hangin na parang balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina sa pagaayuno, at ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako nama'y naging kadustaan sa kanila: pagka kanilang nakikita ako, kanilang pinagagalawgalaw ang kanilang ulo.
26 Tulungan mo ako, Oh Panginoon kong Dios; Oh iligtas mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob:
27 Upang kanilang maalaman na ito'y iyong kamay; na ikaw, Panginoon, ang may gawa.
28 Sumumpa sila, nguni't magpapala ka: pagka sila'y nagsibangon, sila'y mangapapahiya, nguni't ang iyong lingkod ay magagalak.
29 Manamit ng kasiraang puri ang mga kaaway ko, at matakpan sila ng kanilang sariling kahihiyan na parang balabal.
30 Ako'y magpapasalamat ng marami ng aking bibig sa Panginoon; Oo, aking pupurihin siya sa gitna ng karamihan.
31 Sapagka't siya'y tatayo sa kanan ng mapagkailangan, upang iligtas sa kanilang nagsisihatol ng kaniyang kaluluwa.
110 Sinabi ng Panginoon sa aking panginoon, umupo ka sa aking kanan, hanggang sa aking gawing tungtungan mo ang iyong mga kaaway.
2 Pararatingin ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion: magpuno ka sa gitna ng iyong mga kaaway.
3 Ang bayan mo'y naghahandog na kusa sa kaarawan ng iyong kapangyarihan, sa kagandahan ng kabanalan: mula sa bukang liwayway ng umaga, ikaw ay may hamog ng iyong kabinataan.
4 Sumumpa ang Panginoon, at hindi magsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melchisedech.
5 Ang Panginoon sa iyong kanan ay hahampas sa mga hari sa kaarawan ng kaniyang poot.
6 Siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, kaniyang pupunuin ng mga bangkay ang mga pook; siya'y manghahampas ng ulo sa maraming lupain.
7 Siya'y iinom sa batis sa daan: kaya't siya'y magtataas ng ulo.
111 Purihin ninyo ang Panginoon. Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid, at sa kapisanan.
2 Ang mga gawa ng Panginoon ay dakila, siyasat ng lahat na nagtatamo ng kaligayahan diyan.
3 Ang kaniyang gawa ay karangalan at kamahalan: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
4 Kaniyang ginawa ang kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalahanin: ang Panginoon ay mapagbiyaya at puspos ng kahabagan.
5 Siya'y nagbigay ng pagkain sa nangatatakot sa kaniya: kaniyang aalalahaning lagi ang kaniyang tipan.
6 Kaniyang ipinakilala sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan: lahat niyang mga tuntunin ay tunay.
8 Nangatatatag magpakailan-kailan man, mga yari sa katotohanan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kaniyang bayan; kaniyang iniutos ang kaniyang tipan magpakailan man: banal at kagalanggalang ang kaniyang pangalan.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.
112 Purihin ninyo ang Panginoon. Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon, na naliligayang mainam sa kaniyang mga utos.
2 Ang kaniyang binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa; ang lahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Kaginhawahan at kayamanan ay nasa kaniyang bahay: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
4 Sa matuwid ay bumabangon ang liwanag sa kadiliman: siya'y mapagbiyaya at puspos ng kahabagan, at matuwid.
5 Ang ikabubuti ng taong mapagbiyaya at nagpapahiram, kaniyang aalalayan ang kaniyang usap sa kahatulan.
6 Sapagka't siya'y hindi makikilos magpakailan man; ang matuwid ay maaalaalang walang hanggan.
7 Siya'y hindi matatakot sa mga masamang balita: ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon.
8 Ang kaniyang puso ay natatag, siya'y hindi matatakot, hanggang sa kaniyang makita ang nasa niya sa kaniyang mga kaaway.
9 Kaniyang pinanabog, kaniyang ibinigay sa mapagkailangan; ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man, ang kaniyang sungay ay matataas na may karangalan.
10 Makikita ng masama, at mamamanglaw; siya'y magngangalit ng kaniyang mga ngipin, at matutunaw: ang nasa ng masama ay mapaparam.
113 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon, purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon.
2 Purihin ang pangalan ng Panginoon mula sa panahong ito at magpakailan man.
3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon ang pangalan ng Panginoon ay pupurihin,
4 Ang Panginoon ay mataas na higit sa lahat ng mga bansa, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa itaas ng mga langit.
5 Sino ang gaya ng Panginoon nating Dios, na may kaniyang upuan sa itaas,
6 Na nagpapakababang tumitingin ng mga bagay na nangasa sa langit at sa lupa?
7 Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, at itinataas ang mapagkailangan mula sa dumi;
8 Upang maupo siya na kasama ng mga pangulo, sa makatuwid baga'y ng mga pangulo ng kaniyang bayan.
9 Kaniyang pinapagiingat ng bahay ang baog na babae, at maging masayang ina ng mga anak. Purihin ninyo ang Panginoon.
114 Nang lumabas ang Israel sa Egipto, ang sangbahayan ni Jacob mula sa bayang may ibang wika;
2 Ang Juda ay naging kaniyang santuario, ang Israel ay kaniyang sakop.
3 Nakita ng dagat, at tumakas; ang Jordan ay napaurong.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong parang mga lalaking tupa, ang mga munting gulod na parang mga batang tupa.
5 Anong ipakikialam ko sa iyo, Oh dagat, na ikaw ay tumatakas? sa iyo Jordan, na ikaw ay umuurong?
6 Sa inyo mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong parang mga lalaking tupa; sa inyong mga munting gulod, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, ikaw na lupa, sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng Dios ni Jacob;
8 Na pinapagiging tipunan ng tubig ang malaking bato. Na bukal ng tubig ang pingkiang bato.
Public Domain